Ang isang mayamang ama’y may dalawang anak na kapwa lalaki. Hiniling ng batang anak na ang ganang kanya sa kayamanan ng kanyang ama ay ibigay na sa kanya. Nang makuha na nang bunso ang kanyang mana ay tumungo sa malayong bayan at nilustay ang kabuhayang ipinagkaloob ng ama.
Naubos na lahat ang kanyang salapi. Namumulubi siya at nang wala nang makain ay inisip nang bumalik sa dating tahanan upang makain man lamang niya ang kinakain ng alila ng kanyang ama. Gayon na lamang ang galak ng kanyang ama, sinalubong ng yakap at halik ang bumalik na anak. Inutusan ang isang alila na bigyan ang anak ng pinakamagarang kasuotan, ipinasuot sa daliri ang isang mamahaling singsing at ipinagpatay ng isang matabang baka.
Namangha ang matandang kapatid nang dumating siya sa kanilang tahanan. Nang malaman niya ang sanhi ng kasayahan ay nagalit nang gayon na lamang at sinumbatan ang ama. Akong masunurin ninyong anak na buong katapatang naglilingkod sa inyo ay hindi ninyo naipagpatay kahit isang guya man lamang. Ngayong dumating ang alibughang anak ninyo ay gugugol kayo nang malaki at magdiriwang.
Sumagot nang marahan ang ama. Anak ko, ikaw ang lagi kong kapiling. Ang lahat ng akin ay iyo. Tayo’y nagsasaya ngayon sapagkat ang kapatid mong namatay ay muling nabuhay, nakita nating muli ang nawala.
Ang balyena marahil ang pinakamalaking nilalang sa mundo. Ngunit ito’y naging dahilan upang magyabang ang isang balyena.
Ang sabi niya, Ako ang pinakamalaking nilalang sa mundo, kaya’t hindi ako nararapat sa karagatan lang! Sa lupa, mas higit nila akong kikilalanin at hahangaan!
Sa ‘di kalayuan ng aplaya, nakita niyang maliwanag ang landasin doon.
At madalas din, naririnig niya sa mga mangingisdang naglalakbay sa karagatan ang mga kuwento tungkol sa kabayanan. At kung papaanong kinikilala ang mga matatagumpay at mahuhusay doon.
Ang balyenang mayabang ay naghangad.
Isang gabing kabilugan ng buwan, siya ay naglakbay at lumangoy nang matulin patungo sa aplaya.
Masayang-masaya siya sa pag-aakalang katuparan ng pangarap ang naghihintay sa kanya. Ang hindi niya alam, kamatayan pala ang nakaabang.
Dahil nang marating niya ang mababaw na bahagi ng karagatan ay hindi na siya nakalangoy pa. At nang makita siya ng mga tao, siya nga’y pinagkaguluhan!
Ngunit hindi upang hangaan. Kundi upang pagpistahan sa taglay niyang laman.
Sinalakay siya ng mga mangingisda at pinatay.
May isang mag-asawang may anak na batang lalaki. Kasamang naninirahan ng pamilyang ito ang ama ng Tatay. Noong una, maligayang nakakatulong ng mag-asawa sa paghahanapbuhay ang ama at masayang nakakasama ng bata ang kanyang Lolo sa paglalaro. Ngunit dumating ang sandaling tuluyan nang inagaw ng katandaan at madalas na pagkakaroon ng karamdaman ang lakas ng matandang lalaki. At dahil dito, hindi na ito napakinabangan sa bahay.
Sa tuwing kumakain sa hapag-kainan, parating nakakabasag ng pinggan ang matandang lalaki nang dahil sa panginginig ng kamay.
Sa buwisit ng mag-asawa sa matanda ay ginawan na lang nila ito ng pinggan na gawa sa kahoy, na animo isang aso.
Ang pinggan nga naman na gawa sa kahoy ay hindi na mababasag nito.
Naging saksi ang batang anak ng mag-asawa sa ginawa nila sa matanda.
Isang araw, nagtungo sa silong ang bata at kumuha ng magandang uri ng kahoy.
Nang makita siya ng kanyang ama ay kaagad nilapitan at tinanong.
Ano ang ginagawa mo?
Tumingin ang bata sa kanyang ama at sinabing, Gumagawa po ako ng pinggan na gawa sa kahoy. Upang sa inyong pagtanda ni Nanay ay mapagkalooban ko rin kayo ng ganitong kainan.
Biglang natauhan ang ama sa narinig.
Dali-dali niyang kinausap ang kanyang asawa. At magmula noon, nagbago na ang pakikitungo nila sa matanda.
Minsan may isang magandang dilag na sinusuyo ng halos lahat ng kalalakihan sa nayon.
Ngunit ang magandang dilag ay tila mapili o sadyang pihikan. Sa dinami-rami ng mga manliligaw nito’y wala pa ring mapili.
Ayon sa magandang dilag, hindi lang panlabas na anyo ang batayan nito sa pagpili ng lalaking mapapangasawa. Ang hinahangad nito ay isang lalaking mamahalin siya ng lubos.
Isang gabi, isang kuba ang umakyat sa kanya ng ligaw.
Nagtawanan ang ilang binata na nakasabay ng kuba sa panliligaw.
Batid ng mga ito na wala nang kapag-a-pag-asa ang kubang iyon sa pihikang dilag.
Nang makita nga ng magandang dilag ang kuba na nakatakdang manligaw sa kanya ay napailing ito.
Hindi man siya naghahangad ng masyadong guwapo, pero ang kubang ito ay sadyang nakaririmarim pagmasdan. Hirap itong lumakad at tunay na may kapangitan.
Hindi alam ng dilag kung papaano niya sasabihin sa kuba na wala na itong pag-asa sa kanya.
Ngunit nang mahalata iyon ng kuba ay bigla itong nagsalita. Naniniwala ka ba na ang bawat nilalang ay pinaglalaanan ng Diyos ng makakapareha sa buhay?
Tumango ang magandang dilag, dahil naniniwala siya doon. Sa katunayan, iyon ang hinihintay niyang dumating sa kanyang buhay. Ang lalaking kapareha ng kanyang kaluluwa.
Kung ganoon, hindi mo na ba ako natatandaan? ang biglang tanong ng kuba.
Nagtaka ang magandang dilag, Ha? Nagkita na ba tayo?
Kung sabagay, hindi kita masisisi. Hindi mo na nga ako makikilala pa…
Nasilip ng magandang dilag sa mga mata ng kuba ang kakaibang kalungkutan. Siya’y nahabag dito at nagsabing, Sige, isalaysay mo sa akin ang una nating pagkikita…
Bago pa lang tayo isinilang sa lupa, nagkita na tayo. Parati tayong magkasama at maligayang-maligaya. Hindi pa ganito ang itsura ko. Hindi ako kuba at hindi ganito ang aking mukha. Isang araw, tinawag tayo ng Anghel. Oras na raw upang tayo’y isilang sa lupa. Ngunit may mga pagbabago. Ako raw ay mapupunta sa pamilyang dukha. At ikaw ay mapupunta sa pamilyang may kaya sa buhay, ngunit kapalit niyon ay ang pagbabago ng iyong anyo. Ikaw raw ay isisilang na isang kuba at pangit.
Anong ibig mong sabihin?
Nakiusap ako sa Anghel na sa akin na lang ibigay ang mapait na kapalaran. Hindi ko matitiis na isilang kang ganito. Ang sabi ko sa Anghel, kahit sa dukhang pamilya ako mapunta, kayo kong magsikap at umunlad. At nang tanungin niya ako, papaano ang pangit kong itsura at pagiging kuba? Hindi ko na raw mababago iyon. Wala raw babaing magkakagusto sa akin. Totoo iyon. Pero malaki ang tiwala ko na matatagpuan kita. At kapag naalala mo ang aking ginawa para sa iyo ay mamahalin mo rin ako.
Ganoon nga ang nangyari. Dahil sa ikinuwento ng kuba sa magandang dilag, binigyan ito ng pagkakataon ng dilag na makapanligaw at mapatunayan ang pagmamahal nito.
At sa bandang huli nga, ang kuba pa ang umani ng matamis na oo ng magandang dilag.
Sila’y ikinasal at naging maligaya ng isa’t isa.
Minsan may magkapatid na naninirahan sa isang bayan. Ang isa ay mayaman. At ang isa naman ay mahirap na walang ibang pinagkakabuhayan kundi ang pagtatanim ng kalabasa.
Isang araw, namunga ng isang kakaibang kalabasa ang kanyang pananim. Isang kalabasang may pambihirang laki!
Hindi alam ng lalaki ang kanyang gagawin sa dambuhalang kalabasa.
Naisin man niyang kainin ito, ngunit napakalaki at tiyak na maraming masasayang. Kung mag-iimbita siya ng mga bisita para kumain sa kalabasa ay manghihinawa lang ang mga iyon. Kung dadalhin naman niya sa palengke upang ibenta ay hindi rin maaari. Walang sasakyang maaaring magdala sa ganito kalaking kalabasa. At hindi rin magiging sapat ang kita para makabawi sa gagamiting transportasyon patungo sa palengke.
Naisip ng taong ito na iregalo na lamang sa hari ang dambuhalang kalabasa.
At ganoon nga ang kanyang ginawa. Laking tuwa ng hari. Dahil noon lamang ito nakakita ng ganoong kalaking kalabasa.
Isa itong kamangha-manghang bagay. Tiyak na magiging pangunahing pang-akit ito sa ating kaharian!
At dahil sa kasiyahan ng hari, binigyan nito ng ginto at mamahaling bato ang taong nagbigay ng regalo. Tuwang-tuwa siya at kaagad nagtungo sa kanyang kapatid upang isalaysay ang nangyari.
Hindi makapaniwala ang kanyang mayaman na kapatid.
Gayunpaman, naisip ng mayamang kapatid na kung ang hari ay natuwa sa walang kuwentang kalabasa, tiyak na mas ikagagalak nito kung reregaluhan niya ng mas mahalagang bagay tulad ng mamahaling kasuotan at magagandang alahas.
Kaya’t ganoon nga ang ginawa ng mayamang kapatid. Niregaluhan niya ang hari ng mga magagandang kasuotan at magagandang alahas.
Lubos namang natuwa ang hari. Ang sabi niya, Ang mga ganitong pambihirang regalo ay dapat lang suklian ng pambihirang regalo.
Natuwa ang mayamang kapatid. Batid na niyang saku-sakong ginto ang ireregalo sa kanya.
Ngunit sa kanyang kabiglaanan, ang ipinagkaloob sa kanya ng hari ay ang pinakamahalagang bagay sa palasyo noong mga sandaling oyon.
At iyon ay walang iba kundi ang dambuhalang kalabasang nagmula sa kanyang kapatid.
May isang babaing nakabili ng buhay na manok sa palengke. At nang ito’y kanyang iuwi sa bahay upang alagaan, laking gulat niya nang mangitlog ito. Sapagkat ang itlog ng manok na iyon ay ginto!
Laking tuwa ng babae sa kanyang natuklasan! Tiyak na ito ang magbibigay sa kanya ng kayamanan!
Ngunit ang manok ay minsan lang sa isang buwan kung mangitlog.
Hindi naglaon, hindi na naging sapat sa karangyaang pamumuhay ng babae ang minsan sa isang buwang pangingitlog ng manok.
Upang makarami, naisip ng babae na baka kapag pinakain niya nang pinakain ang manok ay mas dumalas ang pangingitlog nito.
Ganoon nga ang kanyang ginawa. Pinakain niya nang pinakain ang manok hanggang sa ito’y mabundat.
At dahil dito, namatay ang kanyang kawawang manok.
Sising-sisi ang babae sa kanyang ginawa. Nang dahil sa kanyang kasuwapangan, ang manok ay namatay. At gayon, mas lalo pa siyang nawalan.
Minsan may isang palakang tumingala sa langit at humanga sa mga ibong nagliliparan.
Gusto ko ring makalipad na tulad nila! ang sabi niya.
Ngunit ang tanong ay papaano?
Isang hapon, nakakita ang palaka ng lobong lumilipad. Noon niya naisip ang solusyon sa kanyang paghahangad.
