Marvee Anne M. Ramos
Unang Pagbasa
Isaias 35:1-6a, 10
Ang ulilang lupaing malaon nang tigang
ay muling sasaya,
mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
Ang dating ilang ay aawit sa tuwa,
ito’y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Libano
at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron.
Mamamasdan ng lahat ang kaningningan
at kapangyarihan ng Panginoon.
Inyong palakasin ang mahinang kamay,
at patatagin ang mga tuhod na lupaypay,
ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot,
laksan mo ang iyong loob,
darating na ang Panginoong Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita,
at makaririnig ang mga bingi;
katulad ng usa, ang pilay lulundag,
aawit sa galak ang mga pipi.
Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem,
masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
Lungkot at dalamhati ay mapapalitan
ng tuwa at galak magpakailanman.
Salmong Tugunan
Mga Awit 146:6-7, 8-9, 9-10
Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.
Nawa kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
Ikalawang Pagbasa
Santiago 5:7-10
Kaya nga’t magtiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang bunga ng kanyang bukirin, at ang pagpatak ng una at huling ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob, sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
Huwag kayong maghinanakitan, mga kapatid, upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa ngalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan.
Ebanghelyo
Mateo 11:2-11
Noong panahong iyon: Nabalitaan ni Juan Bautista, na noo’y na bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya’t nagsugo si Juan ng kanyang mga alagad at ipinatanong sa kanya, “Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Hesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Bakit kayo lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuutan? Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, higit pa sa propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan: ‘Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, wala pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos at dakila kaysa kanya.”
“Halina, Panginoong Diyos upang kami ay matubos.”
Naaalala mo ba ang mga pagkakataong nasabi mo ang mga katagang ito mula sa ating Salmong Tugunan sa Linggong ito? Marahil, mga pagkakataong pakiramdam mo ay mag-isa ka, mayroong may sakit sa iyong pamilya, o labis kang nahihirapan sa iyong pinagdaraanan. Sa walang patid na pagtaas ng mga bilihin at pamasahe, pagdami ng mga nawawalan ng trabaho, at patuloy na banta ng COVID-19, higit nating nadarama ang hirap ng buhay. Katulad natin o maaaring ilan mismo sa atin, marami ring suliraning kinakaharap ang mga magsasaka at mangingisdang sinasabing pinakamahihirap sa ating bansa, ang mga maralitang taga-lungsod na nagnanais ng maayos at disenteng tirahan, at mga pamilyang apektado ng mga hidwaan o giyera sa kanilang mga bayan.
Sa gitna ng mga ito, madaling mahulog sa patibong ng kawalan ng pag-asa at makaligtaang mayroon ding dinaranas na suliranin ang iba pa nating mga kapatid. Gayunpaman, bilang mga Kristiyano, naniniwala tayong ang pagdating ni Kristo ngayong Pasko ay simbolo ng pag-asa at galak. Sa Linggong ito, inaanyayahan ang bawat isa sa ating maging bukás sa pag-asa at ibahagi ito sa ating kapwang nangangailangan ng kaagapay sa pagsuong sa mga hamon ng buhay.
Sa mga pagbasa sa Linggong ito, makikita natin ang pagsasakatuparan ni Hesus sa Unang Pagbasa:
Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi. Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem, masiglang umaawit ng pagpupuri. Paghaharian sila ng kaligayahan. Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.
Maging bukás sa posibilidad. Huwag isara ang pinto sa pag-asa sapagkat pasasaan ba at makakikita ang mga bulag, makaririnig ang mga bingi, at lulundag ang mga pilay sa panahon natin ngayon. Mapapawi ang ating mga pighati, sampu ng lahat ng nagdurusa, ng umaapaw na kaligayahan. Magaganap ito sa grasya ng Diyos at pagpupunyagi sa buhay. Sa gitna ng ating mga personal na suliranin, hamon ding maibahagi ang pag-asa sa mga tila nauubusan na. Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, ipinabatid ni Hesus sa mga alagad ni Juan Bautista kung sino siya sa pamamagitan ng kanyang mga ginagawa.
Bilang mga tagasunod ni Hesus, ano ang maaari nating gawin upang maitaguyod ang kaharian ng Diyos? Hinaharap ba natin ang mga hamon ng buhay nang may pag-asa? Sa gitna ng ating mga sariling problema, nabibigyang atensyon din ba natin ang pagtangis ng ating kapwa? Kung narito ang mga alagad ni Juan Bautista, ano kayang ipaaalam nilang ginagawa natin bilang mga alagad ni Hesus sa bagong panahon? Baunin natin ang paalala ni Papa Francisco sa Evangelii Gaudium #187: “Bawat Kristiyanong indibidwal at komunidad ay tinatawag na maging instrumento sa pagpapalaya at pagtataguyod sa kabutihan ng mga dukha, at pagsigurong kabahagi sila ng lipunan.”
Alalahanin ang isang pagkakataong naranasan mong maging dukha o pangyayaring nanawagan ka sa pagtubos at pagliligtas ng Diyos. Anong nararamdaman mo sa pag-alalang ito? Paano mo nalampasan ang karanansang ito?
May kilala ka bang dumanas din ng alaalang iyong naisip? Sa iyong palagay, sinu-sino o marami bang kagaya ninyong pinagdaraanan din ito? Ipagdasal mo sila.
Sa nalalapit na Pasko, anong kongkretong hakbang ang maaari mong gawin upang makapagdala ng pag-asa sa mga kapatid nating nagdurusa o naisasantabi sa lipunan?