Putok ng Baril: Naging Pulis ng Wala sa Alanganin?
Putok ng Baril: Naging Pulis ng Wala sa Alanganin?
Akda ni : Kath / Disyembre 04, 2024
Bang!
Putok ng baril—malakas at matulin. Gulat, hindi makagalaw, hindi makapagsalita. Ang mga kabataan na walang humpay na naglalaro ay biglang nagtatakbuhan. Kani-kaniyang pagtutulakan at uwian sa tahanan. Subalit paano kung may isang musmos ring ganito sa Tandag na mahigit labing-siyam taon ng pulis ngayon?
Siya si Lt. Kernel Emmanuel M. Guillermo, apat na pu’t taong gulang. Nagsimula ang kaniyang pangarap sa Magsaysay, Davao del Sur. Nakatutok ito sa sulok ng pader, gustong sumuko; subalit bumagon ito, hindi nagpatinag. Kasalukuyan siyang pulis sa Munisipalidad ng Prosperidad, Agusan del Sur. Subalit ano nga ba ang nagtulak sa kaniya na maging isang ganap na pulis?
Sa gitna ng pagtatalumpati, samut’t-saring kwento ang nais niyang ibahagi. “By that time inisip ko yung sasabihin ko," pag-aamin nito. [Noong oras na iyon, inisip ko yung sasabihin ko.]
Pang-aabuso, pagnanakaw at paglabag sa karapatang pantao— ilan lamang ito sa mahabang listahan ng nakakasagupa ng mga pulis. Datapwat sa libo-libong kaso taon-taon na nakukuha niya, isang hindi malilimutang krimen ang biglang sumagi sa kaniyang isip. Dahan-dahang binuka ang bibig at sunod-sunod na linya ang lumabas sa mikropono.
Bata pa lamang siya ay paglalaro na ang inaatupag nito. Kaliwa’t-kanang tawanan, takbuhan, at iyakan sa labas ng tahanan. Subalit sa kasalukuyang henerasyon, hindi niya mapigilan ang magpahayag ng pagka-abala sa lipunan.
Ani niya, sa gitna ng operasyon ay nakipagtulungan ang mga ito sa bata. Tumulong, subalit nagpanggap. Sa hindi inaasahan, ito pala ay nasasangkot sa illegal na pagbebenta ng droga. Sa naitalang datos ng Provincial Procecutors Office, mayroong 25 kaso na ang Prosperidad. Kaya naman siya ay pumasok sa larangang ito dahil sa paniniwalang hindi lamang magulang at guro ang pwede gumabay sa kabataan; pati pulis ay pwedeng maging magulang.
Muling naalala ang mga musmos. Tumingin sa bawat mata sa harapan. Tumatak sa puso ang maging ehemplo para sa mga bata. Ang pagiging pulis ay hindi lang upang maging matiwasay ang kapaligiran, kundi pati na rin ang adhikahin para sa kabataan. Ikaw, ano ang kwento mo bago maging ganap na pulis?
Pulis sa Komunidad: Mandato ng Batas o Pagsupil sa Kalayaan?
Akda ni : Themis / Disyembre 04, 2024
Ang mga pulis ng Pilipinas ay may tungkuling magpatupad ng batas at panatilihin ang kaayusan sa ating komunidad, ayon sa Republic Act No. 6975. Ngunit sa kabila ng kanilang ipinagkaloob na responsibilidad, ang mga aksyon ng kapulisan ay hindi palaging tapat at makatarungan.
Sa halip na magsilbing tagapagtanggol ng karapatan ng mga mamamayan, may mga pagkakataon na ang kanilang mga operasyon ay nagiging sanhi ng takot at pagkabahala, at ang layunin nilang magtaguyod ng kapayapaan ay nauurong at napapalitan ng pananakot.
Hindi lamang sa mga operasyon laban sa droga ang mga pulis nakikita bilang nagiging salarin, kundi pati na rin sa mga normal na araw na nagpapatrolya. Maraming mga tao ang nag-aatubili o natatakot mag-report ng krimen o makipagtulungan sa mga pulis, takot na baka sila pa ang maging target o maabuso.
Ang maling paggamit ng kapangyarihan ng mga pulis ay nagdudulot ng isang masamang imahe sa kanilang organisasyon, kaya't ang kanilang mga aksyon ay minsang nakikilala hindi bilang tagapagtanggol, kundi bilang mga may kapangyarihan na sumupil sa karapatan ng mga mamamayan.
Ang mga ganitong isyu ay nagsisilbing palatandaan na hindi lahat ng pulis ay tapat sa kanilang misyon. Ang maling paggamit ng kapangyarihan ng ilan sa kanila ay nagpapakita ng kahinaan ng sistema at ng pangangailangan para sa mga reporma.
Kailangang tiyakin ng pamahalaan at ng PNP na ang bawat operasyon ay may sapat na pag-iingat, may tamang pagsusuri, at tapat na pananagutan sa mga hakbang na ginagawa nila. Hindi maaaring ang pagpatay, pang-aabuso, o hindi makatarungang pagkilos ng mga pulis ay patuloy na itago sa ilalim ng kagustuhang mapanatili ang kaayusan.
Sa kabila ng mga kontrobersya, may mga pulis na tunay na nagsisilbing bayani at tapat sa kanilang tungkulin. Ngunit ang mga maling gawain ng ilang miyembro ng PNP ay nagpapaalala sa atin na ang sistema ng kapulisan ay hindi perpekto.
Marapat na itaguyod ang mga hakbang na magpapalakas sa kanilang integridad at magpapalaganap ng mga reporma upang matiyak na ang bawat pulis ay tunay na magsisilbi sa bayan, hindi upang maghasik ng takot, kundi upang magtaguyod ng katarungan at kapayapaan para sa lahat.