Instruction: Hover over the photo and click the arrow right/left to browse the photos in each week.
Unang araw namin sa internship ay wala naman kami masyadong ginawa. Hindi na rin kami nagpakilala sa mga estudyante dahil kilala naman na nila kami dahil parehong RT/CT pa rin noong Field Study. Bagkus, nagkumustahan kami ng aming CT at mga estudyante. Natuwa kami dahil natutuwa ang mga estudyante sa muli naming pagbabalik. Ayon sa aming CT ay madalas siyang kinukulit ng mga estudyante kung kailan ba kami babalik. Nakakataba sa puso na marinig iyon. Sa pagkakataong din ito, ipinahayag ng aming CT sa aming mga estudyante na pormal na magiging guro na nila kami ni Jeanette. Ibig sabihin, sa amin na manggagaling ang kanilang magiging marka sa ikatlong markahan. Sa mga libreng oras ay nagtanong kami sa aming CT kung nasa anong aralin na sila upang makapaghanda kami sa pagtuturo sa susunod na linggo. Napagkasunduan din namin na ang limang seksyon na hina-handle ng aming CT ay hahatiin namin ng aking kasama na si Jeanette. Ako sa first at second period (Tomas Pinpin at Jacinto) at siya naman sa third at fifth period (Gerry Roxas at Diego Silang), at hati kaming dalawa sa fourth period (Malvar).
Sa unang linggong ito ay nagsimula na kami magturo ngunit hindi siya buong pagtuturo dahil mayroon naman palang mga nakatalaga na mag-uulat sa mga aralin. Dumadagdag lang kami sa mga inuulat ng mga estudyante lalo na kapag may mali o may kulang. Miyerkules din ng linggong ito ay nagkaroon ng eco-fashion show ang mga estudyante sa baitang 10 kaya todo cheer din kami sa aming mga estudyante. Ang naging champion nga ay ang section Jacinto na siyang isa sa mga tinuturuan ko. Malaking salik ang pagsuporta sa mga estudyante upang mas umunlad sila sa kanilang pag-aaral. Pagdating ng Biyernes ay natuwa kami dahil nalaman naming wala palang pormal na klase kapag Biyernes dahil may "Catch-up Friday". Ang ginawa nga namin sa Catch-up Friday na ito ay tongue twister. Pagkasabado ng umaga ay card distribution kaya nag-assist kami sa aming CT.
As usual lang naman ang nangyari sa ikalawang linggo. Nag-uulat ang mga estudyante at gumagabay kami sa kanila. Dahil ang aklat ng Filipino 10 ay mayaman sa mga panitikang lokal at internasyonal, ang inuulat ng mga estudyante ay ang mga panitikang iyon. Ngunit, bago nila talakayin ang nakatalaga sa kanilang panitikan, tatalakayin muna nila sa unang araw ng klase ang bansa (kultura, tradisyon, paniniwala) kung saan nanggaling ang panitikan. Pagkatapos ng bansa ay ang panitikan naman sa ikalawang araw at kasabay na rin nito ang gramatika at retorika ng panitikang iyon. Sa ikatlong araw ay walang pag-uulat na nagaganap dahil pinapagawa namin sila ng awtput; at sa ikaapat na araw, tulad ng nabanggit ay Catch-up Friday. Marahil nagtataka kayo bakit sa ikaapat na araw ang Catch-up FRIDAY. Tunay na sa Biyernes nagaganap ang Catch-up Friday ngunit nasa ikaapat ito na pagkikita dahil bawat seksyon ay mayroong araw na wala kaming Filipino sa kanila. Ibig sabihin, bawat seksyon ay apat na araw lang ang aming pagkikita. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasusunod ang ganitong nakagawian. Minsan nagkukulang sa oras o 'di kaya ay hindi nakapaghanda ang mag-uulat kaya maaaring hindi magkasunod-sunod ang nakagawiang ito. Ang naging Catch-up Friday nga pala namin sa linggong ito ay pag-awit ng mga piling kanta ng departamento. "Dugtungang Pagkanta" o "Pass the Baton" nga pala ang naging estratehiya namin sa pag-awit para mas bibo.Â
Martes ng ikatlong linggo ay nagkaroon kami ng mahabang pagsusulit at sa Miyerkules ay nalungkot ako dahil may isang grupo na hindi nakapaghanda ng kanilang ulat kaya ayon sa aming CT, ipabasa nalang namin sa mga mag-uulat ang panitikang nakatalaga sa kanila. Palagi kaming pinapaalalahanan ng aming CT na 'wag magpaka-stress kaya bagaman nalungkot ako, hindi ko nalang ito inisip. Pero tinanong naman namin ang kanilang rason bakit hindi sila nakapaghanda at siniguradong hindi na ito mauulit sa ibang grupo. Minsan ay kailangan talaga magpaka-strict kasi kung hindi ay hindi nagseseryoso ang mga estudyante. Kapag nga pala 'yong kasama ko ang nagtuturo (si Jeanette), ay naka-observe lang kami ni Ma'am Arellano (CT) sa kanya at ganoon din sila sa akin kapag ako naman ang nagtuturo.
Sa linggong ito ay pinagawa namin ng poster ang section Tomas Pinpin at Malvar. Hindi natatapos sa isang oras ang pagguhit kaya pagkatapos ng klase (3:00 n.h. - 4:30 n.h.) ito ipinapapasa. Iyong iba ay sa sumunod na araw na talaga ipinasa. Naglaan din kami ng araw sa pagpapaliwanag nila ng kanilang poster. Ang masasabi ko lang ay napaka-talented ng mga estudyante. Ang gaganda ba naman ng mga naiguhit nila. Pagsapit ng Huwebes at Biyernes, hindi na kami magkakaila, natuwa kami dahil walang pasok ngunit nag-duty pa rin naman kaming mga guro. Sa dalawang araw na walang estudyante ay inilaan namin ito sa pagtse-tsek ng kanilang mga awtput. Biyernes ng hapon ay inimbitahan kami ng Departamento ng Filipino 9 at 10 sa kanilang Learning Action Cell (LAC) Session. Sa LAC Session na ito ay pinag-usapan ang tungkol sa paggawa ng lesson plan.
Sa Martes ng linggong ito gumawa ng poster ang seksyon Jacinto ko at inipresenta nila ito sa Huwebes. Tuwing Miyerkules kasi ay built-in kaya walang Filipino ang Jacinto. Ganoon din sa lahat ng seksyon. Tulad ng nabanggit ko sa itaas, bawat seksyon ay mayroon silang araw na walang Filipino. Ang aking Tomas Pinpin ay Friday ang kanilang built-in at ang Malvar naman ay Huwebes. Sa Huwebes din ng linggong ito naganap ang class pictorial ng lahat ng seksyon para sa kanilang moving-up ceremony kaya makikita sa mga larawan sa itaas ang class pictorial ng aming advisory, ang Gerry Roxas. Nakatutuwa lang isipin na malapit na ring matapos sa JHS ang aming mga estudyante kaya ginagawa naming motibasyon sa kanila ang katagang "Pagtarong mo kay pictorial lang ni, di pa mo sure." Bagamat pananakot ito ay sigurado naman kaming mairaraos din nila ang kanilang mga pagsubok.
Kung hindi ako nagkakamali ay walang pasok sa Martes at Miyerkules sa linggong ito. Ngunit tulad ng nakagawian, mga guro lamang ang pumapasok. Kaya naman sa Martes at Miyerkules na walang mga estudyante ay gumawa kami ng visual aids para sa aming tatalakayin na "Kasaysayan ng El Filibusterismo". Natatandaan ko rin na sa Huwebes habang nagkaklase ako sa Tomas Pinpin ay pinababa kami upang magbigay pugay sa isang guro na namayapa na. Napagtanto ko na bagamat nakakapagod maging guro ay tunay na nakaka-proud ang maging isang guro. Lahat ng mga guro at estudyante ay nasa ground noon upang magpaalam sa gurong namayapa.
Ang Lunes at Martes ng linggong ito ay inilaan para sa ikatlong markahang exam. Nanghinayang ako dahil mayroong isang estudyante sa aming advisory na tumigil na sa pag-aaral. Natatandaan ko kasi na nakapag-exam ito sa unang markahan dahil naroon din kami sa unang markahang pagsusulit para sa aming Field Study. Napagtanto ko na mayroong mga senaryong ganoon sa pagiging guro. Malulungkot ka kapag may isang estudyante na hindi na nagpatuloy sa kanyang pag-aaral. Walang ibang hinahangad ang isang guro kundi makita ang mga estudyante na makapagtapos ng pag-aaral at maging matagumpay sa buhay. Sa kabilang banda, dahil walang pasok sa Huwebes at Biyernes ay ginawang halfday ang Miyerkules at inilaan ang umaga nito para sa earthquake drill. Sa Huwebes at Biyernes ay ginawa ko rin sa bahay ang aking mga visual aids para sa aking final demo sa susunod na linggo.
Ang linggong ito ang pinakanakapapagod sa lahat. Bakit? dahil ito ang final demo week naming mga estudyanteng guro sa Filipino 9 at 10. Kami ng aking partner ay nakatalagang mag final demo sa April 5, 2024 (Biyernes) kung kaya nagpre-demo kami ng aking partner sa Miyerkules. Sa aking pre-demo ay wala naman masyado naging komento sa akin ang aming CT maliban sa medyo nagtagal ako sa bahaging "Talasalitaan". Akala nila ay malalagpas ako sa oras ngunit sa awa ni Allah S.W.T. ay hindi naman ako lumagpas sa isang oras. Pagsapit ng Biyernes ay sa Jacinto ako nag-demo at iyong pre-demo ko ay sa Gerry Roxas, ang aming advisory. Lubos akong nasiyahan dahil napakaraming magandang komento sa akin si Sir Jun, isa sa observer, at uunti lang naman ang kanyang mga suhestiyon. Nagpapasalamat din ako kay Ma'am Ciedelle sa kanyang magagandang komento rin sa akin. Nakakataba sa puso ang marining ang kanilang mga komento. Sa kabilang dako, pagkatapos ng aking demo ay recess at pagkatapos ng recess ay 'yong partner ko naman ang nag-demo. Sa awa ni Allah S.W.T. ay pareho naming nairaos ng mabuti ang aming final demo. Alhamdulillah at tuwang-tuwa ang aming CT sa amin. Siyempre, ang aming tagumpay ay walang ibang dahilan kundi ang mabuting paggabay at suporta sa amin ng aming napakabait na CT. Pagkatapos ng demo naming dalawa, sa lunch naman ay para kaming nag-celebrate na rin dahil may nag-sponsor sa aming advisory ng lunch. Isang follower ng aming CT sa Facebook ay nagbigay pundo para pakain sa advisory namin kaya nag-order ang aming CT ng pack lunch na sobrang sulit at sarap. Coincidence rin talaga na ang araw ng aming final demo ay siya ring kaarawan ng sponsor kaya parang nagkaroon tuloy kami ng mini celebration kahit iba naman ang dahilan ng kainan na iyon. Ang importante, tuwang-tuwa at busog na busog kaming lahat sa araw na iyon. Sobrang nakakapagod na araw pero sobrang masaya rin ang araw na iyon. Maraming salamat sa lahat ng naging kasangkot ng pagtatagumpay namin sa aming final demo.
