Sulat ni Nathalie Shyr Malinao
Kuha ni Kael Reña
Sa lansangan na hindi mo mawari kung para kanino ang pag-unlad, makikita mo ang mga matang musmos na maagang namulat sa reyalidad. Salat sa pagkain, edukasyon, at sa buhay na dapat ay karapatan—hiling na lamang ng karamihan sa simbahan. Kabilang na rito si Ada, labindalawang taong gulang at nasa ika-limang baitang ng elementarya.
Bata pa lamang siya ay tila naging munting paraiso na niya ang lansangan. Dahil sa labas-pasok sa kulungan ng kaniyang ina bunsod ng pagkakasangkot sa ilegal na droga, at sa pagkakaroon naman ng ibang pamilya ng kaniyang ama, napilitan siyang magbenta ng sampaguita kasama ang kaniyang lola.
“Noong 2024 po, lumaya po siya, kaso po nakulong po ulit siya dahil napagbintangan po siya ng pagnanakaw ng laptop, tapos [gumagamit ng bawal na droga] rin po kasi siya noon. Nakalaya na rin po si Papa, pero may iba na po siyang pamilya,” sambit niya nang may panghihinayang.
Pagkatapos ng mahabang araw ni Ada sa paaralan, agad siyang pumupuwesto malapit sa simbahan. Kasama ang kaniyang mga kaibigan, nagsisimula silang maghanapbuhay tuwing hapon. Kapag hindi pa nauubos ang mga sampaguitang kanilang ibinibenta, umaabot sila sa lansangan hanggang ala-una ng madaling-araw. Ang karampot niyang kita ay pinagkakasya nila ng kaniyang lola sa araw-araw.
"Opo, ala-una po ng madaling araw. Kapag ’di pa po nauubos ang sampaguita, uuwi na po kami—ipamimigay ko na lang po ang mga natira,” saad ni Ada.
Ramdam na niya ang kirot at hapdi ng kaniyang tiyan na walang laman—hudyat na kailangan na niyang umuwi. Ngunit wala siyang pagpipilian kundi manatili at i-alok ang kaniyang munting paninda sa tabi. Kahit madilim na ang paligid, nagbabakasakali pa rin siyang mabawasan ang bilang ng mga sampaguita sa kaniyang kamay; kasabay nito’y mabawasan din ang mga problema sa kaniyang buhay.
“Kasi po, mas nami-miss ko po ang mga kuya ko. Imbes na nasa kolehiyo na po siya ngayon, Grade 9 pa lang po siya. Kinuha po siya ng tatay niya at pinalimos sa kalye, [gumagamit] na rin po. Ako na lang po ang nag-aaral. Ako na lang po ang pag-asa ng lola ko.”
Uuwi na si Ada mula sa nakakapagod na gabi. Masaya pa rin siya, ubos man ang kaniyang paninda o hindi. Tinitiis niya ang hirap, gulo, at ingay ng mundo. Subalit batid niya na daan-daang sampaguita pa ang kaniyang kailangang ibenta upang makamit ang kaniyang pangarap.
Umaasa pa rin siya na, kagaya ng isang halaman, mamumulaklak din ang kaniyang paghihirap. Pilit niyang iaabot ang panindang hawak ng isang nagngangalay na kamay para sa hanapbuhay. Dahil para sa kaniya, sampaguita lamang ang payak—sampaguita lamang ang nananatiling inosente sa lansangang iyon.