Taong 2024 nang ipatupad ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang Catch Up Friday sa pangunguna ni Dating Kalihim at Bise Presidente Sara Duterte. Ito ay bilang tugon sa naging resulta ng Programme For International Assessment (PISA) kung saan lumabas na ang Pilipinas ay isa sa may pinakamababang puntos sa 79 na bansang nakilahok. Ngunit sa kabila ng pagnanais na makakuha ng positibong pagbabago ay hindi naging maganda ang resulta nito.
Sa layuning mapataas ang antas ng kahusayan at kaalaman ng mga mag-aaral ay nabuo ang ideyang ipatupad ang Catch Up Friday. Isinasagawa ang naturang programa tuwing Biyernes kung saan ang mga mag-aaral ay nagkakaroon ng mga aktibidad na bagaman walang kinalaman sa kanilang mga asignatura ay nasasanay ang kanilang intelektuwal na kaalaman.
Ayon kay Bb. Ma. Pamela Fleha G. Pimentel, Teacher I ng Rosario Integrated School (RIS) sa naganap na Mini Press Conference kanina, ika-15 ng Enero 2025 naniniwala siyang ang layunin ng Catch Up Friday ay para sa ikabubuti ng mga mag-aaral ngunit aniya’y tila taliwas ito sa positibong resulta na nais makamit ng DepEd. “Nagresulta pa ito ng absentism ng mga bata,” ani Bb. Pimentel.
Ang Catch Up Friday ay nagreresulta ng pagliban ng mga mag-aaral tuwing Biyernes dahil anila’y wala silang gaanong ginagawa at “boring” umano ang mga aktibidad. Ayon sa isang mag-aaral ng Rosario Integrated School na si Irish Grace Gonzales ay hindi epektibo ang Catch Up Friday.
“Boring yung mga activities, nakakapagod magbasa at hindi rin ito graded,” komento ng isang mag-aaral sa programa na sa tingin niya ay dahilan ng pagliban ng mga kapuwa niya mag-aaral.
Ura-urada kung magdesisyon ang mga ahensiya dahilan kung bakit nakapagdudulot lamang ito ng mga negatibong resulta. Naipatupad ang Catch Up Friday nang walang maayos na pagpaplano sa mga aktibidad na ipagagawa na nagdulot ng kawalan ng kooperasyon mula sa mga mag-aaral at maging sa mga guro. Sa halip na magpatupad ng programang tulad nito ay ayusin na lamang ang sistema ng edukasyon sa bansa-sanayin ang mga guro, ayusin ang mga asignatura at pagandahin ang kalidad ng edukasyon. Huwag nang umasa sa mga panandaliang solusyon kung ang nais ay positibong pagbabago.