Pinera-perasong Paraiso
Pinera-perasong Paraiso
Sulat ni Iska
Litrato mula sa I-Witness
Payapang namumuhay ang komunidad ng mga Aeta pitong taon bago magsimula ang kaisipan sa pagtambak ng basura sa Subic, Zambales. Malayo man sa sibilisasyon, marangya ito sa likas na yaman. Mga puno at halaman na nagsusumigaw sa tingkad ng kulay, lagaslas ng tubig na nagmumula sa sapa, at ang sariwang hangin na laging malalanghap. Isa itong paraiso—lugar kung saan matatagpuan ang mga naunang kabuhayan sa Pilipinas. Ang pagtatanim ang pangunahing trabaho ng mga mamamayan. Subalit, ang buhay na payapa ay nagkaroon ng bahid magmula nang mabuo ang planong gagambala sa kabuhayan at pamumuhay nila.
Pitong taon at higit pa mula nang nag-imbak ng basura sa Subic. Ipinangako sa dating Chieftain, si Virgilio Delos Santos, ng alkalde na bibigyan sila ng sampung libo kada buwan. Upang mabigyang-bisa ang naturang kasunduan, ay nasabing nagkaroon ng pagpirma sa kontrata. Subalit itinanggi naman ito ng lokal na pamahalaan; aniya’y walang pagpirma ang naganap.
Hinggil dito, hindi lamang iyon ang lebel na nararapat na pagtuunan ng pansin. Ang ideyang igigiit pa rin ng pamunuan ng Zambales ang pag-angkla ng basura, kahit na tumanggi ang mga taong nakatira rito, ay isang ebidensya ng pagiging ignorante ng mga nasa itaas. Hindi na puno ang namumunga sa kabundukan kundi salitang pilit na namumulaklak. At ang bunga nito’y isang patag na hindi na binubuhayan ng anuman. Kung ang boses at desisyon ng mga mamamayan ay wala nang halaga, ang mistulang misyon ng nakatataas ay walang pinagkaiba sa kalapating mababa ang lipad.
Ang kabundukang minsan’y napaliligiran ng matingkad na kulay berde mula sa mga puno ay naging kulay abo, puti, at itim. Malayong-malayo sa kulay nito. Ang sukdulan ay hindi na kayamanan sa lupa ang pinapahalagahan; ang pagpapalago ng kulay berde sa pitaka ang inaasam. Marahil, hindi lamang gubat ang puno ng kasuklam-suklam na mga hayop. Minsan matatagpuan ito kung saan may puting upuan na may nagmamay-ari. Hindi lamang basura ang ibinunton ng mga pamunuan sa kagubatan. Kasabay nito ang paglimot at pagtapon ng kultura at yaman ng mga katutubong naapi. Kung ang Pilipinas ay hindi nagpapasiil sa mga banyaga, bakit ang mga nasa loob nito ay pilit na yumuyupi sa sariling pagkakakilanlan? Wari’y ang mga sigaw ng taumbayan ay marinig at maintindihan dahil ang kagubatang nasira ay hindi nakakapagsalita sa kung ano ang nararapat.
Ang hinihinging tugon sa isyung ito ay hindi lamang pananagutan kundi aksyon. Maaaring akuin ang responsibilidad ng kung sino man, ngunit pili lamang ang sumusubok na magsimula ng kilos. Ang nasabing solusyon ay hindi pagtugon sa isyu; isa itong paraan o trapal na nagbabalatkayo upang masabi na may ginawa sila. Ang pagtabon sa mga basura gamit ang lupa ay hindi isang solusyon. Naglalayon itong matigil na ang tampisaw ng mga bulungan magmula nang maungkat ito. Isa lamang ang hiling ng mga Aeta at ‘yon ay tanggalin ang mga basurang nakabunton sa lupaing minsan nang namumukadkad. Ipilit mang ibaon ang masalimuot na karanasan, hinding-hindi mawawala ang alingasaw nito sa bawat hakbang hango sa kagubatan. Hindi lamang basura ang nagbigay ng hadlang sa kabuhayan ng mga Aeta kundi ang mismong sistemang nag-imbak nito. Ang sistemang unti-unting sumusulasok, hindi lamang sa tao kundi sa kalikasan. Hangga't may makukuha at may magbibigay, magpapatuloy lamang ang siklo ng mga nasa itaas. Ilang paraiso pa ba ang magiging pinagmumulan ng pera(iso) dahil sa kapabayaan at kasakiman?
REFERENCE:
David, K. [GMAPublicAffairs]. (2026, July 12). ‘Ibinasurang Paraiso,’ dokumentaryo ni Kara David.