Naitala na sa dalawangpu’t dalawang araw ang suspendidong araw ng klase sa buong taong panuruan 2024-2025, dulot ng sunod-sunod na pagtama ng bagyo sa bansa lalong lalo na sa rehiyon uno. Nand dahil dito, ipinatupad na sa rehiyon uno ang Regional Memorandum No. 1479, s. 2024 o ang memorandum patungkol sa pagsuspende ng non-curricular at co-curricular na aktibidad ng mga guro at mag-aaral sa rehiyon. Ngunit paano na kaming mga mag-aaral? Congested na nga ang kurikulum sa bansa, tatanggaling niyo pa ang mga aktibidad na aming ikakasaya nang walang iniisip na pressure at kaba.
Pagsali sa mga clubs, programs, contests, teams, at iba pang extra-curricular activities ang mababawasan nang dahil sa pagpapatupad ng RM No. 1479, s. 2024 sa rehiyon uno. Maganda naman siya dahil mas mabilis matatapos ang taong panuruan at mas makaka-pokus ang mga mag-aaral sa mga aktibidad na may kinalaman lamang sa pag-aaral. Ngunit pa’no kung hindi kami nasisiyahan sa ganito? Pa’no kung mas matututo kami sa tulong ng mga extra-curricular activities? Kailangan din namin ng kaalaman na hindi lamang natututuhan sa paaralan.
Ika nga nila, “Sometimes the best lessons happens outside the school.” Naniniwala ako rito dahil bilang isang estudyante mas naisasagawa ko ang mga natututuhan ko sa paaralan sa mga aktibidad na sinasalihan sa labas ng paaralan. Sa loob kasi ng paaralan madalas na teorya lamang ang itinuturo ngunit sa mga extra-curricular activities, naisasabuhay namin ang mga konsepto tulad ng teamwork, leadership, time management, at problem-solving. Bukod dito, nagiging daan din ang mga ito upang makilala namin ang aming mga sarili, mahanap ang aming mga talento, at mapaunlad ang aming mga kakayahan na hindi sakop ng tradisyonal na kurikulum.
Hindi ko sinasabing balewalain ang layunin ng RM No. 1479, s. 2024, ngunit sana ay isaalang-alang din ang epekto nito sa pangkabuoan na pagkatuto ng mga mag-aaral. Oo, may bentahe ito sa pagbibigay-pokus sa academics, ngunit dapat din nating kilalanin na ang edukasyon ay hindi lamang nasusukat sa mga marka sa papel, kundi pati na rin sa kung paano hinuhubog ang bawat isa upang maging handa sa hamon ng totoong buhay.
Ang suspensyon ng non-curricular at co-curricular activities ay tila paglimita sa pagkakataon naming lumago bilang indibidwal. Sa halip na alisin ang mga aktibidad na ito, bakit hindi na lamang hanapan ng alternatibong paraan upang maisagawa ang mga ito nang hindi naaapektuhan ang oras para sa akademikong pag-aaral? Halimbawa, maaaring isagawa ang mga ito sa weekend o sa online na platform upang maibsan hirap sa iskedyul.
Higit pa sa academics ang kailangan namin upang magtagumpay sa buhay. Ang kaalaman at karanasan na aming nakukuha sa mga extra-curricular activities ay nagbibigay-kulay, saya, at inspirasyon sa aming pag-aaral. Kung kaya’t sana ay mabigyan kami ng pagkakataong magpatuloy sa mga ganitong gawain kahit sa gitna ng mga hamon.