Mark Sheran Leosala
Unang Pagbasa
Isaias 7:10-14
Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng kinaroroonan ng mga yumao o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
at manganganak ng lalaki
at ito’y tatawaging Emmanuel.”
Salmong Tugunan
Mga Awit 24:1-2, 3-4, 5-6
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo?
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Ang D’yos na Panginoon, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Ikalawang Pagbasa
Roma 1:1-7
Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Sa inyong lahat na minamahal ng Diyos na nangariyan sa Roma, na tinawag upang maging mga banal:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Ang Mabuting Balitang ito, na ipinangako niya noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta at nasasaad sa mga banal na kasulatan, ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa kanyang pagiging tao, siya’y ipinanganak mula sa lipi ni David, at sa likas na kabanalan ng kanyang espiritu, ipinahayag siyang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa – ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. Kabilang din kayo sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.
Ebanghelyo
Mateo 1:18-24
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
at tatawagin itong “Emmanuel”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.
Ipinakikita sa atin ng Ebanghelyo sa araw na ito ang pagiging matuwid ni San Jose. Isinasabuhay ng isang matuwid na tao ang kanyang mga pagpapahalaga at paniniwala sa kanyang mga ginagawa at pakikisalamuha. Nakita natin ito sa kung paanong hindi ninais ni Jose na hiyain si Maria, bagkus hinayaan niyang gabayan siya ng anghel sa kanyang pagkabalisa at higit na lumalim ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Pareho niyang pinahalagahan ang kanyang relasyon kay Maria at sa Diyos sa kanyang pagtugon sa hamon ng pagkakataon.
Katulad ni Jose, humaharap din tayo sa iba’t ibang hamon na isabuhay ang mga panawagan ng Ebanghelyo at manatiling tapat sa mga ito.
Sagana sa hamong maging matuwid ang ating kasalukuyang panahon. Nariyan ang kawalan ng integridad ng mga lingkod-bayang ginagamit ang kanilang mga posisyon para sa kanilang sariling interes at winawaldas ang kaban ng bayan, mula sa ating mga buwis, sa magagarbong biyahe abroad at hindi naman kinakailangang pagtitipon. Binibigyang katwiran sa ating lipunan ang labis-labis na kita ng mga namumuhunan kapalit ng makatarungang pasahod sa mga manggagawa. Bigo rin tayong mamuhunan sa ikatataguyod ng agrikulturang maaaring makatulong sa taumbayang hihaharap ang mabilis na pagtaas ng mga presyo ng bilihin at kawalan ng seguridad sa pagkain. Dagdag pa sa mga ito ang kawalan ng trabaho ng marami at maayos at murang pabahay para sa mga maralita.
Sa gitna ng mga hamong ito, madaling mawalan ng pag-asa, ipagkibit-balikat na lamang ang pagiging matuwid, at tulad ng unang plano ni Jose, marahil nais na lamang nating “hiwalayan” at tahimik na mamuhay malayo sa mga suliranin ng ating panahon.
Sa kabila ng matinding hamon, nakita natin kung paanong pinahintulutan ni Jose na buksan ng anghel ng Panginoon ang kanyang puso upang tumugon sa panawagan ng pagkakataon. Nais na lamang sanang dumistansya ni Jose mula sa pagdadalantao ni Maria at sa malaking responsibilidad na maaaring idulot ng pagtutuloy ng kasal. Nagpakita ang anghel kay Jose na siyang nagpaliwanag sa kanya ng mahalagang papel niya sa kasaysayan ng pagtutubos at kung paano siya inaanyayahan ng Panginoong mahalin at alagaan si Maria at ang Diyos na nagkatawang-tao. Inilagay ng Diyos si Jose sa posisyon kung saan kailangan niyang pumili sa pagitan ng kanyang kaginhawaan—tahimik na hiwalayan si Maria—at ang kabutihang panlahat—ang kaligtasan ng sangkatauhan.
Mabigat ang pagpapahalaga ng Katolikong panlipunang turo ng Simbahan sa kabutihang panlahat o common good. Pinuunlakan tayong tingnan at bigyang-pansin ang kabutihan ng lahat, hindi lamang ng iilan o natin.
Maliban sa kabutihan ng isang indibidwal, mayroong kabutihang may kaugnayan sa pamumuhay natin sa lipunan: ang kabutihang panlahat. Ito ay kabutihan nating lahat, binubuo ng mga indibidwal, pamilya, at grupo na kapag binuklod ay bumubuo sa’ting lipunan (Caritas in Veritate #7).
Iniimbitahan tayo ng kabutihang panlahat na ihandog ang ating mga sarili sa ating kapwa, isipin sila at ikauunlad ng ating komunidad. Katulad ng paalala sa atin ni Papa Francisco,
Ang kabuuan ay mas dakila sa bahagi, ngunit higit itong dakila sa pinagsama-samang bahagi… Lagi nating palawakin ang ating pagtingin at bigyang pansin ang kabutihang lahat ay nakikinabang… Maaari tayong kumilos sa maliit na pangkat, sa ating kapit-bahayan, ngunit may mas malaking pagtanaw (Evangelii Gaudium #235).
Katulad ni Jose sa Ebanghelyo, ang susi sa kabutihang panlahat ay pagpapahintulot sa Diyos na kausapin ang ating mga puso. Hayaan nating gabayan tayo ng Diyos tungo sa pagdiskubre natin sa ating papel nang makapag-ambag sa pagkamit ng kabutihang panlahat.
Kausapin mo ang Panginoon tungkol sa iyong kalagayan. Mayroong bang mga bahagi ng iyong buhay na ninanais mo na lamang “hiwalayan nang lihim”? May mga tao bang malapit sa iyo na nangangailangan ng iyong tulong?
Ano ba ang pangarap ko para sa aking komunidad at bayan? Paano ako kinakausap ng Diyos sa pamamagitan ng pangarap na ito, at Kanyang inaaanyayahan upang maging katotohanan ito? Anong mga kongkretong hakbang na maaari kong gawin nang maging realidad ang pangarap na ito?
Katulad ni Jose na pinili ang kabutihang panlahat, paano ako makatutugon sa imbitasyong baguhin ang mga kalagayan sa aking lipunan upang masigurong ang bawat tao at grupo ay nakakamit ang kanilang mga pangangailangan? Anong papel ang maaari kong gampanan sa pagbubuo ng lipunang higit na makatao at makatarungan?