Tali-Ban
Tali-Ban
Sulat ni Rohi
Obra ni Sentido Palito
Sa bawat pagsikat ng araw, isang mabigat at nakabibinging katahimikan ang lumalaganap sa mga kalsada ng Afghanistan. Ito ay hindi ang katahimikan ng kapayapaan, kundi ang piping panaghoy ng milyon-milyong kababaihang paunti-unti nang binubura sa mukha ng kanilang kinagisnang lipunan. Halos limang taon matapos muling maagaw ng Taliban ang kapangyarihan sa kapitolyo nito na Kabul, tuluyan nang naging isang dambuhalang piitan ang bansa para sa kalahati ng populasyon nito. Sa pamamagitan ng daan-daang mararahas na utos at batas, sistematikong winasak ng rehimeng diktador ang mga pangarap, karapatan, at dignidad ng higit 21 milyong kababaihan.
Ayon sa pananaliksik ng UN Women Data Hub, labis na nakalulunos ang kasalukuyang estado ng bansa dahil kakarampot na porsyento ng buong karapatan at kalayaan ang natatamasa ng kababaihan, kung saan ang kabuoang partisipasyon ng mga babae sa lakas-paggawa ay bumagsak nang husto. Ang Afghanistan sa kasalukuyan ang naging buhay na ebidensya ng pinakamalalang anyo ng gender apartheid sa modernong kasaysayan.
Ang pinakabagong dagok sa kanilang pagkatao ay ang kamakailang kautusan mula sa tinaguriang “Wizarat al-Amr bil Ma’ruf wan Nahy ‘an al-Munkar” o ang “Ministry for the Propagation of Virtue and the Prevention of Vice.” Sa ilalim ng batas na ito, opisyal na itinalagang isang “pribadong bahagi” o banta sa moralidad ang mismong tinig ng babae. Ipinagbawal na silang magsalita nang malakas, umawit, o magbasa sa mga pampublikong lugar–isang marahas na hakbang na pormal na kinondena sa UN News Report ukol sa Taliban Virtue and Vice Law. Isipin mo ang tindi ng kalupitang ito, matapos silang itaboy sa mga unibersidad, pagbawalang maghanapbuhay maging sa mga tanggapan ng United Nations, at pagbawalang lumabas ng bahay nang walang kasamang lalaking kamag-anak (mahram), ngayon naman ay ninakaw maging ang kanilang kakayahang dumaing. Ang pagiging isang babae sa ilalim ng Taliban ay ang pagiging isang buhay na anino, nakabalot sa makapal na chador, walang laya, walang mukha, at walang boses.
Ito ay hindi usapin ng kultura o relihiyon, ito ay tahasang pagbura sa potensyal ng tao dahil sa takot. Batay sa opisyal na ulat ng UNESCO Entry on Afghanistan Education Crisis, tinatayang nasa 1.4 milyong kabataang babae ang kasalukuyang puwersahang itiniwalag at ipinagbawalang pumasok sa mga mataas na paaralan o ang secondary schools, habang ang partisipasyon ng kababaihan sa kolehiyo na dating mabilis na umuunlad ay tuluyan nang bumagsak sa zero dahil sa malawakang ban. Sa kasalukuyan, nagbunga ito sa nakagigimbal na katotohanan kung saan milyun-milyong kabataang babae sa Afghanistan ang nawalan ng karapatang mag-aral, magtrabaho, at kumuha ng pagsasanay. Sa pagbura sa mga babaeng doktor at nars, binalaan ng mga eksperto sa kalusugan na ang maternal mortality o bilang ng mga inang namamatay sa panganganak ay nakatakdang sumipa nang malaki dahil sa kawalan ng serbisyong medikal para sa mga kababaihan. Ang pagpupumilit ng Taliban na ang mga hakbang na ito ay para sa “kabanalan” ay isang malaking kasinungalingan. Takot ang rehimeng Taliban sa kapangyarihan ng isang edukadong babae, dahil alam nilang ang talas ng panulat at tinig nito ang gigiba sa kanilang marahas at sinaunang pamamahala.
Sa kabila ng ganitong karahasan, nananatiling malamig at mababaw ang tugon ng daigdig. Ang mga pahayag ng “matinding pagkabahala” mula sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa ay mistulang mga hungkang na salita na walang talim. Ayon sa pagsusuri ng mga eksperto sa Human Rights Watch World Report, ang sistematikong pang-aapi at pagbawi ng Taliban sa mga pangunahing kalayaan ay patuloy na naglulubog sa bansa sa matinding krisis ng pangkabuhayan at panlipunan. Kung papayagan ng mundo na ganap na mabulok sa dilim ang karapatan ng kababaihan sa Afghanistan, nagpapadala tayo ng isang mapanganib na mensahe sa iba pang mga diktador, na ang karapatang pantao ay maaaring ipagpalit at isakripisyo para sa pampolitikang interes.
Hindi natin maaaring ipikit ang ating mga mata. Ang mga kababaihan sa Afghanistan ay patuloy na lumalaban sa loob ng mga madidilim na silid, palihim na dumadaing at umaawit ng mga kanta ng pag-asa sa internet, at tumatangging maging mga estatwa na lamang. Panahon na upang maging tinig tayo ng mga pinatatahimik, dahil ang pananahimik sa harap ng ganitong krimen ay pagiging kasabwat sa kanilang pagkaalipin.