| Editoryal
| Editoryal
Ni: Marci Banago
Bilang mag-aaral ng Quezon Science High School (QSHS), nakita ko nang malapitan ang matinding problema sa pamamahala ng basura na umusbong sa kamakailang Brigada Eskwela. Sa kabila ng masigasig na pagsisikap ng aming komunidad, bumungad sa akin ang tambak na basura at kagamitan sa paligid ng bawat silid-aralan pagkatapos ng paglilinis. Para sa akin, hindi lamang ito isang paalala na kailangan naming panatilihing malinis ang aming mga silid-aralan kundi isang malalim na pagsasalarawan ng problema sa waste management sa aming paaralan.
Napansin ko na isa sa mga pangunahing sanhi ng ganitong kalagayan ay ang kakulangan ng maayos na sistema ng pagtatapon ng basura. Bagaman nagsanib-puwersa ang Nestlé PH at DepEd upang tugunan ang isyung ito, pakiramdam ko ay kulang pa rin ang kanilang mga hakbang sa pag-aayos ng sitwasyon. Sa mga oras ng paglilinis, madalas kong nakikita ang mga kaklase kong napipilitang itapon ang kanilang basura sa mga lugar na hindi naaayon dahil sa kakulangan ng tamang lagayan.
Tila nagiging palusot ang pagpapasa ng buong responsibilidad sa mga nasa mataas na posisyon. Bagaman maaaring may mga pagkukulang ang DepEd, hindi maikakaila na ang responsibilidad para sa kalinisan ay dapat hinahati sa bawat isa sa amin. Ang usaping ito ay hindi lamang nakaugat sa mga institusyon kundi pati na rin sa aming asal at disiplina bilang mga mag-aaral at guro.
Sa panahon ng Brigada Eskwela, madalas kong nakikita ang mga lumang kagamitan at school supplies mula sa nakaraang taon na nagtatambak sa labas ng mga silid-aralan. Imbes na ituring itong basura, sa tingin ko ay dapat itong kolektahin at ipamahagi sa mga estudyanteng nangangailangan. Ang mga kagamitan na ito ay maaari pang magamit, at ang wastong paggamit at pamamahagi ay makakatulong sa mga mag-aaral na higit na nangangailangan.
Noong unang araw ng Brigada Eskwela, dumalo sa isang orientation ang mga mag-aaral mula sa ika-pitong baitang, kung saan tinalakay ang kahalagahan ng waste management. Bagamat aktibong isinasagawa ng aming paaralan ang mga ganitong orientation, tila hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng aming kapaligiran. Sa aking pananaw, ang mga pagsasanay at paalala ay hindi lamang dapat tumutok sa loob ng paaralan kundi pati na rin sa aming mga tahanan at lokal na komunidad.
Sa kabuuan, ang problema ng basura sa Quezon Science High School ay isang pagsasalarawan ng mas malawak na isyu sa sistema ng edukasyon at pangangalaga sa kapaligiran. Nawa'y magsilbing inspirasyon ito sa lahat ng paaralan upang higit pang pagtuunan ng pansin ang wastong pamamahala ng basura at magsagawa ng mas epektibong mga hakbang upang mapanatiling malinis at maayos ang aming mga institusyon ng edukasyon.
______________
Share This Article
Siksik liglig at umaapAW
Noong Hulyo 22-26, 2024, ang Quezon Science High School (QSHS) ay nagdaos ng Brigada Eskwela, isang simbolo ng pagkakaisa at pagkabahala sa pagpasok ng bagong taong pampanuruan, kasama ang pagdagdag ng apatnapung bagong estudyante. Bagamat ang layunin ng bagong patakaran ng gobyerno ay mapalawig ang tulong ng institusyong ito, hindi maikakaila na ang QSHS ay hindi pa handa para sa nasabing pagdagdag.
BRIGADA SA PAG-ANTALA: Tiktak sa Tardiness
Sa Quezon Science High School (QSHS), tila ba lagi kaming bumabalik sa nakasanayang “Filipino time” tuwing Brigada Eskwela dahil palaging late nagsisimula ang programa. Taon-taon, ang Brigada Eskwela ay isang mahalagang aktibidad na naglalayong maghanda ng mga pasilidad ng paaralan para sa darating na pasukan. Ngunit ano nga ba ang kabuluhan ng Brigada Eskwela kung nagsisimula ito nang huli at nagtatapos na hindi kumpleto ang mga gawain?
QSHS ________________
BULLETIN
______ Balitang Makabago, Balitang Totoo!
Tungkol Sa Amin:
Ang QSHS Bulletin ay ang opisyal na pahayagan ng paaralang Quezon Science High School, na nagbibigay ng pinaka-bago at importanteng balita sa loob ng aming paaralan. Layunin ng aming publikasyon na maghatid ng balitang kapaki-pakinabang ukol sa mga kaganapan, proyekto, at tagumpay ng bawat miyembro ng aming paaralan. Sa bawat isyu at balita, aming sinisigurado na lahat ng kwentong aming ihahatid ay totoo at maaasahan.
Aubrey Achacoso•Gabriel Banagan•Marci Banago•Harry Brigoli•Gabriella Mallari