Noong unang panahon ay panay na liwanag at walang dilim, sapagkat sina Adlaw at Bulan ay mag-asawang maligayang namumuhay. Sila ay nagkaroon ng maraming anak. ang kanilang anak ay mga tala at bituin na nagkakalat kung kaya’t lalong nagliwanag sa kalangitan.
Minsan ay nagkagalit nang malubha ang mag-asawa na humantong sa paghihiwalay. Pinamili ang mga anak kung kanino sasama. Sapagkat mas mabait ang ina, sa kanya sumama ang lahat ng mga tala at bituin. Walang nagawa si Adlaw kundi tanggapin ang kanyang kapalaran. Simula noon, kapag araw mag-isang nagbibigay liwanag si Adlaw. At kung gabing madilim tulong-tulong na nagpapaliwanag ang mag-iinang Bulan, mga tala at bituin.
Dahil sa ipinakitang kalupitan ng mga tulisang-dagat, ang mga naninirahan sa Balud, sa pangunguna ng mga misyonerong Heswita ay nagtungo sa Binongtoan, isa sa kalapit na nayon. Doon ay nagsimula silang bumuo ng panibagong nayon at matatag nakuta na yari sa mga batong adobe. Pinatatag nila ang kanilang nayon. Naglagay sila ng mga pamigil na harang laban sa marahas na pananalakay ng mga tulisang-dagat. Ang mga tagapamuno ng Binongtoan ay sina Ambrocio Makarumpag, Francisco Karanguing, Juan Katindoy at Tomas Makahilig. Sa pagpupulong ng mga tagapamuno na dinaluhan ng mga misyonerong Heswita, sila’y nagkasundo na pangalanan ang lugar na Baysay na may kahulugang ‘maganda’ bilang parangal at sa alaala ng kanilang magandang si Bungangsakit. Samantala, ang mga taga-Omit na nakasalamuha ni Bungangsakit nang kanyang kabataan ay hindi sumama sa pagtatatag ng bayan ng Baysay. Sa halip sila’y nagkaisa at nagtatag ng kanilang sariling barangay na pinangalanang Guibaysayi, na may kahulugang ‘Ang Pinakamaganda’ bilang pagbibigay parangal din sa kagandahan ng kanilang si Bungangsakit.
Ang mga naninirahan sa Baysay ay nagtatag ng pangkat ng mga tagapagtanggol na binubuo ng matatapang na kalalakihan sa kanilang lugar na pinamumunuan ni Katindoy, isang matapang na mandirigma. Batid nilang ang mga tulisang-dagat ay muling babalik kaya’t nagtayo sila ng kuta na yari sa matitigas na bato sa Bungal na matatagpuan sa bukana ng ilog. Sa kutang ito magtitipon ang matatapang na tagapagtanggol ni Katindoy upang planuhin ang kanilang mga gagawing depensa laban sa mga tulisang-dagat atupang mamatyagan ang paparating na mga vinta. Nuong 1832, ang ilang piling lugar sa Bungal ay inihanda para sa pagtatayo ng Simbahang Katoliko ng mga Heswita. Subalit sa kakapusang-palad , ang walo-walo ay dumating at sinalanta ang buong kuta. Ang walo-walo ay walong araw na walang tigil na pag-ulan nang malakas na may kasamang malalakas na hangin. Pagkalipas ng ilang araw, dumaan pa ang napakalakas at nagngangalit na bagyo sa lugar na kumitil sa napakaraming buhay at sumira ng napakaraming ari-arian.
Sapagkat walang matirahan at sinalanta ng bagyo, ang mga natirang buhay na naninirahan sa Baysay ay ay nagpasyang muling kumilos upang humanap ng lugar na may mga burol na magsisilbing pananggalang sa malalakas na hangin. Napili nila ang kasalukuyang kilalalagyan ng bayan ng Baysay. Malapit sa lugar na ito ay matatagpuan ang mga burol na isa sa mga ito ay tinayuan ng mga katutubo ng mataas na tore. Mula sa tore ay matatanaw ang paparating na mga vinta at ang mga burol ay maaaring mapaglikasan sa mga panahon ng pagbaha at kublihan kapag may malalakas na bagyo.
Ang Bukal ng Tiwi ay isa sa magaganda at natatanging pook sa Pilipinas. Ito ay may layong higit-kumulang na apatnapung kilometro sa Lunsod ng Legaspi sa Bikol. Ang Bukal ng Tiwi ay pinagdarayo ng ating kababayang Pilipino at mga dayuhang turista dahil sa mainit na tubig na sinasabing gamot sa iba't-ibang karamdaman.
Noong unang panahon raw, ang Tiwi ay isang magandang nayon. Bukod dito, nakilala rin ang Tiwi dahil sa magagandang dalaga sa pook na ito. Nabalitaan raw ito ng anak ng Haring Araw. At isang araw, sakay sa kanyang karuwahe ay namasyal ang binata sa Tiwi. Magaganda ang mga dalagang kanyang nakita. Nabighani kaagad siya sa ganda ni Aila, ang pinakamaganda sa lahat ng dalaga sa Tiwi. Mabilis na bumalik ang binata kay Haring Araw at ibinalita niya ang napakagandang dalaga na nakita niya. Sinabi niya sa hari na iniibig niya ang dalaga at ibig niya itong maging asawa.
Malungkot na umiling ang hari at ipinaliwanag sa binata na hindi maaaring mag-asawa ang katulad niya sa mga karaniwang tao.
Nalungkot ang binata sa sagot ng ama kaya hindi na siya namasyal nang sumunod na mga araw. Ang kanyang karuwahe, kasuotan at mata na nagbibigay liwanag ay hindi na nakita ng mga tao. Dahil dito nagdilim ang mundo.
Naisip ni Haring Araw na kaawa-awa ang mga tao. Kinausap niya ang binata upang muling magliwanag ang daigdig. Pumayag ang binata. Binalak niyang bumalik sa Tiwi at pakasalan ang magandang si Aila na lingid sa kaalaman ni Haring Araw.
Mabilis na nagbihis ang binata at masiglang sumakay sa kanyang karuwahe. Dahil dito muling lumiwanag ang paligid. Kaagad niyang pinuntahan ang Nayon ng Tiwi upang magpahayag ng pag-ibig sa magandang si Aila. Ngunit nang malapit na siya sa nayon ay sumiklab ang apoy. Nakita niya na nagtatakbuhan ang mga tao upang iligtas ang kanilang sarili. At nakita ng binata ang magandang si Aila kaya mabilis siyang bumaba upang iligtas ang dalaga.
Natupok ang buong nayon at ang lahat ng tao roon. Kinalong ng binata ang natupok na dalaga. Sa isang iglap ay naging abo ang katawan ng magandang si Aila. Biglang sumaisip ng binata na sadyang magsisiklab ang anumang bagay na mapapalapit sa kanyang karuwahe at kasuotan, gayundin kung matitigan ng kanyang mga mata. Naalala rin niya ang paliwanag ng kanyang Amang Araw na hindi maaaring mag-asawa sa karaniwang tao ang katulad nila. Malunkot na sumakay na muli sa kanyang karuwahe ang binata. Bumalik siya kay Haring Araw upang ibalita ang masamang bunga ng pag-ibig niya sa isang magandang dalaga.
Sa paglipas ng panahon, nakita ng mga tao ang pagbabagong bihis ng natupok na Nayon ng Tiwi. May bumukal na tubig sa gitna ng natupok na pook at muling naging lunti ang paligid. Mula na noon hanggang sa ngayon, pinagdarayo ng mga tao ang bukal ng Tiwi dahil sa mainit na tubig na bumabalong sa bukal na namumuti sa singaw ng init ng araw.
Masagana ang Kahariang Masinlok. Magandang maganda noon ang umaga. Maningning ang sikat ng araw. Sariwa ang hanging amihan. Lunti ang mga halaman sa paligid. Masigla ang awit ng mga ibon. Bughaw ang kabundukan. Subalit ang kagandahan ng umaga ay hindi nakasiya sa Datu. Wala siyang madamang kaligayahan sa lahat ng namamalas.
Malungkot na nakapanungaw ang Datu. Nakatuon ang ma paningin sa sa bughaw na kabundukan. Nakakunot ang noo at tikom ang mga labi. Nagbuntong-hininga nang malalim.
Malungkot na naman kayo, mahal na Datu, narinig niya sa may likuran. Bumaling ang Datu. Nagtanong ang mga mata ni Tandang Limay. Isa ito sa bumubuo sa Konseho ng Matanda.
Ikaw pala. Nalulungkot nga ako, Tandang Limay. Naalaala ko ang aking kabataan, at nagbuntung-hininga muli. Humawak siya sa palababahan ng bintana.
Nakita mo ba ang bundok na iyon? nagtaas ng paningin ang Datu.
Oo, aking Datu, ngunit ano ang kinalaman niyon sa inyong kalungkutan? tanong ni Tandang Limay. Napag-usapan na ng Matatanda ang napapansin nilang pagkamalungkutin ng Datu. Siya nga ang naatasang magsiyasat tungkol dito.
Doon ako sa mga bundok na iyon laging nangangaso. Natatandaan mo marahil na malimit akong mag-uwi ng baboy-ramo at usa sa aking ama at mahal ko sa buhay.
Opo, Kayo mahal na Datu ang kinikilalang pinakamagaling sa pana noon. Napabantog sa ibang kaharian ang inyong katangian sa pangangaso, sang-ayon ni Tandang Limay.
Iyan ang suliranin ko ngayon. Para bang gustong-gusto kong magawa uli ang mga bagay na iyon, ngunit napakatanda ko na upang pagbalikan ang kabundukang iyon. Napakalayo na ang mga pook na iyon para sa mahina kong katawan, at muling nagbuntung-hininga ang Datu.
Hindi na nga ninyo makakayanan ang maglakbay nang malayo. Ngunit maaari naman kayong magkaroon ng ibang libangan, pasimula ni Tandang Limay.
Bahagi na ng aking buhay ang pangangaso. Hindi na rin ako makadarama ng kasiyahan kung iba ang aking magiging aliwan, malungkot na umiling ang Datu.
Naging usap-usapan sa buong kaharian ang suliranin ng Datu. Nabalita rin sa ilang bayan ang pagkamalungkutin ng pinuno ng Masinlok.
Makalipas ang ilang araw, dumating sa palasyo ang isang salamangkero. Matanda na siya at mabalasik ang mukha. Malaki ang paghahangad niya sa kamay ni Prinsesa Alindaya, prinsesa ng Masinlok ngunit malaki rin ang pag-ayaw nito sa kanya.
Nagbigay ng kaukulang paggalang ang panauhin.
May magandang panukala ako tungkol sa inyong suliranin kung inyong mamarapatin, mahal na Datu, saad ng salamangkero.
Sabihin mo at handa akong magbayad sa inyong kapaguran, turing ng Datu.
Magpapatubo ako ng isang bundok sa kapatagan ng Masinlok na malapit sa inyong palasyo para sa inyong pangangaso ipakasal lamang ninyo sa akin si Prinsesa Alindaya, pahayag ng panauhin.
Kung matutupad mo ang iyong sinabi ay ibibigay ko sa iyo ang kamay ng aking anak, mabilis na pasiya ng Datu.
Madaling kumuha ng isang maliit na batumbuhay ang salamangkero. Ito’y parang isang batong mutya. Itinanim niya itong tila isang binhin ng halaman. Biglang-biglang sumipot sa pinagtamnan ang isang maliit na puno. Tumaas nang tumaas iyon. Lumaki nang lumaki hanggang sa maging isang bundok.
Aba, anong laking bundok! Di ba iyan tumubo sa itinanim na batong mutya ng salamangkero? paksa ng usapan ng mga tao.
Samantala sa palasyo, iniluhang gayon na lamang ni Prinsesa Alindaya ang naging pasiya ng ama. Ipinagdamdam niya nang labis na tila siya ay kalakal na ipinagpalit lamang sa isang bundok. At sa lalaki pa namang kanyang kinamumuhian. Laging lumuluha ang magandang prinsesa. Nagkaroon siya ng karamdaman. Naging malubha ang kanyang sakit. Dumating ang araw na itinakda ng Datu sa pagkuha sa kanya ng salamangkero.
Ikinalulungkot ko na hindi ko mapasasama sa iyo ang aking anak. May sakit ang mahal na prinsesa. Magbalik ka sa ibang araw, saad ng Datu sa salamangkero.
Umuwing masamang-masama ang loob ng matanda. Galit na galit siya sa Datu. Sinapantaha niyang gusto na nitong sumira sa usapan. Nagulong gayon na lamang ang kanyang loob. Lagi niyang naiisip si Prinsesa Alindaya at ang kanyang kabiguan. Hindi niya napansing palaki nang palaki ang bundok. Ito’y kanyang nakaligtaan.
Mahal na Datu, halos natatakpan na po ng bundok ang buong kapatagan. Malapit na pong humangga ang bundok sa tabing-dagat. Wala na pong matitirhan ang mga tao, sumbong ng matatanda sa Datu.
Hulihin ngayon din ang salamangkero. Putulan siya ng ulo. Lubhang nakapipinsala sa kaharian ang bundok na pinatubo niya, mabalasik na utos ng hari. Natakot siya sa maaring mangyari sa kaharian.
Namatay ang salamangkero ngunit patuloy pa rin sa paglaki ang bundok. Araw-araw ay pataas ito nang pataas na lalong ikinabahala ng mga tao. Walang maisipang gawin ang Datu. Palubha nang palubha ang suliranin.
Nakaabot ang balita hanggang sa malalayong kaharian. Nakarating iyon sa pandinig ni Prinsipe Malakas ng Pangasinan. Balita siya sa taglay na lakas at kabutihang loob. Agad siyang naglakbay patungong Masinlok. Humarap sa Datu ang matikas na prinsipe.
Nakalaan sa inyo ang aking paglilikod, mahal na Datu, magalang na badya niya.
Nakalaan akong magbigay ng kaukulang gantimpala. Humiling ka kahit anong bagay kapag nagtagumpay ka. Lunasan mo ang suliranin ng kaharian, Prinsipe ng Pangasinan, pahayag ng Datu.
Wala po akong hinihintay na gantimpala, aking Datu. Tayo na sa labas.
Si Alindaya na noo’y magaling na ay naganyak sa tinig ng panauhin. Sumilip siya sa siwang ng pintuan. Malakas na malakas ang pitlag ng puso ng dalaga.
Nanaog ang Datu pati ang prinsipe. Madali nilang sinapit ang paanan ng bundok.
Sa isang kisapmata, binunot ng prinsipe ang bundok. Parang pagbunot lamang ng isang maliit na punong-kahoy. At sa isang iglap din, ipinatong niya iyon sa kanyang likod na walang iniwan sa pagbalikat ng tinudlang baboy-ramo. Mabilis din siyang humakbang na papalayo at ihinagis ang bundok sa lugal na kinaroroonan nito ngayon.
Bumalik ang prinsipe at ang Datu sa palasyo sa gitna ng pagbubunying mga tao. Galak na galak ang kaharian. Pagdating sa palasyo, niyakap ng Datu ang prinsipe. Iniutos niya ang malaking pagdiriwang para sa karangalan ng prinsipe noon ding gabing iyon.
Gabi ng kasiyahan, nagsasayaw noon ang prinsesa pagkat nahilingan ng amang Datu. Walang alis ang tingin ng prinsipe sa magandang mananayaw. Nabatubalani siya ng magandang prinsesa. Walang humpay ang palakpak ng prinsipe matapos ang pagsasayaw nito.
Kiming umupo ang prinsesa sa tabi ng Datu. Siya’y tahimik na nakatungo.
Ang aking anak, si Prinsesa Alindaya, mahal na prinsipe, nakangiting pagpapakilala ng Datu. Yumukod ang prinsipe at ang prinsesa nama’y nag-ukol ng matamis na ngiti.
Walang alis ang paningin ni Prinsipe Malakas sa dalaga. Hindi matagalan ng prinsesa ang kabigha-bighaning titig ng prinsipe.
May sasabihin ka, Prinsipe Malakas? tanong ng hari upang basagin ang katahimikan.
Hinihingi ko ang inyong pahintulot na makausap ko ang mahal na prinsesa, mahal na Datu, ang hiling ng prinsipe.
Higit pa sa riyan ang maibibigay ko, sang-ayon ng Datu.
Hindi nagtagal at nasaksihan sa Masinlok ang marangyang kasal nina Prinsesa Alindaya at Prinsipe ng Pangasinan. Nagsaya ang kaharian sa loob ng anim na araw.
Samantala, ang guwang na nilikha ng pagkabunot sa bundok ay napuno ng tubig ito’y naging isang lawa.
Naging maganda at matulain ang lawang ito na tinawag ng mga tao na Lawa ni Alindaya sapagkat nagpapagunita ng kagandahan ng prinsesa at ng pag-ibig niyang siyang dahilan ng pagkakaron ng Bundok na Pinatubo.
abis na nakamamangha at napakahiwaga ang tungkol sa yungib. Ito ay pinanirahan ng mga supernatural na nilikha tulad ng mga diwata at reyna na pinaniniwalaang lumitaw nuong unang panahon. Sila ang pinaniniwalaang magagandang nilikha ng diyos na may napakaraming aria-arian tulad ng iba’t ibang uri ng mga alahas. Mayroon din silang mga bagay-bagay na yari sa tanso tulad ng mga agong (gongs), mga kulintang, mga gandingan at iba pang mga bagay-bagay na may kaugnayan o kabilang sa kumpletong mga instrumentong musikal na yari sa tanso.
Ang mga sinaunang nanirahan sa nayon ay maingat na nagmatyag at malapitang sinaksihan ang mga pambihirang gawi at mga kakatwang gawain ng mga kakaibang naninirahan sa yungib. Napuna ng mga taga-nayon na tuwing maaliwalas na mga gabi ay nagkakaroon ng pambihirang kasayahan sa bundok. Ang malamyos na musikang likha ng mga instrumentong musikal ay maririnig mula sa bunganga ng yungib. Mapagkikilalang ang musika ay likha ng kagamitang musikal na yagi sa tanso. Sa katahimikan ng gabi, ang musikang nagmumula sa bundok Pinto ay nakapagdudulot ng tunay na kasiyahan at kaligayahan sa mga naninirahan malapit sa bundok. Ang gayong kakaiba at kamangha-manghang nakaaaliw at masasayang pangyayari ay nagtagal at nagpatuloy ng maraming mga taon.
May pagkakataon pang ang ilang malalakas ang loob na lalaki ay di pa nasiyahan sa pakikinig lamang ng nakaaaliw na matamis at masarap pakinggang tugtuging idinudulot sa mga tao ng mga supernatural na nilikha. Isang gabi, tatlong mapangahas na lalaki ang sumubok na lumapit sa yungib ng bundok. Sila’y dahan-dahan at tahimik na gumapang hanggang sa makarating sa pinakamainam na lugar malapit sa bunganga ng yungib at doo’y nagkubli ng ilang sandali.
Ano ang kanilang nakita? Sila’y buong kapanabikang nangabigla nang makita ang mga kaibig-ibig tingnang mga nilalang na tumutugtug gamit ang mga intrumentong musikal na yari sa magagaang kawayan na makinis ang pagkayari. Sa pinakaloob na bahagi ng yungib, ang ibang mga reyna ay buong kasiyahang tumutugtog gamit ang mga kulintang, agong, gandingan at iba pang mga instrumento. Nang maramdaman nilang may mga tao sa di kalayuan, kaagad silang napatugil sa pagtugtog. Madali nilang nalamang may tao sa paligid dahil sa kanilang matalas na pang-amoy.
