Likha ni Aragorn Demoral
Likha ni Aragorn Demoral
ISPORTS - Christine Janelle Teves
Pagmulat sa panibagong yugto, walang mag-isang tumitindig. Sapagkat, kaagapay muli sa pag-araro ng mga atleta ang mga lingkod na nakakubli lamang sa anino—mga gumaganap ng mahahalagang papel sa makinang na paglalakbay ng mga manlalaro.
Sa pagpasok ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 89 sa darating na Setyembre 12, inilatag ng pamantasang punong-abala na Far Eastern University (FEU) ang temang #ForEveryoneUAAP na tumatanglaw hindi lamang sa mga atleta, kundi para sa mga taong kinukompleto ang diwa ng pampalakasan at nagbibigay kabuluhan sa samahan.
Pagsiyasat sa lente ng tema
Hindi sapat ang sumilip sa maliit na butas upang maintindihan ang kabuoang imahen ng hagalpak at kabiguan ng mga bida sa kuwento. Hindi sa pagtutok makikita ang detalye, kundi sa pagpapalawak ng lente. Dito, makikitang hindi lamang manlalaro ang mga karakter sa entablado.
“As this season’s host, FEU wants #ForEveryoneUAAP to be more than a theme. It is our commitment to make every member of the UAAP community feel that they belong.“ ani Rowena Capulong Reyes, vice president ng Corporate Affairs ng FEU.
Lumulubog ang tema sa mga kamay ng tagapagsanay na unang umaagapay sa mga atleta bago at matapos ang bakbakan, mga estudyanteng mamamahayag na nagsisiwalat ng kuwento at retratong saksi sa bawat laban, at mga tagahangang humihiyaw ng suporta na dumadagundong sa lugar ng mga laro. Higit ding pinahahalagahan nito ang mga maintenance staff, volunteers, alumni, partners, at marami pang iba na sama-samang humuhubog sa himig ng UAAP.
Sa pagkilala sa mga nagsisilbing pundasyon ng UAAP, bitbit ng FEU ang panatang “Be Brave” na kumakatawan bilang panawagan sa lahat na makilahok nang may integridad, suporta, at patatagin ang mga ugnayang nagbubuklod sa buong torneo.
Pasilip sa pagbubukas ng ekspedisyon
Upang bigyang-daan ang mga tungkulin ng mga estudyanteng manlalaro na kasama sa mga magwawagayway ng bandila ng Pilipinas—kabilang ang Gilas Pilipinas sa paparating na 20th Asian Games sa Nagoya, Japan, at FIBA 3x3 Under-23 World Cup 2026 sa Wuhan, China—paiikliin sa limang araw lamang ang magiging bakbakan ng UAAP Season 89 Collegiate Basketball Tournament sa buwan ng Setyembre.
Bunsod ng mga pagbabagong ito, nagpahayag ng pasasalamat si Samahang Basketbol ng Pilipinas Executive Director Erika Dy sa suporta ng UAAP. “The support of the UAAP is important to our national team programs, especially with so many of our student-athletes being called up to represent the country,” sambit niya.
Ipinabatid din ni UAAP Season 89 President Mark Molina ng FEU ang taos-pusong suporta nito para sa naturang inisyatiba. Bilang bahagi ng diwa ng kompetisyon, suportado ang UAAP sa paghubog sa kakayahan at sa bawat araw na iginugugol para sa paghahanda at ensayo ng mga estudyanteng atleta upang ibandera ang Pilipinas sa pandaigdigang entablado. Hawak ang paninindigang ito, handa ang UAAP na gumawa ng pagbabago sa iskedyul para sa ikabubuti ng bawat estudyanteng manlalaro.
Pagsapit ng Setyembre 13, unang masasaksihan ang pagbabalik ng defending champion na De La Salle University Green Archers sa entablado ng UAAP kontra National University Bulldogs para sa UAAP Season 89 Basketball Tournament sa ika-2:30 n.h. sa Smart Araneta Coliseum.
Sa paglisan ng mga beteranong sina Mike Phillips, Kean Baclaan, at EJ Gollena, muling dedepensahan ng Green Archers ang naipundar na trono sa pangunguna nina Jacob Cortez, Earl Abadam, Luis Pablo, at Doy Dungo, kasama ang bagong salta mula sa Gilas Pilipinas Youth na si Joaquin Tovera.
Mula sa mga kamay sa likod ng laban hanggang sa mga atletang humaharap sa gitna ng bakbakan, may mahalagang bahaging humuhubog sa diwa ng pampalakasan. Sapagkat hindi mabubuo ang kuwento nang may naiiwang tinig sa gilid, at hindi lilinaw ang larawan habang may mananatiling nakakubli sa anino.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH