Walong Karapatan ng Mamimili
Walong Karapatan ng Mamimili
Ang Department of Trade and Industry o DTI ay naglabas ng walong karapatan ng mga mamimili upang maging gabay sa kanilang transaksiyon sa pamilihan.
Karapatan sa mga Pangunahing Pangangailangan
May karapatan sa sapat na pagkain, pananamit, masisilungan, pangangalagang pangkalususugan, edukasyon at kalinisan upang mabuhay.
Karapatan sa Kaligtasan
May karapatang bigyan ng katiyakang ligtas at mapangangalagaan ka laban sa pangangalakal ng mga panindang makasasama o mapanganib sa iyong kalusugan.
Karapatan sa Patalastasan
May karapatang mapangalagaan laban sa mapanlinlang, madaya at mapanligaw na patalastas, mga etiketa at iba pang hindi wasto at hindi matapat na gawain. Ito ay kailangang malaman ng mga mamimili upang maiwasan ang pagsasamantala ng iba.
Karapatang Pumili
May karapatang pumili ng iba’t ibang produkto at paglilingkod sa halagang kaya mo. Kung ito ay monopolisado ng pribadong kompanya man, dapat na magkaroon ka ng katiyakan sa kasiya-siyang uri at halaga ng produkto nila.
Karapatang Dinggin
May karapatang makatiyak na ang kapakanan na mamimili ay lubusang isinaalang-alang sa paggawa at pagpapatupad ng anumang patakaran ng pamahalaan.
Karapatang Bayaran at Tumbasan sa Ano mang Kapinsalaan
May karapatang bayaran at tumbasan sa ano mang kapinsalaan na nagbuhat sa produkto na binili mo. May karapatan kang mabayaran sa ano mang kasinungalingan o mababang uri ng paninda o paglilingkod na ibibigay o ipinagbibili kahit na ito ay sa pagkakamali, kapabayaan o masamang hangarin. Dapat na magkaroon ng walang bayad na tulong sa pagtatanggol sa hukuman o nang pag- aayos sa paghahabol.
Karapatan sa Pagtuturo Tungkol sa Pagiging Matalinong Mamimili
May karapatan sa consumer education, nagtatanong at nagtatanggol sa iyong karapatan. Ito ay nagtataglay ng karapatan sa katalinuhan at kaalaman na kinakailangan upang makagawa ng hakbanging makatutulong sa mga desisyong pangmamimili.
Karapatan sa Isang Malinis na Kapaligiran
May karapatan sa kalayaan, pagkakapantay- pantay at sapat na mga kalagayan sa buhay na nagbibigay pahintulot sa isang marangal at maayos na pagkatao at ikaw ay may malaking pananagutan na pangalagaan at pagbutihin ang iyong kapaligiran para sa kalusugan at kinabukasan ng ating saling lahi.
LImang Pananagutan ng Mamimili
Ang Kagawaran ng Kalakalan at Industriya ay nagpalaganap rin ng limang pananagutan ng mga mamimili. Ang sumusunod ay ang mga pananagutang binabanggit:
Mapanuring Kamalayan – ang tungkuling maging listo at mausisa tungkol sa kung ano ang gamit, halaga, at kalidad ng mga paninda at paglilingkod na ating ginagamit.
Pagkilos- ang tungkuling maipahayag ang ating sarili at kumilos upang makatiyak sa makatarungang pakikitungo. Kung tayo’y mananatili sa pagwawalang-bahala, patuloy tayong pagsasamantalahan ng mga mandarayang mangangalakal.
Pagmamalasakit na Panlipunan- ang tungkulin na alamin kung ano ang ibubunga ng ating pagkonsumo ng mga kalakal at serbisyo sa ibang mamamayan, lalo na ang pangkat ng maliliit o walang kapangyarihan, maging ito ay sa lokal, pambansa, o pandaigdig na komunidad.
Kamalayan sa Kapaligiran- ang tungkulin na mabatid ang kahihinatnan ng ating kapaligiran bunga ng hindi wastong pagkonsumo. Kailangang pangalagaan natin ang ating likas na kayamanan para sa ating kinabukasan.
Pagkakaisa- ang tungkuling magtatag ng samahang mamimili upang magkaroon ng lakas at kapangyarihang maitataguyod at mapangalagaan ang ating kapakanan.
Bakit hindi maganda ang panic buying sa ekonomiya? Ano ang epekto nito sa mga konsyumer?
Panoorin ang kasunod na video tungkol sa Bandwagon Effect
Congratulations for completing our last lesson! Maaari ka nang ituring na Legend!
I-click ang Legend Badge upang makapag-RANK UP!!!