Ang mayuyumi, magaganda at kabigha-bighaning mga nakababatang diwata at reyna ay biglang naglaho. Nahintakutan sila sa pagdating ng mga tatlong kalalakihan. Ang mga nakatatandang mga diwata at reyna lamang ang nanatili roon ngunit di kumikibo at nakamasid lamang. Naumid naman ang tatlong lalaki at di malaman ang sasabihin ng makita nang harapan ang mga mga kabigha-bighaning nilalang.
Magaganda at mababango ang mga bulaklak sa ating bansa. Isa na rito ang bulaklak ng Dama de Noche. Natatangi ito sa mga bulaklak sapagkat lunti ang kulay nito at sa gabi ito humahalimuyak sa bango. Narito ang isang kuwento na nagpapaliwanag kung bakit sa gabi humahalimuyak sa bango ang bulaklak ng Dama de Noche.
Noong unang panahon ang mga pamayanan o mumunting kaharian sa ating kapuluan ay pinamumunuan ng mga datu at sultan. Sila ay iginagalang at pinagsisilbihan ng mga taong kanilang mga nasasakupan. Nasusunod nila ang bawat maibigan. Nakapamimili sila ng babae na pakakasalan nila.
Ganito ang katayuan ni Datu Makisig. Bata pa siya at makisig kaya maraming dalaga na anak ng matatandang datu at sultan sa karatig na mga kaharian ang nagnanais na maging asawa niya. Ngunit walang mapili si Datu Makisig sa kanila.
Minsan sa pagbibisita ni Datu Makisig sa malayong pook na nasasakop ng kanyang kaharian ay nakita niya si Dama. siyang dalagang mahirap ngunit ubod ng ganda. Sinuyo si Datu Makisig ang dalaga at ang mga magulang nito. Hindi nagtagal, sila ay pinagtaling-puso.
Naging mabuting maybahay si Dama. Gumanda ang palasyo ng munting kaharian ni Datu Makisig. Lagi na itong malinis at maayos. Nagkaroon ito ng mga palamuti. Masasarap ang pagkaing niluluto ni Dama para kay Datu Makisig at sa kanyang mga nagiging panauhin. Winiwisikan niya ng pabango ang kanilang silid upang mahimbing ang tulog ng asawang datu.
Kung ilan ding taong maganda ang pagsasama ni Datu Makisig at ni Dama. Ngunit hindi sila magkaroon ng mga anak. Ito ang naging dahilan nang pagbabago ng datu. May mga panahong hindi na siya umuuwi kung gabi at hindi na niya kinakain ang pagkaing niluluto ni Dama. Madalang na rin niyang kausapin ang asawa.
Dinamdam ni Dama ang pagbabago ng mahal niyang asawa. Gayunman, higit niyang pinagbuti ang pagsisilbi sa asawang datu. May mga gabing hindi siya kumakain at natutulog sa pag-aantay kay Datu Makisig. Dahil dito, humina ang katawan ni Dama hanggang sa siya ay magkasakit.
Isang gabi, umuwi si Datu Makisig. Gaya ng dati, nalanghap niya ang pabango sa kanilang silid ngunit nakaratay sa sakit si Dama.
Mahal na Datu, malubha ang sakit ng mahal na reyna, wika ng mga manggagamot sa nasa tabi ng maysakit na si Dama.
Naawa si Datu Makisig sa maysakit na asawa. Kinalong niya at hinagkan ang asawa at saka siya humingi ng tawad. Nagmulat ng mata si Dama, yumakap sa datu at may ngiti sa labing sinabi: Salamat at dumating ka. Mahal kita. Ibig kong paglingkuran ka pa. Ngunit kinukuha na ako ni Bathala. Paalam mahal kong datu.
Nagluksa ang munting kaharian ng datu sa pagkamatay ng mahal nilang reyna. Nagsisi si Datu Makisig. Ang nalulungkot na Datu ay nakakita ng isang lunting halaman sa puntod ni Dama. Inalagaan niya ito nang mabuti at hiniling niya kay Bathala na pamalagiing lunti ang halaman sa puntod ni Dama.
Lumipas ang maraming araw. Lumaki at lumago ang halamang inaalagaan ni Datu Makisig. At dumating ang araw na sumulpot ang bulaklak ng halaman.
Lunti ang mga bulaklak, wika ng datu. Dininig ni Bathala ang aking pakiusap. Salamat sa bigay ninyong alaala sa akin ni Dama.
Nang gabing iyon, may nalanghap na pabango ni Dama si Datu Makisig. Hinanap niya ang pinagmumulan ng halimuyak ng pabango sa kanyang silid. Ngunit wala siyang nakita sa halip naamoy na muli niya ang mabangong halimuyak na waring nanggagaling sa halaman sa puntod ni Dama. Dali-dali niyang pinuntahan ang halaman. Natiyak ni Datu Makisig na ang mga bulaklak na lunti ang pinagmumulan ng mabangong halimuyak ng pabango ni Dama.
Magmula na noon, tuwing gabi ay laging makikita si Datu Makisig sa tabi ng halaman na sinasamyo ang halimuyak ng bulaklak na alaala ng yumaong asawa. Hanggang isang umaga nakita ng mga alagad ng datu na wala ng buhay si Datu Makisig na nakayakap sa tabi ng halamang lunti.
Lumipas ang mga taon. Dumating ang mga Kastila sa dating munting kaharian ni Datu Makisig. Napansin nila ang halamang lunti sa bawat bakuran ng tahanan. Sa pagtatanong-tanong ay nalaman nila ang magandang kuwento ng halamang lunti at ang pag-iibigan nina Datu Makisig at Dama. Tinawag nilang Dama de Noche ang bulaklak na lunti dahil sa gabi ito bumabango. At magmula na noon tinawag ng lahat na Dama de Noche ang lunting bulaklak na alaala ni Dama kay Datu Makisig.
Noong unang panahon, si Sultan Makan-ali ay nagpakasal sa isang katulong. Nagkaroon sila ng anak na babae at tinawag nila itong Duri. Hindi namana ni Duri ang magandang mukha ng kanyang ina kaya walang manligaw sa kanya. Ngunit sa kabila ng pangit na mukha ni Duri ay mayroon naman siyang malinis at magandang kalooban.
Naging malungkot ang buhay ni Duri. Bagamat masagana ang kanyang buhay ay malungkot pa rin siya sapagkat wala siyang kaibigan. Lahat ng kasing-edad niya ay nangagsipag-asawa na. At lalo pang nalungkot sapagkat masaya ang mga ito sa piling ng kanilang pamilya.
Sa labis na kalungkutan ay nagkasakit si Duri. Lahat ng gamot ay sinukuban na ngunit hindi pa rin siya gumagaling.
Isang gabi ay nakarinig siya ng isang napakagandang awit. Napakalambing nito at labis siyang naakit. Pinilit niyang bumangon kahit nanghihina ang kanyang katawan at hinanap ang pinagmulan ng awit. Kinabukasan ay natagpuan na lamang ng kanyang magulang si Duri na wala nang buhay malapit sa tabing dagat. Ipinalibing siya ng kanyang magulang sa gilid ng kabundukan.
Maraming taon ang lumipas at nakalimutan ng mga tao si Duri. Isang araw ay napansin nila ang isang puno sa lugar na pinaglibingan kay Duri. Ang bunga nito ay tulad ng langka ngunit napakasama ng amoy.
Iniwasan ng mga tao ang lugar na iyon sapagkat ang bunga na nababalot ng tinik ay napakasama ng amoy. Itinulad nila ang bunga kay Duri ang dalagang inilibing sa lugar na iyon.
Si Rita ay isang batang lubhang malikot. Ang kanyang ina ay laging naiinis sa mga ginagawa niyang hindi dapat gawin ng mga batang katulad niya.
Isang araw, ang kanyang ina ay nagbayo ng palay. Si Rita ay nanood sa kanyang ina. Siya'y gutom na gutom sapagka't galing siya sa laruan. Nang mayroon ng isang salop ang nabayong bigas, si Rita ay nagsimula nang kumain ng bigas. Ang lalagyan ng bigas ay malaki at may takip na bilao. Ngayon natakpan siya ng bilao. Hindi nahalata ng ina. Nang matapos na ang ina sa kanyang pagbabayo, tinawag niya si Rita upang mautusan sa pagtatago ng binayo. Hindi sumagot si Rita. Hinanap ng ina sa lahat ng taguan, wala rin si Rita roon.
Nang kanyang buhatin ang lalagyan ng bigas may lumabas na maliit na ibon galing sa loob. Kumakain ng bigas ang ibong iyon. Ang ibong iyon ay si Rita, ang tinatawag ngayong Maya.
Sa bayan ng Tayabas ang pinakamagandang dalaga ay nagngangalang Ilang. Maraming mayayamang binata ang nanliligaw sa kanya. Ngunit ang kaniyang nagugustuhan ay si Edo. Isang mahirap na magsasaka.
Nagalit ang magulang ni Ilang. Ang gusto nilang mapangasawa ni Ilang ay isang mayamang lalaki. Pinagbawalan nila si Ilang na makipagkitang muli kay Edo. Ngunit lihim pa rin nagtatagpo sina Edo at Ilang. Nagkikita sila sa tabing ilog sa tuwing naglalaba ng mga damit si Ilang. At laging nagsusumpaan na magmamahalan habang buhay kahit ano pa ang mangyari.
Lahat ng mayayamang manliligaw ay hindi pinapansin ni Ilang kung kaya’t naghihinagpis ang kaniyang mga magulang. Minsan ay sinubukan siya ng kanyang ama at nahuli niya itong nakikipagkita kay Edo sa tabing ilog. Iyon na ang huling pagkikita nina Ilang at Edo. Simula noon ay hindi na nila pinalabas ng bahay si Ilang. Binabantayan upang hindi na makipagkita kay Edo.
Nalungkot nang labis si Ilang. Hindi na din siya lumalabas sa kanyang silid, hindi na kumakain at hindi na rin nakikipag-usap kahit kanino. Unti-unting nanghina si Ilang hanggang magkasakit at tuluyang namatay. Bago namatay ay hiniling ni Ilang na doon siya ilibing sa tabing ilog, ang lugar na pinagtatagpuan nila ni Edo.
Labis din ang lungkot ni Edo. Hindi na siya nag-asawa at sa araw-araw ay binabantayan niya ang libingan ni Ilang. Isang araw ay may tumubong isang puno sa puntod ni Ilang. Inalagaan ito ni Edo hanggang sa mamulaklak. Naakit ang lahat sa halimuyak ng bango ng mga bulaklak ng puno. Simula noon ay lagi na lamang umiiyak si Edo habang nakabantay sa puno at sinasambit ang pangalang… Ilang, Ilang, Ilang. Simula noon tinawag ang bulaklak na Ilang Ilang.
Maganda ang kamya. Ang bulaklak na ito ay puting-puti at napakabango. Saan kaya ito nagmula? Bakit kaya ito sa tabing-ilog tumutubo? Maganda ang kuwento sa sasagot sa mga tanong na ito. Ito raw ay nangyari noong unang panahaon na nakikita at nakikipag-usap pa sa mga tao ang mga diwata at mga diyos ng kalikasan.
Sa isa raw malayong nayon ay may isang napakagandang dalagita na ang pangalan ay Miya. Siya at ang kanyang matandang ingkong ay nakatira sa isang dampa na nasa tabi ng ilog. Ang kanilang ikinabubuhay ay ang pamimingwit ng isda, pamumulot ng suso at pangunguha ng pako at gabe sa pampang ng ilog. Kanila itong inilalako sa maliit nilang pamayanan.
Minsan, nagkasakit ang ingkong ni Miya kaya napag-isa siya sa pamimingwit, sa pamumulot ng suso at pangunguha ng pako at gabe sa pampang ng ilog. Isang umagang maganda ang sikat ng araw, habang namimingwit ay nawili siyang magmasid ng paligid. Minasdan niya ang mga ibon sa mga punungkahoy, ang mga paruparo sa ligaw na bulaklak, ang sariwang damo sa paligid, ang makahoy na mga burol at bundok. At saka natuon ang tingin ni Maya sa malinaw na tubig at naramdaman niyang may isdang kumakagat ng pain ng kanyang bingwit. Hihigitin na sana niya ang bingwit nang biglang napansin niya ang munting ipuipo sa tubig. Lumalaki nang lumalaki ang ipuipo hanggang sa sumipot sa gitna nito isang makisig na binata.
Magandang umaga, bati ng binata sa dalagita. Natakot si Miya kaya mabilis siyang lumakad paalis nang marinig niya ang kanyang pangalan na tinatawag ng binata.
Miya huwag kang matakot. Ibig ko sanang makipagkaibigan sa iyo, wika ng binata.
Bakit mo ako kilala?, tanong ng dalagita.
Araw-araw ay naririto ako at minamasdan ka. Nakilala ko ang iyong pangalan nang minsang tawagin ka ng iyong Ingkong, sagot ng binata. Nasaan ang iyong Ingkong at ilang araw na di mo siya kasama?
A, may sakit siya, sagot ni Miya. Kaya nga nag-iisa ako sa pamimingwit, sa pangunguha ng mga suso, ng gabe at pako.
Tutulungan kita, wika ng binata. Siyanga pala, ako si Kam.
At iyon ang naging simula ng magandang pagkakaibigan nina Kam at Miya. Tuwing umaga ay nadadatnan na ng dalagita ang binata na namimingwit sa pampang ng ilog na marami nang huling isda. Nakahanda na rin ang pinanguha niyang suso, gabe at pako.
Lumipas ang mga araw. Napamahal kay Miya si Kam. Minsan napansin ng dalagita na malungkot ang binata at kanya itong tinawag, Bakit Kam? May sakit ka ba?
Wala, kaya lamang kailangang ipagtapat ko na sa iyo ang aking lihim, wika ni Kam. Hindi ako karaniwang tao, Miya. Ako ay anak ng diyos ng mga ilog. Iniibig kita ngunit sinabi ng diyosa kong ina na hindi ako maaaring pakasal sa karaniwang taong tulad mo. Ngunit huwag kang mag-alaala Miya. Ano mang mangyari ay pakakasalan kita.
Malungkot na nagkahiwalay ang magsing-ibig ng araw na iyon.
Kinabukasan, nagulat si Miya nang datnan niya si Kam sa tabing-ilog na nakabihis nang puting-puti.
Miya, ngayon din ay pakakasal tayo, wika ni Kam sabay yakap sa dalagita. Tayo na sa iyong Ingkong at magsasabi tayo sa kanya na tayo'y pakakasal.
Magkakapit kamay na lumakad ang dalawa ngunit naramdaman ni Miya na may lakas na naghihiwalay sa kanila.
Miya! Kapit nang mahigpit sa akin!, utos ni Kam.
Ngunit malakas ang puwersa na naghihiwalay sa magsing-ibig. Natakot si Miya nang makabitiw siya sa kamay ng binata. Nagpipilit si Kam na maabot siya ngunit patuloy ang lakas na humahatak sa binata hanggang sa makarating ito sa tubig.
Kitang-kita ni Miya na sumulpot sa tubig ang ipuipo. Papalaki nang papalaki ang bilog nito hanggang sa higupin nito si Kam sa ilalim ng tubig.
Umiyak na naghihintay si Miya sa pagbabalik ni Kam. Ngunit dumating ang tanghali at lumubog na ang araw ay wala pa rin si Kam. Isang tanglaw ang nakita ni Miya sa papalapit sa kinatatayuan niya sa pampang ng ilog.
Miya, wika ng matandang ingkong sa dalagita. Bakit hindi ka umuuwi ng bahay?
Ipinagtapat ni Miya sa kanyang Ingkong ang pagkikilala, pag-iibigan nila ni Kam at ang balak nitong pagpapakasal sa kanya nang umagang iyon. Inilarawan niya sa kanyang Ingkong ang lakas na naghiwalay sa kanila, ang paghigop ng ipuipo kay Kam at ang kanyang pag-aantay.
Hindi po ako aalis dito Ingkong. Mag-aantay po ako kay Kam, wika ni Miya.
Ilang araw at gabing nag-aantay si Miya. Gaya ng nakaugalian ng ingkong ni Miya, tuwing umaga ay dinadalhan niya ang pagkain ang dalagita. Ngunit nang umagang iyon ay hindi niya nadatnan si Miya sa tabing-ilog. Sa halip, ang nakita niya ay isang malagong halaman na may bulaklak na puting-puti at humahalimuyak sa bango. Sa puno nito ay nakita ng matanda ang bingwit ni Miya at ang bunton ng mga suso, gabe at pako.
Ito marahil ang aking apong si Miya na nag-aantay sa naglahong si Kam, umiiyak na sabi ng matanda.
Nabalita sa nayon ang pag-iibigan ni Miya at ni Kam at ang kanilang pagkawala gayundin ang pagtubo sa pampang ng ilog ng isang natatanging halaman na mabango at maputi ang mga bulaklak. Mula na noon tinawag nilang Kamya ang halamang ito bilang pag-aalaala sa magsing-ibig na sina Kam at Miya.
Isang araw noon sa loob ng gubat
Mga ibo't hayop, masasayang lahat;
Pati mga puno at halamang gubat
Pawang nagdiriwang, lahat ay may galak.
Sa kabi-kabila ay naghahabulan
Pipit, maya, tikling, loro, at kilyawan;
Waring umaawit damo at halaman
Dahilan sa udyok ng hanging amihan.
Naririnig ito'y hindi nakikita
Ng buto ng kasoy sa loob ng bunga;
At kanyang nasambit ang matinding nasa,
Kasabay ng daing at buntong hininga.
Ako na ang butong pinakamaligaya
Kung makalalabas sa loob ng bunga
Aking maririnig at makikita pa
Mga kagalaka't pagsasaya nila.
Nagkataon namang Diwata'y dumating
At kanyang narinig ang butong hiling
Sa puno'y lumapit, bunga ay pinisil,
Buto nitong kasoy lumabas noon din.
Binigkas ng buto ang pasasalamat
At ang diwata naman tuloy nang lumakad
Ang munting buto ay galak na galak
Ganito pala, aniya, daigdig sa labas.
Natapos ang pista, saya't pagdiriwang
Nabalik sa dati itong kagubatan;
Tahimik nang lahat, puno at halaman,
Mga ibon yata'y nagsipandayuhan.
Sa loob ng gubat, lahat ay tahimik;
Itong munting buto, waring naiinip;
Walang anu-ano, hangin ay umihip
Sama ng panahon sa gubat, sumapit.
Sa lakas ng kulog at talim ng kidlat
Ang buto ng kasoy ay sindak na sindak;
Sa laki ng takot ay nag-uumiyak
Nais na sa loob makabalik agad.
Hindi na mangyayari ang butong ibig;
Pagkat kanyang hiling hindi na narinig;
Itong munting buto sa bunga'y sumiksik,
Upang ang sarili'y ikanlong na pilit.
Sa loob ng gubat muling tumahimik,
Wala na ang unos, kay gandang paligid;
Kaya't munting buto, hindi na nagpilit
Sa loob ng bunga, muling makabalik.
At magmula noon, magpahanggang ngayon,
Laging nasa labas ang buto ng kasoy;
At kung pagmamasdan, akala mo Ingkong
Na nagpapahingang sa upuang lusong.
Noong araw ay may dalagang nagngangalang Simang. Napakaganda niya kaya’t maraming binatang nangingibig sa kanya. Halos wala na siyang itulak-kabigin sa mga ito.
Isang araw ay nagpasya si Simang:
Sinuman sa inyo ang makapagdala sa akin ng isang malaki at buhay na sawa ay pakakasalan ko. Hindi agad nakasagot ang mga binata. Sawa? Mahirap humuli ng isang sawa.
Sa wakas ay tumayo ang binatang si Ilog.
Mahal kong Simang, sabi niya. Ang lahat ay gagawin ko para sa iyo.
Humanga ang lahat sa salitang binitiwan ni Ilog. Nang tumayo at umalis ang binata, ni isa man ay walang nagkalakas ng loob na sumunod.
Matagal na panahon ang nagdaan. Sabik ang lahat na malaman kung ano na ang nangyari kay Ilog. Kakaba-kaba rin si Simang. Huwag po sanang mapahamak si Ilog, bulong niya sa sarili. Iyon pala’y mahal na mahal na rin ni Simang ang binata.
Naghiyawan sa saya ang lahat ng bumalik si Ilog. Hawak niyasa isang kamay ang ulo ng nagpupumiglas na sawa habang ang isang kamay ay pumipigil sa buntot nito. Nagpalakpakan ang mga tao.
Mabuhay si Ilog! Mabuhay!
Dinala ni Ilog ang sawa kay Simang. Para sa iyo, mahal ko, wika niya.
Noon naman ay dalawang sundalong Espanyol ang dumating. Napansin nila ang kaguluhan. Lumapit sila upang mag-usyoso. Ngunit hindi nila napansin ang pinagkakaguluhang sawa na hawak ni Ilog. Ang napansin nila’y ang kagandahan ni Simang.
Lumapit pa ang mga dayuhan kay Simang. Itinanong nila sa dalaga ang pangalan ng lugar na iyon.
Ngunit hindi sila napansin ni Simang dahil sa buong paghanga itong nakatingin kay Ilog.
Itinaas ni Ilog ang ulo ng sawa saka binitiwan ng isang kamay ang buntot nito. Biglang nilingkis ng sawa si Ilog.
Eeeek! sigaw ni Simang. Ilog! Tagain mo! Hinugot ni Ilog ang itak sa kanyang baywang at tinaga ang sawa. Naputol kaagad ang buntot ng sawa. Tumalsik ang masaganang dugo, ngunit tila buhay na gumagalaw-galaw pa ito.
Eeeek! muling sigaw ni Simang. Taga, Ilog! Taga, Ilog!
Sa kabila ng kaguluhang naganap, hindi naalis ang pagkatitig ng mga Espanyol sa dalaga. Muli, tinanong nila si Simang.
Sumigaw si Simang, Taga, Ilog! Taga, Ilog!
Taga, Ilog! Taga-Ilog! sigaw din ng mga taong nakasaksi sa nangyari kay Ilog.
Nang sumunod na araw ay isinalaysay ng dalawang dayuhan ang tungkol sa magandang dalagang kanilang nakita. Sabi pa nila’y nakita nila ang dalaga sa Taga-Ilog.
Taga-Ilog. Nang lumaon ito ay naging Tagalog.
Noong araw sa bayan ng Paete, Laguna ang mga tao ay hindi lumiliban sa pagsisimba. Ang mag-asawang Edna at Manuel ay maagang naghanda upang dumalo sa banal na misa.
Lubos na nagmamahalan ang mag-asawa at sa tuwina ay ipinagdarasal nila ang pagmamahalang ito upang lalo pang yumabong. Mahal na mahal ni Manuel ang asawa lalo pa dahil dinadala nito ang binhi ng kanilang pag-iibigan.
Naglalakad sila pauwi galing sa simbahan nang mapansin ni Edna sa gilid ng daan ang puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga. Niyaya niya ang asawa at buong takam na tinanaw-tanaw ang mga bunga. Nang hindi na makatiis ay nagmakaawa ito na ikuha siya ng ilang butil ng bunga. Tumanggi si Manuel sapagkat alam niyang lason ang bungang iyon at tiyak niyang agad mamamatay ang asawa kapag kumain nito. Nangako na lamang si Manuel na ipipitas niya si Edna ng manggang manibalang sa kanilang duluhan. Naglilihi si Edna at iyon ang kanilang unang anak, kung kaya’t lalo pang maselan ang kalagayan nito. Walang imikang umuwi ng bahay ang mag-asawa.
Pagdating ng bahay ay nagbago si Edna. Hindi na siya ang masigla at masayang asawa ni Manuel. Ni hindi pinansin ang manggang manibalang na pinitas para sa kanya. At lahat ng pagkaing ialok ay tinatanggihan.
Hindi na kumakain si Edna. Hindi na din kumikilos sa bahay. Lagi na lamang itong nakahiga at ni ayaw magsalita. Nabahala na ng labis si Manuel. Lahat na nang pang-aalo at paglalambing ay kanyang ginawa ngunit ayaw siyang pansinin ni Edna. Habag na habag si Manuel sa asawa. Ang payat na payat na nito dahil sa di pagkain. Wala na ang mamulamula nitong pisngi at mga labi, ang mga bilugang braso, binti at balakang. Tila isa itong papel na nakalatag sa kanyang higaan. Mistulang larawan ng kamatayan ang kanyang asawa.
Nilukob ng matinding awa si Manuel sa asawa at naipasya niyang ipagkaloob na ang hinihiling nito. Kung mamatay din lang ang asawa mas gusto na niyang mamatay ito nang masaya.
Nagpunta siya sa puno ng lansones. Nanginginig ang mga daliri habang pinipitas ang mga bunga at nagdasal. Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya ay mawala pa sa aking piling. Sunod-sunod ang patak ng luha sa kanyang mukha sapagkat alam niya na ang bunga ng lansones ang magwawakas sa nalalabi pang buhay ng kanyang asawa.
Ganoon na lamang ang gulat n Manuel nang tumambad sa kanyang harapan ang isang magandang babae na bumubusilak sa kaputian at inutusan siyang kainin ang lansones. Nakita ng babae ang pag-aalinlangan ni Manuel. Sige, anak, kainin mo ang bungang iyong hawak. Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak.
Nawala ang takot ni Manuel. Tinalupan niya ang isang bunga at kinain. Ang laking mangha niya sapagkat napakatamis at napakasarap ng bunga ng lansones. Nang ibaling ang paningin sa magandang babae ay wala na ito at biglang naglaho. Tuwang-tuwa si Manuel na nagpasalamat sa Diyos. Kumuha siya ng maraming bunga at masayang dinala sa asawa.
Malaking himala din ang nangyari. Biglang sumigla at sumaya si Edna pagkakain ng bunga ng lansones. At mula noon ay nanumbalik na din ang masayang pagmamahalan ng mag-asawang Manuel at Edna.
Maganda at kahanga-hanga ang Lawa ng Bulusan. Ito ay nasa tuktok ng bundok at napaliligiran ng malalagong punung-kahoy. Malinaw at malalim ang Lawa ng Bulusan. Isa ito sa mga magaganda at kilalang pook sa Kabikulan kaya ito ay ipinagdarayo ng mga turista taon-taon.
Saan nagmula ang Lawa ng Bulusan? Ganito ang kuwento ng matatanda sa nagpapaliwanag ng pinagmulan ng maganda at kahanga-hangang lawa sa tuktok ng bundok.
Noong unang panahon, si Datu Bulan ay kilalang-kilala sa buong Kabikulan dahil sa kaayusan niyang gumamit ng busog at pana. Nakilala rin siya bilang mabuting puno ng kanyang nasasakupan. Matagal ding panahong naging masagana, mapayapa at maligaya ang mga katutubong nasasakupan ng datu hanggang sa dumating isang araw ang isang malaki at maitim na ibon sa kanilang pamayanan. Mula na noon nangamba ang mga tao sapagkat tuwinang umaga ay nakikita nila ang kakaibang ibon na umaaligid sa kanilang pamayanan.
Nagkaroon ng takot ang mga katutubo nang mapansin nilang nagiging mababa ang lipad ng maitim at malaking ibon. Inisip nilang baka na lamang dagitin ng malaking ibon ang maliliit na mga bata na di mapigil sa paglalaro sa kani-kanilang mga bakuran.
Dahil sa ganitong pangyayari, tinawag ni Datu Bulan ang kanyang matatandang tagapayo at sila ay nagpulong. Napagkaisahan nila sa kanilang kapulungan na patayin ang ibon. Noon din ay tinawag ni Datu Bulan ang lima sa pinakamahusay niyang kawal sa paggamit ng busog. Sila ay pinapaghanda ng datu.
Kinabukasan, maagang lumakad ang pangkat patungo sa gubat upang hanapin ang malaki at maitim na ibon. Kaagad nilang nakita ang ibon nakadapo sa sanga ng malaking punungkahoy. Nang makita sila ng ibon ay lumipad ito patungo sa kanila at nagpaikot-ikot sa kanilang ulunan. Sabay-sabay na tinudla ng pana ng mga kasamang kawal ng datu ang ibon. Si Datu Bulan naman ang naghanda ng kanyang busog at pana. Kanya itong pinakawalan at Tsok! Tamang-tama sa dibdib ang malaki at maitim na ibon. Ngunit nagpatuloy nang paglipad ang sugatang ibon hanggang sa makarating ito sa maliit na lawa. Naging kulay pula ang tubig ng lawa. Nang di na makatagal ang ibon, ito ay bumagsak sa lawa at kitang-kita ng datu at ng kanyang mga kasamang kawal na nawala at sukat ang malaki at maitim na ibon na waring hinigop ng tubis sa lawa. Unti-unting lumaki ang tubig hanggang sa kasalukuyang laki nito ngayon.
Nalaman ng mga katutubo ang kinasapitan ng malaki at maitim na ibon at ang paglaki ng dating maliit na lawa. Mula noon, tinawag ng mga tao ang katawan ng tubig sa tuktok ng bundok na Lawa ng Bulusan. Ang ibig sabihin nito ay tubig na inagusan ng dugo.
Noong araw, may isang punong ligaw na tumutubo sa gubat. Ito ay napakaganda. Ang dahon nito ay pinung-pino. Ang bulaklak nito ay kulay lila na kikislap-kislap tulad ng mga bituin. Dahil dito, naging mapagmalaki ang punong ligaw.
Minsan, umulan nang malakas. Ang masipag na si Langgam na naghahakot ng inipong pagkain ay inabot ng ulan sa daan. Lumaki ang tubig kaya umakyat si Langgam sa pinakamalapit na halaman. Nagkataong ito pala ang punong ligaw.
Nagalit ang punong ligaw. Ipinagtabuyan niya ang kaawa-awang si Langgam Inuga niya ang kanyang mga tangkay kaya nahulog sa tubig ang kaawa-awang si Langgam. Naawa si Alitaptap kay Langgam. Pumitas siya ng dahon at inianod sa tubig. Kumapit dito si Langgam at siya ay nasabit sa Punong Tubo. Pinatuloy siya ni Tubo at binigyan pa siya ng pagkain.
Ang buong pangyayari ay nakita ni Diwata, ang makatarungang pinuno ng hayop at halaman. Pinagkalooban niya ng gantimpala ang maawaing si Tubo at si Alitaptap. Binigyan ni Diwata ng ilaw si Alitaptap at ginawa niyang matamis ang Punong Tubo. Samantala pinarusahan ni Diwata ang palalo at mapagmalaking damong ligaw. Nawala ang taglay nitong bango at siniputan ng mga tinik ang kanyang katawan. Nahiya ang damong ligaw kaya itinitikom niya ang kanyang mga dahon tuwing ito'y masasaling. Mula noon, nakilala ang punong ligaw sa tawag na Makahiya.
Noong araw ang mga tao ay mababait at masunurin. Sila ay masipag at madasalin. Namumuhay sila nang tahimik at maligaya sa isang nayon.
Relihiyoso ang mga taga-nayon. Sa kanilang simbahan ay may isang gintong kampana na nagsisilbing inspirasyon sa lahat. Napakasagrado at iniingatan ng mga mamamayan. Ang kampana ay kanilang inspirasyon upang magsikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Nabalitaan ng mga masasamang loob sa malayong pook ang tungkol sa gintong kampana. Hinangad nila itong magkaroon din ng masaganang buhay. Lihim nilang pinag-isipan kung paano nanakawin ang kampana.
Sa kabutihang palad ay nabalitaan ng mga pari ang balak ng mga masasamang loob. Ibinaba nila ang kampana at ibinaon ito sa bakuran ng simbahan. Nangako sila na ipagtatanggol nila ang kampana kahit na sila ay mamatay.
Galit na galit ang mga masasamang loob nang dumating sa simbahan. Hinanap nilang mabuti ang kampana ngunit hindi makita. Sa galit ng mga masasamang loob ay pinatay ang lahat ng tao sa loob ng simbahan sapagkat ayaw ituro ang pinagtaguan ng kampana.
Anong lungkot ng buong nayon nang malaman ang nangyari. Patay na ang pari, mga sakristan at ilang katulong sa simbahan.
Inilibing ng taong bayan ang bangkay ng mga nasawi at pinarangalan ang mga ito. Mula noon ang taginting ng kampana ay hindi na narinig sa nayon. Ang mga tao ay nawalan na rin ng ganang maghanap-buhay, nawalan ng sigla at pag-asa.
Isang araw ay nagulat na lamang ang taong bayan nang makita ang isang puno na tumubo at mabilis na lumaki sa bakuran ng simbahan. Nagbunga ito ng marami na hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan ang mga bunga ay sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.
Simula noon, ang puno ay nakilala sa tawag na Makopa.
Ang palendag ay isang instrumentong pang-musika ng mga Magindanaw. Ito’y galing sa salitang Magindanaw na lendag, na nangangahulugang paghikbi. Gawa ito sa isang uri ng kawayang tinatawag na bakayawan ang mga katutubo. Ito’y may habang dalawa hanggang tatlong talampakan, may tigdadalawang butas sa magkabilang gilid na isang pulgada ang pagitan. Tinutugtog ito na gaya ng plauta.
Karaniwang tinutugtog ito ng isang nabigong mangingibig upang aliwin ang sarili. Nabibigyang-kahulugan ng isang mahusay na tumugtog sa palendag ang iba’t ibang damdamin at nakalilikha ng isang maganda at makaantig- damdaming musika.
Ayon sa alamat, may isang binatang umibig sa pinakamagandang dalaga sa pook. Nagkakaisa ang kanilang damdamin, ngunit dahil sa ipinagbabawal ng tradisyong Magindanaw ang pagliligawan, ang kanilang pagmamahalan ay nanatiling lihim. Lihim man ang pag-iibigan, waring walang hanggan ito.
Isang araw, tinawag ng datu ang binata. Bilang isang kawal ng sultan, binigyan siya ng misyon sa isang malayong lugar. Sa pamamagitan ng isang kaibigan, nagkita ang dalawa bago makaalis ang binata. Nalungkot ang dalaga sa nalamang misyon ng lalaki. Inaliw siyang aalalahanin at uuwi agad pagkatapos ng misyon. Ipinangako rin niyang susulat nang madalas.
Sa unang ilang linggo, panay ang dating ng sulat na punung-puno ng pagmamahal at pag-aalaala. Pagkatapos ng ilang buwan, dumalang ang dating ng sulat hanggang sa ito’y tuluyang nawala.
Isang araw, nabalitaan niya sa isang pinsan ang nakalulungkot na balitang ang binata ay ikinasal sa ibang babae, sa lugar ng kanyang misyon.
Lubhang nasaktan ang dalagang manghahabi. Upang maitago ang kalungkutan sa mga magulang, maraming oras ang ginugugol niya sa kanyang habihan. Parati siyang umiiyak nang tahimik. Ang kanyang luha’y laging pumapatak sa kapirasong kawayang ginagamit sa paghabi. Nagkabutas ang kawayan dahil sa laging pagpatak dito ng luha ng dalaga. Isang araw, sa di sinasadyang pagkakataon, nahipan niya ito at lumabas ang isang matamis at malungkot na tunog. Mula noon, inaliw niya ang sarili sa pagtugtog ng palendag, ang pangalang ibinigay sa kakaibang instrumentong pangmusika.
Aoong unang panahon wala pang tinatawag na bansang Pilipinas. Mayroon lamang na maliliit na pulo. Noong hindi pa rin ito bahagi ng mundo, may nakatira ritong isang higante. Ang kuweba niya ay nasa kalagitnaan ng Dagat Pasipiko. Kasama niyang naninirahan ang kanyang tatlong anak na babae, sina Minda, Lus at Bisaya.
Isang araw kinakailangang umalis ang amang higante upang mangaso sa kabilang pulo. Kailangang maiwan ang tatlong magkakapatid, kaya pinagsabihan niya ang tatlo.
Huwag kayong lalabas ng ating kuweba, ang bilin ng ama. Diyan lamang kayo sa loob dahil may mga panganib sa paligid. Hintayin ninyo ako sa loob ng kuweba.
Opo, Ama, sagot ng tatlong dalagita.
Nang makaalis na ang amang higante, naglinis ng kanilang kuweba ang magkakapatid. Inayos nila itong mabuti upang masiyahan ang kanilang ama. Subalit hindi nila katulong sa paggawa si Minda. Hindi masunurin ito sa ama. Lumabas pala si Minda at namasyal sa may dagat. Hindi man lamang nagsabi sa mga kapatid.
Tuwang-tuwa si Mindang naglalaro ng mga along nanggagaling sa gitna ng dagat. Namasyal siya at hindi niya napansin na malayo na pala siya sa tabi ng dagat. Habang siya ay naglalakad, isang malaking malaking alon na masasabing dambuhala ang lumamon kay Minda. Nagsisisigaw siya habang tinatangay ng alon sa gitna ng dagat.
Tulungan ninyo ako! sigaw ni Minda. Narinig nina Lus at Bisaya ang sigaw ni Minda. Abot ang sigaw sa kuweba. Tumigil ang paggawa ng dalawa.
Si Minda, humihingi ng tulong! sabi ni Lus na nanlalaki ang mga mata sa pagkagulat.
Oo nga. Halika na! yaya ni Bisaya. Bakit kaya?
Mabilis na tumakbo sila sa may dagat. Tingin dito, tingin doon. Nakita nilang sisinghap-singhap sa tubig ang kapatid.
Hayun sa malayo! sigaw sabay turo ni Lus.
Hindi marunong lumangoy si Minda, a, sabi ni Bisaya. At tumakbo na naman ang dalawa. Umiyak na si Lus.
Bahala na! sagot ni Bisaya.
Mabilis nilang nilusong si Minda. Malalim pala doon. Inabot nila ang kamay nila sa kapatid. Naku, pati sila ay nadala ng dambuhalang alon. Kawag, sipa, taas ng kamay, iyak, sigaw at walang tigil na kawag. At sa kasamaang palad ang tatlong anak na babae ng higante ay hindi na nakaahon.
Nang dumating ang higante nagtataka siya kung bakit walang sumalubong sa kanya. Dati-rati ay nakasigaw sa tuwa ang tatlo niyang anak kung dumating siya. Wala ang tatlo sa kuweba. Ni isa ay wala roon.
Saan kaya nagtungo ang tatlo kong anak? tanong niya sa sarili. Saan kaya? Lus, Bisaya, Minda!
Walang sagot! Hinanap niya sa paligid. Wala roon. Pinuntahan niya ang ilang malapit na pulo. Ni anino, wala.
Baka kaya may pumuntang ibang tao at dinala silang pilit? sabi ng higante sa sarili.
Biglang umalon ulit nang malakas at dumagundong. Napalingon ang ama. At nabuo sa isip niya na baka nalunod ang tatlo. Dumako pa siya sa malayo. At hindi nagkamali ang ama. Nakita niya ang labi ng ilang piraso ng damit na nakasabit sa isang bato. Para tuloy niyang nakita ang tatlong kamay na nakataas at humihingi ng saklolo. Naalala niyang bigla na hindi niya pinayagang lumabas ang mga ito. Ni hindi sila natutong lumangoy. Tumalon sa dagat ang higante. Sa isip lamang pala niya ang larawan ng tatlong kamay na nakataas. Nawalan siya ng lakas.
Mga anak! Ano pa? Wala na! himutok ng ama. Nawalan na ng ganang kumain. Tumayo. Umupo. Tumingin sa malayo. Isa-isang hinagod ng tingin ang bawat munting bato at kahoy sa malayo. At sa pagod at hapis napahilig sa isang bato at tuluyang natulog. Mahabang pagkatulog ang nagawa ng kawawang higante.
Nang magising ang higante kinusot ang mata. May nakita siyang wala doon dati. Tumayong bigla at tiningnang mabuti.
Ano ito? saan galing ang tatlong pulong ito? Sila kaya ang tatlong ito? tanong sa sarili. Lalong lungkot ang naramdaman ng amang ulila.
Ang tatlong pulong ito! Sina Lus, Bisaya at Minda ito! ang sabi niyang malakas.
At buhat noon tinawag na Luson, Bisaya at Mindanaw ang tatlong pulo. Dito nagmula ang bansang Pilipinas. Nasa gawing timog sa Asya. Bahagi ito ng Pilipinas sa katimugang bahagi ng Asya.
Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak na si Pina. Inaalagaan niya itong mabuti at hindi niya pinagagawa sa bahay upang hindi mapagod. Masaya na siyang nagsisilbi sa anak at gumawa ng lahat ng trabaho sa bahay. Si Pina ay lumaki sa layaw dahil sa kagagawan ni Aling Rosa. Gustuhin man niyang turuan itong gumawa sa bahay at magbago ng ugali ay hindi na niya magawa. Ayaw nang baguhin ni Pina ang kanyang nakasanayang masarap na buhay. Kung kaya’t napilitan si Aling Rosa na kahit na matanda na ay siya pa rin ang nagtatrabaho at gumawa ng lahat ng gawain sa bahay.
Isang araw ay nagkasakit si Aling Rosa. Mahinang-mahina siya at hindi na makabangon sa higaan. Nagmakaawa siya sa anak na magluto ng pagkain upang hindi sila magutom na mag-ina.
Masama man ang loob ay pumayag si Pina na magluto at gumawa ng iba pa. Ngunit pamali-mali dahil hindi siya sanay magtrabaho.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa at nagsawa si Pina sa paggawa at pagsunod sa utos ng ina. Madalas na silang magkagalit. Laging masama ang loob ni Pina habang gumagawa ng trabaho sa bahay.
Isang araw ay magluluto na naman si Pina. Hindi siya makapagsimula dahil hindi niya makita ang sandok. Hinanap niya itong mabuti sa loob ng bahay ngunit di pa rin niya makita. Nagreklamo na siya sa kanyang ina. Inutusan siya ng ina na bumaba ng bahay at doon hanapin dahil baka nahulog sa lupa.
Nagkakagalit na ang mag-ina dahil sa paghahanap ng nawawalang sandok, hanggang sa nasambit ni Aling Rosa ang: Sana’y tubuan ka ng maraming mata nang makita mo ang iyong hinahanap!
Ilang oras na ang nagdaan ay hindi pa umaakyat si Pina sa bahay. Lumipas na ang gutom ni Aling Rosa ay wala pa rin si Pina. Gabi na wala pa rin si Pina. Nag-alala na si Aling rosa sa hindi pagbalik ni Pina. Nagtanong siya sa kanilang mga kapitbahay ngunit walang nakakita kay Pina. Hinanap niya itong muli sa buong kabahayan at sa buong bakuran. Hindi na niya nakita si Pina.
Isang araw, sa isang sulok ng kanilang bakuran ay nakita niya ang isang halaman na ang bunga ay tulad ng isang ulo na maraming mata. Naalaala ni Aling Rosa ang sinabi sa kanyang anak: Sana’y tubuan ka ng maraming mata nang makita mo ang iyong hinahanap! Napaiyak si Aling Rosa at iniisip na ang halamang tumubo sa kanyang bakuran ay ang kanyang anak na si Pina.
Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matatanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo’y panahon ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay barangay na magkapit-lugar. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan, na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.
Ang datu ng Balintawak ay mayroong isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapua’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin, sila ang nag-aasikaso sa kanyang panganagailangan. Maraming binatang nangingibig sa kanya, ngunit ang nabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng Gagalangin na nagngangalang Delfin.
Nakapagtataka kung bakit nagkaibigan ang dalawa gayong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita, walang halong pag-iimbot, walang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hangganan gumawa si Delfin ng isang lihim na lagusang madaraanan papunta kay Rosita. Kung gabing maliwanang ang buwan, malimit daw mamasyal si Rosita kasama si Delfin. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinapanood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.
Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hangganan ng bakod ay binuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbalik, tumanggap siya ng balita na ang bagong bakod ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatwid ay nabawasan ang kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.
Sabihin ninyo, anya sa mga utusan, na ibalik ang bakod sa dating kinatatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka’t tunay na isang pagnanakaw.
Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sinabi sa kanya ang bilin ng datu roon. Sabihin ninyo sa inyong datu, na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binabalik ko lamang sa dapat kalagyan ayon sa natuklasan ng aking mga nuno.
Nag-alab ang dugo ng ama ni Delfin sa tinanggap niyang balita. Sa gayong mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.
Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na pananagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.
Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samantalang ang kanyang ama ay bihasa na sa pakikipaglaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig niyang makausap si Delfin upang himuking iurong na ang digmaan at mapayapang makipag-usap na lamang. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan ay lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng malaking hukbo.
Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat, at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa hangganan ng bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanang ang buwan at magkikita sila ni Rosita, kasama ang mga abay nito.
Nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na manggagamot ang datung ama nito, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi na siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon na lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.
Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga barangay at dumating ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami na ang tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalo na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng dalawang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. Sumpa kita! Sumpa kita! ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, ay wala naming nakikita. Napansin nila na ang tinig ay nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan, maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.
Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalawang puno na mababango ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alaala ng mga matatanda ang kaysaysayan nina Delfin at si Rosita.
Ang kuwento’y nagpasalin-salin sa maraming bibig, at ang Sumpa kita! na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga namamatyag ay naging Sampaguita, na siyang pinangalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumubo sa puntod ng magsing-irog.
Noong unang panahon ay may isang matandang babae na naninirahan sa tabi ng ilog. Wala siyang ginagawa kundi ang maglinis ng kanyang bakuran at diligin ang kanyang mga pananim.
Isang araw, may nanghingi ng kanyang ilang pananim. Ang matanda ay nagalit at pinalayas ang bata.
Madamot ang matanda tuwing may pupunta sa kanyang tahanan upang humingi ng tulong, agad niyang pinalalayas ang mga ito.
Minsan ay isang diwata ang nagpanggap na isang babaeng madungis. Humingi siya ng makakain. Nagalit ang matanda at pinalayas ang babaeng madungis. Nagalit ang diwata sa ginawa ng madamot na matanda.
Dahil sa iyong pagiging labis na madamot, kahit na marami ka namang pananim na maaring ibahagi sa iyong kapwa, ikaw ay aking paparusahan.
Sa ilang saglit ang matandang babae ay naglaho at ang lugar na dating kinatitirikan ng kanyang bahay ay naging lawa.
Sa katagalan ng panahon ang lawa ay natuyo at may tumubong isang puno. Ang lahat ng taong napapadaan sa nasabing puno’y napapahinto dahil sa dami ng bungang nakasabit sa mga sanga. Ngunit natatakot silang pumitas dahil hindi nila alam kung maaring kainin ito.
Isang binata ang napadaan at tinangkang kumain ng bunga ng puno. Itinapon nito agad ang nasabing bunga pagkatikim dahil sa sobrang asim. Nasabi ng binata na ang bunga ay katulad ng matandang madamot na dating nakatira sa lugar na iyon. Punung-puno ng bunga ang puno, ngunit sobrang asim naman ng laman.
Noong araw, ang bigas ay hindi kilala rito sa ating bayan. Ang kinakain ng ating mga ninuno ay mga bungangkahoy, gulay, isda, ibon at mga maiilap na hayop na kanilang nahuhuli sa kagubatan. Hindi sila marunong magbungkal ng lupa. Hindi rin sila marunong mag-alaga ng hayop.
Kapag sa isang pook na tinitigilan nila ay wala na silang makuhang isda, gulay, bungangkahoy at mga hayop ay lumilipat sila sa ibang pook.
Maligaya sila sa ganoong pamumuhay. Samantalang ang mga lalaki ay nangangahoy o kaya’y namamana ng ibon. Ano man ang pagkaing makuha ay pinaghahatian ng lahat.
Isang pulutong ng mga mangangaso ang nakarating sa kabundukan ng Cordillera dahil sa paghabol sa isang baboy-ramo. Dahil sa matinding pagod sila ay nagpahinga sa lilim ng isang malaking puno. Mataas na noon ang araw. Nakaramdam na sila ng kaunting pagkagutom.
Isang lalaki at babae ang may anyong di pangkaraniwan ang natanawan nilang papalapit sa kanila. Kinabahan ang mga mangangaso. Iyon ay ang mga Bathalang naninirahan sa bundok na yaon at dali-dali silang nagtindig at nagbigay galang sa bagong dating. Natuwa ang mga Bathala sa kanilang pagiging mapitagan. Kinamusta sila at tuloy inanyayahan sa piging ng mga Bathala. Hindi tumanggi ang mga mangangaso at sumunod sila sa mga Bathala. Naghanda ng pagkain ang mga alagad ng Bathala at sila ay nagsitulong. Isang Bathala ang lumapit sa kanila. Kumuha ito ng kaputol na kawayan at tinuhog ang piraso ng mga katay na hayop. Inilagay ito sa ibabaw ng baga.
May mga bigas sa kawa sa apoy ng utusan ng mga Bathala. Ang laman ng kawa ay mapuputing butil at pinagtumpok-tumpok sa mga dahon ng saging sa hapag kainan. Sa bawat tumpok ay naglagay ng inihaw na laman ng hayop, mga gulay at bungangkahoy. Naglagay rin sila ng giyas ng kawayang may lamang malinaw na tubig. Iyon ay alak ng Bathala.
Nag-atubili ang mga mangangaso at sinabing hindi sila kumakain ng uod. Natawa ang mga Bathala.
Iyang mapuputing butil na inyong nakikita ay hindi uod kundi kanin o nilutong bigas. Bunga iyon ng halamang-damong inalagaan dito.
Tinikman nila ang kanin at sila ay nasiyahan at ang nanghihina nilang katawan ay biglang lumakas. Pagkatapos ng piging sila ay nagpasalamat at nagpaalam na. Nang sila ay papaalis na ay binigyan sila ng tig-iisang sakong palay.
Itinuro ng Bathala ang paraan na dapat gawin para ito ay maging bigas at tuloy maisaing. Itinuro din ang pagtatanim. Sumunod ang mga tao.
Kaya mula noon, ang bigas ay nakilala na ng ating mga ninuno; natuto silang magbungkal ng lupa, mag-alaga ng hayop at magtayo ng mga tahanang palagian.
Sampung datu ang naglakbay patungo sa bagong lupain. Umalis sila sa Borneo upang makaiwas sa kanilang pinuno na masyadong malupit.
Pinamunuan ni Datu Puti ang pag-alis sa kaharian ni Sultan Makatunaw. Isang gabi, sampung datu ang sakay ng balangay at naglakbay ng araw at gabi. Matagal na silang naglalakbay ngunit panay dagat lamang ang kanilang natatanaw. Unti-unti na silang nawawalan ng pag-asa.
Narating nila ang pulo ng Panay. Nagpakilala sila at naghandog ng pakikipagkaibigan. Tinanggap naman sila ni Marikudo ang pinuno ng mga Atis. Nakiusap naman sila na payagang makipanirahan sa pulo nina Marikudo. Nagpasiya ang mga Atis na ipagbili ang isang bahagi ng lupain sa mga datu. Binayaran ang mga Atis sapagkat tinulungan pa silang makapagsimula ng kabuhayan.
Natuwa si Maniwantiwan, asawa ni Marikudo, sa suot na kuwintas ni Pinangpangan, asawa ni Datu Puti. Buong puso namang inihandog ni Pinangpangan ang kuwintas sa bagong kaibigan. Simula noon ay namuhay na nang magkasama ang mga datu kasama ang kanilang pamilya at ang mga katutubong Atis. Ang kuwentong ito ang nagsasabi ng alamat ng ating mga ninuno.
Ito’y magandang alamat ng paru-paro at bulaklak. Noong unang panahon sa daigdig o kaharian ng mga halaman ay malungkot ang mga bulaklak. Hindi katulad ng mga punong-kahoy na kasuyo ang hangin, ng ibang halaman na iniibig ng bubuyog, ng mga tao at mga hayop na may kanya-kanyang asawa o kasintahan, ang bulaklak ay nangungulila pagkat walang matatawag na kalaguyo.
Hindi nalalaman ng bulaklak , na isang klase ng hayop na parang malaking uod ang nalulungkot din. Kasi’y pangit at walang pumapansin. Ang hayop na ito ay nabubuhay lamang sa paggapang sa lupa. Walang malayong mararating, kaya nagkakasya na lamang sa pagtingin-tingin sa anomang bagay na nakatatawag pansin. Isang araw, ang bulaklak at ang nasabing hayop ay nag-usap Kawawa naman tayo ang sabi ng bulaklak. Hindi tayo makaparis sa iba. Oo nga ang sagot ng hayop. Sinabi ng hayop na: Mas mabuti ka pa dahil may nagkakagusto na sa iyong bango. Subalit ako ay bale wala. Kung mapaliligaya lamang kita… ang sabi ng bulaklak.
At kung magaganti ko lamang ng kabutihan ng iniisip mo sa akin, siguro’y magiging maligaya tayong pareho, ang sabi ng munting hayop pero hindi kita maaabot hindi tayo magkalapit.
Naririnig ng Diyos ng kaharian ng mga halaman ang usapan ng dalawa. Tinubuan ng awa ang Diyosa at ang sabi kung magkalapit na kayo’y kayo ba’y magmamahalan?
Mabilis na sumang-ayon ang munting hayop gayun din ang mabangong bulaklak.
Hinipan ng Diyosa ang munting hayop. Isang milagro ang nangyari at noon din ay nagkaroon ng magandang pakpak at kahit siya pangit ito ay gumanda. Lumipad ang hayop na nagkapakpak at hinalikan ang bulaklak.
Nakaramdam ng tuwa at ligaya ang bulaklak, gayundin ang hayop na nagkapakpak pagkat parehong noon lamang nakatikim ng halik.
Mula noon, ang bulaklak at ang hayop na nagkapakpak na tinatawag na paru-paro ay lagi nang nagsusuyuan. Naging walang kamatayan ang kanilang pagmamahalan.
Maraming kuwento tungkol sa pinagmulan ng unang babae at lalaki. Bawat rehiyon sa bansa ay may sariling kuwento.
Malakas at Maganda
Isang ibong kulay abuhin ang naghahanap ng makakain. Nahila niya ang isang uod na nakasiksik sa isang puno ng kawayan. Tinuka niya nang tinuka ang bahaging ito upang makuha at makain ang uod. Hindi niya tinigilan ang pagtuka hanggang sa mabiyak ito.
Nakatakas ang uod ngunit lumakas ang dalawang nilikha na tinawag na Malakas at Maganda. Si Malakas ay matipuno at guwapong lalaki. Si Maganda ay mahinhin, balingkinitan ang katawan at masipag. Sila ang kauna-unahang babae at lalaki sa lahi ng mga Tagalog.
Mag-asawang Mandayan
Noong unang panahon, nangitlog ng dalawa ang ibong Limokon. Ang isa ay inilagak sa may bukana ng ilog. Ang ikalawa ay inilagak sa may duluhan. Nang mapisa ang mga itlog, lumabas ang unang lalaki at unang lalaki. Dumaan ang panahon ngunit hindi nila nalalaman na nabubuhay ang bawat isa.
Isang araw ay muntik nang malunod ang lalaki dahil napuluputan ng mahabang buhok ang kanyang paa. Hinanap niya kung saan nanggaling ang mahabang buhok at nakita niyang naliligo sa may duluhan ang isang napakagandang babae. Nagpakilala ang lalaki at sila ay nagkaibigan. Sila ang ninuno ng mga Mandayas.
Uvigan at Bugan
Matapos gawin ang daigdig ginawa ni Mak-no-ngao, ang pinakadakilang diyos ng Ifugao ang unang lalaki. Tinawag niya itong Uvigan. Gusto niyang maging maligaya si Uvigan kaya ibinigay niya dito ang buong daigdig. Ngunit malungkot pa rin si Uvigan. Inisip ni Mak-no-ngao na kailangan ni Uvigan ng kasama kung kaya’t ginawa niya si Bugan ang unang babae. Natuwa si Uvigan.
Simula noon ay namuhay nang tahimik at masaya sina Uvigan at Bugan.
Sicalac at Sicavay
Noong unang panahon si Kaptan ay diyos na may kakayahang lumikha. Nagtanim siya ng isang damo. Nang lumaki ang dahon nito ay biglang lumitaw ang isang babae at lalaki. Ang lalaki ay si Sicavay.
Isang araw, hinimok si Sicalac na mapangasawa si Sicavay ngunit tumanggi si Sicavay sapagkat sila ay magkapatid. Tinanong ng dalawa ang hangin, ang mga hayop, ang dagat at humingi ng payo tungkol sa kanilang kagustuhan. Pumayag ang lahat at sinabing maaari silang maging mag-asawa upang dumami ang tao sa mundo.
Aang ang Pilipinas ay sakop pa ng mga Kastila ay may mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo, Rizal. Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag, matulungin, at maka-Diyos. Sa mahabang panahon nang kanilang pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak. Ganun pa man sila ay masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalo na sa tulad nilang naghihirap, at sa mga may sakit. Ang mga bata sa kanilang pook ay inaaruga nilang parang mga tunay na anak habang patuloy silang umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.
Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na magkaruon ng sariling anak. Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang malusog na sanggol na lalaki. Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.
Maliit pa lang ay kinakitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig. Ilang linggo pa lang mula nang siya'y ipinapanganak ay nagagawa na niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng isang Kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang magturo ng Kristiyanismo.
Sa suhestiyon ng Kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol, siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang. Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang matapang, bantog, makisig, at maalamat na mandirigma sa bansang Espanya. Eto ay parang nagbabadya sa magiging maalamat ding buhay ni Bernardo Carpio sa Pilipinas.
Habang lumalaki ay lalung nagiging kagila-gilalas ang pambihirang lakas ni Bernardo. Mahigit isang taon pa lang ay nagagawa niyang bunutin ang mga pako sa kanilang sahig sa kanyang paglalaro. At kapag isinasama siya ng ama sa pangangaso ay parang walang anuman na binubunot ni Bernardo ang ilang mga puno upang makagawa ng daanan sa masukal na kagubatan ng San Mateo.
Tulad ng kanyang mga magulang si Bernardo ay lumaking mabait, matulungin, at matatag ang loob. Minsan sa kanyang pamamasyal sa gubat, ay may natanaw siyang kabayo na nahulog sa bangin at napilay. Agad na nilusong ni Bernardo ang bangin upang sagipin at tulungan ang kabayo. Parang walang anuman na pinasan at iniahon niya ang kabayo sa bangin at dinala sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.
Sa kanyang pag-aalaga, ang bahagi ng enerhiya ni Bernardo ay dumaloy mula sa kanyang mga kamay at bumahagi sa kabayo na naging dahilan upang mabilis itong gumaling at nagsimulang nagpamalas din ng pambihirang lakas at bilis. Dahil sa tanglay na lakas at bilis ang kabayo ay tinawag niyang si Hagibis at mula nuon si Bernardo at si Hagibis ay laging magkasama sa pamamasyal sa kabundukan ng San Mateo.
Samantala, ang pagmamalupit at paninikil ng mga Kastila sa mga karapatan at kalayaan ng mga Pilipino ay lalung nag-ibayo. Mapagtiis man ang mga Pilipino ay dumating din ang panahon na hindi na nila matanggap ang pang-aapi ng mga dayuhan. Ang mga kalalakihan ay nagsimulang magpulong-pulong at bumuo ng mga pangkat sa hangaring ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. Dahil sa kanyang taglay na pambihirang lakas at pagiging makabayan ay napili si Bernardo na namuno sa namimintong himagsikan laban sa mga Kastila.
Nang makarating sa kanilang kaalaman ang nagbabantang himagsikan ng mga Pilipino, lalo na nang mapag-alaman nilang si Bernardo ang napipisil na mamuno, ay labis na ikinabahala ito ng mga Kastila. Dahil sa pambihirang lakas at tapang na taglay nito ay alam nilang mahihirapan silang igupo ang anumang himagsikan at malamang na magtagumpay pa ito.
Dahil sa kanyang matatag na pamumuno at pambihirang lakas ay nabahala ang mga kastila sa magagawa ni Bernardo upang maging matagumpay ang himagsikan laban sa mga mananakop. Dahil dito ay gumawa ng patibong ang mga Kastila. Diumano ay inanyayahan nila si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang karaingan ng mga Pilipino subalit ito ay bitag lamang upang sa tulong ng isang engkanto ay maipit sa nag-uuntugang bato at hindi na makapamuno sa himagsikan.
Lihim sa mga mamamayan, nuong panahon na iyon, ang mga Kastila ay may nahuling isang engkantado na kasalukuyan nilang isinasailalim sa eksorsismo (exorcism), isang pamamaraan ng simbahan upang sugpuin ang masamang ispiritu na sumapi sa katawan ng engkantado.
Dahil sa takot na magtagumpay ang himagsikan sa pamumuno ni Bernardo ay nakipagkasundo ang mga paring Kastila sa ispiritu na sumapi sa engkantado na ititigil nila ang eksorsismo (exorcism) kung tutulungan sila nito na masupil si Bernardo. Sa paniniwala ng mga Kastila, ang pambihirang lakas ni Bernardo ay matatapatan lamang ng agimat na taglay ng engkantado.
Hindi nag-aksaya nang panahon ang mga Kastila. Agad nilang inanyayahan si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang karaingan ng mga Pilipino. Subali't sila ay may nakahandang bitag kay Bernardo. Sa pagdaraanan patungo sa isang yungib ay naghihintay ang engkantado na nagtatago sa likuran ng magkaparis na naglalakihang bato. Pagdaan ni Bernardo ay ginamit ng engkantado ang kanyang agimat upang pag-umpugin nito ang naglalakihang bato sa pagnanais na ipitin at patayin si Bernardo.
Dahil sa pagkabigla ni Bernardo ay hindi siya nakaiwas at unti-unting siyang naipit ng nag-uuntugang bato. Ginamit niya ang kanyang lakas upang pigilan ang mga bato subalit ang kanyang lakas ay may katapat na lakas na nagmumula sa agimat ng engkantado.
Nang hindi bumalik si Bernardo kay Hagibis na naghihintay sa may paanan ng yungib ay naramdaman nitong may masamang nangyayari kay Bernardo. Mabilis na bumalik si Hagibis sa kapatagan upang humingi ng tulong sa mga mamamayan subali't natagalan bago naunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng mga halinghing at pag-aalma ng kabayo. Sa bandang huli nang mapansin nila ang pagkawala ni Bernardo ay naisipan ng ilang kalalakihan na sundan si Hagibis dahil lagi silang magkasama.
Dinala ni Hagibis ang mga kalalakihan sa paanan ng yungib at tinangka nila itong pasukin. Subalit nang sila ay papalapit na ay sinalubong sila ng nagbabagsakang mga bato na ikinasugat at ikinapilay ng ilang kalalakihan. Natanaw nila ang malalaking nag-uumpugang mga bato at nuon ay napagtanto nila na ang yungib ay pinagpupugaran ng engkantado. Sila ay nangatakot at bumalik sa kapatagan ng hindi nakita si Bernardo.
Sabi sa mga alamat, nagka-panahon nuong nakaraan, ang mga diwata o diyos ay namuhay tulad at kasa-kasama ng mga tao. Kahit na sila ay may hiwaga, nagsasalita sila at umiibig, namimili sa talipapa at iba pang karaniwang gawain ng mga tao hanggang ngayon. Ang alamat ni Mariang Makiling ay tungkol sa dalawang ganitong diwata nuong Unang Panahon, sina Gat Panahon at Dayang Makiling, at ang kaisa-isa nilang anak, si Maria.
Maganda at magiliw si Maria, at wiling-wili ang mag-asawang diwata sa anak na itinuring nilang kanilang kayamanan at ligaya sa buhay. Diwata rin tulad ng mga magulang, hindi karaniwan si Maria subalit naki-halubilo siya at nakipag-usap sa mga tao.
Naging ugali niya ang mamasyal sa talipapa kapag araw, naka-damit ng sutla (silk) na may borda (embroidered) ng mga bulaklak, ang uso nuon. Ang makapal niyang buhok, abot hanggang sakong (heel) ang haba, ay may sabit na mga bulaklak ng suha (pomelo). Marikit ang kanyang mga mata kaya pati mga babae ay naakit makiharap sa kanya. Pagdaan niya, yumuyuko ang mga tao sa magalang na pagbati.
Dalawang katulong na Aeta ang lagi niyang kasama pagpunta sa talipapa. Hindi lumalayo ang mga Aeta, bitbit ang isang buslo (basket) ng luya na ipinagpa-palit ni Mariang Makiling - wala pang salapi nuon, at ang bilihan sa katunayan ay palitan lamang ng mga dala-dalang bagay - sa mga salakot, banig (sleeping mats), at sutla (silk).
Isang araw, nagtungo sa talipapa ng Makiling si Gat Dula, ang panginuon sa nayon ng Bai, upang mamili at mag-aliw. Siksikan ang mga tao duon sapagkat araw ng pamilihan nuon, at lahat sa nayon ay nasa talipapa. Pati ang mga taga-kalapit baranggay at nayon ay dumayo upang magkalakal din, bitbit ang kanilang mga paninda. Nanduon din nuon si Mariang Makiling at nagkataon, nakasabay niya si Gat Dula sa pagtawad sa isang piraso ng balat ng hayop. Kapwa nakaharap sa nagtitinda, nagkadikit ang kanilang mga balikat, at nagkatinginan silang dalawa. Hindi sinasadya, nahipo pa ni Gat Dula ang kamay ni Mariang Makiling sapagkat hawak nilang magka-sabay ang balat ng hayop.
Bilang paumanhin, yumuko si Gat Dula kay Maria na, sa hinhin, ay hindi sumagot at tumingin sa malayo. Nagkakilala sila at pagkaraan ng mahabang pag-uusap, nakangiti nang bahagya si Maria nang maghiwalay sila. Mula nuon, madalas dumalaw si Gat Dula sa bahay nina Gat Panahon at Dayang Makiling, subalit kahit kailan man, hindi na niya nakaharap si Mariang Makiling. Lagi siyang wala sa bahay at tumutulong sa mga tao. Nuon kasi, gawi ng mga tao kapag nagigipit, ay lumalapit sa mga diwata at humihingi ng tulong, at pakay naman ng mga diwata ang tumulong sa mga tao.
Isa pang dahilan na hindi nakita uli ni Gat Dula si Mariang Makiling: Siya ay isang nilalang na tao samantalang si Maria ay isang diwata. Gaano man katalik sila, hindi maaaring mag-ibigan ang dalawang magka-ibang nilalang.
Ang mga tao noon ay naninirahan sa kabila ng ulap. Isang araw, ang kaisa-isang anak na babae ng datu ay nagkasakit. Hindi mapalagay ang datu.
Tanod, may sakit ang anak ko. Humayo ka, papuntahin mo rito ang manggagamot. Ngayon din!
Ngayon din po, Mahal na Datu!
Nang dumating ang matandang manggagamot at ang tanod sa tahanan ng Datu. . .
Magagawa ng matandang lalaki ang anuman na makagagaling sa kanya! ang sabi ng datu.
Sinuring mabuti ng matandang manggagamot ang maysakit. Pagkatapos ng pagsusuri, nag-usap ang manggagamot at ang Datu sa labas ng kubo. Tumawag ng pulong noon din ang datu.
Mga kalalakihang nasasakupan ng aking barangay. Makinig kayo sa akin. Maysakit ang aking anak na babae at ang tanging hinihiling ko ay ang inyong tulong. Sundin ninyong lahat ang mga tagubilin ng manggagamot. . . . upang magbalik ang dating lakas ng aking anak.
Mga lalaki, dalhin ninyo ang maysakit sa malaking puno ng balite. Hukayin ninyo ang lupang nakapaligid sa mga ugat, ang utos ng manggagamot.
Gagawin naman ang iyong ipinag-uutos alang-alang sa pagmamahal namin sa datu at sa kaniyang kaisa-isang anak na babae!
Nagsimulang kumilos ang mga tauhan ng datu. Pinuntahan nila ang lugar na kinatatayuan ng puno ng balite. Ang maysakit na anak ng datu ay isinakay sa duyan.
Hinukay ng ilang lalaki ang lupa sa paligid ng mga ugat ng puno ng balite. Nang ito’y matapos.
Dalhin ang maysakit sa kanal! Ang tanging makagagaling sa kanya ay ang mga ugat ng malaking puno ng balite. Buong ingat na inilagay sa kanal ang maysakit.
Ngunit sa di-inaasahang pangyayari, bumuka ang lupa. . .
Ooooops, Aaaa. Ama ko, tulungan ninyo ako Ama. . .
At babae’y tuluyang nahulog sa hukay ng ulap.
O, Diyos ko. Ang aking anak. Ibalik ninyo siya sa akin. . . O, hindi! Ang aking anak!
Huli na ang lahat, Datu. Siya’y patay na!
Sa ilalim ng ulap ay may malaking daluyan ng tubig. Gumulong sa hangin ang maysakit bago tuluyang bumagsak ang kanyang katawan sa malaking daluyan ng tubig. Nakita ng dalawang bibe ang pagkahulog ng babae.
Isplas! Wasss! Isplas!
Nagmamadaling lumangoy ang dalawang bibe at mabilis na bumagsak sa likod nila ang katawan ng babae. Sa kanilang mga likod namahinga ang may sakit.
Kwak, kwak, kwak, kwak!
At isang pulong ang idinaos.
Ang babaeng kababagsak lamang mula sa ulap ay labis na nangangailangan ng tulong. Kailangang tulungan natin siya.
Oo, dapat tayong gumawa ng bahay para sa kanya.
Lumundag ka, palaka, at dalhin mo ang dumi ng puno sa ibaba, ang utos ng pagong.
Sumunod ang palaka ngunit hindi siya nagtagumpay. I nutusan naman ng malaking pagong ang daga. Siya man ay sumunod ngunit nabigo.
Hanggang sa. . .
Susubukin ko, ang kusang-loob na sabi ng malaking palaka.
Sa pagkakataong ito, ang lahat ng hayop ay nagsigawan at naghalakhakan, maliban sa malaking pagong.
Natitiyak naming hindi mo iyon magagawa. He-he-he! Ha-ha-ha.
Subukin mo, baka ikaw ang mapalad.
Huminga nang malalim ang matandang palaka at nanaog. . . nanaog. . Sa wakas, ang samyo ng hangin ay dumating at sumunod ang matandang palaka. Sa kanyang bibig, nagdala siya ng ilang butil ng buhangin na kanyang isinabog sa paligid malaking pagong. At isang pulo ang lumitaw. Ito ang naging pulo ng Bohol. (Kung susuriin ang likod ng pagong, mapapansin ang pagkakatulad nito sa hugis at anyo ng Bohol). At dito nanirahan ang babae. Nanlamig ang babae kayat muling nagdaos ng pulong. . .
Kailangang gumawa tayo ng paraan para siya mainitan.
Kung makaaakyat ako sa ulap, makukuha ko ang kidlat at makagagawa ako ng liwanag, ang sabi ng maliit na pagong.
Gawin mo ang iyong magagawa. Marahil ay magiging mapalad ka.
Isang araw, nang hindi pa gaanong dumidilim, uminog ang ulap at tinangay ang pagong nang papaitaas.
Uww-ssss ! Brahos !
Mula sa ulap, kumuha siya ng kidlat. . .
Brissk ! Bruumm ! Swissss !
Nabuo ang araw at ang buwan na nagbigay ng liwanag at init sa babae. Mula noon, naninirahan ang babae sa piling ng matandang lalaking nakita niya sa pulo. At nanganak siya ng kambal. Sa kanilang paglaki, ang isa’y naging mabuti at ang isa’y naging masama.
Ihahanda ko ang Bohol sa pagdating ng mga tao.
Ang mabuting anak ay gumawa ng mga kapatagan, mga kagubatan, mga ilog at maraming hayop. Lumikha rin siya ng mga isdang walang kaliskis. Ngunit ang ilan sa mga ito’y sinira ng masamang anak. Tinakpan niya ng makakapal na kaliskis ang mga isda kaya’t mahirap kaliskisan ang mga ito.
Ano ang ginawa mo?
Walang halaga lahat ‘yan.
Walang halaga?
Bakit mo pinahihirapan ang iyong sarili sa paggawa rito? Hangal ka!
Inihahanda ko ang lugar na ito para sa pagdating ng mga tao.
Dito, dito’y wala tayong kinabukasan. Samantalang sa ibang lugar ay hindi ka kailangang gumawa. Isa kang baliw!
Kaya’t naglakbay sa kaunlaran ang masamang anak. Dito siya namatay. Samantalang ang mabuting anak ay nagpatuloy ng pagpapaunlad ng Bohol at inalis ang mga masasamang ispiritung dala ng kanyang kapatid. Hinulma ang mabuting anak ang mga Boholano sa pamamagitan ng pagkuha ang dalawang lupa sa daigdig at hinugis ang mga ito ng katulad ng tao. Dinuran niya ang mga ito. Sila’y nabuhay.
Ngayong kayo’y naging lalaki at babae, iniiwan ko sa inyo ang mga magagandang katangiang ito: kasipagan, mabuting pakikitungo, katapatang kabutihang-loob, at mapagmahal sa kapayapaan.
Ikinasal ang dalawa at nagsama. Isang araw, kinausap sila ng mabuting anak.
Narito ang iba’t ibang uri ng buto. Ibig kong itanim ninyo ang mga butong ito para kayo matulungan. Gawin ninyong laging sariwa at magandang tirahan ang lugar na ito.
Nang malaunan, ang mabuting anak ay lumikha ng igat at ahas katulad ng isda sa ilog. Lumikha rin siya ng malaking alimango. Humayo kayo, dakilang igat at dakilang alimango saan mang lugar na ibig ninyong pumunta.
Sinipit ng malaking alimango ang malaking igat. Nagkislutan ang dalawa at ang kanilang paggalaw ang lumikha ng lindol.
Ito ang dahilan kung bakit maraming alimango sa Bohol, maging sa lupa o sa dagat, at ang igat na kaunaunahang nilikha ng mabuting anak. Gustong-gusto kainin ito ng mga Boholanos. Hindi sila kumakain ng palaka dahil iginagalang nila ang mga ito. Hindi rin nila kinakain ang mga pagong katulad ng ibang mga Bisaya kahit maaaring ihain ang mga ito sa handaan.
Noong unang panahon ay may mag-asawang naninirahan sa Lamut na nangngangalang Cabigat at Bugan. Sila ay masasaya dahil marami silang nakukuhang pagkain at mga hayop. Isang araw lumabas si Cabigat upang mamasyal na karaniwang isinasagawa sa mga kalapit na nayon. Habang sila’y wala, inilabas ng kanyang asawang si Bugan ang kanyang panghabi upang humabi ng isang tapis. Noong dakong hapon, isinampay niya ang natapos na tapis sa silong ng bahay. Sila'y nagbayo ng palay para sa hapunan at agahan.
Sa ambato, naisipan ni Puwek, ang bathala ng bagyo, na mamasyal sa mga kabundukan, burol at lambak. Sinimulan niya ang kanyang paglalakbay sa pamamagitan ng pagdaraan sa ilang nayon hanggang sa makarating siya sa Lamut. Isa itong mapanirang paglalakbay dahil sa lahat ng naraanang mga punongkahoy at pananim ay walang awang nasisira. Ang panghabi ni Bugan ay tinangay din at nasira, ata ang palay na kanyang binayo ay kumalat sa lupa. Ang kaawa-awang si Bugan ay umiiyak na napaupo samantalang nagdaraan ang nagngangalit na hangin. Pagkatapos ng bagyo, si Cabigat ay umuwi.
Subalit ano ang kanyang nakita? Nakita niyang ang lahat ng kanyang mga punong namumunga ay nabuwal at ang panghabi at palay ay nakakalat sa lupa. Namamaga rin ang mga mata ni Bugan dahil sa pag-iyak. Walang kibo si Cabigat. Wala siyang masabi kahit isang salita dahil sa ang laman ng kanyang puso ay pulos pagkagalit. Matapos na minsan pang pagmasdan ang naging masamang kapalaran, madamdaming nasabi ni Cabigat na Bakit, sino ang gumawa ng lahat ng ito?
Dahan-dahang itinaas ni Bugan ang kanyang ulo at sumagot, Dumating sa hapong ito si Puwek at walang awing ibinuwal ang lahat ng ating mga namumungang puno, sinira ang aking panghabi at ikinalat ang lusong. Sumisigaw ako sa pagmamakaawa ngunit hindi niya ako pinakinggan.
Tulad ng isang ulol na leon, pumasok sa bahay si Cabigat at kinuha ang kanyang sibat at palakol. Nagbalot siya ng ilang pandikit at nanaog. At saka sinabi sa kanyang asawa, Bugan dumito ka sa bahay at alagaan ang naiwan nating aria-arian. Susundan ko si Puwek, ang bathala ng bagyo. Nais ipaghiganti ang lahat ng paninirang kanyang dinala sa ating masayang tahanan. At pagkatapos ay di naghintay ng kasagutan, si Cabigat ay nagsimula sa kanyang mapanganib na paglalakbay.
Madali niyang nasundan ang kanyang kaaway dahil sinundan lamang niya ang mga daang may palatandaan ng paninira . Mahaba ang paglalakbay, ngunit matapang niyang nilakbay ang mga kabundukan hanggang sa wakas ay marating niya ang Ambato. Sa kanyang labis na pagkamangha, natagpuan niyang ang bahay ni Puwek ay isang engkantong lugar. Ito ay malaki at panay bato. Sa ilalim ay may isang tanel na siyang kinaroroonan ng kuwarto ni Puwek. Walang nabubuhay na bagay sa paligid-ligid ng bato. Pagpapakamatay sa sinuman ang lumapit sa engkantong lugar, ngunit di natakot si Cabigat. Naroroon siya upang maghiganti.
Anong aking gagawin para siya ay mapatay? tanong niya sa kanyang sarili. A, siyanga pala, sasarhan ko ang kanyang pintuan at hahayaan siyang mamatay sa gutom sa sarili niyang kuwarto.
Sinimulang isagawa ni Cabigat ang kanyang balak. Kinuha niya ang kanyang palakol at pinutol ang lahat ng malalaking puno sa pintuan. Ngayon, Puwek, hipan mong mabuti at tingnan ko kung gaano ka kalakas. sigaw ni Cabigat.
Nagmamadaling lumabas ang bathala ng bagyo at hinipang lahat ang mga torso. Lumipad silang lahat at sa itaas sa lahat ng direksyon. Muling pumasok si Puwek sa kanyang kuwarto nang walang sinabi kahit na isang salita.
Hindi nawalan ng pag-asa, ang galit na galit na si Cabigat ay naupo upang umisip ng ibang balak para makapaghiganati. Naisip niyang sarhan ang pinto ng mabibigat na mga torso. Kinuha niyang muli ang kanyang palakol at nanguha ng mga punong yakal. Dinala niya sa bungad ng pinto at itinayo niya ang kanyang pader sa pangalawang pagkakataon. Sa pamamagitan ng dinala niyang pandikit, pinagdikit niya ang mga siwang sa mga torso. At pagkatapos ay buong lakas siyang sumigaw, Puwek, hipan mong muli. Gusto kong subukin ang iyong lakas.
Kaya muling lumabas si Puwek at hinipang palayo ang bakod. Pinagsikapan niyang mabuti, susbalit hindi siya makalabas. Naramdaman niyang nahihirapan siyang huminga.
Sino kang napakatapang para pumarito sa engkanto kong tahana? Ikaw lamang ang taong nakarating sa bungad ng aking pintuan, sigaw ng bathala ng bagyo.
Ako si Cabigat ng Lamut. Sinundan kita dahil sinira mo ang aking mga namumungang puno at ang panghabi ng aking asawa, at iyon itinapon ang palay na kanyang binabayo.
Naramdaman ni Puwek na siya ay lalong hindi makahinga sa loob ng kanyang kuwarto. Kaya nagmakaawa siya kay Cabigat na buksan na ang pinto at nangakong di siya saasaktan.
Hindi, galit na sagot ni Cabigat. Hindi mo kinaawaan ang aking asawa nang siya’y magmakaawa sa iyo. Kaya gusto kong ipaghiganti ang lahat ng mga paninirang iyong ginawa sa aking masayang tahanan.
Sa loob ng tanel, humina nang humina si Puwek. Pinilit niyang hipan ang bakod ngunit wala siyang magawa. Halos di siya makahinga dahil ang pintuan ay sinarhan. Kaya muli siyang nagmakaawa.
Cabigat, maawa ka, Iligtas mo ang aking buhay. Kung ako’y iyong ililigtas, ituturo ko sa iyo ang seremonya sa paglilinang ng palay. Magiging higit kang mayaman kaysa noon kung matutuhan mo ang bagay na ito, sigaw ni Puwek.
Muling sumagot si Cabigat, Hindi. Hindi ko kailangan ang iyong iniaalok. Mayaman ako sa Lamut at alam ko ang seremonya sa paglilinang ng palay.
Nang ang bathala ng bagyo ay nasa bingit na ng kamatayan, muli siyang nagmakaawa. Ang wika niya’y ibibigay ko sa iyo ang aking kodla at ituturo ko sa iyo ang kiwil. Isang bagay itong makapangyarihan at magpapayaman sa iyo.
Dahil sa malaking pagnanais na malaman ang ituturong karunungan, napaniwala si Cabigat. Inalis niya ang mga torso at masayang lumabas si Puwek. Pagkatapos ay ngumanga siya ng hitso.
Inilabas ni Puwek ang mahiwagang bato at ipinakita sa kanyang bagong kaibigan. Mahalaga sa akin ang batong ito, wika niya. Hindi ako nararapat mawalay dito, ngunit iniligtas mo ang aking buhay. Ibibigay ko ito sa iyo gaya ng aking pangako. Pagkatapos ay itinuro niya kay Cabigat ang seremonya. Sa iyong pag-uwi, huwag mong kalilimutang alayan ako at ang ibang mga bathala ng mga manok at baya, katutubong alak, upang manatili magpakailanman ang kapangyarihan ng iyong kodla..
Oo, wika ni Cabigat , Gagawin kong lahat ang iyong mga sinabi.
Kaya tinanggap ni Cabigat ang kodla mula sa nag-aatubiling kamay ni Puwek.
Sa kanyang daraanan, nakakita si Cabigat ng isang pulang ibong umaawit ng isang nagbababalang awit na nangangahulugan ng masamang kapalaran. Nagalit siya at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay itinuro ang pulang ibon. Ang tuka ng pulang ibon ay agad nabuksang tulad ng isang pares ng gunting. Ang kaawa-awang ibon ay di makapagsalita. Pagkatapos ay tumawa si Cabigat, mabuti, isa na akong makapangyarihang tao ngayon, wika niya sa kanyang sarili. Ipinagpatuloy ni Cabigat ang kanyang paglalakbay. Sa isang bahagi ng daan nakita niya ang isang kawan ng mga balang na nagliliparan sa kanyang daraanan. Batid niyang isa itong masamang palatandaan para sa isang manlalakbay. Kaya kinuha ni Cabigat ang kanyang sibat at tinungayawan ang kawan ng mga balang. Ang kapangyarihan ng kanyang kodla ay muling nasubok sa pangalawang pagkakataon. Mula noon at si Cabigat ay lubos na naniwala sa kapangyarihan ng kanyang gantimpala.
Pagdating niya sa kanyang tahanan, tinipon niya ang kanyang mga kamag-anak at kapitbahay. Sa pamamagitan ng mga inihandang alak at mga manok, isinagawa nila ang seremonya ng pagpapasalamat. Hiningi nila ang pagpapala ng mga bathala sa daigdig sa itaas, gitnang daigdig, daididg sa ibaba at kay Puwek na nagkaloob kay Cabigat ng kodla at nagtuaraioa sa kanya ng kiwil. Ipinagatapat ni Cabigat sa kanila kung paano niya nakamit ang gantimpala. Iginalang ng mga tao ang kanilang pinuno nang higit kaysa noon.
Masayang namuhay si Cabigat at ang kanyang asawa. Naging higit silang mayaman at higit na minahal ng mga tao. Tinuruan ni Cabigat ng kiwil ang ilan sa kanyang mga tao. Lagi siyang tinatawag upang magsagawa ng seremonya para sa kanila. Mula noon ang Lamut ay naging higit na mapayapa at maunlad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kodla at kiwil.
Sa kasalukuyan, ang mga Ifugao, lalo na ang mga matatanda ay nag-iingat pa ng kodla. Natatandaan nilang mabuti sina Bugan at Cabigat para dito. Ang seremonya ng kodla at kiwil at binibigkas sa gayog mga okasyon na matapos ang isang mahabang paglalakabay, kung nag-uuwi sa bahay ng ilan ng bagong karne at sa pakakasakit gaya ng pinaniniwalaan na dala ng masasamang espiritu. Pinaniniwalaan pa rin na ang taong nag-aangkin ng kodla ay ligtas sa alinmang panganib saan man siya magtungo.
Ayon sa matatanda, ang bathalang lumikha ng daigdig ay si Laor. Ayon sa paniwala ng marami ay matagal siyang namuhay na nag-iisa dito sa daigdig. Hindi nalaunan at siya ay nakaramdam ng pagkalungkot sa kanyang pag-iisa. Upang maiwasan ang ganitong pangyayari ay umisip siya ng isang magandang paraan.
Isang araw ay naisipan niyang kumimpal ng lupa upang gawing mga tao, sa gayon ay malunasan ang kanyang kalungkutan. Iniluto niya sa hurno ang lupang kanyang ginawa. Sa hindi malamang sanhi ay nakalingatan niya ito, kaya't nang kanyang buksan ay maitim at sunog. Ang lumabas na sunog ay naging nuno ng mga Ita.
Hindi nasiyahan ang Bathala sa una niyang pagsubok. Kumuha uli siya ng lupa at hinubog na anyong tao at isinilid sa hurno. Sa takot niyang ito'y masunog tulad ng una, hinango agad sa kalan. Ang lumabas ngayon ay hilaw at maputi. Ito naman ang mga ninuno ng mga puting lahi.
Muling humubog si Bathala ng lupa at iniluto sa hurno. Palibahasa'y ikatlo na niyang pagsubok ito, hindi napaaga ni napahuli ang pagkakahango niya sa pugon. Hustong-husto ang pagkakaluto ngayon at katamtaman ang kulay. Ito ang pinagmulan ng lahing kayumanggi na kinabibilangan ng mga Pilipino.
Noon daw kauna-unahang panahon ay walang anumang bagay sa daigdig kundi langit at dagat lamang. Ang bathala ng langit ay si Kaptan. Ang bathala ng dagat ay si Magwayen.
Si Kaptan ay may isang anak na lalake- si Lihangin. Si Magwayen naman ay may isang anak na babae- si Lidagat. Pinagpakasal ng dalawang bathala ang kanilang mga anak at sila’y nagkaanak naman ng apat na lalake- sina Likalibutan, Ladlaw, Libulan, at Lisuga.
Nang lumaki ang mga bata, si Likalibutan ay naghangad na maging hari na sansinukob at ito’y ipinagtapat niya kina Ladlaw at Libulan. Wala pa noon si Lisuga. Sapagkat takot noon sina Ladlaw at Libulan kay Likalibutan ay sumama sila rito sa sapilitang pagbubukas ng pinto ng langit. Galit na galit si Kaptan. Inalpasan ni Kaptan ang mga kulog upang ihampas sa mga manghihimagsik. Nang tamaan ng kidlat, naging bilog na parang bola sina Libulan at Ladlaw, ngunit ang katawan ni Likalibutan ay nagkadurog- durog at nangalat sa karagatan.
Nang magbalik si Lisuga ay hinanap niya ang kanyang mga kapatid. Nagpunta siya sa langit. Pagkakita sa kanya ni Kaptan ay pinatamaan siya agad ng isang kulog. Ang katawan ni Lisuga ay nahati at lumagpak sa ibabaw ng mga pirapirasong katawan ni Likalibutan.
Tinawag ni Kaptan si Magwayen at sinisi sa pagkapanghimasok ng mga anak, ngunit sinabi ni Magwayen na hindi niya alam ang nangyari pagkat siya’y natutulog. Nang humupa ang galit ni Kaptan, sila ni Magwayen ay nagiliw sa apat na apo. Kaya, pagkaraan ng di matagal na panahon ay binuhay uli ni Kaptan ang mga pinarusahan. Si Ladlaw ay ginawang adlaw [araw], si Libulan ay naging bulan [buwan]. Si Likalibutan ay tinubuan ng mga halaman at naging sanlibutan. Ang kalahati ng katawan ni Lisuga ay naging silalak (lalake) at ang kalahati naman ay naging sibabay (babae), ang unang lalaki at babae ng daigdig.
Noong unang panahong wala pa ang mundo at isa lamang ang planeta – ang buwan. Sa planetang ito dalawang lahi ng tao ang nakatira, ang taong puti at ang taong itim. Ang mga puti ang Panginoon at iyong mga itim ang utusan. Ang mga puti ay magaganda: maputi ang kulay ng balat at ang buhok ay kulay ginto. Nakatira sila sa lunsod. Ang mga utusan ay sa kuweba ng kagubatan nakatira. Sila’y maliliit at maiitim na tao. Sila ang tagapag-alaga ng maganda at malaking hardin. May iba-ibang mababangong bulaklak at masasarap na bungangkahoy sa halamanan.
Ang mga taga-buwan ay may kaugalian na bigyan ng salu-salo ang mga dalaga. Taon-taon, pagdating ng mga dalaga sa edad na labingwalong taon, tinatawag at iniipon sila roon sa hardin. Ito’y kung kabilugan ng buwan sa Mayo. Sila ay tumutugtog, kumakanta, sumasayaw hanggang sa umumaga. Ang buong bayan ay masaya. Isang araw na hindi inaasahan, lumindol nang malakas sa buwan. Nabiyak ang planeta at ang hardin ay nawala. Ang mga utusan ay nakasama sa kalahating nabiyak. Sa tagal ng panahon, nalaman ng mga matatalinong tao sa buwan na ang iyong kabiyak ng planeta ay lulutang-lutang sa ibang lugar. Tinawag nila ito ng lupa – na ang ibig sabihin, Kabiyak ng buwan. Hindi nagtagal, naisip ng mga taga-buwan na dalawin ang lupa. Nakita nila na iyong magandang hardin ay naroon sa lupa at mabuti ang kalagayan. Madali itong puntahan kung iibigin. Kaya sila’y nagbalak na dumalaw sa lupa sa pagbibilog ng buwan.
Pagdating ng Mayo nagsipunta ang mga dalaga sa lupa. Itinaon nila sa pista ng Mayo. Pagkatapos na magawa ang dating kaugalian bumalik sila sa buwan na walang anumang masamang nangyari. Mula noon sila ay dumadalaw sa lupa taun-taon pagbibilog ng buwan sa gabi. Hindi nila alam na may mga buhay na tao sa lupa, na kalahati ng kanilang buwan.
Nakikita ng mga tao sa gubat ang pagdalaw ng mga taga-buwan. Malaking pagtataka para sa kanila iyong mga kasayahan ng taga-buwan. Sabi ng isang matandang taga-gubat: Taun-taon pagbilog ng buwan kung Mayo nagsisipunta rito sa lupa ang mga engkanto. Naisipan ng mga binatang taga-lupa na abangan ang pagbabalik na muli ng mga engkanto.
Dumating ang Mayo. Handa ang mga taga-lupa sa pagbibilog ng buwan, hapon pa lamang, nagsipunta sila sa gubat at nakita nila sa malawak na kapatagan ang pagbasa ng mga taga-buwan.
Ang mga taga-buwan ay handa rin sa pagpunta sa lupa. Nang sumikat ang buwan, ito’y parang gintong bola. Nang malapit nang bumaba sa lupa ang mga taga-buwan, umugong ang hangin. Parang sila na iyan, sabi ng isang nagbabantay. Mayamaya, narinig ang tugtog ng musika at mga tining ng kumakanta. Ayan na, sabi nila. Pagdating nila sa langit nakita nilang lumilipad sa harap ng hardin ang mga dalaga na kasimputi ng gatas ang mga damit at nakalugay ang buhok na parang gintong sinulid.
Tuloy ang tugtog ng musika habang dahan-dahang naglilibot pababa ang mga dalaga. Isa-isa silang bumaba sa lupa at pinaligiran ang isang puno na nasa gitna ng hardin. Nang nasa lupa na ang lahat ng dalaga, sila ay sumayaw at kumanta sa paligid ng punong kahoy. Ang musikang galing sa langit ay hindi humihinto.
Tumigil sila sa pagsasayaw at isa-isang lumapit sa punongkahoy. Mayroon silang kinuha sa dibdib at ito’y isinabit sa mga sanga ng kahoy. Pagkatapos nito, itinuloy nila ang sayaw. Mahuhusay silang kumilos na parang mga puting alapaap na lumilipad sa ibabaw ng sodang alpombra. Mag-umaga na, huminto sila at pumunta sa sapa na ang tubig ay parang pilak at doon sila naligo. Samantala ang mga taga-gubat naman ay tumakbo palapit sa kahoy at kinuha ang isinabit doon ng mga dalaga at nagtago silang muli.
Pag-ahon ng mga dalaga sa sapa, sila ay masasaya. Ngunit nang kukunin na nila iyon mga isinabit nila sa puno hindi na nila ito makita. Hinanap nila sa paligid pero wala rin.
Ninakaw! Ninakaw! ang kanilang sigaw. Mamamatay tayo dahil wala ang mga puso natin. Ang kanilang iyak at ang mga panambitan ay narinig ng mga nagnakaw. Isauli natin, sinabi noon mga naawa. Kawawa naman, sabi ng isa. Kailangan pabayaran natin, pahayag ng iba. Lumapit ang isang binata sa mga baba at nagtanong. Ano ang nangyari sa inyo? Ninakaw ang aming puso na iniwan naming sa punong itong, ang sagot ng isang babae. Ano? Puso ninyo, iniwan ninyo sa puno? ang tanong ng lalaki. Oo, dahil kung kami ay naglalakbay sa malayong lugar, inilalabas naming ang puso upang hindi naming makalimutan ang oras. Mga duwende ang kumuha ng puso ninyo, tugon ng lalaki. Maawa kayo sa amin. Tulungan ninyo kami, ang pagmamakaawa ng mga babae.
Hintay kayo. . . hahanapin ko ang mga duwende. . . . babalik ako kaagad, sabi ng lalaki.
Nag-usap-usap ang mga taga-kuweba. Sabi nila: Kung ang mga babae ay papayag na tumira sa lupa ng isang taon, ibibigay natin ang mga kinuha natin. May mga sumang-ayon: Mabuting kaisipan iyan, ang sabi naman ng iba.
Bumalik ang lalaki sa kinaroroonan ng mga babae. Naroon sa mga duwende ang mga puso ninyo. Kaya lang, isasauli daw nila sa inyo kung kayo ay payag na tumira dito sa amin sa loob ng isang taon. Mabuti pa ang mamatay kaysa tumirang buhay dito, sabi ng isang babae. Dapat sumang-ayon tayo sa kanilang hinihingi, tugon ng isa, ito ang ating kapalaran. Ang isang taon ay katapusan.
Lumabas ang mga lalaki na dala ang mga kinuha nilang mga puso. Isa-isang ibinalik nila ito sa mga babae, at bawat isang babae naman ay natutwang kinuha ang kanilang puso at ipinasok sa kanilang dibdib.
Masaya ang mga taga-Lupa dahil ang bawat isa sa kanila ay may makakasamang isang dalaga. Dinala nila ang mga babae sa kuweba ngunit nagreklamo ang mga ito. Mamamatay kami kapag tumira dito sa kuweba. Kaya sa mga bahay sila nanirahan, masaya ang buhay nila. Dumaan ang mga araw. Mabilis ang takbo ng panahon; dumating at lumipas ang mga buwan. Hindi maglalaon at darating na ang buwan ng Mayo, sabi ng mga babae sa mga lalaki. Pagdating ng Mayo, sa pagbibilog ng buwan, dadalawin natin ang punong sinabitan naming ng mga puso naming noong isang taon. Pumayag ang mga lalaki bilang alaala ng mapalad na taon nila. Noong gabing iyon nang magbilog ang buwan, nagsama-sama sila sa pagdalaw sa puno. Nang sila’y papalapit na sa punong kahoy nakita ng mga lalaki ang mga gintong bungang nakasabit sa mga sanga. Ano iyan? ang tanong ng mga lalaki. Iyan ang mga bungang kahoy sa buwan, sagot ng mga babae.
Tinalupan nilosong bunga at pinatikman sa mga lalaki. Matamis! Masarap! sabi ng mga lalaki.
Habang sinisipsip ng mga lalaki ang tamis ng mangga, isang malakas na ragasa ng hangin ang kanilang narining. Nang itaas ang kanilang mga mata, wala na ang mga babae.
Dinakot sila ng hangin at nawalan parang usok. Ang buto ng mangga ang naiwan sa kanila – alaala ng mga dalaga.
Isang napakagandang prinsesa ang namumuno raw noon sa isang kaharian sa Lanao. Mahal siya ng kanyang nasasakupan dahil sa kanyang kabutihan at matalinong pamamahala.
Dahil sa mabuting pamamalakad ng prinsesa ay nagkaisa ang kalalakihan sa kaharian na puspusang magtrabaho upang magkaroon ng masaganang ani ang mga taniman at palayan. Ang mga kababaihan ay nagkaisa naman sa pagpapanatili ng kalinisan sa kani-kanilang tahanan at paligid. At ang mga kabataan ay nangakong magbabait at mag-aaral nang mabuti.
Tinupad ng mga tauhan ng prinsesa ang kanilang mga pangako. Sinira ng kalalakihan ang kanilang sabungan at mga pasugalan. Umaraw at humapon ay nasa kanilang taniman sila. Ang mga kababaihan ay naging abala sa mga gawain sa kanilang tahanan. Araw-araw ay nasa paaralan naman ang mga bata at nagsisipag-aral. Tuwang-tuwa ang prinsesa sa kanyang nakita.
Nagdaan ang maraming taon at ang kaharian ng magandang prinsesa ay lalong umunlad. Ang kanyang kabaitan at mabuting pamamalakad ay nabalitaan sa iba't ibang lupain. Maraming prinsipe ang nanuyo sa prinsesa ngunit ganito ang sinasabi ng prinsesa sa kanila: Kung iibigin ko ang isa sa inyo, magdadamdam at magagalit ang iba. Maaaring magkaroon ng digmaan. Higit sigurong mabuti na ako ay manatiling isang dalaga upang mapangalagaan kong mabuti ang mga mamamayan sa aking kaharian.
Ngunit may isang taong hindi nasiyahan sa maunlad na pamamahala ng prinsesa. Ito ay ang mainggiting pinsan niya. Ibig nitong makuha ang palasyo at kapangyarihan ng mabait na prinsesa.
Isa sa mga maliligaw ng prinsesa ay iniibig ng kanyang mainggiting pinsan. Binalak nito ang isang masamang pakana. Kinausap niya ang manliligaw na ito at ganito ang kanyang sinabi. Iniibig ka ng aking pinsang prinsesa ngunit hindi ka niya matanggap dahil sa natatakot siyang lusubin ng mabibigong manliligaw ang kanyang kaharian. Ang mabuti pa, dalhin mo rito ang iyong kawal at pagpapatayin mo ang iyong mga kaagaw na manliligaw at ang mga guwardiya ng prinsesa. Pasukin mo ang kanyang kaharian.
Naniwala ang manliligaw sa mainggiting pinsan ng prinsesa. Tinipon niya ang kanyang mga sundalo at sama-sama silang nagsadya sa kaharian ng prinsesa.
Samantala, isang engkantadong ibon ang nagsadya sa mabait na prinsesa. Ibinalita nito ang masamang balak ng isa sa kanyang manliligaw sa kagagawan ng kanyang mainggiting pinsan. Kaagad niyang tinawag ang lahat ng kaniyang mga kawal at ang mga nasasakupan.
Magsisilikas kayo ngayon din! Madali! Umalis kayo sa kahariang ito, utos ng prinsesa. Huwag muna kayong babalik dito.
Nagtaka ang mga tao. Ngunit hindi nila masuway ang utos ng kanilang mahal na prinsesa. Mabilis silang nagsipaghanda at noon din ay sama-sama silang umalis sa kanilang kaharian.
Nang makaalis na ang mga tao at kawal ay dali-daling ikinandado ng prinsesa ang lahat ng pintuan ng kaharian. Pati ang mga trangkahan ng kanyang palasyo ay kanyang sinarahan. Kumuha siya ng isang sulo at pumasok siya sa kanyang silid. Naalala niya ang kanyang pinsan at nasambit niyang: Diyos ko! Kayo na pong magparusa sa aking pinsan. Napakasama po ng kanyang ginawa sa aking kaharian at mga nasasakupan.
Ilan pang sandali ay sinindihan niya ang kurtina ng kanyang silid at mabilis na kumalat ang apoy.
Napansin ito ng kanyang nasasakupan at wala silang magawa dahil hindi sila makapasok sa kaharian. Sa kabilang dako ay nagsisisi ang manliligaw ng makita niya na nasusunog ang buong kaharian ng mabait na prinsesa.
Dumaan pa ang maraming araw. Nagbalik sa kanilang kaharian ang mga tao. Hinanap nila ang mabait na prinsesa ngunit hindi nila ito makita sa halip, napansin nila ang isang halaman. May bunga ito tulad ng mapagpalang kamay na kulay ginto na sa dulo ay may nakabiting puso. Napansin din nila ang isang hayop na kahawig ng tao. Ito ay may dalawang mata, kamay, paa at mayroon itong buntot. Hawak nito ang gintong hugis kamay at kanyang kinain ito.
Ito siguro ang puso at mapagpalang kamay ng ating mabait na prinsesa, ang sabay-sabay na nasabi ng mga tao. At ang hayop na may buntot na kumakain ng kanyang bunga ay ang mainggiting pinsan ng prinsesa.
Ang halamang ito at ang hayop na kahawig ng tao ay siyang pinagmulan ng saging at ang unggoy.
Noong unang araw, kakaunti ang mga tao sa mundo at marami sa kanila ang mangmang at walang tao sa kanilang gawain at bagama't di pa umuunlad ang lugar na ito ay masasabing maganda na. Sa buong Bembaran, kulang lamang na 20 pamilya ang nasasakop ng Ayonan, si Diwantandaw Gibon.
At sapagkat malapit sa dagat ang Bembaran ang mga alon ay sumasalpok sa gitna nito. Nababatid ng mga tao na walang kasingganda ang kanilang pook. Batid nilang ligtas sila sa kanilang mga kaaway pahintulot buhat sa kinatatakutang tagapayong ispiritwal, si Pinatolo i kilid, ang kakambal na isipiritu ni Diwatandaw Gibon, ang unang hari ng Iliyan a Bembaran. Walang palagiang anyo ang ispiritung ito. Sa dagat, ito ay buwaya; sa lupa ito ay isang tarabosaw at sa himpapawid, ito ay isang garuda.
Isang araw ang mga tao sa Torogan ay nabahala sapagkat napansin nila na malungkot ang Ayonan. Inanyayahan ni Mabowaya Kaladanan, isa sa mga nakatatanda, na magpunta sa torongan upang tulungan ang Ayonan sa kanyang suliranin. Nang ang lahat ay naroroon na, nagtanong si Dinaradiya Rogong, isang iginagalang na pinuno, sa kapulungan kung may nakakaalam sa lugar, na kasingganda at kasingyaman ng Bembaran, na kung saan may nakatirang prinsesa na maaaring mapangasawa ni Diwatandaw Gibon. Ang lahat ay nag-isip sumandali ngunit walang makapagsabi ng ganoong lugar. Tumayo si Dinaradiya Rogong at iginala ang kanyang paningin sa mga taong nangakakatipon upang alamin kung ang lahat ng tao roon ay dumalo. Pagkatapos ay namataan niya ang isang mangingisdang nakaupong malapit sa pinto at malayo sa karamihan. Tinawag niya ito at tinanong Samar, sa lahat ng iyong pangingisda sa iba't ibang lugar, nakarating ka na ba sa isang lugar na kasingganda ng Bembaran, na may isang magandang prinsesa na maipapantay sa ating Ayonan?
Ngumiti ang mangingisda at nagsalita: Opo, dato, alam ko ang ganyang lugar at ito’y di maihahambing sa ganda sa anumang bagay rito. Ito’y tinatawag na Minango’aw at ang pangalan ng hari ay Minangondaya a Linog. Ang hari ay may isang anak na babae na pinangalanang aya Paganay Ba’i, ang pinakamagandang babae sa pook.
Nang marinig ng mga tao ang sinabi ng Samar, napagusap–usapan sila. Marami ang naniniwala sa kanyang sinabi sapagkat siya’y isang mangingisda at maaaring nakita niya ang lugar. Ngunit nagalit si Dinaraduya Ragong sapagkat siya’y marami ring nalakbay at kailan man sa kanyang paglalakbay ay hindi siya nakatagpo o nakarinig ng tungkol dito. Naisip niyang nagbibiro ang Samar o niloloko sila kaya’t nagbabala siya: Mag-ingat ka sa iyong sinasabi. Nakapaglakbay ako sa maraming lugar at kalian ma’y di ko narinig ang ganyang lugar. Mabuti pa’y magsabi ka ng totoo ‘pagkat hahanapin naming ang lugar na ito, at parurusahan ka naming kapag hindi naming natagpuan ito. Tiningnan ng Samar ang datu at nakita niyang namumula sa galit ang mukha nito. Lumundag siyang palabas sa torogan. Nagpunta ang ibang pinuno sa Dinariya a Rogong at hinikayat siyang hanapin ang Minago’aw a Rogong. Nang sumunod na araw, naghanda sila sa kanilang paglalakbay at nanguha at naghanda ng pagkain at ilang pangangailangan. Nang handa ang lahat, umalis ang pangkat ngunit sa halip na maglayag sa karagatan, sila’y naglakbay sa dalampasigan at nagtatanong sa mga tao kung saan nila matatagpuan ang Minago’aw. Ngunit wala kahit sinuman ang nakarining sa ganoon lugar.
Pagkatapos ng isang buwan paglalayag, nakakita sila, isang madaling araw, ng dalawang mangingisdang nag-aaway. Nang halos magpang-abot na ang dalawa, nangagsidating ang mga lalaki sa Bembaran at sumigaw si Diwatandaw Gibon, Hinto! Kung kayo’y maglalaban, masasaktan kayo o mamamatay at magdurusa anuman ang mangyari. Isipan ninyo ang inyong mga pamilya! Huminto sa pag-aaway ang dalawa at tinanong ng hari kung saan sila nakatira. Sumagot ang isa sa kanila, Dato, ako’y taga-Minango ‘aw. Nang marinig nila ito, nagalak ang pangkat sapagkat natapos na ang kanilang paghahanap.
Inutusan ng Ayonan ang mga mangingisda na lumipat sa kanilang bangka upang patnubayan sila sa pagpunta sa kanyang lugar. Sa paglalakbay pinagtatanong nila ang mangingisda na kanya naming sinagot sa kanilang kasiyahan. Noong papalapit na sila sa bukana ng look, nakiusap ang mangingisda na magpauna sa kanila sa kanyang sariling bangka upang ipagbigay-alam sa kanyang hari ang kanilang pagdating at ibalita sa kanya na sila’y mga kaibigan, at hindi mga pirata. Pagkalunsad nito, dali-dali siyang nagtuloy sa torogan ibinalita sa Ayonan ang tungkol sa mga panauhin. Tinipon ng hari ang kanyang mga nasasakupan at napagkasunduan nilang salubungin ang mga panauhin sa dalampasigan.
Naghanda ng isang malaking piging ang hari ng Minango’aw para sa kanyang mga panauhin. Nag-handa ang mga babae ng masasarap na pagkain. Pagkakain ng mga panauhin ay inaliw nila sa pamamagitan ng sayaw kolintang, sagayan at ang lahat ng uri ng paligsahan sa pag-wait o sak’ba. Nang matapos na ang lahat ng uri ng palaro, tumayo at nangusap ang tagapag-salita ng hari at tinanong ang mga panauhin kung bakit sila nakarating sa Minango’aw. Ang kinatawan ng Diwatandaw Gibon ay tumayo. Sinabi niya na dinala nila ang kanilang batang hari at magalang na ipinakilala. Pagkatapos ay nalaman ng mga tao na ang sadya ng mga panauhin ay upang pakasalan ng Ayonan ang kanilang prinsesa.
Tinanggap ang handog at ang paghahanda ay nagsimula. Napakasaya ni Diwatandaw at ang kasal ay ginanap sa gitna ng kasayahan at labis na pagpipiyesta.
Namalagi si Diwatandaw Gibon sa Minango’aw ng limang taon at sa panahong ito’y nanganak ng dalawang lalaki ang kanyang kabiyak. Hinandugan siya ng kanyang biyenan ng korona nito at kapangyarihan. Sa buong panahong naturan, hindi niya dinalaw ang Bembaran at ngayon siya’y puno ng malakas na pag-asam at pananabik na makabalik sa kanyang lupain. Nilapitan niya ang kanyang biyenan at nagsabi: Aking biyenan, kung pahihintulutan ninyo, nais kong makabalik sa Bembaran. Ibig kong makita kahit ang damo ng pook na aking sinilangan.
Tumango si Minangondaya Linog. Tama ka. Humayo ka. Pagkatapos ay tinawagan niya ang kanyang dalawang apo, inakbayan ang bawat isa at sinabi sa nakatatanda: Ikaw ay si Tominaman sa Rogong. Balang araw pupunta ka sa Bembaran, ang lugar ng iyong ama. Katungkulan mong paunlarin ang lugar at pasayahin ang mga tao ng Bembaran. Bumaling sa nakababata at sinabi: Ikaw ay si Mangondaya Boyisan. Bilang bunso dapat mong tulungan ang iyong kapatid sa pagpapaunlad ng Bembaran at Minango’aw. Humanda ka sa pagtulong at pagtatanggol sa mga tao sa dalawang lugar na ito.
Pagkatapos ay binigyan ng hari ang dalawa niyang apo ng sumusunod na pamanang gamit: isang mahiwagang bangka, ang Riramentaw Mapalaw, na lalong kilala bilang Rinayong , na nakapaglalayag sa dagat na hindi na kailangan ang sagwan sapagkat ispiritu ang nagpapadpad dito. Binigyan rin niya ang mga apo ng isang agong na pinangalang Magandiya a Oray. Ito’y minana pa niya sa kanyang lolo, isang ginintuang agong na kung pinapalo ay maririnig sa lahat ng lugar ang tunog at kagyat na matatawag ang lahat ng tao; at dalawa pang agong: Rogongan a Posaka at Momongara Dayiring.
Tinawag niya ang kanyang anak na si Prinsesa Aya Paganay Ba’i. Nang lumapit ang prinsesa at maiharap sa kanya ama, sinabi ng ama sa anak na maaari siyang magtungo sa Bembaran kasama ng asawa at mga anak. Pagkatapos ay kanyang pinayuhan ang anak. Anak ko, ang iyong unang katungkulan ay sundin ang iyong asawa at pangalagaan ang kanyang kalusugan kapakanan. Mahalin mo siya at alaming kapwa kayo mabuhay nagkakasundo. Buhayin at mahalin mo ang inyong pamilya at tingnan mo na sila’y nasa mabuting kalusugan.
Ipaglaban mo ang iyong karapatan at ang karapatan ng iyong hari. Humanda kang ipagtanggol ang iyong dalawang bansa ng Bembaran at Minango’aw. Igalang mo ang mga matatanda at bata. Mahalin mo ang mahihirap at ang mga ulila. Bigyan mo ng pagkakataon ang bawat isa na magtagumapy sa buhay. Maging matapat ka sa lahat.
Kung dumating ang mga panauhin, tanggapin mo silang pantay-pantay kahit na sila ay maharlika pa alipin. Turuan mo ng mabubuting bagay ang iyong mga anak. Lagi mong tupdin ang anumang pangako. Maging mabuti kang maybahay at panatilihing mong malinis ang iyong bahay, sa loob at labas, sa ibaba at itaas, pati ang bakuran.
Tinapos ng Ayonan ang kanyang pangaral at hinati ang kanyang ari-arian sa dalawa. Kalahati ang ibinigay niya sa anak niyang prinsesa sa kanyang pag-alis. Dinala ni Diwatandaw Gibon ang kanyang mag-anak at ang lahat ng kayamanan ibinigay sa kanila ng kanyang biyenan. Sakay ng Rinayong, siya ay naglalakbay kasama ng kanyang mag-anak.
Nang malapit na sila sa bayang sinilangan, inutos ni Diwatandaw Gibon na patunugin ang mga agong sa buong lupain upang ibalita ang kanyang pagdating. Nagtakbuhan ang mga taga-Bembaran at inilabas ang lahat ng kanilang mga bandera at magagandang mga palamuti at iniladlad ang mga ito. Ang mga bandera at palamuti ay masayang dinapyuan ng amihan at ang lahat ng bahay sa daanan at nagpatugtog ng kolintang. Ginayakan ang isang tanging silya at dinala sa dalampasigan samantalang sa torogan ay may itinanghal na mga pamanang ari-arian na yari sa tanso, pilak at ginto.
Sa pagadaong ng bangka, nagpaputok ng kanyon upang salubungin si Diwatandaw Gibon at ang kanyang mag-anak. Pumila ang lahat ng tao sa dalampasigan at sila’y masayang sumalubong sa Ayonan at sa kanyang magandang asawa at mga anak. Dinala nila ang silyang pinalamutian nang magandang tangkongan – para upuan ni Aya Paganay Ba’i at binuhat siyang buong ringal at kamaharlikahan papunta sa torongan.
Tatlong taon ang matuling lumipas sa Bembaran. Isang araw, habang ang Ayonan at ang kanyang asawa ay nakaupo sa lamia namasdan ni Diwatandaw Gibon na kakaunti ang mga batang nagsisipaglaro sa bakuran. Naisip niya, na kaawa-awa na ang isang maganda at mayamang lugar tulad ng Bembaran ay may kakaunting tao lamang na magtatamasa nito? Tinanong niya ang asawa. Ano ang palagay mo sa kaisipang ito? Papayagan mo ba akong mag-asawa ng marami pang mga babae upang madagdagan ang populasyon ng Bembaran? Narining ko na maraming mabubuting mga babae sa Lombayo’an a Lena, Kodaranyan a Lena, Bagombayan Miyaraday dali’an at sa Minisalaw Ganding.
Nagulat ang prinsesa. Nasabi niya sa sarili na kung nalaman lamang niya na binabalak niyang gawin ito, disin sana’’y hindi siya pumayag na magtungo sa Bembaran. Malakas niyang sinabi, Mahal kong asawa, napakahirap kong tanggapin ang balak mo. Kung maririnig ng mag-anak ko ang ang iyong kagustuhan na mag-aasawa ng mga ibang babae, makakagalitan nila ako at sisisihin tungkol dito. Sa palagay ko’y magiging mabuti para sa iyo na ako’y diborsyuhin mo upang malaya mong mapangasawa gaano man karaming babae ang gusto mo. Babalik ako sa Minango’aw sa sandaling payagan mo ako.
Niyakap ni Diwatandaw Gibon ang asawa at sinabi sa kanya, Huwag ka nang mag-alala. Nagbibiro lamang ako. Pinangako niya ang asawa at ipinaghele sa kanyang braso. Umawit siya ng pinakamamahal kong kabiyak, huwag kang magalit sa akin sa pagkabitiw ko ng mga salitang nagbigay pasakit sa iyong kalooban. Alam ko na nagpalungkot ito sa iyo, ngunit katungkulan ko bilang isang namumuno na magbalak at mag-aral at mag-isip tungkol sa ikauunlad ng kanyang kaharian. Ang mag-isip, ang magbalak kumilos – ito ang mahalagang katungkulan ng isang namumuno maging lalaki o babae. Dapat niyang pag-aralan ang lahat ng bagay upang matuklasan kung alin ang totoo, alin ang mali at alin ang biro lamang. Nakinig siya sa kanyang mahinang awit at pinakiusapan niyang ibaba siya sa malaking panggaw.
Tinawag ng prinsesa ang kanyang asawa sa kanyang tabi at winika sa kanyang asawa, pag-uusapan pa natin ang iyong balak. Sa palagay ko ay tama ka. Dapat ngang magkaroon ng maraming nasasakupan ang Bembaran. Makinig ka, kung kulangin ang iyong ari-arian sa paghahanda sa kasal sa lahat ng mga babaeng yaon, sabihin mo sa akin upang makakuha pa ako ng ilang ari-arian ko sa Minango’aw.
Nang sumunod na araw tinipon ni Diwatandaw Gibon ang lahat ng tao ng Bembaran at ipinahayag ang kanyang mga balak. Ang mahiwagang bangkang Rinamentaw ay inihanda at pagkatapos matipon ang lahat ng kailangan, sinimahan ng piling tauhan si Diwatandaw Gibon sa panliligaw. Una silang nagpunta sa Kodarangan a Lena para kay Walayin Dinimbangew, sa Bagombayan a Lena para kay Walayin Pitagaman, sa Songgaringa a dinar para kay Walayin si Remotak at sa Minisalaw Ganding para kay Walayin Mangobabaw.
Kasama ang kanyang mga bagong asawa, bumalik si Diwatandaw Gibon sa Bembaran at sa sandaling marating niya ang Baroraw a Lena’an ang lugar ni Pamanay Masalayon, sa pagitan ng Bembaran at Kadera’an, inutos niyang patunugin ang mga agong upang malaman ng lahat ang kanilang pagdating at makapaghanda sa pagsalubong sa kanya at sa kanyang mga bagong asawa.
Nang marinig ni Aya Paganay Ba’i ang agong siya’y di mapalagay at malungkot sapagkat alam niya ang kahulugan nito. Pinawisan mabuti ang kanyang mukha. Ngunit naalala niya ang itinuro sa kanya ng kanyang magulang at gaya ng isang tunay na mahinhing babae, tumindig siya at tinawag ang lahat ng mga kababaihan at mga alipin. Inutusan ang bawat isa na maglinis at gayakan ang torogan at ang lahat ng kapaligiran nito. Naghanda siya ng limang malalaking silid tulugan, pinalamutian ang mga ito, at hinintay niya ang pagdating ng asawa.
Dumating ang Ayonan at magiliw na binati ang kanyang asawa at ipinakilala ang mga bagong asawa sa kanya. Binati niya sila nang magiliw at sinalubong sila sa Bembaran. Kaya ang hari at ang kanyang mga asawa ay nabuhay nang magkakasundo sa maraming taon. Buhat sa kanyang limang asawa, nagkaroon ng maraming anak si Diwatandaw Gibon, na pawang babae. Sila’y sina Mabolawan Pisigi ng Kadorangan a Lena; Walayin Dirimbangen o Mapatelama Olan ng Lambayo’an a Lena; Garugay a Rawatan ni Bagombayan a Lena; Romentak a Bolawan ng Sanggiringa a Dinar at Mapagalong an sirig ng Minisalaw Ganding.
Pagkatapos mabuhay ng maligaya ng labinlimang taon, tinipon ni Diwatandaw Gibon ang kanyang malaking pamilya isang araw at nagsimula siyang magbigay ng kanyang huling testamento. Nakaupo sa kanyang silya, nag-atas siya sa kanila. Sinabi niya sa kanyang mga asawa na kung ayaw nilang magbalik sa kanilang tahanan pagkamatay niya, manatili sila sa Bembaran at pantay-pantay sila ayon sa kapangyarihan ng aya Paganay Ba’i. Inamuki niya ang kanyang dalawang anak na lalaki na magpakabuti sapagkat pagkamatay niya, sila ang papalit sa kanya. Binalangkas niya para sa kanila ang pagiging mabuting pinuno.
Kung makarinig kayo na anumang alitan sa inyong nasasakupan, simula niya, dapat ninyo itong ayusin sapagkat katungkulan ninyo ito, anyayahan man kayo o hindi na ayusin ito. Huwag kayong kakampi sa anumang panig upang ang inyong pagpapasya ay maging karapat-dapat. Kung may utang na babayaran at ang isang panig ay kulang sa salapi, ibigay ito buhat sa sarili ninyong salapi.
Mayroon kayong limang kapatid na babae. Pagsapit ng panahon na sila ay dapat mag-asawa isangguni ang tungkol dito sa inyong kamag-anak, sa panig ko at sa panig ng inyong ina. Huwag kayong makikialam, kahit anuman ang mangyari hanggat nagkakasundo ang dalawang panig sapagkat alam nila na kayong dalawa ang huli nilang daraingan at hihingan ng kapasyahan.
Lagi ninyong ipagtanggol ang mga karapatan ng inyong mga nasasakupan sa Bembaran at Minango’aw. Kayo ang kanilang tagapagtanggol at may karapatan silang asahan ito sa inyo sapagkat kayo’y aking mga anak.
Kung may sinumang magsalita laban sa inyo, kahit sino man sila, maging dugong bughaw, mga karaniwang mamamayan, matanda o bata, dayuhan o katutubo, lalaki o babae, huwag kayong sasagot kaagad. Isipin munang mabuti ang bagay-bagay. Kung ito’y gagawin ninyo, hindi kayo magkakamali. Maging mapagpatawad kayo at matiyaga. Gayon man, kung ang pag-insulto ay inulit pa, hamunin ang tao at pagtanggol ang inyong karangalan hanggang kamatayan.
Ang pamana ko lamang sa inyo ay ang mahahalagang manang-ari at iba pang ariarian. Alagaan ninyo ang mga ito, lalung-lalo na ang torogan, ang tore, ang bangkang Rinamentaw, ang tatlong agong, Magindaya a Oray, Rogongan at Momongano Dayiring.
Pagkatapos mawika ang mga ito, namatay si Diwatandaw Gibon. Namahala sa lahat si Aya Paganay Ba’i. Inutos niya na palamutian ang torogan at pinatugtog sa mga tao ang lahat ng mga agong. Iniutos niyang isabit ang lahat ng bandera sa paligid ng torogan at sa harap ng bakuran nito. Nagtayo ang mga tao ng osonan upang ipahiwatig sa lahat ng kalapit na upang dumalo sa libing ng patay na hari at pinagsabihan rin ang lahat ng kamag-anak ng kanyang limang asawa.
Pagkalibing sa Ayonan, ipinaayos ang kasal ng kanyang anak na lalaking si Tominamansa Rogong kay Prinsesa Lalawanan ng Jolo. Pagkatapos ng kasalan, namuno si Tominaw sa Rogon sa Bembaran na sinusundan ang bakas ng kanyang ama, ang matalinong Haring Diwatandaw Gibon, ang unang hari ng Iliyan a Bembaran.
May isang halaman na walang bulaklak
At wala ring bunga, sa ganda pa'y salat,
Kaya nga at siya'y laging hinahamak
Laging inaapi, laging nililibak!
Ang sabi ng Santan na nagmamalaki,
Wala ka nang ganda ay wala pang silbi,
Hindi katulad kong bulaklak na iwi
Ang rikit ng kulay ay kawiliwili.
Sabi ni Milegwas, Amuyin mo ako,
Kaysarap ng samyo, kay tamis, kay bango,
Kaya ako'y mahal ng lahat ng tao,
Pang-alay sa Birhen at sa mga Santo.
Ang sabi ni Rosas Mahinhi't maganda
Dilag ko ay masdan at sadyang kakaiba;
Kulay ko ay puti, rosas, saka pula
Ako'y panregalo sa mga dalaga.
Ang bawat halaman sa buong paligid
Sa kay Sampaguita'y laging may parinig,
Kaya nga ito na laging may hapis
Tumawag sa Poon, umiyak nanangis.
Narinig ng Poon iyak na may dusa
Sa laki ng awa, ito ay nagbadya,
Huwag ka nang umiyak at bibigyan kita
Ng mga bulaklak na sadya ang ganda.
Ang mahal na Poon, dumakot sa lukbutan
Mumunting bituin na nagkinang-kinang
Bawat isa nito ay kanyang hinagkan
Saka isinabog sa munting halaman.
Ang bawat bituin ay naging bulaklak kay bango't kay ganda
Ang siyang naging una nating Sampaguita
Magandang pangkuwintas sa mga dalaga
At tanging pang-alay sa mga bisita.
Sampaguitang munti, maputi't mabango
Ay naging sagisag ng sintang bayan ko;
Ito'y may pang-akit sa lahat ng tao,
Bulaklak ng lahi, walang kapareho!
Noong unang panahon, may dalawang magkapatid na babae, sina Araw at Buwan. Maganda ang kalooban ni Araw, ang mas matandang kapatid. Pero si Buwan ay malupit at hindi tapat.
Isang gabi, nanaog sa lupa ang Diyos mula sa langit. Nagbigay siya ng brilyante kay Araw. Hindi nagbigay ang Diyos ng regalo kay Buwan dahil hindi kasingganda at kasingbusilak ang kalooban ni Buwan. Galit na galit si Buwan. Umakyat si Buwan sa langit at nagnakaw siya isang brilyante ng Diyos. Noong bumalik siya sa lupa, natuklasan niya na ang brilyantemg kanyang ninakaw ay hindi kasingliwanag ng brilyante ni Araw. Mas nagalit si Buwan.
Nang nalaman ng Diyos tungkol sa panghihimasok ni Buwan, inutusan niya ang dalawang anghel sa lupa para parusahan ang malupit na babae. Pero, umabuso ang dalawang anghel at ibinato nila ang dalawang magkapatid sa dagat at ibinato nilang paitaas ang dalawang brilyante sa langit. Nadikit sa langit ang dalawang brilyante.
Sa kasalukuyang panahon, ang mas maliwang na brilyante ay tinatawag na Araw at ang pangalawang brilyante ay tinatawag na Buwan.
Ayon sa mga matatanda, isang mahabang kapuluan ang Pilipinas noong unang panahon. Narito ang kanyang kuwento na nagpapaliwanag kung bakit naging pulo-pulo ang ating bansa.
Sadyang mayaman at sagana noon ang ating kapuluan. Mag-asawang higante lamang ang nakatira rito. Hindi sila nagtatanim. Hindi sila nagluluto. Kinukuha na lamang nila sa paligid ang kanilang pagkain.
Isang umagang maganda ang panahon, nagkasundo ang mag-asawa na kabibe ang kainin sa tanghalian. Masayang lumusong sa dagat ang mag-asawa.
Maliliit na kabibe ang kanilang napulot sa mababaw na bahagi ng dagat. Hindi nasiyahan ang lalaking higante. Kaya dumako siya sa malalim na bahagi ng dagat. Kaagad siyang nakakita ng isang malaking kabibe. Binuksan niya ito. Ano ang kanyang nakita? Isang maliit, makintab, bilog at kaakit-akit na bagay! Isang perlas! Patakbo niyang ipinakita ang kanyang natuklasang perlas sa asawa. Nagpatuloy nang pangunguha ng kabibe ang mag-asawa. Hindi nagtagal at nakaipon sila ng maraming kabibe. Umahon sila sa dalampasigan at binuksan ang mga ito. Kinuha nila ang mga perlas. Pagkatapos, kumuha ang lalaking higante ng balat ng kahoy at binalot ang mga perlas. At umuwi na ang mag-asawa.
Sa daan pa lamang ay hindi na magkasundo ang mag-asawang hiagnte sa paghahati ng kayamanan nilang dala.
Pagdating ng bahay, nagsimula na silang mag-away. Ibig ko'y marami ang kabahagi kong perlas, wika ng lalaking gigante. Ako ang unang nakakita nito!
Ako naman ang nakakuha nang higit na maraming kabibe! wika ng babae. Kaya, dapat na marami ang aking kaparti.
Hindi maaari!, wika ng lalaki. Dapat na marami ang mapasa akin.
Hindi magkasundo sa pagbabahagi ng perlas ang dalawa kaya't nagsigawan sila. Sinundan ito ng pagpupukulan ng bato at putik. Ipinadyak pa nila ang kanilang mga paa sa tindi ng galit sa isa't isa. Yumanig ang lupa! Gumuho ang bundok at mga burol.
Lalong tumindi ang pag-aaway ng dalawa at sa isang iglap bumuka at nahati-hati ang lupa! At nahati-hati rin ang dating buong kapuluan. Ang malaking bahagi ay nasadsad sa Hilaga at ito ngayon ang tinawag na Luzon. Ang kabiyak na bahagi ay napasadsad naman sa Timog at ito ngayon ang tinatawag na Mindanao. Ang dakut-dakot na lupa ay siyang naging mga pulo sa Bisaya. Magmula na noon, naging pulupulo na ang Pilipinas.
Kapag may paglalaho o eklipse, ang mga tao sa Lanaw at Kotabato ay nangasisigawan. Hinahampas nila ang mga lata at bakal upang magkaingayan. Ito’y upang mawala raw agad ang eklipse.
Ayon sa kanilang alamat, noon daw kauna-unahang panahon, ang buwan ay nilunok ng isang napakalaking ibong kung tawagin ay minokawa. Nang marinig ang sigawan ng mga tao ang minokawa ay sumilip sa pagitan ng mga ulap at binuksan ang tuka. Sa pagbubukas niya ng tuka, ang buwan ay nakatanaw. Sa kalakihan ng minokawa, ang daigdig ay nangagdilim kapag nagdaraan siya sa palipad. Ang kanyang mga tuka at kuko, at tahid ay pawang mga bakal. Ang kanyang mga mata ay parang salaming nagkikislapan. Ang kanyang bagwis ay malaking barong (espada) na napakatalas. Binabantayan ng minokawa ang pagsikat ng araw upang iyon ay isunod niyang lunukin. Subalit siya ay bigo at nawalan ng pag-asa kaya’t siya ay lumisan sa Lanaw at Kotabato. Naniniwala ang mga tao na kapag bumalik si minokawa ay tiyak na isusunod niya ang araw at pagkatapos ay ang daigdig.
Ang Lunsod ng San Pablo ay kilala sa pagkakaroon ng maraming lawa o katawan ng tubig sa mga burol at bundok. Dahil dito tinawag itong Lunsod ng Pitong Lawa. Isa sa pinakamaganda at pinakamalawak na lawa sa Lunsod ng San Pablo ay ang Lawa ng Sampalok.
Ayon sa matatanda, dati raw maganda't malawak na halamanan ang Lawa ng Sampalok na nasa lunsod ng San Pablo. Sa gitna ng halamanang ito ay may isang magarang bahay at sa tabi nito ay may malaking puno ng sampalok. Balita saan mang dako na ubod ng tamis ang bunga ng puno ng sampalok. Ngunit napakadamot nila kaya nilalayuan sila ng mga ito.
Minsan, may isang matandang pulubi na nagsadya sa magandang bahay upang makiusap ng sampalok na makagagamot sa kanyang ubo. Kumatok siya sa pintuan ng magarang tahanan. Nabuksan ang pintuan ng magarang tahanan ngunit nang makita ng mag-asawa ang pawis-pawisang pulubi ay hindi nila pinatuloy ang kaawa-awang matanda.
Kinabukasan, nagbalik ang matandang pulubi sa magarang tahanan. Nang mabuksang muli ang pintuan ng magarang tahanan ay naroroon na naman ang matandang pulubi. Paulit-ulit na nakiusap ang matanda ng bunga ng sampalok sa mag-asawa na makakagamot sa kanyang sakit. Nagalit ang mag-asawa. Sinigawan at pinalayas nila ang matanda.
Biglang nawala ang matanda! At sa isang iglap nagdilim ang langit. Lumindol at bumuka ang lupa. Lumubog ang halaman na kasama ang magarang bahay at ang mag-asawa. At bumukal dito ang tubig. Patuloy ang pagbukal ng tubig hanggang sa mapuno ang buong halamanan. At magmula na noon nanatili ang malawak na katawan ng tubig sa dating halamanan ng masungit na mag-asawa. Kumalat ang balita sa buong pamayanan ng dahilan ng pagkakaroon ng lawa sa dating halamanan ng mag-asawa. Tinawag ito ng mga tagaroon na Lawa ng Sampalok.
ayganda ng buwan! Kay init ng araw! Kay ganda ng mga bituin! Saan-saan sila galing? Ayon kay Impong Tasyo ganito raw ang kuwento:
Noong unang panahon, malapit ang langit sa lupa. Iisang lalaki at iisang babae ang nakatira noon sa mundo. Ang pagtatanim ng palay ang kanilang ikinabubuhay. Noon, binabayo pa nila ang palay bago sila magsaing. Kung ano ang hirap ng pagtatanim ay ganoon din ang hirap ng pagbabayo ng palay.
Minsan, maagang umalis ng bahay ang lalaki upang magtanim ng palay. Naiwang nag-iisa ang babae sa bahay. Upang hindi tanghaliin ng pagsasaing, naghanda naman ang babae ng pagbabayo ng palay. Inalis din niya ang kanyang suklay. Isinabit niya ang mga ito sa kalapit na punongkahoy. Nakita rin ng babae na wala ng gatong ang apoy sa tabi ng punongkahoy. Upang hindi mamatay, nanguha siya ng kahoy at kanya itong ginatungan. Saka pa lamang siya nakapagsimulang magbayo ng palay.
Nagbabayo pa ang babae nang dumating ang lalaki. Upang maging madali ang pagbabayo, tinulungan ng lalaki ang babae. Napansin ng lalaki na maliit ang halong ginagamit niya kaya mahina itong ibayo. Pinalitan niya ito nang higit na malaking halo.
Sa tuwing itataas ng lalaki ang halo, tumatama ito sa langit. Tumawag at nanalangin ang lalaki kay Bathala, Tumaas sana ang langit!
Sa isang iglap, umugong nang malakas. Tumaas ang langit. Nadala sa pagtaas ng langit ang suklay at kuwintas ng babae. Nadala rin ang palayok at ang apoy na nasa tabi ng puno. Ang suklay ay naging biyak na buwan. Ang mga butil ng kuwintas ay naging bituin. Ang palayok ay naging bilog na buwan at naging araw naman ang nagliliyab na apoy.
Ngayon ang mga ito ay makikita natin sa langit. Kapag madilim ang gabi, kumikislap ang mga bituin at maaalala natin ang butil ng kuwintas ng babae. Sa pagbilog at pagliit ng buwan maaalala naman natin ang suklay at palayok ng babae. Sa pagsikat ng araw tuwing umaga ay maaalala naman natin ang nagliliyab ng apoy na nakasama sa pagtaas ng langit.
May mag-asawa na laging pinag-uusapan ng mga kapit-bahay. Si Bantawan ang lalaki at si Papay ang babae. Nakatira sila sa bulubunduking lalawigan ng Benguet at ang paggapas ng palay ang kanilang ikinabubuhay. Tamad si Bantawan. Masipag si Papay. Naiiwan sa bahay si Bantawan at si Papay naman ang nagtatrabaho upang sila ay may kainin. Araw-araw makikita siya sa palayan at gumagapas ng palay.
Lumipas ang panahon na ganito ang naging pamumuhay ng mag-asawa. Minsan, nanganak si Papay, kaya natigil ang kanyang paggapas ng palay. Naubos ang kanilang bigas. Pinakiusapan niya na magtrabaho si Bantawan ngunit hindi niya sinunod ang asawa sa halip ay nagtulog lamang siya. Napilitang makigapas ng palay si Papay. Iniwan niya ang sanggol sa bahay at maghapon siyang nagtrabaho.
Nagkagulo ang magkakapitbahay nang hindi umuwi ng bahay si Papay nang gabing iyon. Naawa sila sa sanggol. Iyak na ng iyak ito sa gutom. Maghapon nilang hinanap ang nawawalang si Papay. Ginalugad nila ang paanan at tuktok ng bundok. Isang lalaki na kasamang naghahanap kay Papay ang nakatulog dahil sa pagod. Nanaginip siya na may isang puno sa gitna ng bukid na nagsalita sa kanya.
Ako ang nawawalang ina. Ibigay ninyo sa iniwan kong bunso ang aking bunga. Mabubuhay ang aking anak kapag pakakainin ninyo siya nitong aking bunga.
Kinabukasan ikinuwento ng lalaki ang kanyang napanaginipan sa mga kapitbahay. Nang araw ding iyon ay kanilang pinuntahan ang pook na sinasabi sa panaginip ng lalaki. At naroroon nga sa gitna ng bukid ang isang puno na malalapad ang dahon at hitik sa bunga.
Ito nga si Papay, wika ng mga tao.
Kinuha nila ang hinog na bunga at ipinakain nila ito sa anak ng nawawalang si Papay. Nabuhay ang sanggol! At magmula na noon lumago at dumami pa ang bunga ng puno. Kinain na ng mga tao ang bunga nito. Masarap at matamis ang bunga ng punong tinawag nilang Papay. At sa paglipas ng panahon, ang papay ay naging papaya. Ang halamang ito ang siyang pinagmulan ng unang punong papaya.