Gaya ng lobo, pupunuin ko ng hangin ang aking tiyan upang ako’y makalipad!
At ganoon nga ang kanyang ginawa. Lumulon siya nang lumulon ng hangin hanggang sa siya ay lumutang.
Tuwang-tuwa ang palaka! Lumulutang na siya! Lumulutang na!
Pero hindi pa sapat! Nais niyang marating ang nararating ng mga ibon. Kaya’t siya’y muling lumulon ng hangin. At lumulon pang muli. Hanggang sa lumaki nang lumaki ang kanyang tuyan.
At nang marating niya ang pinakamataas na ulap ay napakalaki na ng kanyang tiyan na punung-puno ng hangin.
Hindi na nakayanan ng kanyang katawan ang hangin. At dahil dito, ang palaka ay sumabog at nagkawatak-watak ang katawan.
Pagbagsak sa lupa ng kanyang nagkapira-pirasong katawan ay pinagpistahan ito ng mga ibon at kinain.
Sa kabilang banda, natupad ang kanyang hangarin na maging ibon. Ngunit sa isang mapait na pangyayari.
Ang guro at ang kanyang mga estudyante ay naglalakad sa isang bulubunduking lugar. Malayo pa ang kanilang lalakbayin. Ang mga estudyante ay nakaramdam na ng gutom. Wala naman silang nadaraanang puno na may bunga para makapitas sila ng makakain. Dalawang batis na ang kanilang dinaanan. Uminom silang lahat sa dalawang batis. Napawi naman ang kanilang uhaw. Ang hindi lang nawala ay ang nararamdaman nilang matinding gutom.
Wala rin naman mga bahay at tindahan sa kanilang dinaraanan. Maaari sana silang bumili o humingi ng anumang pagkain para mapawi ang kanilang gutom. Nahihiya naman silang magsabi sa kanilang guro.
Alam nilang ang kanilang guro ay mayroong kapangyarihan. Kung gugustuhin nito ay maaari itong makagawa ng pagkain para sa kanilang lahat. Kaya laking pasasalamat nila ng huminto sa paglakad ang kanilang guro at humarap sa kanilang lahat.
Malayo pa ang ating lalakbayin, sabi nito.
Kailangang magkaroon tayo ng panibagong lakas. Dumampot kayo ng tig-i-tig-isang bato at dalhin ninyo, dagdag pa nito.
Nagdamputan naman ang mag estudyante. Mayroong dumampot ng malaki at mayroong maliit. Isa sa mga estudyante si Islaw. Naiinis siya sa kanilang guro dahil gutom na nga sila at pagod ay pagdadalhin pa sila ng bato. Sa inis niya ay maliit na maliit na bato lang ang kanyang dinala’t lihim pa niyang pinagtawanan ang ibang kasama dahil malalaki pang bato ang kinuha ng mga ito.
Pagsapit nila sa isang batis ay sinabi ng guro na magpapahinga muna sila doon at kakain.
Saan po tayo kukuha ng kakainin? inis na tanong ni Islaw.
Iyang mga batong pinadala ko sa inyo ay gagawin kong tinapay, sagot ng guro. Iyan ang magiging pagkain ninyo.
Sa isang pitik ng daliri ng guro ay naging tinapay nga ang mga batong dinala ng bawat isa. Sising-sisi si Islaw dahil sa pinakamaliit ang dala niyang bato.
Matagal nang pinagmamasdan ng Diwatang mahabagin ang isang pulubi sa lansangan ng bayan.
Awang-awa siya rito.
Matanda na ang pulubing babae. Walang kasama at batid niyang nag-iisa ito sa buhay dahil walang pamilya.
Minsan, nais sana niyang alamin ang dahilan kung bakit nagkaganoon ang naging kapalaran ng kawawang pulubi. Ngunit wala siyang kakayahang bumalik sa kahapon. At ang mga pinagdaanan ng matandang pulubi ay isang misteryo.
Sa sobrang habag ng diwata sa pulubing iyon ay kinausap niya si Bathala.
Ano ang puwede kong magawa upang matulungan siya?
Wala ka nang magagawa para matulungan ang pulubing iyon, ang sabi ni Bathala.
Pero baka may paraan pa…
Isa lang ang alam kong paraan, ang tugon ni Bathala. Ang mabigyan siya ng panibagong simula…
Tama! Iyon nga ang maaari nating gawin para matulungan siya!
Pero hindi ko ginagarantiyahan na may magbabago sa takbo ng kanyang buhay.
Ang mahalaga’y mabigyan siyang muli ng pagkakataon! ang masayang sabi ng Diwata, at siya nga ay dali-daling nagtungo sa pulubi.
At sa panaginip nito, siya nagpakita.
Bibigyan ka namin ng isa pang pagkakataon sa buhay. Muli kang magiging isang sanggol, nang sa ganoon ay muli kang makapagsimula ng bagong buhay.
At ganoon nga ang nangyari. Ang pulubi ay naging isang sanggol muli.
Inilagay ng Diwata ang sanggol sa tapat ng pintuan ng isang mayamang mag-asawang pamilya na hindi magkaanak. At nang buksan ng mag-asawa ang pintuan ay laking tuwa ng mga ito nang makita ang sanggol.
Napanatag na ang kalooban ng Diwata. Tinitiyak na niyang maganda ang magiging buhay ng dating pulubi.
At lumipas nga ang mahabang panahon.
Patuloy pa rin ang kalungkutan ng Diwata, sapagkat sa dinami-rami ng kanyang natulungan, hindi pa rin maubos-ubos ang pulubi sa langsangan.
Bakit ba ganun? ang tanong niya kay Bathala.
Bakit hindi ang pulubing tinulungan mo ang tanungin mo? Marahil, mas alam niya ang kasagutan sa tanong mo.
Pero saan ko siya matatagpuan? ang tanong ng Diwata.
Kung saan mo siya unang nakita at nakilala.
At ganoon na lamang ang pagkagitla ng Diwata. Dahil ang pulubing binigyan niya ng panibagong simula, ay lumaki rin at tumandang isang pulubi.
Saan ako nagkulang? ang tanong ng Diwata.
Hindi ikaw ang nagkulang, ang tugon ni Bathala. Sila ang nagkulang sa kanilang sarili kung kaya’t sila’y nagkaganyan.
Noong unang panahon, sa isang malamig na bahagi ng mundo, may isang grupo ng mga taong naninirahan. Sinasabing ang mga taong ito ang isa sa mga sinaunang nilalang. Marami pa silang bagay na hindi nalalaman o natutuklasan. Napakabata pa ng sibilisasyon at payak pa ang pamumuhay.
Isang araw, isa sa mga tao sa grupong ito ang naatasang maglakbay upang alamin kung may iba pang nilalang o uri ng taong tulad nila na naninirahan sa labas ng kanilang lugar.
Naglakbay ang taong ito ng ilang araw sa masusukal na kagubatan at malalawak na karagatan at lupain.
Hanggang sa isang gabi, may nasilayan siyang liwanag sa ‘di kalayuan. Pinuntahan niya ito.
Ang liwanag ay nagmumula sa apoy. Ngunit dahil inosente, hindi alam ng taong iyon ang tungkol sa apoy. Siya ay natakot.
Huwag kang matakot, ang sabi ng tinig sa kanyang likuran.
Pagtalikod niya ay laking gulat niya nang makitang may nakatayo na pala sa kanyang likuran. Isang lalaking napakalinis at napakaganda. May mahabang buhok at balbas at tila kasama itong nagliliwanag na apoy.
Ano itong aking nakikita? ang tanong ng tao.
Ang tawag diyan ay apoy. Lumapit ka at nang maranasan mo ang dulot nito.
Bahagya ngang lumapit ang tao sa apoy, at siya ay natuwa. May init na nagmumula roon. Noon lamang niya naramdaman ang gayon.
Ang apoy na iyan ay nagdadala ng liwanag. Kapag dinala mo iyan sa iyong mga kasama, tiyak na makikita nila ang maraming bagay.
Papaano ko dadalhin sa kanila ang liwanag na ito? ang tanong ng tao. Maaari ko bang hawakan ang apoy?
Hindi mo maaaring hawakan, baka ikaw ay masunog. Pero maaari kong ituro sa iyo kung papaano mo ito madadala sa kanila.
Sige. Ituro mo sa akin.
At ganoon nga ang nangyari. Natutunan ng tao na sa pamamagitan ng pagkiskis sa dalawang tuyong sanga ng kahoy, ang apoy ay nalilikha. At kapag pinagkuskos ang dalawang bato, ito rin ay nalilikha.
Masayang-masaya ang tao sa bago niyang tuklas. Kaagad siyang nagpaalam sa nagturo sa kanya niyon, at siya nga ay naglakbay pabalik sa kanilang lugar upang ihatid sa kanyang mga kasama ang magandang natuklasan.
Tinipon niya ang lahat ng tao sa kanilang lugar, at ipinakita niya kung papaanong nalilikha ang apoy.
Namangha ang lahat. ang iba’y natakot.
Huwag kayong matakot, ang sabi niya. Maraming magagawa ang apoy na ito sa ating lahat. Sige, lumapit kayo…
Lumapit ang ilansa apoy. At sila’y nasiyahan nang makadama ng init mula rito.
Hindi lang iyan. Ang apoy ay nagdadala rin ng liwanag. Liwanag na tatanglaw sa atin sa dilim. Liwanag na gagabay sa ating lahat.
At ganoon nga ang nangyari. Lumiwanag ang kanilang bayan nang dahil sa pagkakatuklas nila sa apoy.
Ngunit dahil din sa liwanag na iyon, nahayag ang hindi magagandang bagay na ginagawa ng karamihan sa dilim. Tulad ng pagpapalit-palit ng kasiping, pang-uumit at sari-saring kasamaan.
Lubos na nabahala ang mga tao at sila’y nagkagulo.
Kinamuhian nila ang liwanag. At dahil doon, kanilang hinatulan ng kamatayan ang taong nagdala a kanila niyon.
Hindi na muling lumikha ng apoy magmula noon sa pag-aakalang iyon ang susi sa katahimikan at kapayapaan. Ngunit sa pagkawala ng apoy, lalong tumindi ang lamig. At iyon ang unti-unting kumitil sa buhay ng marami sa kanila.
Upang matapos na ang kamatayan, at bago pa sila maubos ng tuluyan, muli silang nagdesisyong lumikha ng apoy.
At dahil sa init na hatid ng apoy, naiwasan ang kamatayan sa kanilang lugar. Namatay din ang mga mikrobyong kumakalat na naghahatid sa kanila ng sakit. At dahil iniinit na ang pagkain, mas naging masarap at malinis iyon.
Gumanda ang kanilang buhay nang dahil sa apoy. At nang dahil sa liwanag na dala nito, natakot nang gumawa ng kasamaan ang ilan sa kanila. Dahil tiyak na ito’y mahahayag sa liwanag.
Minsan may isang pastol na may isandaang tupa na inaalagaan. Bawat isa ay kanyang iniingatan at ginagabayan. Pinoprotektahan din niya sa mga lobo ang kanyang mga tupa, at itinutuwid ng landas sa tuwing sila’y maglalakbay.
Ngunit isang araw, nang bilangin ng pastol ang kanyang mga tupa’y bigla siyang nanlumo.
Siyamnapu’t siyam lamang ang kanyang bilang. May isang tupa na nawawala. Sa katunayan, ang tupang iyon ang pinakamaliit sa lahat. At hinding-hindi niya makakalimutan ang itsura nito at ang tinig nito, bagama’t halos pare-pareho ang itsura ng mga tupa.
Kaagad kumilos ang pastol. Inayos niya ang siyamnapu’t siyam niyang tupa sa isang tabi, at siya ay lumisan upang hanapin ang nawawalang tupa. Hindi lubos maintindihan ng naiwang mga tupa kung bakit ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng kanilang amo sa isang nawawalang tupa at handa nitong iwan silang siyamnapu’t siyam. Hanggang sa magbalik ang kanilang amo. Dala na nito ang nawawalang tupa at ito ay maligayang-maligaya!
Ang sabi ng pastol sa kanyang mga tupa, Sinuman sa inyo ang mawala, hahanapin ko din. Kung papaano kong hinanap ang isang ito. Dahil lahat kayo ay mahalaga sa akin.
Isang lalaki ang naglalakbay pababang Jerusalem at patungong Jeriko. Mula sa kanyang kinatatayuan ay abot-tanaw pa rin niya ang huling bahay sa Jerusalem. Naabutan siya ng sikat ng araw at nagpahinga sa ilalim ng punungkahoy at doon na rin niya kinain ang kanyang pananghalian. Nang siya ay muli niyang isinabit sa kanyang balikat ang sako. Nanatili pa rin siyang nag-iisa sa kanyang paglalakbay. Mataas pa rin ang araw kaya naniniwala siya na makakarating siya sa kanyang pupuntahan. Nang walang anu-ano isang grupo ng kalalakihan ang nakita niya at ginulpi siya at inagaw lahat ang kanyang mga dala. Iniwan siyang halos wala ng buhay. Isang pari ang napadaan at nilampasan lamang siya, ganoon din ang ginawa ng isang Liveti. At may isang napadaan na Samaritano ang naawa sa kanya at tinulungan siya. Binindahan ang kanyang sugat at pinainom ng alak, pagkatapos painumin ng alak, dinala siya sa isang lugar. Ginamot niya ang sugat at binalot niya ng kumot at binigyan siya ng gamot para bumaba ang kanyang lagnat. Nang mabuti na ang kanyang pakiramdam ay nag-utos ang Samaritano sa nagmamay-ari ng tahanan na kanyang tinutuluyan na tingnan mabuti ang istranghero at muling nagpatuloy siya sa kanyang paglalakbay.
Minsan nagtampo ang buwan sa araw at ito’y kanyang kinamuhian. Inggit ang dahilan ng lahat.
Naiinggit siya sa araw, dahil ito’y mas sikat at hinahangaan ng mga tao kaysa sa kanya. Samantalang siya’y simbolo lamang ng malalagim na bagay. At kung minsan ay ginagawang palatandaan ng kabaliwan!
Walang nananabik sa kanyang pagsikat at walang nanghihinayang sa kanyang paglubog. Habang ang araw ay parating inaabangan ang pagsikat at ikinalulungkot ang paglubog nito.
Sa galit ng buwan, siya’y nagpakalayu-layo sa araw.
At sa paghahangad niyang maging sikat, nanghiram siya ng kulay sa bahaghari at ito’y ipinahid niya sa kanyang mukha.
Gayundin, nanghiram siya ng ilang bituin at pinakislap ang ilang bahagi ng kanyang kabuuan.
Hindi nga naglaon at napansin siya ng mga tao.
Ngunit sa halip na hangaan, siya’y pinagtawanan. Nilibak. Kinutya!
Saan ka nakakita ng buwan na may ibang kulay?
Lubos na nalungkot ang buwan.
Malulupit ang tao, ang sabi niya. Nagkamali siya kung bakit hinangad pa niya ang paghanga ng mga ito.
At masaklap pa nito, napuna na lamang ng buwan na unti-unti nang napapawi ang taglay niyang liwanag. Kapag nagtuluy-tuloy ang paglalaho ng kanyang liwanag, tuluyan na siyang mawawalan ng saysay.
Dito napag-isip-isip ng buwan ang isang katotohanan. Na kapag malayo pala siya sa araw ay nawawalan siya ng liwanag. Dahil ang liwanag na kanyang taglay ay sa araw rin nagmumula. Ito ang nagbibigay at sa kanya’y nagkakaloob.
Hiyang-hiya ang buwan sa kanyang ginawa. Nagbalik siya sa araw na hinang-hina. Humingi siya ng tawad dito.
Napakasama ko. Ikaw na nagbigay sa akin ng buhay ay kinainggitan ko pa. Anong klaseng nilalang ako?
Ang lahat ay natutukso at nagkakamali. Ang mahalaga’y nagbalik ka nang muli kung saan ka nararapat. At iyan ay sa piling ko, ang sabi ng araw.