Hala, nakakaawa :( *Scroll*
Hala, nakakaawa :( *Scroll*
Sulat ni crysanthe
Likha ni Unamedartist
Ika nga ng isa kong propesor, “The world has no trigger warning” (walang trigger warning ang mundo). Maraming kaganapan sa mundo ang mangyayari’t mangyayari na minsan ay mapapailing na lang ang iilan dahil ‘nakakapagod’ ang makakita ng ganito. Mas nakababahala na ang unti-unting pagiging manhid ng ilan sa mga trahedya at isyung panlipunan. Sa halip na magsilbing daan tungo sa kamalayan, nagiging materyal ito bilang katatawanan, maaaring balewalain, o simpleng ‘chainposting’ na palayo na sa layunin ng isang kilusan. Sa patuloy na pag-unlad ng mundo, kasabay ng mga kaginhawaan ay ang mga trahedya at suliraning hindi maiiwasan. Sa gitna ng mga ito, bakit tila nawawalan ng malay ang mga tao sa harap ng mga seryosong isyu?
Hindi na mabibilang sa dalawang pares ng kamay ang mga nangyayari sa lokal at global. Para sa editoryal na ito, magbibigay lamang ako ng kaunting halimbawa. Ang pinakamatagal nang nangyayari rito ay ang ‘genocide’ o ang paglipol ng lahi sa bansang Palestine, kung saan ang populasyon ng Gaza ay ginugutom at binobomba ng okupasyong militar. Karagdagan, ang kababaihan ng Afghanistan ay hinihigpitan at nililimitahan ang mga karapatan ng kanilang gobyerno. Maliban na rito, mga nangyayaring paglabag sa mga karapatan ng mamamayan sa Sudan at Congo.
Sa lokal naman, ang isyu ng karahasan sa mga paaralan; walang pakundangang kapabayaan na nagresulta sa pagkamatay ng tao; mga pang-aabuso sa karapatan ng manggagawa, katutubo, at iba pang nasa laylayan. Laganap din ang isyu ng katiwalian at korapsyon, na hanggang ngayon ay walang klarong mga kasagutan sa katanungan ng pangkaraniwang mamamayan. Hinding-hindi rin maaaring kalimutan ang Pax Silica, kung saan gagawa ng isang malaking data center sa bansa para sa supply chains ng artificial intelligence. Ayon sa ilang kritiko at tagapagtanggol ng kalikasan, may mga pangamba na maaaring mas malaki ang magiging epekto nito sa kalikasan kaysa sa benepisyong maidudulot nito sa lokal na komunidad.
Sa dami ng trahedya at krisis na nakikita araw-araw, hindi na nakapagtataka kung bakit may mga taong napapagod sa pagbabalita. Subalit ang mas nakababahala ay kung ang pagkapagod na ito ay humahantong sa pagiging manhid o walang pakialam.
Pinalalala ito ng social media, kung saan ang mga seryosong usapin ay kadalasang naisasama sa mabilis na siklo ng nilalaman. Sa loob lamang ng ilang segundo, maaaring dumaan ang isang tao mula sa balita tungkol sa digmaan o paglabag sa karapatang pantao tungo sa mga nakakatawang meme o bidyo. Dahil dito, may mga isyung nagiging paksa na lamang ng biro, pakikiuso, o simpleng pag-share nang hindi inuunawa ang kabuuang konteksto nito.
Mas nagiging suliranin ito kapag ang mga nagbabahagi ng impormasyon ay hindi isinasaalang-alang ang kabuuang konteksto ng isang isyu. Halimbawa, sa konteksto ng Pax Silica. Maraming mga aktibo sa social media ang nagse-share ng mga post tungkol dito na tumututol sa pagpapatuloy ng proyektong ito, ngunit tila kabalintunaan ang pangyayari. Makikita ito sa ilang kampanya laban sa Pax Silica kung saan gumagamit ng AI-generated na mga materyal ang ilang netizen upang tutulan ang proyektong may kaugnayan mismo sa pagpapalawak ng AI infrastructure. Dahil dito, nawawala ang pagkakatugma ng mensahe at pamamaraan ng protesta.
Nakababahala rin na ang ilang sensitibong balita ay nagiging paksa ng mga insensitibong komento o biro. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang ugat ng problema, nauuwi ang usapan sa panandaliang aliwan bago muling lamunin ng susunod na papatok sa masa. Sa ganitong paraan, unti-unting nawawala ang bigat ng mga usaping dapat sana'y nagbibigay-daan sa pagkilos at pagmumuni.
