Kuha ni Leslie Bendoy
Kuha ni Leslie Bendoy
ISPORTS - John Xavier De Los Angeles at Xavier Ferdinand Quinto
ISINASABUHAY sa paghiyaw ng “Animo” ang diwang laging tumitingala sa mas mataas na layunin. Ikinintal sa De La Salle University (DLSU) Animo Squad na hindi lamang pagsubok sa lakas at tiwala ang bawat stunt at toss, bagkus ito ang paalalang pundasyon ng kanilang pag-angat ang mga taong handang umalalay.
Binalangkas ni Coach Marlon Domingo sa kaniyang pagbabahagi sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, binalangkas niya ang mga pagsubok at mga oportunidad sa pagbabalik sa luntiang Pamantasang minsan na rin niyang tinawag na tahanan.
Bunga ng paglisan
Hindi na estranghero si Domingo sa Taft-based squad. Mula 2011 hanggang 2016, naging bahagi siya ng coaching staff na inukit ang pangalan ng DLSU sa larangan ng cheerdance competition ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Sa loob ng apat mula sa anim na taong paninilbihan, ibinahagi niya ang kaniyang oras at kaalaman bilang volunteer coach sa ngalan ng pagmamahal sa pagtuturo. Gayunpaman, kinailangan niyang lisanin ang koponang minsan niyang tinulungang buoin upang harapin ang panibagong yugto ng kaniyang karera.
Sa kaniyang paglayo, nagsilbi siya bilang accredited judge ng International Cheer Union at noong 2023 muli niyang pinatunayan ang kaniyang husay matapos italagang head coach ng Philippine cheerleading team.
Pagkaraan ng walong taon, muling binuksan ng DLSU ang pinto para kay Domingo upang pamunuan ang Animo Squad. Bagama't nagdalawang-isip noong una, nanaig ang kaniyang hangaring maitaguyod ang kulturang nais niyang maging pundasyon ng koponan. “I was excited to share my knowledge and everything I learned throughout my cheerleading career,” aniya.
Bagong haligi
Bitbit ni Domingo ang panibagong direksiyon kasabay ng pagdating ng bagong hanay ng mga tagapagsanay. Aminado siyang hindi naging madali ang pagkuha ng tiwala sa mga atleta, lalo na sa isang koponang matagal nang nasadlak sa ibang sistema ng pagsasanay. Gayunman, unti-unting ipinakita ng coaching staff na nakatuon ang pagbabagong kanilang ipinatutupad sa kapakanan ng mga atleta at sa pangmatagalang pag-unlad ng programa.
Binigyang-diin din ni Domingo ang kahalagahan ng matibay na pundasyon sa cheerleading. Pinagtutuunan niya ang masusing pagsasanay sa mga batayang kasanayan, tulad ng proper spotting at catching, para matiyak ang kaligtasan at maayos na pagtatanghal ng koponan. Para sa kaniya, mahalagang mahasa muna ang mga pundamental bago sumubok sa mas komplikadong routine.
Bukod sa teknikal na aspekto ng cheerleading, tinutukan din ng mga bagong tagapagsanay ang paghubog ng kultura ng koponan. Itinaguyod nila ang ugnayang nakabatay sa tiwala, malasakit, at bukas na komunikasyon upang palakasin ang pag-unawa at pagkakaisa sa loob ng grupo. “We can't hold them by the neck because it won't help them, and it won't help you as a coach,” paliwanag ni Domingo.
Pagtanaw sa hinaharap
Bagama't muling nagtapos sa ikapitong puwesto ang Animo Squad nitong UAAP Season 88, naniniwala si Domingo na higit pa sa ranggo ang sukatan ng tagumpay. Para sa kaniya, mahalaga ang positibong pagbabagong itinanim niya sa mga atleta na nakikita ng pamayanang Lasalyano at sa mga masugid na tagasuporta ng koponan.
Sa paghahanda sa Season 89, itinutok ng Animo Squad ang kanilang layunin sa mas mataas na mithiin. Hangad ni Domingo na maipamana sa mga atleta ang diwa ng pagmamahal sa koponan, sa kapuwa atleta, at sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kasabay nito, nais niyang muling makilala ang Animo Squad bilang isang podium team at maipanumbalik ang karangalang minsang naging tatak ng programa.
Bawat hakbang pasulong sa inaasam na tugatog, gagabay ang punong tagapagsanay bitbit ang luntiang bandila. Sa kaniyang pagtapak sa pamilyar na entablado, nais ikintal ni Domingo ang mga aral na higit pa sa pagkamit ng medalya at tropeo—“Mata sa langit, paa sa lupa.”
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH