| Editoryal
| Editoryal
Ni: Marci Banago
Sa Quezon Science High School (QSHS), tila ba lagi kaming bumabalik sa nakasanayang “Filipino time” tuwing Brigada Eskwela dahil palaging late nagsisimula ang programa. Taon-taon, ang Brigada Eskwela ay isang mahalagang aktibidad na naglalayong maghanda ng mga pasilidad ng paaralan para sa darating na pasukan. Ngunit ano nga ba ang kabuluhan ng Brigada Eskwela kung nagsisimula ito nang huli at nagtatapos na hindi kumpleto ang mga gawain?
Kapag sinabing “Filipino time,” ang ibig sabihin nito ay ang pagiging late sa anumang pupuntahan o dadaluhang okasyon. Bilang isang taong laging sumusunod sa tamang oras, wala nang mas nakakainis pa kaysa sa pag-aaksaya ng oras dahil sa mga taong huli dumating. Kapag sinabing alas siyete ng umaga ang oras ng tagpuan, kadalasang dumarating ang mga tao alas otso na. Laging late. Bihira sa amin ang makarating sa tamang oras. Laging may dahilan kung bakit late. Maraming dumarating na nag-uumpisa na ang mga pagtitipon o programa.
Para sa iba, naging kaugalian na ang pagdating nang late. Isang hindi magandang ugali at nakakaapekto sa pag-unlad ng bansa. Kung hindi natin babaguhin ang nakaugaliang “Filipino time,” mahihirapang makausad ang bansa at magiging huli rin tayo sa lahat ng bagay.
Ito ang gustong baguhin ng dating Pangulong Noynoy Aquino noong siya’y nanunungkulan pa. Nilagdaan niya ang Republic Act No. 10535, na nag-aatas sa lahat na itama ang kanilang mga orasan at sundin ang Philippine Standard Time (PST). Ang tamang oras ay manggagaling sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA). Inaatasan ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na ipakita ang tamang oras sa kanilang mga official time devices, bundy clocks, at iba pa. Pagmumultahin ang hindi susunod sa batas na ito.
Bilang isang paaralan na naglalayong magbigay ng kalidad na edukasyon, ang QSHS ay dapat manguna sa pagbabago ng kultura ng pagiging huli. Ang palagiang pagkalate ultimo sa Brigada Eskwela ay nagdudulot ng hindi magandang imahe para sa paaralan at nagiging masamang ehemplo para sa mga mag-aaral. Kung ang mga guro, kawani, at magulang mismo ay hindi makakarating sa tamang oras para sa isang mahalagang aktibidad, paano na aasahan ang isang kabataang tulad ko na maging punctual?
Malinaw na ang pagiging huli sa Brigada Eskwela ay isang sintomas ng mas malalim na problema sa pagpaplano at koordinasyon. Kung nais ng QSHS na maging isang institusyon na may dangal, kahusayan, at serbisyo, kailangang iwaksi ang nakasanayang “Filipino time.” Kailangan ng isang masusing pagpaplano at dedikasyon mula sa lahat ng miyembro ng komunidad ng paaralan upang masiguro na ang lahat ng aktibidad ay magsisimula sa takdang oras.
Ang pagtuturo ng kahalagahan ng pagiging punctual ay dapat magsimula sa mga paaralan. Sa ganitong paraan, maipapakita ng isang kabataang tulad ko ang kahalagahan ng tamang oras at paano ito nakakaapekto sa buhay ng ibang tao. Ang QSHS, bilang isang premier na institusyong pang-edukasyon, ay dapat maging halimbawa sa pagpapatupad ng tamang oras, hindi lamang para sa mga mag-aaral, kundi pati na rin sa buong komunidad.
Sa huli, ang pagbabago ay magsisimula sa bawat isa. Kung nais na umunlad at makasabay sa ibang bansa, kailangan nang baguhin ang ating bulok na nakasanayan. Ang tamang oras ay hindi lamang isang simpleng bagay; ito ay isang salamin ng ating disiplina at respeto sa kapwa. Kung nais naming makamit ang tunay na progreso, magsimula kami sa simpleng bagay na ito. Wala nang excuse, wala nang "Filipino time."
______________
Share This Article
TAMBAK NA PROBLEMA: Basura at Brigada
Bilang mag-aaral ng Quezon Science High School (QSHS), nakita ko nang malapitan ang matinding problema sa pamamahala ng basura na umusbong sa kamakailang Brigada Eskwela. Sa kabila ng masigasig na pagsisikap ng aming komunidad, bumungad sa akin ang tambak na basura at kagamitan sa paligid ng bawat silid-aralan pagkatapos ng paglilinis. Para sa akin, hindi lamang ito isang paalala na kailangan naming panatilihing malinis ang aming mga silid-aralan kundi isang malalim na pagsasalarawan ng problema sa waste management sa aming paaralan.
Siksik liglig at umaapAW
Noong Hulyo 22-26, 2024, ang Quezon Science High School (QSHS) ay nagdaos ng Brigada Eskwela, isang simbolo ng pagkakaisa at pagkabahala sa pagpasok ng bagong taong pampanuruan, kasama ang pagdagdag ng apatnapung bagong estudyante. Bagamat ang layunin ng bagong patakaran ng gobyerno ay mapalawig ang tulong ng institusyong ito, hindi maikakaila na ang QSHS ay hindi pa handa para sa nasabing pagdagdag.
QSHS ________________
BULLETIN
______ Balitang Makabago, Balitang Totoo!
Tungkol Sa Amin:
Ang QSHS Bulletin ay ang opisyal na pahayagan ng paaralang Quezon Science High School, na nagbibigay ng pinaka-bago at importanteng balita sa loob ng aming paaralan. Layunin ng aming publikasyon na maghatid ng balitang kapaki-pakinabang ukol sa mga kaganapan, proyekto, at tagumpay ng bawat miyembro ng aming paaralan. Sa bawat isyu at balita, aming sinisigurado na lahat ng kwentong aming ihahatid ay totoo at maaasahan.
Aubrey Achacoso•Gabriel Banagan•Marci Banago•Harry Brigoli•Gabriella Mallari