Lahat ng mga bagay at sitwasyon ay mayroong mga kaakibat na gawaing nararapat para dito. Kaya't kung tayo ay nakikipagusap sa isang indibidwal na may kapansanan sa pandinig o pananalita, mahalagang malaman natin ang mga dapat at hindi dapat gawin. Narito ang ilan sa mga dapat at hindi dapat gawin:
Itanong sa kanila kung anong pamamaraan o midyum ang kanilang nais sa pakikipag-usap—kung sa pamamagitan ng sign language, pagsusulat, o ibang paraan—at sundan ang kanilang nais.
Kahit gumagamit sila ng sign language, ang pananatili ng eye contact ay nagpapakita ng respeto at pakikilahok sa usapan.
Isang magaan na tapik sa balikat o ngiti ay makakatulong upang ipahayag na sila’y iyong kakausapin.
Kung ang kausap ay mayroong kakayahang makapagbasa ng labi (lip-read), magsalita nang malinaw at sa katamtamang bilis.
Suportahan ang komunikasyong berbal gamit ng mga simpleng galaw upang makaragdag sa pag-unawa.
Ang komunikasyon ay maaaring tumagal ng kaunti, lalo na kung gagamitin ang pagsusulat o ibang pamamaraan. Maging maintindihin o matiyaga at hayaang makapagpahayag ng buo ang indibidwal.
Kung maaari, subukang matuto kahit ilang mga pangunahing senyas, upang maramdaman ng indibidwal na siya'y naririnig, at na hindi nagiging hadlang ang kaniyang kapansanan sa kahit anumang usapan.
Kung may hindi maunawaan, huwag mag-atubiling magtanong. Ito'y magpapakita ng iyong interes sa mas mabuting pakikipag-ugnayan.
Ipakita ang pag-unawa at suporta sa kanilang karanasan; huwag ipagpasawalang-bahala ang kanilang kapansanan sa pandinig o pananalita.
Kung mayroong pagbabago sa paligid, mahalagang ito’y ipaalam upang sila ay makaagapay at hindi mabigla sa mga pagbabago. Sa ganitong paraan, sila'y higit na magiging handa at hindi mahihirapan sa pag-a-adjust sa mga bagong sitwasyon o kaganapan.
Hindi lahat ng may kapansanan sa pandinig at pananalita ay marunong magbasa ng labi, at may ilan na nahihirapang gawin ito. Laging itanong ang kanilang nais na paraan ng komunikasyon.
Ang pagbabsa ng labi ay nangangailangan ng pagtingin sa mukha at kilos ng bibig. Iwasan ang pagtakip sa bibig o mukha habang nagsasalita.
Iwasang lakasan ang boses, sapagkat ito'y nakakasira sa paggalaw ng mga labi (lip movements) at kalauna’y hindi mauunawaan.
Ugaliing huwag balewalain ang kapwang mayroong kapansanan sa pandinig at pananalita sa mga usapan at aktibidad. Ang pagsasawawalang-bahala sa kanila ay isang uri ng diskriminasyon.
Bigyang halaga ang kanilang opinyon at hayaang sila’y matapos bago magbigay ng sariling pahayag.
Mahalagang hayaan muna silang makapagsalita bago magbigay ng iyong sagot. Ang gawaing ito ay makakatulong upang hindi masira ang kanilang sariling daloy ng komunikasyon
Panatilihing malinaw at madaling maunawaan ang iyong pagsasalita. Iwasan ang pagsusulat ng komplikadong o malalim na mga salita.
Iwasan ang mga biro o komentong maaaring makakasakit sa kanilang damdamin.
Iwasan ang pagsilip sa harap ng kanilang mukha nang direkta. Magbigay daan o umatras ng kaunti bago magsalita.
Mahalagang hindi basta-basta hawakan ang isang indibidwal nang hindi nagpapaalam. Laging magtanong kung ito ay ayos lamang sa kanila bago gawin. Sa ganitong paraan, ating nirerespeto ang kanilang personal na espasyo.
Ang Deaf Community ay binubuo ng mga taong may kapansanan sa pandinig na mayroong malalim na pagkakakilanlan sa kanilang kultura at wika tulad ng sign language. Narito ang ilan sa mga indibidwal na maaaring makita sa Deaf Community:
Deaf - Ito ay tumutukoy sa mga indibidwal na mayroong malubhang problema sa pandinig at maaaring hindi makarinig ng tunog kahit gamitin ang hearing aids.
Hard of Hearing - Ito ay tumutukoy sa mga taong mayroong limitadong kakayahang makarinig. Maarin silang makarinig ng ilang tunog o salita, ngunit hindi sapat para maunawaan ang buong usapan. Maaaring mapabuti ang kanilang pandinig sa pamamagitan ng mga hearing aids at iba pa.
DeafBlind - Ito ay tumutukoy sa mga indibidwal na may kapansanan sa pandinig at paningin.
DeafDisabled - Ito ay tumutukoy sa mga tindibidwal na may kapansanan sa pandinig at maaaring may iba pang uri ng pisikal na kapansanan.
LateDeafened - Ito ay tumutukoy sa mga taong nagkaroon ng kapansanan sa pandinig sa huling bahagi ng kanilang buhay.
Ito rin ang mga angkop at tamang katawagan sa mga indibidwal na kabilang sa nasabing komunidad upang magpakita ng pagpapahalaga at paggalang sa kanilang kultura.
Community and Culture - Frequently Asked Questions | National Association of the Deaf (NAD)
Mahalagang malaman na mayroong mga terminong hindi dapat ginagamit sa pagtukoy sa mga taong may kapansanan sa pandinig o kabilang sa deaf community. Ito ay dahil ang mga terminong ito ay nakakainsulto at hindi nagpapakita ng pagpapahalaga sa kanilang kultura.
Deaf and dumb - Ito ay isang nakakainsultong termino na nagmula pa sa panahon ng medieval English. Ito ay dahil sa paniniwala na ang mga indibidwal na may kapansanan sa pandinig ay hindi kayang turuan, matuto, at mag-isip nang may katwiran. Hindi ito tama dahil ang mga taong may kapansanan sa pandinig ay may kakayahang mag-aral at mag-isip nang may katwiran.
Deaf-mute - Ito ay isang nakakainsultong terminong nagmula sa ika-18 hanggang ika-19 siglo na nangangahulugang walang boses at" tahimik". Hindi lahat ng taong may kapansanan sa pandinig ay hindi nakakapagsalita. Marami sa kanila ang gumagamit ng iba't ibang pamamaraan ng komunikasyon katulad ng sign language, lip-reading, at vocalizations.
Hearing-impaired o Hearing loss impairment - Ito ay isang terminong hindi dapat gamitin sapagkat ito ay nakakapagbigay ng negatibong konotasyon sa mga taong may kapansanan sa pandinig. Ito ay dahil sa pagiging "impaired" o hindi kumpleto ang kanilang pandinig at nakasentro sa mga kakayahang hindi maisasakilos ng isang indibidwal. Ang tamang terminolohiya ay "Deaf" o "Hard of Hearing."
May Kapansanan - Hindi ito ganap na mali, ngunit mas mainam na gamitin ang mga terminong nakakapagbigay ng pagpapahalaga sa mga taong mayroong mga kapansanan. Halimbawa, sa halip na gamitin ang "may kapansanan," mas mainam na gamitin ang "taong may kapansanan sa pandinig". Sa paggamit nito ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa kanilang karanasan at kalagayan.
Ang tunay na komunikasyon ay nangyayari kapag nauunawaan ng iba ang iyong mensahe.
Community and Culture - Frequently Asked Questions | National Association of the Deaf (NAD)
Tulad ng aking nabanggit kay Mara, ang paggamit ng salitang "bingi" ay tama, ngunit mahalagang maging maingat sa kung paano ito ipapahayag. Kailangan nating isaalang-alang na kaming mga kasapi ng deaf community ay nakakaramdam pa rin ng emosyon ng tao—kung sila’y galit, malungkot, o masaya kahit na hindi kami nakakarinig o nakakapagsalita.
Bilang karagdagang paalala, mahalagang malaman na hindi kami komportableng pilitin na magsalita dahil sa pagkakaroon ng hearing aids (para sa mga Hard of Hearing) at speech therapy. Ang Sign Language ay ang AMING lenggwahe kung saan kami komportable at mas nagkakaroon nang mas mabuti at maayos na komunikasyon. Ito ay dahil ang Sign Language ay hindi lamang isang paraan ng pakikipagtalastasan, kung hindi isa ring kultura at identidad na mahalaga sa aming mga kasapi ng deaf community.
What the Deaf want the hearing to know | INQUIRER.net
What we ought to know about Filipino Sign Language | INQUIRER.net