Ang halimuyak ng kape ay umaakit sa iyo.. papasok sa isang kapihan. Ah, ang katahimikan, ang aroma, ang iyong.. ikatlong tasa ng kape?! Hindi mo na namalayan ang oras na nagdaan, tila nilalamon ka na ng walang-katapusang mga gawain sa iyong laptop. "Matatapos pa kaya itong mga gawain na 'to?" sinubukan mong ipikit ang iyong mga mata upang pagaanin ang iyong pakiramdam...
Ang FSL o Filipino Sign Language na kilala rin bilang Wikang Pasenyas ng mga Pilipino ay isang sign language na may sariling gramatika, sintaks, at morpema. Ito ay kinikilala bilang opisyal na sign language ng Pilipinas.
Sinasabing ang kasaysayan nito ay nagsimula pa mula sa panahong 1950. Ayon sa “Filipino Sign Language A Compilation of signs from the regions of the Philippines”, isang publikasyon ng Philippine Federation of the Deaf (PFD) mula sa taong 2005, mayroon nang paggamit ng sign language sa Pilipinas noong taong 1604. Mula sa dokumentasyon ng isang Kastilang pari na namalagi sa Leyte, mayroong dalawang Pilipinong bingi ang siyang nakasalamuha niya at ang mga natutunan ng mga ito ukol sa relihiyon ay ibinahagi rin nila sa iba.
Noong dumating ang mga Thomasites sa taong 1907 ay naipalaganap ang ASL sa Pilipinas. Sa pamumuno ni Delia Delight Rice, isang gurong Amerikano, ay itinayo ang kauna-unahang School for the Deaf and Blind sa Ermita. Dito nagsimula ang paggamit ng FSL sa edukasyon. Inilipat ang lokasyon nito ng ilang beses dahil sa pagdami ng mga estudyante at guro. Noong taong 1923 ay nagkaroon ng anonymous na donasyong nagbigay ng 2 hektaryang lote sa Pasay at dito muling inilipat ang institusyon. Taong 1963 naman ay naisabatas ang RA 3562 kung saan ipinaghiwalay ang School for the Deaf and Blind sa dalawang institusyon, ang Philippine National School of the Blind at Philippine School for the Deaf.
Dahil sa malaking impluwensya ng mga Amerikano ay makikita ang pagkakalapit ng FSL sa ASL ngunit hindi ito iisa. Ang FSL ay nakaugat sa kultura, tradisyon, at pagkakakilanlan ng Pilipinas. Dapat din tandaan na ang FSL ay iba sa Filipino katulad na lamang na ang ASL ay iba sa Ingles. Nakakabit na sa pagkakakilanlan ng deaf community ng Pilipinas ang FSL.
Noong taong 2018, naisabatas ang RA 11106 o Filipino Sign Language Act kung saan idneklara ang FSL bilang opisyal na wikang pansenyas ng Pilipinas. Ipinapahayag nito na ang FSL ay marapat na kilalanin, suportahan, at pagtibayin bilang daluyan ng komunikasyon sa lahat ng transaksyong kasama ang mga bingi o Deaf. Kaakibat nito ay dapat gamitin at pagtibayin ang FSL sa mga larangan na pang-edukasyon, transportasyon, panghanapbuhay, hudisyal, pangkalusugan, at pati na rin sa media.
Ang fingerspelling ay isang bahagi ng sign language na ginagamit sa iba't ibang uri ng sign language, katulad ng American Sign Language (ASL) at Filipino Sign Language (FSL). Ito ay isang proseso ng paggamit ng mga galaw ng mga daliri, kamay, at braso na tumutugma sa mga titik ng isang salita. Sa pamamagitan ng fingerspelling, naipahayag ang mga pangalan ng tao, lugar, bagay, at mga salita na walang eksaktong senyas sa sign language.
Pananatili ng kultural na pagkakakilanlan.
Ang FSL ay nagbibigay ng sariling wika at kultura hindi lamang sa ating mga kababayan na may kapansanan sa pandinig o pagsasalita, ngunit sa lahat ng Pilipino. Ito ay nagtataguyod ng pagpapahalaga sa kasaysayan ng FSL, at sining ng komunikasyon sa pamamagitan ng mga senyas na naipapahiwatig natin sa pamamagitan ng ating mga palad.
Midyum ng Komunikasyon
Ang Filipino Sign Language (FSL) ay pangunahing paraan ng komunikasyon para sa ating mga kababayan na may kapansanan sa pandinig, o sa pagsasalita. Ito'y nagbibigay sa atin ng kakayahan upang makipag-ugnayan sa ating kapwa mayroon o wala mang kapansanan. Sa pamamagitan ng FSL, nakakamit ng ating mga kababayan ang pagkakaroon ng tinig at pagkakakilanlan sa komunidad.
Pantay na Pagkakataon para sa Lahat:
Ang kaalaman sa FSL ay nagbibigay ng pantay na pagkakataon para sa atin, at sa ating mga kababayan na may kapansanan na magkaroon ng pagkakaintindi sa isa't isa. Ang kaalaman sa pagsesenyas ng FSL ay nag-aalis ng mga hadlang sa komunikasyon, at lumilikhha ng mas makatarungan at inklusibong kapaligiran.
Pagpapalakas ng Ugnayan at Pag-unlad ng Komunidad:
Ang sining ng komunikasyon ay isang mahalagang kasanayan sa mga tao. Komunikasyon ang susi sa mga ideya, kaalaman, at pag-unlad ng mga sibilisasyon. Kaya't nararapat lamang na bukas ang ating isipan sa iba't ibang uri pa ng komunikasyon; kabilang na rito ang FSL. Ang kaalaman sa FSL ay naglilikha ng mas malalim na pang-unawa sa kultura ng mga may kapansanan sa pandinig o pagsasalita, at nagbubukas ng pintuan para pag-unawa sa isa't isa, may kapansanan man o wala. Dahil rito, mas maraming pagkakataon sa pakikipag-ugnayan at pagkakaisa ang natutuklasan, na kalaunan ay lilikha ng mas matatag at makatarungan na lipunan.
Samahan mo ako sa isang kahanga-hangang paglalakbay patungo sa mundong ito!