Dibuho ni Aragorn Demoral
Dibuho ni Aragorn Demoral
ISPORTS - Raima Ninaeliz Bagasbas, Julia Hermione Go, at Kyle Andrei Nicolo San Jose
KUMARIPAS tungo sa rurok ang De La Salle University (DLSU) Men’s at Women’s Golf Team matapos angkinin ang kampeonato ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Collegiate Golf Tournament.
Kasabay ng dominanteng pagtudla ng Berde at Puting hanay, ibinulsa ng mga kapitan na sina Perry Bucay at Julia Lua ang titulong Most Valuable Player. Higit pang tumingkad ang pag-ukit sa kasaysayan sapagkat ito ang kauna-unahang edisyon sa naturang torneo matapos idagdag ang golf bilang inaugural demonstration sport.
Sa likod ng tamis ng kampeonato, hindi iisang palo ang naghatid sa koponan sa korona. Ibinahagi ng DLSU Golf Team sa panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga kuwentong binalangkas ng kanilang hakbang tungo sa taluktok—mula sa tiwalang ipinagkaloob sa mga kapitan, mga karanasang pinanday ang kanilang kakayahan, at hangaring ipagpatuloy ang panalong tradisyon sa pinakamataas na antas ng collegiate sports sa bansa.
Programang nakaangkla sa tiwala
Upang mabigyan ng puwang na mamuno, ipinaubaya ni head coach Raymond Bunquin sa mga kapitan ang pagpili ng mga isasalang sa bawat araw ng torneo. “I gave the liberty to the captains to choose who to put in which lineup because they’ve been with them and they know their capabilities,” pagbabahagi ni Bunquin sa APP.
Taliwas sa tradisyonal na tagapagsanay, hindi rin inaangkin ni Bunquin ang paghubog sa bawat galaw ng kaniyang mga atleta. Aniya, ipagkakatiwala niya sa mga indibidwal na tagapagsanay ng mga manlalaro ang pagpulido sa teknikal na aspekto tulad ng swing, habang siya naman ang nagdadala ng gabay at estratehiyang hinubog ng sarili niyang karanasan sa mga torneo.
Sa ganitong sistema, napayayabong ang tiwala ng kaniyang manlalaro sa kanilang pagkakakilanlan sa kakayahan ng bawat isa. Ibinahagi niyang ikinatuwa rin niya ang pagbalasa ng mga kapitan at tiwalang ibinigay sa kapuwa manlalaro, na siyang tinitingnang sistema sa pundasyon ng samahang kayang magpatuloy lampas sa nilahukang torneo.
Hinubog ng panahon
Hindi na baguhan para sa luntiang koponan ang marinig ang kalansing ng mga medalya. Bago pa man magbukas ang pinto ng UAAP para sa golf, hawak na ng naturang koponan ang korona ng 2026 ICTSI Intercollegiate Tournament. Bitbit ang reputasyon ng pagiging defending champion patungong entablado ng UAAP, pinagtibay pa ng presensiya ni kapitan Bucay ang kanilang kampanya bilang isang national amateur champion, habang pinatunayan naman ni Lua sa torneo ang kakayahan niyang makipagsabayan sa pinakamahuhusay.
Bago pa man sumalang si Lua sa pang-kolehiyong patimpalak, matagal nang nahasa ang kaniyang husay mula sa mga torneong nilahukan niya noong kabataan. Sa murang edad, natutuhan niyang pamahalaan ang dagok na bitbit ng kaba at pandayin ang tatag ng mentalidad upang makapokus sa kompetisyon.
Hindi rin naging tuwid ang landas na kaniyang tinahak patungo sa tuktok. Kinailangan niyang matutong magtiwala sa proseso ng pagkatuto sapagkat hindi agad nakikita ang resulta ng bawat ensayo. Alalang-alala niya ang ilang araw ng pagsasanay na ginugugol upang matutuhan ang isang technique. Sa paglipas ng panahon, lalong pinanday ng paghahanda ang kaniyang disiplina, pasensiya, at tibay bilang atleta.
“Joining many tournaments when I was younger helped shape me as an athlete,” ani Lua. Dala ang beteranang pag-ugoy ng club, walang bahid na rumagasa si Lua tangan ang 330 stroke upang ibulsa ang indibidwal na kampeonato, kasabay ang pag-arangkada ng 1,056 na stroke para sa team championship. Samantala, sumibat naman si Bucay sa individual championship sa bisa ng 293 stroke, at pinangunahan ang team podium finish sukbit ang 898 stroke.
Pagpapatuloy sa sinimulang kabanata
Naging panibagong hamon ang pagtatanggol sa korona matapos maiuwi ng DLSU ang unang ginto. Sa halip na huminto sa makasaysayang panalo, itinakda ni Bunquin ang pagpapatuloy ng malinis na kartada bilang susunod na layunin ng programa. "To continue the winning tradition. To continue to make our university proud and to represent our university proud, not only by winning but, on how we conduct ourselves in competitions," pagtataya ng punong tagapagsanay.
Nagtapos man ang unang yugto ng UAAP Golf Tournament, dito pa lamang magsisimula ang landas ng DLSU Golf Team. Higit sa koronang unang isinabit sa kanilang pangalan, dala nila ang pamantayang itinakda ng naunang palo at pamamayagpag. Sa bawat manlalarong susunod na tatapak sa luntiang kurso, mananatiling hamon ang panatilihin ang panalong unang naisulat ng DLSU sa kasaysayan ng naturang pampalakasan.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH