Editoryal
Editoryal
Nakakubling Katotohanan
Kasabay sa pagdami ng populasyon sa bansa, ang sya ring pagtaas ng kaso ng mga biktima sa droga. Sa kasalukuyang panahon, isang mapait na katotohanan ang kinakaharap ng ating lipunan: ang paglaganap ng paggamit ng droga sa hanay ng kabataan. Sa halip na nakatuon sa edukasyon, mga pangarap, at produktibong gawain, marami sa kanila ang nalululong sa mga bisyong sumisira sa kanilang kinabukasan. Ano ang dahilan ng ganitong kalakaran? At paano natin matutugunan ang problemang ito?
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Emmanuel M. Guillermo, Prosperidad Municipal in-charge, "kailanman ay hindi maikakailang malaking impluwensiya ang kapaligiran sa pagkakalulong ng mga kabataan sa droga." Ang pahayag na ito ay nagpapakita ng katotohanang ang lipunan, pamilya, at mga kaibigan ay may mahalagang papel sa paghubog ng kinabukasan ng mga kabataan.
Samu’t-saring reaksyon din ang umani matapos i-prinesenta ni Emmanuel M. Guillermo ang mga iba’t ibang kaso ng krimen sa bayan ng Prosperidad mula sa buwang Enero hanggang Nobyembre sa taong 2024. Kabilang sa mga kaso ay ang Murder, Homicide, Physical Injury, Rape, Robbery, at Carnapping. Senyales lamang ito hindi na maayos ang mga pangyayari hindi lamang sa bansa kundi sa iba’t ibang sulok ng prosperidad.
Kapag ang isang komunidad ay puno ng negatibong impluwensiya tulad ng ilegal na droga, mas mataas ang posibilidad na mahikayat ang mga kabataan na subukan ito. Kaya't napakahalaga ng pagkakaroon ng isang maayos na kapaligiran—may disiplina, edukasyon, at suporta—upang maiwasan ang ganitong mga problema.
Hindi lamang responsibilidad ng mga awtoridad ang pagsugpo sa droga; dapat ding makilahok ang mga magulang, guro, at buong komunidad sa pagbibigay ng gabay at alternatibong aktibidad upang mapanatili ang kalusugan at kinabukasan ng kabataan. Sa ganitong paraan mababawasan ang posibilidad na masangkop ang mga kabataan hindi kaaya-ayang gawain.
Ang kabataan ang pag-asa ng bayan, ngunit paano magiging totoo ito kung marami sa kanila ang nalululong sa mga bisyong sumisira sa kanilang kinabukasan? Sa halip na hatulan, dapat natin silang tulungan. Sama-sama nating pangalagaan ang kanilang kinabukasan, sapagkat ang kanilang tagumpay ay tagumpay din ng buong bayan.
Pag-asang Pinabayaan
kolum
Akda ni : Sho / Disyembre 04, 2024
Paano nga ba natin masasabing kabataan ang pag-asa ng bayan kung ang mga kabataan ang ugat ng masamang karahasan sa loob ng mga paaralan. Isa sagradong lugar ng pagkatuto, dumarami ang ulat ng mga kabataang nasasangkot sa pagbebenta ng droga.
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang droga ay isang malaking suliranin sa lipunan. Ngunit mas masakit isipin na pati ang mga kabataan—na siyang dapat na nakatuon sa kanilang pag-aaral—ay nadadamay sa ganitong kalakaran. Ang tanong, bakit sila humahantong sa ganito?
Maraming dahilan. Isa na rito ang kahirapan. May mga kabataang napipilitang pumasok sa ganitong gawain dahil sa kagustuhang makatulong sa kanilang pamilya. Sa kabilang banda, may mga naaakit sa pangakong mabilis na pera, hindi alintana ang kapalit na panganib. Bukod dito, ang impluwensya ng barkada at kawalan ng gabay mula sa magulang ay isa ring salik sa kanilang maling desisyon.
Ang pagbebenta ng droga sa loob ng paaralan ay hindi lamang isang krimen; isa rin itong paglapastangan sa halaga ng edukasyon. Sa halip na mag-aral, maraming kabataan ang nalululong sa masamang bisyo, na siyang sumisira sa kanilang kinabukasan.