Sa kabila nito, hindi pare-pareho ang dahilan kung bakit nagiging mababaw ang pagharap ng ilan sa mga isyu. Sa pangkalahatan, dalawang uri ng tugon ang madalas makita sa harap ng mga seryosong usapin. Una, ang mga walang sapat na kamalayan o kaalaman sa isang usapin. Nakikilahok sila dahil uso o viral ito, ngunit hindi lubos na nauunawaan ang konteksto at implikasyon nito. Ikalawa, ang mga may sapat na kaalaman ngunit pinipiling huwag pansinin o pakialaman ang nangyayari. Nauunawaan nila ang bigat ng sitwasyon, ngunit mas pinipiling manatiling walang pakialam hangga't hindi sila direktang naaapektuhan.
Sa unang tugon, nabibilang ang mga taong nakikisali sa isang kilusang nangyayari ngunit hindi talaga maalam sa mga batayan o dahilan ng pagganap nito. May mga mamamayang may pakialam lamang sa kung ano ang nakita nila, nang hindi tinitingnan kung may iba pang lalim ito. Halimbawa, ang pag-share ng iilan sa “#FreePalestine”, “#AllEyesOnSudan”, o “#NoToPaxSilica” ay makikita lang bilang isang imahe at walang paliwanag o konteksto ng pangyayari. Sa ilang pagkakataon, ang mga hashtag ay hindi na ginagamit upang magbigay ng kamalayan kundi upang makisabay lamang sa uso o makilahok sa online na pag-atake sa ibang tao. Sa ganitong kalagayan, natatabunan ang tunay na layunin ng adbokasiya.
Sa kabilang banda, pumapasok na rito ang mga indibidwal na nababasa na ang kalubhaan ng isang pangyayari, pero pinipiling hindi makisali o mangialam. Sa pananaw nila: kung hindi pa ako apektado, bakit ko pa iintindihin ’yan? Halimbawa, sa isyu ng Pax Silica at patuloy na paggamit ng AI, kung saan marami ang binabaliwala ang negatibong epekto nito sa kalikasan at kabuhayan. May ilan akong kakilalang nagsabi na “May ilang buwan pa naman bago ito matuloy. Puwede pa gamitin ’yan (mga GPT).”
Maaaring kabilang sa pananaw na ito ang mga indibidwal na may alam sa isyu ngunit ginawang katatawanan o shitpost (trashpost). Isa na ang isyu sa pagpanaw ng isang manlalaro ng basketball dulot ng pagpapabaya ng kanyang coach. Imbes na pagtuunan ito ng pansin, tila’y lumala ang sitwasyon; naging martyr ang pagtingin sa isa sa mga pumanaw, at may iilan na pinagkakitaan ang pagkamatay nito.
Sa kinarami ng kaganapan, maraming katotohanan ang iiral. May mga isyu na hindi napagtutuunan o mali ang pagtuon ng pansin. Totoo rin namang mahalaga ang pagkakaroon ng oras na palayo sa mga balitang nakakabahala para maiwasan ang empathy burnout at desensitization. Subalit, kailangan pa rin ng mga Pilipino na gampanan ang responsibilidad nila bilang mga mamamayan na inaalagaan ang karapatan ng tao at ng bansa.
Dito na rin gumaganap ng papel ang responsableng pananaliksik at pagkonsumo ng balita. Malaki ang ginagampanan ng social media at ng mga paaralan sa kaalaman at kamalayan ng kabataan. Sa paaralan, dapat malaman ang mga pinagmulan ng balitang mapagkakatiwalaan, pati na rin ang wastong paggamit ng social media. Sa responsableng pananaliksik din nila, nakikita ang kuwento nang buo at obhetibo.
Marahil ay hindi pa naman nawawala ang simpatiya ng mga Pilipino. Ngunit sa bawat pagkakataong ginagawang biro ang trahedya, binabalewala ang pang-aabuso, o itinuturing na mababaw ang isang isyu, unti-unti nating pinapahina ang kakayahang makiramay at kumilos bilang isang lipunan.
Hindi kinakailangang masagot natin ang bawat problema ng mundo. Subalit, may pananagutan tayong mga mamamayang Pilipino na huwag itong tratuhing parang isang pam-post na maaaring lampasan sa isang pag-scroll. Sa isang mundong patuloy ang pag-ikot kahit anumang suliraning mangyayari, ang tunay na pagsubok ay hindi kung gaano karaming balita ang ating nakikita, kundi ang pagpapanatili ng pagmamalasakit sa harap ng mga ito.