Ano ang ALS?
Ang ALS o “Alternative Learning System” ay programa ng Kagawaran ng Edukasyon na may layuning magbigay ng pagkakataon ang mga “out-of-school children, youth and adult” (OSCYA) na makapagpatuloy at makapagtapos ng basic education.
Ang sertipikong makukuha sa “Accreditation and Equivalency Program” ay maaaring magamit sa pagtatrabaho at makapagpagtuloy sa pag-aaral. Mayroon ding ALS Basic Literacy Program (BLP) para sa mga hindi marunong magbaasa
magsulat at magbilang.
Libre ang pag-aaral sa ALS.
Ano ang mga programa sa ilalim ng ALS?
Basic Literacy Program (BLP) – ito ay para sa mga OSCYA na hindi marunong magbasa, magsulat at magbilang.
Accreditation and Equivalency Program (A&E) – ito ay para sa mga mayroong basic literacy skills pero hindi nakapagtapos ng pag-aaral sa elementarya at sekondarya.
Informal Education (INFED) – ito ang programang tumutulong para patuloy
na matuto at mahasa ang practical skills ng mga mag-aaral para sa kanyang sarili, sa kanyang pangkabuhayan, at sa kanyang pamayanan.
Ilang taon ang pwedeng mag-aral sa ALS?
Narito ang mga edad na dapat tandaan upang makapagpalista at siya lamang din ang pinapayuhang makakuha ng A & E exam:
Basic Literacy Program at A & E Elementary
- 12 taong gulang pataas
A & E Junior High School
- 16 taong gulang pataas
Ang OSC na 11 taong gulang pababa ay pinapayuhan mag-patuloy sa pormal na paaralan at doon ay maaari siyang kumuha ng iba pang Alternative Delivery Mode sa aming lungsod.
Ano-ano ang mga kailangan upang makapagpalista sa ALS?
Kakailanganin mag fill-out ng enrolment form para opisyal kang mailista sa programa ng ALS. Narito pa ang mga dapat mong ihandang mga dokumento:
Xerox ng Birth Certificate / Baptismal Certificate / Barangay Certification
2x2 recent ID picture with white background and complete name tag
Form 137 (para lang sa mga galing ng
formal school)
Kahit wala pa ang mga nabanggit na dokumento sa simula ay tatanggapin ka pa rin sa ALS. Habang ikaw ay nag-aaral ay maaari mo itong ayusin. Ito rin ay gagamitin upang ikaw ay makakuha ng A & E exam.
Paano malalaman kung enrolled ka na sa ALS Parañaque?
Kung ikaw ay nakipag-ugnayan sa iyong guro matapos kang makapagpalista at:
ni-register ng iyong Mobile Teacher/ Instructional Manager ang iyong datos sa Learner Information System (LIS) ng DepEd.
Gagamitin ng iyong guro ang mga dokumentong iyong ibnigay sa kanya upang maipasok nya ang iyong pangalan sa LIS. Siguraduhing ito ay malinaw at kumpleto. Bawat mag-aaral sa ALS at formal school ay mayroon lamang isang Learner’s Reference Number (LRN).
Saan mayroong ALS Community Learning Center (CLC) sa Parañaque?
Ang lahat na 16 Barangay sa lungsod ng Parañaque ay mayroong ALS CLC kasama ang nasa detention/rehabilitation centers. Ito ay nahahati sa:
Barangay-based Learning Centers.
- Ito ay lugar na hawak ng mga LGUs, NGOs at Church-Based Organizations. Karaniwan, ang klase rito ay nagaganap tuwing Lunes hanggang Biyernes.
School-based Learning Centers.
- Ang lahat ng pampublikong paaralan sa Parañaque ay mayroong ALS. Karaniwan, ang klase rito ay nagaganap tuwing Sabado at may ilang nag-sasagawa ng Linggo.
Paano makapagpalista sa ALS BLP at A&E sa Parañaque?
Kung nais magpalista sa darating na taong panuruan sa ALS Parañaque City ay bisitahin ang aming official FB Page. At sundin ang mga sumusunod:
Magpadala ng pribadong mensahe sa inbox kung nais magpatala.
Sagutan ng kompleto ang hinihinging impormasyon bago isend.
Maghintay sa confirmation message mula sa iyong magiging ALS Teacher.
Makipag ugnayan sa iyong magiging ALS teacher.
Ang mga personal na impormasyon na iyong ibibigay ay ituturing naming mahalaga at kumpidensyal.
Paano ang magiging paraan ng pag-aaral sa panahong may Covid19?
Gumagamit ang ALS ng iba’t ibang Learning Modalities. Kaya kahit sa panahong may sakuna at anuman pagkagambala ng pasok ay maaari pa ring ituloy ang pag-aaral sa ALS.
- Online Distance Learning – pamamaraan ng pag-aaral gamit ang gadgets at internet.
- Blended Learning – pinagsama-samamg pamamaraan ng pag-aaral kung saan maaari mong gamitin ang mga modules ng ALS,
radio/tv, at kahit ang iyong mga karanasan sa buhay sa tulong ng iyong guro.
- Modified face-to-face Learning – ito ay tradisyonal na pag-aaral sa loob ng silid aralan. Ngunit ito ay kinakailangan ng ibayong pag-iingat sa panahon ng sakuna at direktiba mula sa pamunuan ng DepEd.
Gaano katagal ang pag-aaral sa ALS BLP at A&E Program?
Maaaring tumagal ng humigit kumulang na sampung buwan ang pag-aaral sa ALS. Nakadepende rin ito sa kakayahan at karanasan ng isang mag-aaral hangang dumating ang araw ng A & E exam or Presentation Portfolio Assessment.
Kailan ang unang araw ng pasukan sa ALS?
Ang unang araw ng pasukan sa ALS BLP and A & E Program para sa taong panuruan ay kasabay ng nasa kalendaryo ng formal school. Ito ay maaari pang magbago depende sa magiging anunsyo ng DepEd at ng National Government dulot na rin ng sitwasyon dala ng panganib ng pandemya
Kailan magaganap ang Accreditation & Equivalency (A &E) Exam?
Ang A & E examination ay isang uri ng national assessment ng DepEd para sa lahat ng ALS learners sa elementarya at sekondarya (JHS). Ang layunin nito ay sukatin ang kakayahan ng mag-aaral upang makatapos ng basic education at makakuha ng sertipiko. Karaniwan ay naglalabas ng DepEd Order ang pamunuan isang buwan or higit pa bago ang examination.
Paano makukuha ang Certificate of Rating (COR) at Certificates sa ALS?
Para sa mga kumuha at nakapasa ng A&E exam Batch 2018 pababa at nakapasa sa Presentation Portfolio Assessment ang COR at Sertipiko ay inyong makukuha sa Records Section ng Schools Division Office na matatagpuan sa Victor Medina St. (a.k.a. Kabihasnan St,), San Dionisio, Parañaque City.
Dalhin at ipakita ang mga sumusunod:
- A & E registration claiming stub
- Valid ID
Mayroon bang Senior High School (SHS) sa ALS?
Sa kasalukuyan taong ay pinaghahandaan pa ng pamunuan ng DepEd ang Senior High School Program sa ALS. Kung ikaw ay nakapagtapos ng A & E JHS ay maaari kang magpatuloy ng SHS sa formal school gamit ang iyong sertipikong nakuha. Hindi na rin maaaring tanggapin sa ALS JHS ang learner na nakatapos na ng Grade 10 sa formal school.
Tumutok lamang at patuloy na mag-abang ng opisyal na balita patungkol sa ALS SHS.
Pwede na bang magkolehiyo ang makakapagtapos sa ALS?
Dahil ang ALS sa ngayon ay hangang JHS pa lamang, nangagahulugan itong hindi na maaaring dumiretso sa kolehiyo ang lahat na makakatapos sa ALS simula sa taong 2019. Kakailanganin na ang lahat ng mag-aaral na dumaan muna sa SHS bago ito makapagkolehiyo. Ito ay alinsunod narin sa mga panuntunan ng DepEd at ng CHED.