Likha ni Aragorn Demoral at retrato mula UAAP Season 88 Media Team
Likha ni Aragorn Demoral at retrato mula UAAP Season 88 Media Team
ISPORTS - David Ching
Sa likod ng pakikipagsagupaan upang wasakin ang tore at base ng kalaban, may mga mithiin sa puso ng mga atleta na unti-unting napupunan. Nag-iwan ang De La Salle University (DLSU) Green Aces Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) Team ng samot-saring bakas ng kanilang solidong samahan sa kabuoan ng kanilang kampanya bilang mga opisyal na kinatawan ng Pamantasan.
Sinilip ng Ang Pahayagang Plaridel ang bawat pasikot-sikot sa landas na tinahak ng luntiang koponan patungo sa makasaysayang panapos mula sa mga balintataw ng kanilang exp laner Nixon Ong, gold laner Gab Sanchez, at Manager Ally Manzano.
Hamon ng nakaraan
Lingid sa kaalaman ng nakararami, may panahong urong-sulong ang presensiya ni Ong sa Taft-based squad dulot ng kaniyang paghihirap na balansehin ang mabigat na responsibilidad dala ng kursong Industrial Engineering at ang mga ekspektasiyon sa kaniya bilang isang atleta. Salaysay ng beterano, may mga pagkakataong kinakailangan niyang mamili sa pagitan ng pag-aaral at paghahanda para sa parating na torneo. Dulot nito, nagmistulang reaktor na nalunod sa mga palaisipan ang kaniyang pag-iisip na naging sanhi ng pansamanatalang paglisan sa koponan.
Gayunman, pagkatapos balasahing muli ang kaniyang mga baraha, hindi naatim ni Ong na basta na lang iwan ang kislap ng mga ilaw sa entabladong minsan niya nang pinagbidahan. Paglalahad niya, “[Competing] became more than just a game or an extracurricular activity. It became something that challenged me, gave me meaningful experiences, and allowed me to grow with my teammates.” Muling bumalik ang beterano upang maging isa sa mga sangkap ng pagsungkit ng kampeonato sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 MLBB Tournament.
Matapos hiranging kampeon, patuloy na pinanghawakan ni Ong ang tibay ng samahan sa pagitan ng Taft mainstays upang ipagpatuloy pa ang pangkolehiyong karera sa kasukdulan. Nanaig sa kaniyang puso ang kagustuhang ipamalas ang gilas ng mga Lasalyano nang muling tanggapin ang hamon na irepresenta ang DLSU sa UAAP Esports 2026 sa huling pagkakataon.
Naisulat na legasiya
Sa kabila ng pag-ukit ng reverse sweep kontra Adamson University Soaring Falcons sa semifinals match at anihin ang karapatang depensahan ang kampeonato, kinapos ang puwersa ng Taft-based squad kontra National University Bulldogs at pumirme sa ikalawang gantimpala buhat ng kabiguang magpasiklab ng isa pang reverse sweep sa MVP Studios nitong Agosto 26.
Nabigo man ang mga taga-Taft na depensahan ang kanilang trono, itinuon ni Sanchez ang kaniyang atensiyon hindi lamang sa iisang resulta kundi sa kabuoang proseso ng kanilang pagpapagal. Aniya, “I think what I’ll treasure the most isn’t just the wins, championships, or memorable plays. It’s really the people I shared the journey with.” Nagagalak ding ipinahayag ni Manzano ang kaniyang pagmamalaki sa pagkahinog ng koponan sa loob ng apat na taong pinagsamahan—hindi lamang pagdating sa gilas kundi pati na rin sa emosyonal na aspekto.
Sa paglisan nina Ong, Sanchez, Manzano, kasama ng kanilang mga kasamahang sina Joshua Tating, Clement Chua, at Team Captain Ryu Godoy sa Green Aces, tila pira-pirasong piyesa na kailangan ng metikulosong pagkukumpuni ang kasalukuyang lagay ng pangkat. Subalit, determinadong hinamon ngunit banayad ding pinaalalahanan ni Sanchez ang mga susunod na tagapagwagayway ng Berde at Puting bandila sa Land of Dawn. “I hope you continue what we started and take it even further. Enjoy every game, treasure your teammates, and always remember who and what you’re playing for. Represent the Green and White with pride,” saad ng tubong Bulacan.
Sa apat na taong pagsasama mula pa sa panahong nasa ilalim pa ng organisasyong Viridis Arcus hanggang sa umusbong sa UAAP ang kanilang larangan at tuluyang kilalanin ng Office of Sports Development bilang DLSU Green Aces MLBB Team, nakapag-akda ang Taft-based squad ng aklat na gawa sa mga kumikinang na pahinang naglalaman ng kanilang mga tagumpay dulot ng sama-samang pagpanday sa anumang balakid na humarang sa kanilang hanay.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH