Kuha ni Florence Osias
Kuha ni Florence Osias
ISPORTS - Eunisa Miguelle Cabote, Nigel Royce Cruz, at Gavriel Juris Villafria
Muling nagsuot ng luntiang korona ang isang Cortez.
Umalingawngaw ang pamilyar na apelyido sa tugatog ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Men’s Basketball Tournament matapos pangunahan ni Jacob Cortez ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa ika-11 kampeonato nito—22 taon matapos sungkitin ng kaniyang ama ang parehong titulo.
Binalikan ni dating DLSU Green Archer Mike Cortez sa panayam sa Ang Pahayagang Plaridel ang kaniyang pananaw sa makasaysayang tagumpay na nagtagpo sa dalawang henerasyon.
Anino ng unang henerasyon
Lingid sa kaalaman ng nakararami, una nang umingay ang pangalan sa torneo nang maging bahagi si Cortez M. na sinungkit ang kampeonato noong Season 63 at 64. Tangan ang liksi at husay ng tinaguriang “Cool Cat,” higit na tumatak sa basketbolista ang kapatirang nabuo at pamayanang Lasalayanong nagsilbing sandigan sa bawat laban.
Kaparang kuwento ang isinalaysay ng dating naging estudyanteng-atleta matapos harapin ang landas na pinagsasabay ang klase at pag-eensayo. Makalipas ang dalawang dekada, nanumbalik ang parehong kabanata nang tahakin naman ng kaniyang anak na si Jacob ang parehong landas bilang bahagi ng parehong koponan.
Pinapasang apelyido
Hindi lamang sa loob ng kort hinubog ang husay ng kaniyang mga anak. Maagang ipinasa ni Cortez M. ang mga aral sa pangangalaga ng katawan hanggang sa maagang pagkamulat sa buhay ng propesyonal na atleta sa Philippine Basketball Association. Ito rin ang naging kalaunang naging puhunan ni Cortez J. pagdating ng kolehiyo, partikular kasama ang San Beda University Red Lions sa National Collegiate Athletic Association Season 99 hanggang sa pagtalunton ng kaniyang karera sa Taft.
Sa paglipat tungong DLSU kasabay ang nakababatang kapatid na si Mikey Cortez, binitbit ng kinilalang “Cool Cub” ang apelyidong batid na sa kasaysayan ng koponan. Kasabay ng pagtapak sa anino ng kaniyang ama, itinutok sa kaniya ang mga ekspektasyong umukit ng panibagong legasiya. Gayunpaman, hindi nabagabag si Cortez M. sapagkat patuloy niyang itinatatak ang mga aral ng tiwala at kumpiyansa. “No one expected him to become the player he became. When he started to get honor[s]. . . he still stayed humble,” pagpapalagay ng two-time UAAP champion.
Sa sentro ng mga ilaw
Mula sa gilid ng kort, nasubaybayan ni Cortez M. ang bawat liko ng kampanya ng Taft-based squad nitong Season 88. Nasalanta man ng mga injury at malagay sa bingit ng eliminasyon sa pagtungtong sa semifinals sa ikaapat na puwesto, saksi siyang hindi nagpadaig ang mga Berde at Puting hanay.
Pinataob ng Green Archers ang may twice-to-beat na bentahang National University Bulldogs bago tuluyang agawin ang korona kontra University of the Philippines Fighting Maroons.
Matapos ang hudyat ng pagtatapos ng Finals Game 3, nasulyapan ang pagpasa ng bola ng Cool Cub tungo sa kaniyang ama. Saglit na nagtagpo sa isang payak na galaw ng dalawang panahong pinagbuklod ng parehong numero, apelyido, at uniporme. “The exact feeling I felt was fulfillment,” pagbabalik-tanaw ni Cortez M. nang masilayan ang panibagong yugtong binuksan ng kaniyang anak.
Hindi pa rito ang sukdulan ng pahina ng pamilyang kilala na sa pamamayagpag sa UAAP basketball. Nagtapos man ang panahon ng Cool Cat sa loob ng kort, batid niyang patuloy na aagos ang kuwento at husay ng apelyidong pinanday sa Pamantasan—ngayon, sa henerasyon ng kaniyang mga anak upang pasilayin ang panibagong pangarap na magniningning at hindi alintana ang anino ng kanilang apelyido.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH