Mahahalagang Konsepto ng Ekonomiks
Mahahalagang Konsepto ng Ekonomiks
Lahat ng tao ay humaharap sa trade off. Ito ay ang sitwasyon ng pagpili o pagsasakripisyo ng isang bagay kapalit ng ibang bagay. Sa madaling salita, ito ay pagpili mula sa maraming pagpipilian o options. Halimbawa, maaaring sa pagkakataong ito, mas pinili mong magbasa ng modyul na ito kaysa maglaro ng mobile games. O kaya naman ay mas pinili mong bumili at kumain ng pan de sal kaninang umaga kaysa bumili at kumain ng sopas. Ang trade off ay maaaring maganap sa bawat minuto o segundo ng ating buhay.
Gaya ng nabanggit, kailangan mong mamili mula sa mga options. Ibig sabihin, sa bawat pagpili, mayroon kang hindi pipiliin, o isasakripisyo. Tulad na lang ng hindi mo pwedeng pagsabayin ang pagkain at pagsesepilyo ng ngipin kahit mahuhuli ka na sa pagpasok sa eskuwela, kailangang may piliin at may isakripisyo.
Mahalaga na matukoy kung ano ang opportunity cost ng gagawing pagpili. Ang opportunity cost ay tumutukoy sa halaga ng bagay na handa mong isakripisyo sa iyong pagdedesisyon. Ipinagpapalagay na lahat ng options ay may pantay na halaga o value. Halimbawa, ikaw ay nagugutom at nauuhaw at nais mong kumain ng hamburger subalit gusto mo ring bumili ng milk tea pero hindi sapat ang iyong pera na bilhin ang dalawa. Parehong may value ang dalawang produkto. Ang value ng hamburger ay nakakapagbigay sa iyo ng sarap ng lasa at kabusugan. Ang value naman ng milk tea ay makakapagbigay sa iyo ng sarap ng lasa at pagpatid ng uhaw. Importante na tumingin sa opportunity cost ng gagawing pagpili.
Kung pipiliin mo ang pagbili ng hamburger, nangangahulugang handa mong ipagpalit ang lasa at benepisyo ng milk tea para makakain nito. Ito ang iyong magiging opportunity cost. Mas pinili mong mabusog kaysa mauhaw. Kung pipiliin mo naman ang pagbili ng milk tea, lumalabas na handa mong isakripisyo ang lasa at pagpatid ng gutom mula sa hamburger para makainom nito. Ang opportunity cost ay ang halaga ng produkto na hindi mo pinili na handa mong ipagpalit upang makamit ang benepisyo ng isa pang bagay o produkto.
Ginagamit na kabaliktaran ng opportunity cost ang opportunity benefit. Ito naman ay tumutukoy sa halagang natamo mula sa ginawang pagpili. Sa madaling salita, ang opportunity benefit ay ang halaga ng bagay na iyong pinili samantalang ang opportunity cost ay ang halaga ng next-best alternative na iyong isinakripisyo para makamit ang bagay na iyong pinili.
May mga bagay na maaaring makaapekto sa iyong pagpili na maaari ring magpabago sa iyong desisyon. Isa na dito ay ang incentives. Ang incentives ay ang dagdag na kapakinabangan na maaaaring makaapekto sa iyong pagpili. Kung minsan, nagbibigay ng incentive ang iba nating pagpipilian. Halimbawa, ikaw ay may pagsusulit kinabukasan at kailangan mong mag-review, subalit niyaya ka naman ng iyong kaibigan na dumalo sa isang birthday party. Parehong may halaga o value ang dalawang pagpipilian. Higit ang tiwala mo sa iyong sarili na harapin ang pagsusulit kinabukasan kung ikaw ay magre-review. Malaki ang posibilidad na ikaw ay makakuha ng mataas na marka at maaari ring tumaas ang kompyansa mo sa iyong sarili. Sa kabilang banda, maaari ka namang makapaglibang at mabusog, at hindi ka mahuhuli sa mga kwento at balita sa klase kung ikaw ay pupunta sa sa nasabing kasiyahan. Sinabi ng iyong nanay na kapag nakakuha ka ng mataas na marka sa iyong pagsusulit ay bibigyan ka niya ng bago at magandang cellphone. Ang bagong cellphone ay halimbawa ng incentive o karagdagang pakinabang sa isang option na maaaring makaapekto sa iyong pagpili. Ang incentives ay nagbibigay din ng motivation sa isang tao na gumawa ng aksiyon o desisyon.
