Sulat ni Narda
Likha ni Ellena Santana
Kumpleto sa entertainment genres ang itinatanghal ng mga nagtutunugang pangalan sa Senado ngayon. Sa nagdaang buwan, nasaksihan natin ang magkakaiba at kakaibang mga tagpo sa pagitan ng mga senador. Sa una’y aksyon na nagpakapit sa atin sa kinauupuan; sumunod naman ay drama bunsod ng matataas na emosyong diin sa mga nagdaang pangyayari. Higit pa sa lahat ng mga ito, na ngayon ay binansagan na ngang “SenateFlix” ng mga manonood, hindi na rin nagpahuli ang namuong chemistry sa pagitan nina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Sherwin Gatchalian.
Naglipana ang samu’t saring edits na naglalaman ng clips ng ilan sa kanilang pag-uusap na siyang lubos na kinagiliwan ng mga netizen. Hindi magkamayaw ang ilan sa kanila sa pagsuporta sa dalawang nagkakasundong senador. Wala pang komento si Sen. Hontiveros ukol dito, subalit para kay Sen. Gatchalian, isa raw “karangalan” ang maiugnay sa isang masipag at matapang na senadora.
Hindi naman sa mariing obsesyon na ipagtulakan ang isa sa isa, subalit minsan ay isinasalamin din nito ang atraksyon ng mga Pilipino na makakita ng ganoong klase ng katangian sa gitna ng umiiral na ingay at gulo sa Senado. Kakaiba para sa marami sa atin ang makatunghay ng nagkakasundong mga lingkod-bayan na parehong may paggalang, kahusayan, at patuloy na pagtatrabaho para sa bansa.
Kung susuriin, ang #WinRi ba ay kanilang isang kakatwang paraan ng pakikipamuhay online na nagpapamalas ng patuloy nilang pagsubaybay sa mala-tsubibong pangyayari ngayon? O marahil ay ibinabalik pa rin tayo nito sa napakalalim na ugat ng love team culture ng mga Pilipino?
Ayon sa lente ng parasocial relationships, ito ay ilan sa mga pagkakataon kung saan nagkakaroon ang mga tao ng isang-panig na sosyo-emosyonal na koneksyon sa mga public personalities; madalas sa mga artista o mga tauhan sa pelikula. Hayag nina Hoffner at Bond noong 2022, ipinalalakas din ng social media ang pakiramdam ng pagiging malapit ng mga tao sa media figures na ito. Sa paraang ito, madali nilang nakikitaan ng kahulugan ang mga interaksyon nila na may halong romantika. Nakapagbibigay-aliw sa kanila ang posibilidad nitong kani-kanilang sariling naratibo, kahit na wala namang malinaw na ebidensyang makapagpapatunay noon. Dahil dito, lumalaganap ang "shipping" kung saan nadadala na ng mga Pilipino ang nakasanayang kultura mula sa love teams, maging sa mga hindi pangkaraniwang espasyo tulad ng Senado. Madalas ding susi ng pagpapatuloy ng kulturang ito ang konsepto ng kilig, (isang salitang wala man lang direktang salin sa Ingles) kaya't naipaliliwanag natin kung bakit malakas ang appeal ng dalawa sa mga Pilipino.
Ang ating malaking tanong: may saysay ba ang gawaing ito? Tanging kanilang mga tagasuporta lang ang makakapagsabi. Ngunit sa perspektiba naman ng teoryang participatory culture ni Henry Jenkins, maaaring mayroon. Nang dahil sa interes nila sa mga personalidad sa politika, puwede itong magsilbing entry point sa kanilang aktibong panonood at pakikilahok sa diskusyon ng mga isyung pampubliko, na kung dati naman ay hindi gaanong tutok sa pagsubaybay ng mga gawaing pampulitika. Gayunpaman, mas mabuti na lamang na malagyan din ito ng limitasyon upang hindi mabaling ang atensyon ng ilan. Higit na nakayayanig nga naman ang mabibigat na pambansang polisiya’t batas na tinatalakay sa mga pagdinig kaysa anumang “kilig” lang.
Sapagkat sa huli, isa lang din namang litaw-lubog ang sandaling ito. Ang itinuturing nilang tambalang ito ay maliit lamang na bahagi sa matuling takbo ng interaksyon ng milyon-milyong Pilipino online. Anuman ang kahantungan ng naipausong ito ay halos hindi na importante. Ang dapat sana’y panghawakan ng mga Pilipino ay ang patuloy nilang pagbabantay sa kalagayan ng pamumuno sa Pilipinas nang walang sinumang sinasanto. Magpatuloy sana silang tumugon sa ideya ng mga lider na walang ibang hatid kun’di positibong intensyon para sa bansa dala ang pagiging mahusay at epektibo.
Hoffner, C. A., & Bond, B. J. (2022). Parasocial relationships, social media, & well-being. Current Opinion in Psychology, 45, 101306.
Ungvarsky, J. (2021). Participatory culture. EBSCO Research Starters. Retrieved from EBSCO Research Starters – Participatory Culture