Mabuhay! Ako si Arwen Nicole M. Lumanog, 15 taong gulang na mag-aaral sa baitang 11, mula sa Mataas na Paaralang Pang-agham ng Maynila. Ang aking interaksyon sa isang miyembro ng deaf community ang nagdala sa akin upang imungkahi ang sign language bilang pokus ng aming proyekto. Ako'y labis na nasisiyahan na ang mga miyembro ng aking pangkat ay may katulad na saloobin sa akin tungkol sa papel na gingagampanan ng sign language sa pag-unlad natin bilang tao, at bilang isang bansa.
"Bakit FSL?" sabi mo? Bilang isang indibidwal na hindi nakaranas ng kawalan sa pandinig, at walang nakakasalamuhang may problema sa pandinig/pagsasalita, ang FSL ay isang bagay na hindi ko nakasasalubong araw. Para sa akin, ang sign language ay isang banyagang konsepto.
"Oo, alam ko kung ano ang sign language. Ngunit bakit ko naman aaralin ito, kung kaya ko naman magsalita gamit ang aking bibig, aking boses? Marami pa akong ibang abalahin sa buhay."
Labing-limang taon, ganiyan ang aking saloobin. Ngunit isang araw, nagbago ang lahat. Maalinsangan ang hapon na iyon, kaya't naisipan kong magpunta sa isang cafe upang magpalamig habang nag-aaral ng aking mga lesson sa paaralan. Nang sasabihin ko na sa kahera ang aking order, itinuro niya ang kaniyang tenga, at nag-abot sa akin ng papel na masusulatan. Sa sandaling iyon, napagtanto ko ang aking kamangmangan, at pagiging makasarili. Nakita ko ang importansya na ma-expose sa iba't ibang kapaligiran, upang makita na hindi puwera hindi ko nararamdaman o nararanasan, ay hindi na maaring maranasan ng iba; at tungkulin ko bilang mamamayan ang makatulong sa kanila kahit kaunti, sa simpleng komunikasyon man lamang.
Ang sign language ay isang bagay na nararapat na alam ng bawat tao, may kapansanan man sa pandinig/pagsasalita, o wala. Ang pag-aaral ng sign language ay nagpapalawak ng ating kakayahang makipag-ugnayan at magtaglay ng empathy sa ating kapwa na may ibang kultura, o karanasan. Sa mundong may 8 bilyon na populasyon, walang dalawang tao ang may magkatulad na karanasan, pamumuhay, at pinag-daraanan; lagi natin itong isaalang-alang, at magkaroon ng bukas na isipan.
Mabuhay! Ako si Precious Moira A. Vizcayno, 16 na taong gulang na isang mag-aaral mula sa baitang 11 ng Mataas na Paaralang Pang-agham ng Maynila.
Nabanggit sa akin ng aking kaibigang si Arwen ang kanyang naging katangi-tanging engkwentro sa kapihan at nang marinig ko ang kwentong ito, agad akong nahikayat at naengganyong matuto ng sign language. Dali-dali akong naghanap ng mga aplikasyon sa aking telepono na makatutulong upang mapalawak ang aking kaalaman ukol dito. Nagsimula ako sa pag-aaral ng American Sign Language (ASL) noong bakasyon at talagang aking pinag-ukulan ng oras at atensyon ang pag-aaral nito. Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, walang tigil ang aking pag-aaral. Hindi ko inakala na mayroon palang sariling sign language ang ating bansa, lalo pa't mas kilala at tanyag ang ASL kumpara sa FSL. Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng proyektong ito, akin pang higit na naunawaan ang Filipino Sign Language; natuklasan ko ang kahalagahan nito sa ating kultura. Sa tulong ng aming maliit na proyekto, nais naming iparating sa mga mambabasa ang halaga at kabuluhan ng ating sariling sign language. Ang pag-aaral ng FSL ay hindi lamang pagpapalawak ng kaalaman, kung hindi isang pamamaraan ng pagbibigay respeto at pagpapahalaga sa kultura at identidad ng ating mga kababayan na may kapansanan sa pandinig o pananalita.
Ang simpleng pagbabahagi ng kwento ng aking kaibigan ay nagdulot ng malaking pagbabago sa aking paniniwala at takbo ng buhay. Ito'y nagsilbing inspirasyon at motibasyon para sa akin sapagkat aking napagtanto na sa paunti-unting pagtanggap ng industriya sa mga taong galing sa komunidad ng mga may kapansanan sa pandinig, mahalaga ring unti-unti nating (hearing) isama ang Filipino Sign Language (FSL) sa ating pang-araw-araw na pamumuhay upang mas makapag-ugnay ng higit na mahusay kapag tayo'y nakasagupa ng mga sitwasyon katulad na lamang nito. Sa Pilipinas, mas angkop at mahalaga ang Filipino Sign Language (FSL) kaysa sa American Sign Language (ASL) sapagkat ito ay wika ng mga Deaf Filipinos at mayroong sariling kultura at identidad. Ang paggamit ng FSL ay nagbibigay-daan sa mas mahusay na komunikasyon at pakikipag-ugnayan ng mga Deaf Filipinos sa kanilang kapwa Pilipino. Sa pamamagitan nito, mas nagiging masigla at makabuluhan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa lipunan. Isa itong makabuluhang hakbang sa pagpapalalim ng ugnayan at pag-unawa sa mga Deaf Filipinos sa ating bansa.
Mabuhay! Ako si Nicola Vince D. Morales, isang 16 na taong gulang na mag-aaral sa baitang 11, mula sa Mataas na Paaralang Pang-agham ng Maynila.
Lumaki ako sa kasama ang mga taong gumagamit ng salitang 'bingi' na may masamang kahulugan. Dahil dito, negatibo rin ang aking pang-unawa sa pagiging bingi.
Nagbago ito noong nabali ang aking paa, dahilan para mawalan ako ng kakayahang maglakad hanggang sa makabawi ako. Sa panahong iyon, kinailangan kong humanap ng mga paraan upang makapunta sa ibang lugar habang iniiwasan ko ang paggamit ng aking paa. Nakagamit ako ng wheelchair, at bago ako tuluyang gumaling, gumamit ako ng walker. Isa pang napansin ko ay maraming mga establisyimento ang walang accessible na istruktura, gaya ng mga rampa. Nahihirapan akong umakyat ng hagdanan, lalo na kung walang tutulong sa akin.
Dahil dito, nauunawaan ko nang lubusan ang mga pinagdadaanan ng mga taong may kapansanan. Kailangan nilang maghanap ng mga paraan upang umangkop sa mga sitwasyon habang sila ay may kapansanan. Kung paanong kailangan ko ang aking wheelchair para makalakad, maraming mga bingi at pipi ay gumagamit ng mga kagamitan upang makipag-usap sa ibang tao. Ang isang paraan para makapag-usap sila ay ang paggamit ng wikang senyas.
Ang wikang senyas ay gumagamit ng mga kamay at galaw, at tulad ng ibang wika, ang mga galaw na ito ay nangangahulugan ng mga salita. Malaking tulong ito sa mga taong bingi o pipi na makipag-usap sa mga nakakarinig at nakakapagsalita.
Tumulong ako na tuparin ang layunin ng proyektong ito na makatulong hindi lamang sa mga may kapansanan sa pandinig at pagsasalita, kundi pati na rin sa mga may kakayahan sa pandinig. Naniniwala ako na dapat din natin silang tulungan na maunawaan tayo tulad ng kanilang pagsisikap na maunawaan natin sila.
Magandang araw! Ako si Sebastian M. Peñafiel, 17 na taong gulang na mag-aaral sa baitang 11, mula sa Mataas na Paaralang Pang-Agham ng Maynila.
Ang deaf at mute o bingi at pipi ay mga salitang iniwasan ko ng buong buhay ko. Hindi ko napansing nagkaroon ng negatibong kahulugan ang mga salitang ito habang ako'y tumatanda, dahil sa hilig ko noon na maglaro sa labas kasama ng mga batang asar-pikon, ang mga pagkakataong marinig ko ang pagbanggit ng bingi o pipi ay kadalasang pang-insulto. Nang ako'y sa bahay na lamang kadalasang nanatili, negatibo pa rin ang tingin ko sa mga salitang ito. Tinrato ko bilang kapansanan na walang kinalaman sa akin.
Nagbago ang paningin ko tungkol sa deafness ng mas napag-aralan ko ito. Ang aking pag-aaral tungkol dito ay nagsimula ng namungkahi ang FSL bilang paksa sa proyektong ito. Alam ko na noon pa na mali ang pag-tingin ko sa salitang deaf, at ikinagalak ko nang malaman kong tama ang akala kong ito. Ang pag-aaral ko tungkol sa deaf community ay nagtungo sa pagkilala ko na kasama pala ako sa problemang kanilang hinaharap. Ang 17 na taong tinrato ko ng negatibo ang kanilang pinagdaraanan ay nagpakita ng puwang sa pagitan ng kanilang komunidad at ang mga taong tulad kong walang alam. Ito ang naging motibasyon ko sa pag-aral ng FSL, sa sarili kong paraan nais kong paliitin ang puwang na nabuo dahil sa pagpapabaya ng ating lipunan. Napakalaking oportunidad sa akin ang proyektong ito para matigil na ang pagiging ignorante at para mas maka-konek sa deaf community, habang ibinabahagi sa iba ang aking karanasan at mga natutunan.
Mabuhay! Ako si Faith Anne Villanueva, 16 na taong gulang na mag-aaral mula sa ika-11 baitang ng Mataas na Paaralang Pang-Agham ng Maynila.
Hindi ko karaniwang naririnig o nakikita ang paggamit ng FSL o kahit ano mang sign language. Ngunit nang mapanood ko ang pelikulang ‘Isa Pa With Feelings’ noong taong 2022 ay nagsimulang mabuhayan ang interes ko rito. Bagaman hindi ko nabigyang-pansin ang pag-aralan ang sign language noong panahong mapanood ko iyon, hindi nawala sa isip ko ang kagustuhang matutuhan ito balang araw.
Tumalon naman tayo sa taong 2023, kung saan muling nabuhayan ang interes ko sa sign language. Bilang mahilig manood ng mga KDrama at lalo na roon sa may mga temang kaugnay ng pagkakaibigan at musika, nang makita ko ang isang bagong serye na ‘Twinkling Watermelon’ ay pinlano ko agad na subaybayan ito. Katulad ng pelikulang aking nabanggit, mayroon ding deaf na karakter sa seryeng ito. Malaking bahagi ng palabas ang pagpapakita ng mga isyung kinakaharap ng deaf community at pati na rin ang kakulangan ng awareness ng mga tulad kong hearing pagdating sa sign language. Ang pangunahing karakter dito ay isang CODA o Child of Deaf Adults at makikita sa serye ang mga isyung kinaharap niya sa pagiging ‘boses’ ng kanyang pamilya na siyang nagbigay ng mabigat na responsibilidad sa kanya. Magkaiba man ang pokus ng dalawang palabas na ito ay pareho nila akong nabigyan ng kamalayan ukol sa karanasan ng deaf community.
Nang imungkahi ng isa sa aming miyembro na FSL ang siyang gawing pokus ng aming proyekto ay nasiyahan ako. Habang unti-unting lumalaki ang interes ko sa sign langugae ay narito at dumating ang magandang oportunidad upang mas mapalalim ko ang aking kaalaman ukol dito. Dahil nga sa kakulangan ng exposure at awareness ukol sa sign language, walang sapat na pundasyon ang tulay na nag-uugnay sa mga hearing patungo sa deaf community. Ang pag-aaral ng FSL o sign language ay isang bagay na iminumungkahi ko sapagkat magsisilbi itong tulay upang mapagtibay ang ugnayan natin sa mga kasapi ng deaf community. Hindi man ito madali ngunit tunay na malaki ang maitutulong nito upang magkaroon tayo ng mas inklusibong lipunan. Ito ay isa lamang hakbang sa pagpapatibay ng tulay ng komunikasyon at ugnayan patungo sa deaf community ng Pilipinas.
Naimbag nga aldaw! Ako si Mark Angelo L. Degracia, 16 na taong gulang na mag-aaral sa baitang 11 ng Mataas na Paaralang Pang-Agham ng Maynila.
Ako ay nakibahagi sa proyektong ito sapagkat nais kong tumulong bumuo ng isang komunidad kung saan ang bawat isa ay magkakaroon ng opotunidad na lumaki, lumago, at mapabilang sa patuloy na rumaragasang takbo ng ating mundo. Ang mga mute at deaf nating kapwa ay nahihirapan makitungo at makibaka, bagkus ay sa pamamagitan ng pag-aaral at pagtuturo ng Filipino Sign Language sa kapwa natin ay mas mapag-iigting natin ang inclusivity sa lipunan at mapadadali ang buhay ng kapwa nating mute at deaf.
Mayroon akong isang deaf na kamag-anak, si Uncle Amboy, mula sa Ilocos Sur. Naaalala ko nitong nakaraang bakasyon namin sa Sta. Maria, mayroon siyang sinusubukang isenyas sa akin subalit kahit anong subok kong intindihin kung ano ang nais niyang sabihin ay hindi ko ito maunawaan. Ang FSL ay isang kasangkapan na makatutulong sa akin at sa inyo upang maunawaan ang mga tulad ni Uncle Amboy at mapatatatag natin ang relasyon natin hindi lamang sa ating kamag-anak o kaibigan, kundi pati sa bawat kasapi ng mute community.