Bawas ang tinapay sa lamesa
Bawas ang tinapay sa lamesa
Sulat ni Nova
Likha ni Kiru
Hindi na ako bata. Wala na ‘yung mga panahong sina Mama at Papa ang gagawa ng paraan para sa akin. Ang mga araw na nakunan ng litrato at tinago sa isang album na sa mga memorya ko ay hinaluan na ng pangangamba. Kahit anong gagawin ko, mahuhulog ang buhangin ng orasa. Puputi ang buhok, hihina ang buto. Sa pagtanda ko, lalo kong naintindihan na pati sila ay napapagod.
Ngayon, pawala na ang tinapay sa mesa, at nararamdaman ko na ang bigat ng titulong ibinigay bago ko pa buksan ang mga mata ko: pag-asa ng pamilya.
Naaalala ko, noong bata pa ako, nakabubusog pa ang tinapay; iyon ang nagbibigay ng suporta sa akin. Ang mga hinihiling at kailangan ko, nakukuha ko agad. Sa bawat pagtawid ko, may mga nakahawak na nagbibigay ng balanse sa akin. Malaki man ang agwat ng edad namin ng mga kapatid ko, hindi ko pinoproblema ang anumang bagay, kasi akala ko ay naririto sila palagi para suportahan ako.
Walang perpektong tao. Hindi perpekto sina Mama at Papa, o sina Ate at Kuya. Marami silang gustong gawin, mga pangarap na hindi na nila makakamit dulot ng kanilang edad. Mga pangarap nilang ipinasa sa akin dahil sa itinakdang responsibilidad.
Paunti-unting nababawasan ang tinapay, sa kada ‘hindi’ at kada pakita na hindi ko kayang gampanan ang mga akala nila. Hanggang sa ang mga mukha at mga mata na nakangiti ay nakatitig na lang nang walang imik.
May mga salitang hindi na mababawi at may orasan ding naririnig sa katahimikan, pinapaalala na hindi ito pipigil sa pagtakbo. Unti-unting nawala ang mga butil ng alaala na sumuporta sa akin, at ang pumalit ay bigat sa damdamin, hanggang sa ang natitira na lang sa hapag ay ako.
Ika nila, “Kaya mo na ’yan, matanda ka na.”
Isa ito sa mga bagay na hindi itinuro sa akin dahil akala nila’y hindi ito magiging problema. Hindi rin nila ako tinuruan magplantsa o maglaba, o maglinis ng pinamalengke. Hindi ko alam ang mga kailangang ID o kung paano magbasa ng mga bayarin.
Pero kada palit ng buwan at araw, papalapit na ang panahong suot ko na ang unipormeng palatandaan na ang kilos ko’y kinalkula simula pa ng pagkasilang sa akin. Ang magiging tagumpay ko ay dahil at para sa kanila. Masusuot ko na ang unipormeng nagpapaalala na hindi na puwedeng bumalik pa.
At ang paalalang iyon ay nakakabahala para sa akin.
Nararamdaman ko ang mga kamay kong nanlalamig, ang loob-looban kong tila nalalaglag kada pinapaalala sa akin na kahit anong sikap ko ay may kulang pa sa akin. Ngunit, kada paalala ay bumabalik ang natutuhan kong paglunok ng mga damdamin at pagtingin sa kawalan. Sayang ang oras. Nakatingin pa rin silang lahat sa akin — mga mata ng kilala at hindi na may bigat ng pananabik, hinihintay kung ako ay magtatagumpay o babagsak.
Pantay sa rami na siguro ang natutuhan at ‘di ko natutuhan mula sa aking pamilya, pero isa sa tumatak siguro sa akin ang katatagan ng loob. Subalit, sa pag-iwan nila sa akin sa hapag ang siyang hudyat na kailangan ko nang mangapa na walang laman ang tiyan. Hindi ko malaman-laman kung nasaan na ba ako o kung tama pa ba ang pinupuntahan ko. Pero kung para ito sa pangarap ng pamilya, handa akong sumubok ng kahit anuman.
Kahit ang bunga nito ay hindi na pagpatak ng mga luha o pag-iwa sa pagkatulala. Kahit ang maisasakripisyo dito ay tulog at kalusugan. Hanggang gumaspang ang mga kamay at habang kailangan pa, ako muna ang bahala. Sapagkat hindi maaaring magpahinga hangga’t bawas ang tinapay sa lamesa.