Ngunit hindi pa huli ang lahat. Ang hamon na ito ay nangangailangan ng sama-samang pagkilos. Marami ang mga paraan upang makaiwas sa ganitong problema kinakailangan ng mahigpit na pagbabantay sa mga paaralan. Kailangang palakasin ang seguridad sa loob at labas ng mga paaralan upang maiwasan ang pagpasok ng droga.
Ang Edukasyon tungkol sa masamang epekto ng droga ay isa sa mga paraan na dapat ipaliwanag sa kabataan ang mga panganib ng paggamit at pagbebenta nito at pakikialam ng mga magulang dahil malaki ang papel ng magulang sa paggabay sa kanilang mga anak kaya’t kailangan nilang maging mas mapanuri at aktibong kausap sa kanilang mga anak at pagsuporta sa mga programang alternatibo.
Ang droga ay isang salot na kayang talunin kung tayo’y magkakaisa. Huwag nating hayaang masira ang kinabukasan ng kabataan dahil sa isang maling hakbang. Sa bawat hakbang na gagawin natin ngayon, tiyak na may kabataang maihahango mula sa dilim ng droga patungo sa liwanag ng tagumpay.
Tatsulok sa Tuktok
kolum
Akda ni : Sho / Disyembre 04, 2024
Sa ating lipunan, ang katarungan ay itinuturing na batayan ng isang maayos at makataong pamumuhay. Subalit, bakit tila nananatili itong isang pangarap para sa karamihan, lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan? Ang tanong na "Bakit palaging naantala ang hustisya?" at "Bakit tila ang mayayaman lamang ang nakakakuha ng hustisya?" ay nananatiling mahalaga at napapanahon.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkaantala ng hustisya ay ang mabagal at masalimuot na proseso sa ating sistema ng batas. Kulang ang mga hukom, abugado, at iba pang tagapagpatupad ng batas kumpara sa dami ng mga kasong kailangang tugunan. Ang backlog sa mga korte ay nagdudulot ng mga taon, kung hindi dekada, na paghihintay para sa desisyon. Sa bawat araw ng pagkaantala, hindi lamang kaso ang nakabinbin kundi pati na rin ang buhay ng mga biktima at akusado.
Masakit aminin, ngunit ang katarungan ay tila nagiging kalakal na kayang bilhin ng may salapi. Ang mayayaman ay may kakayahang umupa ng pinakamahuhusay na abogado, maglagay sa mga tagapagpatupad ng batas, o magmaniobra ng sistema para sa kanilang pabor. Ang mahihirap, sa kabilang banda, ay madalas napipilitang magtiwala sa mga libreng serbisyo na, bagama't may layuning tumulong, ay kadalasang salat sa resources at oras upang ipaglaban ang kanilang kaso nang maayos.
Bukod dito, ang hindi pantay na paggamit ng batas ay makikita rin sa mga desisyon kung saan ang maliit na paglabag ng mahihirap ay naparurusahan ng husto, habang ang malalaking krimen ng mayayaman ay nalulusutan. Ang kawalan ng pananagutan ng mga nasa kapangyarihan ay nagiging normalisado.
Upang maging abot-kamay ang katarungan, kailangang isulong ang reporma sa sistema ng hustisya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga hukom at tagapagpatupad ng batas at digitalisasyon ng mga proseso para mapabilis ang serbisyo. Mahalaga ring palawakin ang kaalaman ng mga mamamayan sa batas sa pamamagitan ng legal literacy upang maging mulat sila sa kanilang mga karapatan at mas maprotektahan ang sarili laban sa pang-aabuso.
Dapat ding palakasin ang libreng serbisyong legal sa tulong ng gobyerno at pribadong sektor upang matugunan ang pangangailangan ng mga walang kakayahang magbayad. Bukod dito, kailangang tiyakin ang patas na hustisya sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga may sala anuman ang kanilang estado sa buhay. Sa ganitong paraan, maisusulong ang isang makatarungang lipunan na nagtataguyod ng karapatan ng lahat.
Ang katarungan ay hindi dapat maging pribilehiyo ng iilan. Ang hustisya ay dapat para sa lahat—mabilis, patas, at tunay. Habang nananatiling hamon ang pagbabago ng sistema, ang ating kolektibong pagkilos at pagkakaisa ang magiging daan upang mailapit ang katarungan sa bawat mamamayan. Sa ganitong paraan, mabibigyang buhay natin ang tunay na diwa ng hustisya sa ating bayan.
Akda ni: Dens