Mga Luha Ko 'Yan!
Mga Luha Ko 'Yan!
Sulat ni Journaline Koldovic
Likha ni Andrea
"Ang lakas ng ulan!" chat ng kaklase ko.
"Mga luha ko 'yan!" tugon ko. Napuno ng haha reacts ang group chat. Akala nila siguro nagbibiro ako. Akala siguro nila, nagda-drama ako dahil sa ex ko.
Hindi. Bumabagyo na naman! Mabuti't 'di na binabaha ang kalye namin. Ngunit hindi pa rin nareremedyohan ang tagas sa kisame. Nagkalat na ang mga balde at palanggana sa bahay. Bawat dagundong ng kulog, nagbibigay ng kabog sa dibdib ko. Araw-gabi, dilat ang mga mata ko. Alerto kung sakaling liparin ang bubong ko.
Gusto ko sana magluto ng sinigang. Gusto ko sanang yakapin ako ng mainit at maasim na sabaw nito. Kaso hanggang instant noodles lang ang kaya ng budget ko. Siguro mamaya na lang ako gagastos. Hindi pa naman ako gutom eh.
Maya't maya, nangangamusta ako sa mga kamag-anak ko sa probinsya. Nawa'y 'di na nila kailanganing umakyat ng bubong, 'wag lang abutin ng baha. Nakita ko online ang kaliwa't kanang relief operations. Nais ko sanang tumulong, ngunit kailangan ko munang tulungan ang sarili ko.
Pagtingin ko sa group chat ay iba na ang paksang pinag-uusapan nila. Tuluyan nang nalunod ang mga sinabi ko sa mga tawanan at chismis. Ngunit alam kong hindi lamang ito isang biro. Dahil 'di lang ako ang nakararanas na mag-alala sa tuwing bumabagyo. Sapagkat hangga't 'di tumitila ang ulan, patuloy na lulutang ang problemang hinaharap ko. Na hindi madaling matulog nang mahimbing sa taong lubog sa hirap.