Ang dakilang diyos ng ating mga ninuno ay nagtataglay ng iba’t-ibang grupo ng iba’t-ibang lugar sa kapuluan.
Siya ay tinatawag na Bathala ng mga Tagalog, Laon sa mga Bisaya, Kabunian sa mga Ifugao, Lumawig sa mga Bontoc at Kankanay, Kadaklan sa mga Tinguians, Malayari sa mga Zambal, Maykapal sa Kapampangan, Tuluk Lawin sa matandang Sulod ng Panay, Tagbusan sa Manobo, Mababaya sa Bukidnon, Melu sa Bilaan, Minadean sa Tiruray, Mamanwa sa Negrito ng Surigao at Panulak Manabo sa Bagobo ng Mindanao.
Siya ang dahilan at pinagmulan. Siya ang simula bago ang lahat ay nilalang.
Ang Bathala o Maykapal ng mga ninuno ng Tagalog ay tumitira sa Bundok ng Arayat. Siya ang gumawa ng dagat, langit, lupa, at lahat ng tumutubo sa lupa. Siya ang nagbibigay-buhay at tagapag-ligtas sa buong daigdig.
Isang palasak na kuwento sa Luson, ang nagsabi na wala pang nilikha sa daigdig kundi ang langit, dagat, at isang uwak na lilipad-lipad na naghahanap ng matutungtungan sa lawak ng karagatan. Wala siyang makita kaya siya’y umisip ng paraan at pinaglaban ang dagat at langit. Ininugan at ibinulwak ng dagat sa langit ang kanyang tubig. Bilang pagganti ang langit nama’y naghulog ng mga bato at lupa sa tubig kaya’t napahinto ang alon at nagkaroon ng mga pulo na mapapagpahingahan ng uwak.
Ayon naman sa Matandang Panay Bisaya, mayroon ding ibong tinatawag na Manaul na siyang pinakamakapangyarihan sa kalangitan. Ayon sa alamat, pagod na pagod na sa pakikipaglaban sa dagat ang langit kaya siya’y dumalangin sa ibon. Binungkal ni Manaul sa ilalim ng dagat ang kimpal-kimpal na lupa at inihagis sa dagat. Ito ang kauna-unahang pulo.
Ang mga Ifugao ay naniniwala sa kanilang diyos na tinatawag na Kabunian na ayon sa kanila ay nakatira sa ikalimang pinakamataas na lugar ng daigdig. Ang mga Igorot sa Benguet ay naniniwala naman sa kanilang Apolaki. Ang mga ispiritu ng kadaklan. Ito ay lumalang sa unang mga tao at nagturo sa kanila ng mga gawaing kamay.
Ang mga Bontoc at Kankanay sa Lalawigang Bulubundukin ay naniniwala kay Lumawig na siyang pangunahing Diyos at siyang pinagmulan ng buhay, hari ng kamatayan at lumalang sa lahat ng bagay sa mundo.
Ayon sa mga Bagobong Mindanao, ang Pamulak Manobo ay tumutira sa langit. Nang makita niyang ang daigdig ay walang kalaman-laman siya ay lumalang ng sari-saring bagay upang ipalamuti sa daigdig.
Ang makapangyarihang diyos ng Bukidnon ay si Mababaya na tumitira sa tahanang tulad din ng sa kanyang mga sakop. May kapangyarihan at nasasakop niya ang ibang maliliit na diyos at diyosa.
Sa mitolohiya naman ng mga Tagalog, si Amihan daw at si Habagat ay nag-isang dibdib. Sila ay nakita sa isang biyas na kawayang lulutang-lutang sa dagat. Ito raw ay napadpad sa dalampasigang kinatatambakan ng isang sapi-sapi. Ang biyas ng kawayan ay tinuka ng Ibon at nang mabutas ay nabiyak at dito lumabas ang isang lalaki at isang babae.
Napapaiba naman ang kuwento ng paglikha ng mga Magindanao. Ang diyos na si Sitli Paramisuli bago namatay ay nagtagubilin sa kanyang mga anak na lalaki na ang kanyang suklay ay ibaon sa pinaglibingan sa kanya. Nang maitanim ito sumibol at lumaki ang isang puno ng kawayan. Sa biyas ng kawayan nagmula si Putri- Turina na napangasawa ni Kabanguan at ang kanilang mga anak ay siyang kauna-unahang mga Magindanao.
Si Tingal ay tahimik na naghihintay sa kugunan. Ang gabi ay madilim. Walang kagalaw-galaw ang mga dahon ng kahoy sa gubat. Ang maririnig paminsan-minsan ay huni ng mga ibon na nagmumula sa malayo. Katulad ng ibang Dumagat, si Tingal ay kailangang mangaso upang makahuli ng baboy-ramo, usa at matsing.
Natutulog noon si Bandina, ang kanyang maybahay at munting anak sa kanilang kubo. Naalaala ni tingal kung bakit ang kanyang anak ay umiyak nang umagang iyon. Wala siyang makain at gutom na gutom. Idilangin ni Tingal sa Bathala na siya’y palarin sa pangangaso.
Mga oras ang lumipas sa paghihintay subalit walang hayop na dumating hanggang sa hindi na niya mapaglabanan ang kanyang antok. Kumapal mandin ang talukap ng kanyang mga mata at maya-maya pa’y napahiga sa lupa at nakatulog.
May lumagutok sa sanga ng kahoy kaya siya’y nagulantang sa nalikhang ingay nito. Kanyang hinagilap agad ang kanyang pana at iniumang. Sa hindi kalayuan, sa kalapit ng batis ay namataan siyang nanginginaing usa. Ang ipinagtataka niya ay kung bakit ito ay puting-puti at naaninag niya na napakaganda ang kanyang mga sungay.
Ang gandang usa sumaisip ni Tingal. Masarap itong pagsaluhan ng aking mag-ina, at tuloy natakam.
Kagyat na humarap ang usa sa pinagtataguan ni Tingal. Muntik nang bininit niya ang pana upang tudlain ang nagulantang na usa.
Kaibigan, huwag mo akong tudlain, ang sabi ng tinig. Huwag mong patayin ang puting usa sa gubat.
Nagtaka si Tingal. Siya’y nagpalinga-linga upang tiyakin kung sino ang nagsalita. Wala siyang makita. Ang gubat ay tahimik. Hindi siya mapalagay dahil sa tinig. Kanyang pinag-igi ang hawak sa pana upang humanda sa sinumang sasalakay.
Kaibigan, para mo nang awa, ang muling narinig. Wala akong salapi subalit bibigyan kita kahit ano ang iyong hingin.
Nanluwang ang mga mata ni Tingal. Ang tinig ay nanggaling sa puting usa. Bakit…? Bakit…? Siya’y natigagal.
Hindi maalis ni Tingal ang pagkapako ng kanyang mga mata sa puting usa. Tulad ng isang nagpapalimos ang usa’y lumuhod at nagmakaawang iligtas ang kanyang buhay.
Naalaala ni Tingal ang kanyang asawa’t anak sa kubo. Sila’y nagugutom. Siya ang hinihintay. Hindi ko mapaniwalaan ito. Ako’y pinaglalaruan yata ng tikbalang!
Itinaas ni Tingal ang kanyang pana. Kanya itong pinakawalan at presto, tinamaan ang dibdib ng puting usa.
Wala kang habag. Wala kang puso! ang huling pahimakas ng usa. Nakalaan para sa iyo ang paghihiganti ng diyosa ng kabundukan! at ang usa ay nalupasay sa lupa.
Itinali ni Tingal ang usa sa tulos ng kawayan at kanya itong pinasan. Ang kahambal-hambal na huni sa may dako ng kakahuyan ay gumimbal sa kanyang kaluluwa. Sumikdo ang kanyang puso at wari bang babalang masamang mangyayari. Marahang-marahang ibinaling niya ang kanyang mga paa papunta sa kanilang munting kubo.
Masayang-masaya siyang sinalubong ng kanyang asawa’t anak. Si Bandina ay nagpuyos ng mga siit at gumawa ng apoy. Ang anak nama’y tuwang-tuwa pagka’t ang magagandang sungay ng usa ay ipinangako sa kanya upang gawin niyang laruan.
Nag-ihaw sila ng mga pirasong karne at ito’y pinasaluhan samantalang ikinukuwento ni Tingal ang pagsusumamo ng usa bago ito kanyang pinana.
Hindi mapalagay si Bandina dahil sa mga huling katagang habilin ng usa ayon sa kuwento ni Tingal, subalit ito’y ipinag-walang bahala ng lalaki dahil sa siya’y busog na busog. Nang sumunod na araw, ang mangangaso’y naratay sa banig. Walang magawa ang incantations at wild herbs. Sa buong tribo’y walang makagamot at makapagsabi kung ano ang sakit niya.
Isang gabing kalaliman at kadiliman ang lalaki’y tumayo at dinaanan siya ng sumpong. Ang puting usa! ang sigaw. Kumarimot ng takbong palabas si Tingal sa hindi mapigilan. Siya’y hinabol ng mag-ina hanggang sa kakahuyan at hanggang makarating sa lugar na kanyang pinaghulihan sa usa. Lumuhod siya sa lupa at nanalangin, Bathala, patawarin mo ako! at siya’y napatdan ng hininga.
Ang hinala ni Bandina’y ang puting usa ay alaga ng diwata ng kagubatan.
Si Tingal ay inilibing ng mag-ina sa lugar na kinabuliran ng usa. Siya’y pinabaunan ng asawa’t anak ng masaganang luha.
Mula noon ang mga mangangasong Dumagat ay ayaw pumatay ng puting usa.
May isang binatang nagmana ng sandaang ulo ng baka nang mamatay ang kanyang mga magulang. Siya’y naging malungkutin kaya ninais niyang mag-asawa. Siya’y nagpatulong sa kanyang mga kapitbahay sa paghanap ng makakasama habang buhay.
May kapitbahay na naghimatong sa kanya, May nakita akong dalagang kanais-nais para sa iyo. Siya’y maganda, mahusay at matalino. Ang kanyang ama ay napakayaman at nagmamay-ari ng anim na libong ulo ng hayop.
Ang lalaki ay natuwa nang marinig ang balita at nagtanong, Gaano ang ibabayad na dote?
Gusto ng ama’y isang daang baka, ang sagot.
Sandaang baka? Iyan lamang ang bilang ng aking mga hayop! Paano kami mabubuhay? Tanong ng binata.
Pasyahan mo at sasabihin ko sa ama ang iyong kasagutan sa lalong madaling panahon, sabi ng kapitbahay.
Nag-isip ang binata at nagsalita, Hindi ako maaaring mabuhay na wala siya. Siya’y aking pakakasalan! Sabihin mo sa ama.
Sa madali’t sabi ang dalawa’y pinagtaling-puso. Sila’y namuhay nang sarili at dumating ang pagkakataong sila’y naubusan ng pagkain kaya ang lalaki’y nagpastol ng hayop para sa kapitbahay upang may maipag-agdong-buhay. Ang kanyang kinikita ay hindi sapat sa buhay-maharlika ng asawa.
Isang araw, nang ang babae ay nakaupo sa labas ng tahanan, may isang di-kilalang dumating na naganyak ng kanyang kagandahan. Siya’y nagpahayag ng kanyang paghanga at pag-ibig. Ang sagot ng babae’y magbalik ang lalaki sa ibang araw.
Lumipas ang ilang buwan. Ang ama ng babae ay dumalaw sa anak. Ang babae ay napahiya sapagkat walang pagkaing maialok sa ama. Nagkataong noon ding araw na iyon ay siya ring pagdating ng lalaking nag-alok ng kanyang pag-ibig. Napa-oo ang babae sa lalaki kung ang huli ay magbibigay ng karneng lulutuin para sa pagkain ng kanyang ama.
Nang magbalik ang mangingibig, siya’y may dalang ulam. Niluto ito ng babae. Siya namang pagdating ng asawa. Ang tatlo’y nagsalo sa hapag samantalang ang lalaking mangingibig ay nasa labas. Inanyayahan ng asawang lalaki ang estranhero na umupo at sumalo sa pagkain.
Nang ang lahat ay handa na sa mesa, nagsalita ang babae, Magsikain kayo, mga hangal! Pulos kayong luko-luko!
Bakit ‘kamo kami’y luko-luko? ang sabay-sabay na usisa ng tatlo.
Ama, sagot ng anak, ikaw ay tanga sapagkat ipinagbili mo ang mahalaga upang makamtam mo ang walang kahulugan. Ipinagbili mo ang iyong kaisa-isang anak sa halagang isang daang baka gayong ikaw ay mayroon nang anim na libong ulo.
Tama ka, sang-ayon ng ama. talagang ako’y isang tanga.
At ikaw naman, aking asawa, ang patuloy, nagmana ka ng isang daang ulo ng hayop at ang lahat ng mga ito ay ginugol mo para sa akin hanggang tayo’y walang makain. Maaaring magkaasawa ka ng ibang babae sa halagang sampu o dalawampung baka lamang. Kaya ikaw ay torpe at loko rin!
At bakit pati ako? tanong ng estranghero.
ikaw ang pinakaloko sa lahat. Akala mo ay mapapalit mo ng kapirasong karne ang bagay na binili ng sandaang baka.
Ang estranghero ay napahiya at noon di’y lumisan.
Bumaling ang ama sa anak, ikaw, aking anak ay matalino. Pagdating ko sa bahay, padadalhan ko ang iyong asawa ng tatlong daang baka upang kayo’y mamuhay nang maginhawa.