Ang tunay na maunlad na bayan ay walang mga isinasantabi. Aanhin ang malalaking imprastrakturang inutang ang ipinampatayo kung marami naman ang naghihirap?

Mas dumami ang mahihirap noong pamumuno ni Marcos at laganap ang kahirapan sa halos lahat ng rehiyon sa bansa (Boyce 1993). Sa simula ng kanyang panunungkulan, 4 sa bawat 10 pamilya ang mahirap. Natapos ang kanyang administrasyon, ito ay naging:

6 sa 10 pamilya

Napatalsik si Marcos na mas bumaba ang kinikita araw-araw ng mga magsasaka at manggagawa kumpara noong bago nagsimula ang kanyang panunungkulan (Boyce 1993).

Ang krisis sa ekonomiya noong dekada ‘70 ang nagbunsod sa pamahalaang Marcos na hikayatin ang mga Pilipinong magtrabaho sa ibang bansa. Ginamit ang kanilang remittances at buwis sa kanilang mga padala upang buhayin ang naghihingalong ekonomiya (Gonzales 1998).

Kung talagang “golden era” ang panahong iyon, bakit marami ang mahirap, mababa ang sahod ng mga manggagawa, at may mga napilitang mangibang-bansa upang doon maghanap-buhay?

“Korap man, nagpapakain naman ng libre.” Isa raw sa magagandang proyekto ni Marcos ang Nutribun na ipinamigay sa mga paaralan noong dekada ’70. Ang totoo, inangkin lamang ng mga Marcos ang proyektong ito ng United States Agency for International Development (USAID). Ang pamamahagi ng tinapay na ito ay tugon sa matinding malnutrisyon sa Pilipinas noong panahong iyon. Dinikitan pa ang mga supot ng Nutribun noon ng mga etiketang nagsasabing “Courtesy of Imelda Marcos – Tulungan Project” kahit wala naman itong kinalaman sa dating first lady (Dalupang 2017).

Hindi maikakailang maraming imprastrakturang naitayo sa bansa noong panahon ni Marcos na nanungkulan sa loob ng 21 taon. At trabaho ng gobyerno ang magpatayo ng mga imprastrakturang katulad ng Light Rail Transit (LRT), Heart Center, at Lung Center; hindi ito utang na loob ng mga mamamayan sa presidente o sa pamilya niya. Ang masaklap, ginamit ni Marcos ang marami sa mga proyektong ito upang kumita at paboran ang kanyang mga kaibigang negosyante. Ginamit din niya ang mga ito para sa sariling kapritso, lalo na ni Imelda, gayong inilubog tayo ng mga ito sa utang. Nang naging presidente si Marcos noong 1965, ang external debt o utang natin sa ibang bansa o mga pandaigdigang bangko ay nasa $0.8 bilyon (Boyce and Zarsky 1988).

Sa huling buong taon ni Marcos sa puwesto noong 1985, ang utang panlabas ng Pilipinas ay umakyat sa

$26.25 bilyon

Isa sa mga nasayang na imprastrakturang ipinagawa ni Marcos ay ang Manila Film Center. Minadali itong ipinatayo ni Imelda kung saan 7,000 manggagawa ang nagtatrabaho nang walang tigil para lamang umabot sa tatlong buwan na deadline ni Imelda. Madaling araw ng Nobyembre 17, 1981, gumuho ang scaffolding ng gusali at natabunan ng semento ang tinatayang 169 manggagawang nasa loob. Sinubukang pagtakpan ng administrasyong Marcos ang insidente sa pamamagitan ng hindi pagpapapasok sa mga rescuers at ambulansya nang siyam na oras matapos ang insidente. Sa kabila nito, ipinagpatuloy ang konstruksyon ng Manila Film Center at iniwang nakabaon sa semento ang mga biktima. Ang gusaling nagkakahalaga ng humigit-kumulang $25 milyon ay binuksan noong 1982 para lamang magpalabas ng mga malalaswang pelikula (Lico 2003).

Ang San Juanico Bridge, na may habang 2.2 kilometro at nagkakahalaga ng $21 milyon, ay regalo ni Ferdinand kay Imelda, na gusto lamang noong magkaroon ng tulay mula sa kanyang probinsya na Leyte papuntang Samar. Ang tinatawag na “Bridge of Love” ay nagbigay din ng kickback sa crony ni Marcos na si Rodolfo Cuenca (Manapat 1991, Nemenzo 1978). Maganda at kapakipakinabang na ngayon ang tulay na ito, pero mas maganda sana kung ipinatayo ito para sa mga mamamayan at kung wala itong bahid ng katiwalian.

Isa ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa mga proyektong balót ng korapsyon at kontrobersya. Nagsumite ang Westinghouse Electric ng hindi detalyadong proposal na may halagang $500 milyon para sa dalawang 620-megawatt reactors o planta. Ngunit nang matapos ng Westinghouse Electric ang pagtatayo sa BNPP noong 1984, umabot sa $2.2 bilyon ang naging kabuuang gastos upang makapag-generate ng 620 megawatts lang na kuryente. Naging mahigit apat na beses na mas malaki ang project cost para sa kalahati ng inaasahang output. Nangyari ito dahil sa overpricing at korapsyon kung saan tumanggap ng $80 milyong kickback mula sa proyekto si Marcos. Ilang dekada na ang lumipas mula nang matapos ang BNPP ngunit ni minsan ay hindi ito napakinabangan (Beaver 1994).

“Kung hindi dahil sa mga Aquino, may sarili na tayong nuclear plant.” Bakit nga ba hindi nagamit ang BNPP? Sa bisa ng Executive Order No. 55, s. 1986, hindi pinayagan ng administrasyong Cory Aquino ang operasyon ng BNPP dahil sa malaking gastusin para patakbuhin ito. Tandaan nating baon sa utang ang Pilipinas nang pinatalsik si Marcos at hindi kakayanin ng pamahalaang tustusan ang pag-aangkat ng uranium fuel at iba pang kagamitan para sa BNPP. Taong 1979 pa lang, sinabi na rin ng Commission on Nuclear Reactor Plants na itinatag ni Marcos na batay sa disenyo nito, hindi ligtas ang BNPP at banta ito sa kalusugan at kaligtasan ng publiko. Mababasa ito sa Letter of Instruction No. 957, s. 1979 ni Marcos.

PAGNILAYAN NATIN

“Hindi kasalanan ng gobyerno kung bakit may mga mahihirap. Magsipag ka lang, giginhawa ka.”

Madalas isinusumbat sa mahihirap ang sinasabi sa Kawikaan 10:4 na nagdudulot ng kahirapan ang katamaran. Ang totoo, maraming sala-salabat na rason kung bakit may mga taong mahirap: hindi sila nakapagtapos ng pag-aaral, limitado ang mga trabaho, mababa ang sahod na ibinibigay sa kanila, o nasira na ang pinagkukunan nila ng kabuhayan katulad ng mga gubat at dagat. Sa ganitong kalagayan, gobyerno ang dapat sumasalo sa kanila. Gaya ng binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan, tungkulin ng pamahalaang tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan upang mabuhay nang may dignidad: maayos na trabaho, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at kaligtasan.

Upang matiyak ang kabutihang panlahat o common good, may tungkulin ang pamahalaang iayon sa hustisya and iba’t ibang interes at pangangailangan ng sektor (Compendium of the Social Doctrine of the Church 169). Dapat pahalagahan ng mga nasa pamahalaan ang common good na hindi lamang batay sa gusto ng nakararami o sa kapritso nila kundi sa kung ano ang makabubuti sa lahat ng miyembro ng komunidad, kabilang ang mahihirap at isinasantabi.

MGA SANGGUNIAN

Beaver, William. 1994. "Nuclear Nightmares in the Philippines.” Journal of Business Ethics 13, no. 4: 271-279. https://www.jstor.org/stable/25072530?seq=1. Boyce, James. 1993. The Philippines: The Political Economy of Growth and Impoverishment in the Marcos Era. Honolulu, Hawaii: University of Hawaii Press.Boyce, James, and Lyuba Zarsky. 1988. “Capital Flight from the Philipppines, 1962-1986.” Journal of Philippine Development 15, no. 2: 191-222. https://pidswebs.pids.gov.ph/CDN/PUBLICATIONS/pidsjpd88-2capital.pdf. Dalupang, Denison Rey. 2017. “Bun Fight: Was the Nutribun a Marcos project?” Philstar Global. https://newslab.philstar.com/31-years-of-amnesia/nutribun. Gonzales, Joaquin III. 2000. Philippine Labour Migration: Critical Dimensions of Public Policy. Manila: Institute of Southeast Asian Studies/ De La Salle University Press.Lico, Gerard. 2003. Edifice Complex: Power, Myth and Marcos State Architecture. Quezon City, Ateneo de Manila University Press.Manapat, Ricardo. 1991. Some are smarter than others. New York: Altheia Publications. Nemenzo, Francisco Jr. 1978. “Dependency and Liberation: Focus on the Third World.” Philippine Political Science Journal 5, no. 7: 120-128, https://doi.org/10.1080/01154451.1978.9753999.Philippine President. 1979. Letter of Instruction No. 957. Official Gazette (November 13). https://www.officialgazette.gov.ph/1979/11/13/letter-of-instruction-no-957-s-1979/. ________. 1986. Executive Order 55. Official Gazette (November 4). https://www.officialgazette.gov.ph/1986/11/04/executive-order-no-55-s-1986/. -----📷 Nutribun (Vera Files), Manila Film Center (historyofarchitecture.weebly.com), San Juanico Bridge (Gerald Nicolas), BNPP (Jay Directo/AFP/Getty Images)