Sa linggong ito ay dalawang araw lang ang may pasok. Huwebes at Biyernes. Napakahaba ng naging linggo namin dahil sa tatlong araw na walang pasok. Kung kaya pagsapit ng Huwebes, ayaw man namin aminin ngunit sa isipan namin ay "Gilahos nalang unta ni." Gayunpaman, sa kabila ng kasiyahang "walang pasok", nakakubli sa isipan ng mga guro ang "Nako, paano na hahabulin ang lessons." Iyong plano sana naming tapusin ang iilang kabanata ng El Fili ay hindi natapos. Naaawa ako sa mga estudyante kapag minamadali ang mga aralin upang makahabol sa oras dahil sigurado ako na hindi nila nauunawaan masyado ang mga aralin. Sa kabila noon, hindi maiwasan na iyon ang reyalidad. Dahil sa iba't ibang nangyayari sa mundo tulad ng sobrang init na panahon, naaapektuhan ang pag-aaral.
Medyo malungkot ang linggong ito dahil huling linggo namin sa pagtuturo sapagkat sa susunod na linggo ay ma-a-assign na kami sa iba't ibang opisina ng paaralan. Idagdag pa na tatlong araw lang ang linggong ito dahil walang pasok sa Lunes at Martes. Dahil huling linggo namin ito sa pagtuturo, kinailangan namin magpaalam sa mga estudyante noong Biyernes. Binilinan kami ng aming CT na maglaan ng oras para sa picture taking namin sa mga estudyante bilang remembrance. Kaya naman nakipag-picture kami sa lahat ng seksyon. Ang pagkasusunod-sunod ng larawan sa itaas ay: Jacinto, Gerry Roxas, Malvar, Tomas Pinpin, at Diego Silang. Hindi ko maiwasan na hindi malungkot dahil siguradong ma-mi-miss ko sila. Kahit na makukulit sila ay iyon nga ang nakaka-miss sa kanila. Sa maikling panahon na pagtuturo namin sa kanila ay napalapit na rin kami. Natutuwa kami na ayaw nila kaming umalis ngunit alam naman namin pareho na wala kaming magagawa. Lalo na ang aming CT, ayon sa kanya, tapos na raw ang maliligayang araw niya dahil aalis na kami. Natawa kami pero nalungkot din kami. Nakokonsensya nga ako na iiwan na namin ni Jeanette ang aming CT. Sa loob ng tatlong buwan ay napakaraming alaala na nabuo. Naway tumatak kami sa isipan ng aming mga estudyante dahil ito ang tunay na ebidensya na may naambag kami sa kanilang pagkatuto.
Huling linggo namin sa City High ay naitalaga kami sa iba't ibang service rooms. Sa Lunes ay sa clinic ako nalagay. Na-enjoy ako sa chika namin ng nurse. Ang pananaw ko sa kanya noong ako'y estudyante sa nasabing paaralan ay nag-iba nang ako'y nasa clinic bilang intern. Nakaranas din kami ng kunting aksyon. Ang madaliang pagpunta sa nangangailangang pasyente/mag-aaral. Sa Martes ay sa Junior High School Guidance ako napunta. Ang pinagawa lang sa amin doon buong araw ay ginunting ang mga itatapon ng mga mahahalagang records. Nag-enjoy naman kami sa paggugunting lalo na kapag nakikita naming napupuno na ang kahon. Miyerkules ay sa Senior High School Office naman ako natalaga. Nagdilig kami ng mga halaman, nagbilang ng mga oras na nai-render ng ibang mga student teachers, at pinaghukay sa lupa dahil may balak na magtanim ang mga guro. Huwebes naman ay sa Supply Office ako na-assign. Tinatakan namin ng seal ang mga sertipiko ng mga mag-aaral sa baitang 10 para sa kanilang moving up. Sa Biyernes, sa Fiscal Section naman ako at isinulat namin sa disbursement book ang mga records of disbursements. Sa kabuuan, na-enjoy naman namin ang huling linggong ito. Nakilala namin ang iba't ibang kasapi ng paaralan maliban sa guro. Nakapasok kami sa mga opisina na noo'y kinatatakutan ko pasukan bilang estudyante.