Upang higit na maging matalino sa pagdedesisyon, dapat na malinang sa bawat isa ang marginal thinking. Ang taong matalino mag-isip ay tumitingin sa “margin”. Sa marginal thinking, ginagamit ang resources nang efficient o “walang sayang.” Pinag-iisipang mabuti at pinag-aaralan ang lahat ng options bago magdesisyon. Iniisa-isa ang halaga ng bawat alternative o pagpipilian at ikukumpara sa isa’t isa upang masigurong makapagbibigay ng pinakamagandang benepisyo ang iyong pipiliin. Kung ikaw ay nakapagpamunga ng maraming uri ng halaman sa isang disyerto, ikaw ay nangangahulugang may kahusayan sa marginal thinking. Hindi nasayang, bagkus ginamit mo nang efficient ang iyong limitadong pinagkukunang yaman.
Kagustuhan at Pangangailangan
Ang dalawang konseptong ito ay natalakay na sa nagdaang aralin. Ang kagustuhan (wants) at pangangailangan (needs) ay mahahalagang konsepto rin sa pag-aaral ng ekonomiks. Madalas ginagamit ang dalawang salitang ito sa parehong kahulugan, subalit sa pag-aaral ng ekonomiks, ang dalawang salitang ito at may magkaibang konsepto. Ang kagustuhan ay ang mga bagay na nagdudulot ng kasiyahan sa mga tao samantalang ang pangangailangan ay mga bagay na hinahangad ng tao dahil kailangan ang mga ito para mabuhay. Ang batayang pangangailangan o basic needs ay mga bagay na kailangan ng tao sa araw-araw dahil hindi mabubuhay ang tao kung wala ang mga ito. Halimbawa nito ay damit, hangin, pagkain, pahinga, inumin, at tirahan. Itinuturing din itong mga physiological needs.
Lumikha si Abraham Harold Maslow ng isang estrukturang plano na nagpapaliwanag ng mga baitang na dadaanan ng isang tao upang matamo ang tinatawag na self-actualization. Ito ang tinatawag na hierarchy of needs, na inilalarawan gamit ang pyramid kung saan ang pinakabatayang pangangailangan ay nasa ibaba at ang bawat hierarchy ay kailangang matamo upang magkaroon ng katuparan (fulfilment) sa buhay na nasa itaas na bahagi ng pyramid. Nahahati ito sa dalawang bahagi, ang deficiency needs, na kailangan munang makamit bago mahangad ang nasa mas mataas na antas ng satisfaction na nasa growth needs. Ang mga nasa deficiency needs ay mga batayan o primaryang pangangailangan gaya ng pagkain, damit, magandang kalusugan, kasiguraduhan sa trabaho, kaibigan, pagmamahal, at pagkamit ng respeto mula sa ibang tao. Ang nasa itaas na bahagi o growth needs naman ay ang pangangailangan upang makaalam at matuto, paghahangad ng kagandahan at kaayusan o pagiging organisado.
Ang dalawang huling hierarchy ay nagbibigay ng dahilan at layunin (purpose) sa buhay, na siyang nagtutulak sa tao sa matinding katuparang sikolohikal at ispiritwal, ang self-actualization at self-transcendence. Ang self-actualization ay ang pagtupad sa iyong potensiyal o pangarap na dapat makamit sa buhay, samantalang ang self-transcendence naman ay ang pagtulong sa ibang tao upang matupad rin nila at makamit ang kanilang self-actualization.
Hindi raw mahahangad ng isang tao ang mas mataas na hierarchy kung hindi muna nito matutupad ang nasa nauunang hierarchy o bahagdan.
Kung ikaw ang tatanungin, nasa anong hierarchy ka na ng paghahangad ng iyong mga pangangailangan?
Congratulations for completing the first lesson! Maaari ka nang ituring na Warrior!
I-click ang Warrior Badge upang makapag-RANK UP!!!