OPINYON - Biella Anne Marie Menil
May mga kalabang walang mukha—hindi nahahawakan ngunit ramdam ang bigat; hindi naipapakita ang sugat dahil ang mismong katawan ang tahimik na nakikipagdigma. Dalawang taon na ang nakalipas mula nang matuklasan kong may Polyendocrine Metabolic Ovarian Syndrome (PMOS) ako. Simula noon, tahimik na nagpapaalala ito na hindi mo palaging kontrolado ang sarili mong katawan. Paano mo ipaliliwanag ang sakit na walang sugat o walang lagnat na nasusukat? Sa mundong sanay makakita muna bago maniwala, dagok sa buhay ang patunayan ang labang pinagdaraanang hindi man natatanaw ng mata ngunit araw-araw na tinitiis ng katawan.
Maaaring makaapekto sa regla, obulasyon, hormones, metabolismo, at pangkalahatang kalusugan ng kababaihan ang PMOS. Batay sa datos ng World Health Organization, tinatayang 10–13% ng mga kababaihang nasa reproductive age ang may ganitong kondisyon, habang maaaring umabot sa 70% ang mga babaeng hindi pa ito natutukoy. Patunay ito na hindi maliit ang bilang ng kababaihang nakararanas ng naturang kondisyon.
Marahil, isa sa pinakamabigat na hamon ng pagkakaroon ng PMOS ang kawalan ng katiyakan kung kailan darating ang buwanang dalaw. Habang sapat na sa iba ang pagtingin sa kalendaryo upang matantiya ang susunod na dalaw, kinakailangang maghintay ng mga taong tulad ko sa walang katiyakang petsa. Kaakibat ng paglipas ng araw na hindi ito nararanasan, ang nakapagpapagabag na walang katapusang pag-aalala. Gayunman, sa oras na dumating ito, hindi nangangahulugang tapos na ang problema sapagkat siya namang pagsabay ng matinding pananakit ng puson.
Nakapapagod na hindi maging sigurado sa kalagayan ng iyong sariling katawan. Hindi lamang dahil kailangan mong makasanayan ang mga pagbabago, kundi kinakailangan mo ring matutuhang huwag lubusang magtiwala sa mga bagay na dating itinuturing mong ordinaryo. May mga gabing mapapaisip ka kung bakit hindi sumusunod ang katawan mo sa inaasahang takbo nito. Sa likod ng simpleng paghihintay, may pangambang baka may mas malalim na problemang hindi kayang ipakita ng katawan.
Ngunit hindi lamang regla ang nagbabago, sapagkat kasabay nito ang mga pagbabagong mas madaling mapansin ng ibang tao—tigyawat, pagbabago sa buhok at balat, at biglaang pagtaas o pagbaba ng timbang. Ito marahil ang kapansin-pansing dahilan upang madaling mapuna ng ibang tao. “Parang tumaba ka.” “Bawasan mo ang pagkain mo.” Iilang salita lamang, ngunit sa likod ng mga ito ang bigat na pasan ng katawan mong pilit sinusubukang unawain. Madalas nating isiping simpleng usapin lamang ng disiplina ang timbang. Maiuugnay ang PMOS sa insulin resistance at obesity—sapat na batayan upang hindi maliitin at ituring ang simpleng pagpapayat bilang solusyon sa lahat.
Bukod dito, ang pakikipagtunggali sa sarili sa harap ng salamin sapagkat dala natin ang pamantayan ng lipunan tuwing humaharap dito. Ipinakita nina Fardouly at Vartanian sa kanilang pananaliksik noong 2016 na may kaugnayan sa mataas na body dissatisfaction ang madalas na pagkompara ng sarili sa iba. Sa bawat paghahambing, mas nagiging madali para sa ating makita ang mga bagay na kakaiba kaysa sa mga bagay na mayroon tayo. Sa sandaling katawan ang maging sukatan ng halaga, nagiging kulungan ang salamin imbes na repleksiyon ng sariling katatagan. Sa halip na makita ang sarili, natututo tayong hanapin ang bersiyong pasok sa pamantayang itinakda ng iba.
May mga salitang payak, ngunit maaaring maging mabigat tuwing paulit-ulit na ipinapambalewala sa nararamdaman ng isang tao. Ngunit kapag nakikipagbuno ang isang babae sa kondisyong hindi agad napapansin, napakadaling ibaba ito sa pagiging normal. Tunay ngang normal ang irregular na regla, ang pagbabago sa katawan, at ang mapagod—hanggang gamitin ang salitang ‘normal’ bilang pangmamaliit upang patahimikin ang problemang hindi tunay na naglalaho.
Hindi sapat ang simpleng pag-unawa sa mga babaeng may ganitong kondisyon kung pakikiramay lamang ang tugon. Kailangan ng lipunan na matutong makinig, at kilalanin ng mga paaralan at trabaho ang pangangailangang pangkalusugan ng kababaihang nakararanas ng PMOS. May tungkulin din ang pamahalaang gawing abot-kamay ang konsultasyon, pagsusuri, gamot, at edukasyong pangkalusugan. Hindi dapat maging pribilehiyo ng iilan ang wastong pangangalaga, lalo na at hindi lahat may kakayahang pinansiyal para rito. Panahon na upang matutuhang paniwalaan ang kababaihan nang hindi hinihingi ang patunay ng kanilang paghihirap.
Para sa mga babaeng patuloy na nakikipamuhay sa PMOS, hindi kailangang ikahiya ang mga araw na pilit tinitiis upang kayanin. Hindi kailangang humingi ng tawad dahil kailangan munang pakinggan ang katawan. Higit sa lahat, hindi kailangang paniwalaan ang mundong nagsasabing kailangan munang makita ang sakit bago ito kilalanin.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH