| Editoryal
| Editoryal
Ni: Marci Banago
Noong Hulyo 22-26, 2024, ang Quezon Science High School (QSHS) ay nagdaos ng Brigada Eskwela, isang simbolo ng pagkakaisa at pagkabahala sa pagpasok ng bagong taong pampanuruan, kasama ang pagdagdag ng apatnapung bagong estudyante. Bagamat ang layunin ng bagong patakaran ng gobyerno ay mapalawig ang tulong ng institusyong ito, hindi maikakaila na ang QSHS ay hindi pa handa para sa nasabing pagdagdag.
Sa kasalukuyan, ang estado ng paaralan ay tila isang malalim na krater na puno ng kakulangan. Ang mga pasilidad ay hindi pa tapos, ang mga guro sa wika at sining ay kulang, at ang mga tauhan ay hindi sapat. Ang mga sirang kagamitan sa laboratoryo ay lalong nagpapalala sa kalagayan, at ang kasalukuyang sitwasyon ay nagpapakita ng potensyal na pag-usbong ng mas malalang krisis kung walang agarang solusyon.
Bagaman ang QSHS ay may tradisyunal na mga programa at pagdiriwang, ang Main Building Activity Area ay lumalantad sa kakulangan ng espasyo at komodidad. Ang sikip, init, at kakulangan sa mauupuan ay matinding patunay ng limitadong kapasidad ng kasalukuyang imprastruktura. Ayon kay Dr. Peter Andrew Regencia, ang auditorium ay hindi pa magagamit, patunay ng patuloy na kakulangan sa mga kinakailangang pag-aayos.
Sa kabila ng mga hamon, may positibong pananaw ang punong-guro dahil sa nakatakdang pagpapalawak ng Science Building, na magdadagdag ng labing-anim na silid-aralan. Subalit, ang pagpapalawak na ito ay hindi sapat kung hindi muna matutugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng paaralan. Ang mga plano ay dapat na sumasalamin sa tunay na kakayahan ng institusyon, hindi lamang sa papel.
Isang malaking usapin ang kakulangan ng guro sa MAPEH. Isang guro lamang ang namamahala sa asignaturang ito, na nagreresulta sa kakulangan sa holistic learning na kinakailangan ng mga estudyante. Dagdag pa rito, ang paaralan ay walang school nurse at nutritionist, na mahalaga sa wastong pagpaplano ng meal plans at pangangalaga sa kalusugan ng mga estudyante.
Ang pagdagdag ng estudyante ay tila isang panibagong pagkakataon para sa mga mamamayan ng Quezon, ngunit ang oportunidad na ito ay magiging panibagong pasanin kung ang institusyon ay hindi handa. Ang patuloy na problema sa kasalukuyang estado ng paaralan ay maaaring magdulot ng matinding dismaya at hindi pagkakasiya kung hindi agad matutugunan.
Mahalaga ang masusing koordinasyon sa pagitan ng administrasyon at gobyerno ng probinsya upang mapabilis ang pag-unlad ng paaralan. Ang simpleng pag-uusap ay hindi sapat; kinakailangan ng konkretong aksyon. Dapat humingi ng mas malaking badyet upang agad na maipaayos ang mga sirang kagamitan at matugunan ang mga kinakailangang pasilidad. Ang QSHS ay nakaugat sa tatlong pundasyon: dangal, kahusayan, at serbisyo. Dapat unahin ang kalidad ng serbisyo bago ang pagpapalawak ng bilang ng estudyante, para sa tunay na kapakanan ng Quesayano, Quezon, at buong sambayanang Pilipino.
______________
Share This Article
BRIGADA SA PAG-ANTALA: Tiktak sa Tardiness
Sa Quezon Science High School (QSHS), tila ba lagi kaming bumabalik sa nakasanayang “Filipino time” tuwing Brigada Eskwela dahil palaging late nagsisimula ang programa. Taon-taon, ang Brigada Eskwela ay isang mahalagang aktibidad na naglalayong maghanda ng mga pasilidad ng paaralan para sa darating na pasukan. Ngunit ano nga ba ang kabuluhan ng Brigada Eskwela kung nagsisimula ito nang huli at nagtatapos na hindi kumpleto ang mga gawain?
TAMBAK NA PROBLEMA: Basura at Brigada
Bilang mag-aaral ng Quezon Science High School (QSHS), nakita ko nang malapitan ang matinding problema sa pamamahala ng basura na umusbong sa kamakailang Brigada Eskwela. Sa kabila ng masigasig na pagsisikap ng aming komunidad, bumungad sa akin ang tambak na basura at kagamitan sa paligid ng bawat silid-aralan pagkatapos ng paglilinis. Para sa akin, hindi lamang ito isang paalala na kailangan naming panatilihing malinis ang aming mga silid-aralan kundi isang malalim na pagsasalarawan ng problema sa waste management sa aming paaralan.
QSHS ________________
BULLETIN
______ Balitang Makabago, Balitang Totoo!
Tungkol Sa Amin:
Ang QSHS Bulletin ay ang opisyal na pahayagan ng paaralang Quezon Science High School, na nagbibigay ng pinaka-bago at importanteng balita sa loob ng aming paaralan. Layunin ng aming publikasyon na maghatid ng balitang kapaki-pakinabang ukol sa mga kaganapan, proyekto, at tagumpay ng bawat miyembro ng aming paaralan. Sa bawat isyu at balita, aming sinisigurado na lahat ng kwentong aming ihahatid ay totoo at maaasahan.
Aubrey Achacoso•Gabriel Banagan•Marci Banago•Harry Brigoli•Gabriella Mallari