Ma, I'm Still Your Child.
Ma, I'm Still Your Child.
Sulat ni Kiru
Litrato mula sa Teach You a Lesson
Si Mama ang magaling sa lahat.
Simula sa aking unang pagmulat hanggang paglakad, kaniyang kamay ang yakap ng aking palad. Kaya hindi na bago sa akin ang magtiwala sa kaniya; siya ba naman ang tumayo sa lahat ng parte na meron ang bahay. Bukod sa ilaw at haligi ng tahanan, siya rin ang tinuturing kong hagdan.
Sabi niya, ang hagdan paakyat sa pagtupad ng pangarap ay matibay kung ito ay nagmula sa tiwala at pagmamahal ng magulang.
Sa una, madali lang sundan ang hagdang gusto niyang tahakin ko. Para naman daw sa pamilya, kaya ang batang tulad ko ay feeling superhero. Masaya ako kapag masaya si Mama. Mas dismayado kapag dismayado siya. Pero ganoon ba dapat ang hingal ng pag-akyat sa hagdang mula kay Mama?
Habang pataas nang pataas ang natatahak ko sa hagdan, pababa naman nang pababa ang tiwala ko sa aking sarili. Ang hirap intindihin kung bakit—bakit parang hindi sapat ang tibay ng loob ko kung kailan ilang baitang na lamang ang hahakbangan ko? Hindi ko na maramdaman ang aking mga tuhod, ngalay na ang mga paa, at maga na ang mga hita.
Hanggang sa tuluyan na akong natapilok. Dire-diretso ang laglag ko sa hagdan na matagal ko nang inaakyat. Palayo nang palayo ang ilaw ni Mama. Naluluha, naiinis, at nadidismaya. Halo-halong damdamin ang sabay-sabay sumisipa sa akin para tuluyang malaglag sa pinakababa.
Nang humampas ang aking likod sa lupa, nabasag ang katahimikan at duguan ang ulo ko. Nagdilim ang aking paningin. Walang maalala sa nangyari; akala ko mamamatay na ako. Nang dilat ko ang aking mga mata, nakita ko si Mama. Umiiyak, ngunit ang mga mata ay galit. Hindi ko pa maintindihan noong una, pero nang bumuka ang mga labi niya, doon ako nakapagpasya.
Sabi ni Mama, matagal niyang binuo ang plano ng buhay ko. Matagal siyang nagtrabaho para sa buhay ko. Matagal siyang nakisama sa mga taong hindi niya kaestado para sa buhay ko.
Pero hindi pa siguro alam ni Mama ang hirap akyatin ng hagdang ginawa niya. Ito ay madilim at tanging ilaw lamang ay ang tuktok na may anino niya. Wala itong hawakan sa gilid para kung sakaling ako ay hingal na, puwede akong makapagpahinga. May mga salita rin na nakatutok sa aking likod, pilit akong itinutulak pataas kahit pagod.
Nang mangyari ang aksidenteng kinabagsak ko, alam kong siya ay magiging dismayado. Alam ko ang laki ng panghihinayang niya. Pero ngayon, mas alam ko naman kung ano ang gusto kong mangyari.
Gusto ko ng bagong hagdan na aapakan. Iyong hindi mula kay Mama. Iyong mula sa kung ano ang gusto ng aking puso. At kahit na iba man ang gugustuhin ko, sana alam ni Mama na iyon ang ako.
Ma, ako pa rin ang sanggol na nakita mo matapos makaramdam ng sakit at kirot.
Ma, ako pa rin ang batang inaalalayan mo noong hindi pa makapagsalita, makalakad, at makatakbo.
Pero, Ma, hindi ako ang tutuloy ng pangarap na nilatag mo.
Pagod na akong humakbang na may bigat at pagtatakang karga. Hindi ko na rin kayang mangapa sa daang hindi ko alam kung saan papunta.
Gusto kong malaman ang mga bagay na nagpapasaya sa akin, Ma. Gusto kong mabuhay sa sarili kong mundo na ako mismo ang may gawa. Gusto kong malaman ang tunay na ako.
Pero, Ma, kahit hindi ko matapos ang hagdan na ginawa mo, anak mo pa rin ako.