Makulay at Pasabog!
Ito ang nasaksihan ng libo-libong manonood at iba pang opisyales sa ginawang pasiklaban ng saludo mula sa 12 distrito ng Sangay alinsunod sa pormal na pagbubukas ng Siargao Division Athletic Meet,Siargao Island Sports Complex, Enero 25.
Bitbit ang kani-kanilang makukulay na props at kasuotan, todo-hataw ang mga guro, atleta at iba pang opisyales ng bawat delegado sa pagpapakita ng natatanging performans. Lahat ay sabik na masungkit ang panalo bilang best in saludo, kaya lahat ng kalahok ay βdi basta-basta nagpatinag. Hindi rin nagpahuli ang ilang alkalde at iba pang kawani na dumalo sa nasabing pagganap kagaya nina Mayor Maria Liza G. Ressurection ng Pilar District; Mayor Arwela Dolar ng Sapao District; Mayor Riza Rafonselle Timcang ng Socorro East and West District; at Mayor Gina Menil Sumando ng San Benito District.
Sa bandang huli, itinanghal na panalo ang San Benito District, sumunod ang Dapa West, nasa ikatatlong puwesto naman ang General Luna District, habang nasungkit naman ang ikaapat at ikalimang puwesto ng Socorro East at Sapao District. Ito na ang ikalawang taon ng San Benito na naiuwi ang panalo sa pinakamahusay sa saludo.
Samantala, umabot naman sa kabuuang bilang na 3,223 ang kabuoan ng partisipante at 2, 222 sa mga ito ang mga atleta. Tatagal hanggang sabado, Enero 27, 2024 ang sports competition kung saan, sa hapon gaganapin ang pormal na pagsasara ng seremonya.