Anong latest? Piliin ang katotohanan.
Bahagi ng pagpapakabuti ang pagsasabi ng totoo. Mahirap mabuhay sa isang lipunang laganap ang panloloko at kasinungalingan. Kaya naman noong 2017, naglabas ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng ilang payo kung paano susugpuin ang mga kasinungalingan sa internet o fake news:
Iwasan ang pagsubaybay at pagtangkilik sa mga napatunayan nang pinagmumulan ng fake news.
Sagutin at iwasto ang makikitang mga kasinungalingan at maling sabi-sabi gamit ang tamang datos at impormasyon.
Huwag mag-share ng fake news sa social media o kapag nakikipag-usap tayo sa iba.
Ipaalám sa ating mga kakilala at kausap ang mga pinanggagalingan ng fake news upang iwasan nila ang mga ito at hindi na kumalat pa ang maling impormasyon.
Hinikayat tayo ng CBCP (2022) na manindigan para sa katotohanan. Kalokohan ang pagpapakabuting hiwalay sa katotohanan. Panloloko ang paglilingkod na hindi nakabatay sa katotohanan. Walang katarungan kung walang katotohanan. Pagyurak sa kalayaan ang pagyurak sa katotohanan. Kapag binabalewala natin ang katotohanan, binabalewala rin natin ang ating tungkuling managot.
Move on? Oo, pero never forget.
Sa harap ng mga puwersang pilit binabago ang katotohanan sa ating kasaysayan, huwag nating hayaang mabaon sa limot ang ating alaala ng nakaraan. Ayon kay Pope Francis sa kanyang liham na Fratelli Tutti (246-249), hindi tayo makauusad pasulong kung hindi tayo lilingon sa nakaraan. Hindi tayo uunlad kung walang tapat at malinaw na alaala. Kailangang mapanatiling umaalab ang apoy ng ating pinagsama-samang konsensiya o “collective conscience”. Kailangan nating tumayo bilang saksi sa mga trahedya ng nakaraan para sa mga susunod na henerasyon. Pinapanatiling buháy ng mga saksi ang alaala ng mga biktima ng mga trahedyang ito upang manaig ang ating konsensiya laban sa mga mapanirang puwersa sa kasalukuyan. Ang mga alaalang ito ang mag-uudyok sa ating lumikha ng isang bukas na patas sa lahat at walang iniiwan. Kaya bahagi ng pag-move on ang pagpapanatiling buháy at sariwa ng ating mga alaala ng nakaraan sa pagkilos sa kasalukuyan at pagtanaw sa hinaharap. Ang tunay na nagpapatawad ay hindi nakalilimot.
Forgive? Oo, pero panagutin ang mga may sala.
Sa Fratelli Tutti (250-253), sinabi ni Pope Francis na sa harap ng mga realidad na hindi maikakaila, hindi maiiba, at hindi maitatago, posible pa rin ang magpatawad. Marangal ang malaya at taos-pusong pagpapatawad; isa itong pagpapamalas ng walang hanggang kapangyarihan at hangarin ng Diyos na magpatawad. Ngunit sa pagpapatawad, hindi nangangahulugang pinatatakas na natin ang mga may sala sa kanilang pananagutan. Sabi pa ni Pope Francis, hindi akma ang panawagang magpatawad kung magbubunga ito ng pagsasantabi ng ating mga karapatan at sa pagkawala ng pagkakataong harapin ang mga taong hindi pinahahalagahan ang ating dignidad.
Tinatawag tayong mahalin ang lahat, kabilang ang mga umaapi sa atin, ngunit hindi dapat kinukunsinti ang kanilang pang-aabuso at pagmamalupit. Hindi natin sila dapat hayaang maniwalang katanggap-tanggap ang kanilang ginawa. Ang pagpapahinto sa kasamaan at ang pagbawi ng kapangyarihang kanilang inabuso, na nagpapababa sa pagkatao nila at ng iba, ang siyang tunay na pagmamahal sa mga nang-aapi. Kailangang patuloy na ipagtanggol ng mga biktima ng kawalan ng katarungan ang kanilang mga karapatan sapagkat ito ang paraan upang mapanatili nila ang kanilang dignidad na isang biyaya mula sa Diyos. Hindi ipinagbabawal ng pagpapatawad ang paghahabol ng katarungan, bagkus kinakailangan ito. Hindi rin dapat akuin ng iba ang pagpapatawad sa ngalan ng mga ginawan ng masama.
Kalokohan ang pagpapakabuting hiwalay sa katotohanan. Panloloko ang paglilingkod na hindi nakabatay sa katotohanan. Walang katarungan kung walang katotohanan. Pagyurak sa kalayaan ang pagyurak sa katotohanan. Kapag binabalewala natin ang katotohanan, binabalewala rin natin ang ating tungkuling managot."