Akin ang Ako!
Akin ang Ako!
Sulat ni Cassandra Capella
Kuha ni Alyssa Valerie Amaro
Dumagundong ang isang masiglang musika sa loob ng tanghalan. Nang nagsimula ang palabas, sinundan naman ito ng malakas na hiyawan at palakpakan ng mga manonood. Sa ilalim ng pamalit-palit na kulay ng mga ilaw, naroo’y nagniningning ang tagapagtanghal sa gabing ito. Eksakto ang galaw ng kaniyang labi sa bawat liriko ng tugtugin. Tila siya mismo ang umaawit nito nang sinabayan niya pang ikumpas ang mga kamay, inunat ang kaniyang katawan, at binudburan niya pa ang lahat ng kaniyang matamis na ngiti. Ganito kung angkinin ni Robert Matthew Belmonte, isang gay member ng komunidad ng LGBTQIA+, ang entabladong itinadhana sa kaniya para sa kaniyang malikhain at masining na personalidad.
Sa kaniyang kabataan, ang pangunahing tanong niya sa sarili: “tama ba ito?”. Alam niya kasing relihiyoso ang lipunang kinabibilangan niya. Hindi nawala ang bagabag sa kaniya na maaaring ituring na sakit sa pag-iisip, o labag sa bibliya ang maging higit pa sa dalawang kasariang ipinaiiral nila. Sa edad na walo o siyam, nagsimula siyang magpakita ng mga interes na karaniwang iniuugnay sa mga babae. Mapansin man ito ng kaniyang pamilya, maaaring bahagi lamang ng pagkakaroon ng musmos na pag-iisip ang paghiling ng manikang Barbie.
Ngunit sa paglipas ng panahon, mas naging malinaw sa kaniya ang kaniyang mga hilig. Hindi man siya nagkaroon ng pormal na pagpapahayag o coming out, tila matagal na ring naunawaan ng kaniyang pamilya kung sino talaga siya. “Tanggap ka namin,” ang sambit ng kaniyang mahal na pamilyang nagpahagod sa kaniya. Suwerte nga si Robert, sabi niya. Suwerte sa pamilya. Hanggang sa pagtuntong niya sa mga masiglang entablado upang ipamalas ang kaniyang kakayahan sa drag show performances, tatagpuin pa rin ng kaniyang mga mata ang kaniyang pamilyang nakaagapay sa kaniya, nanonood at sumusuporta.
Mula sa karanasang ito ng pagkilala at pagpapahayag sa sarili, lumawak ang kamalayan ni Robert hinggil sa mga isyung danas ng kaniyang sariling komunidad. Ito ang nagsilbing bukas na daraanan upang higit niyang maunawaan ang kahalagahan ng representasyon. Ngayo’y kinikilala bilang “Mama Robert” sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, aktibo niyang ipinamamalas ang kaalaman at ibinabahagi sa lahat ang adbokasiya sa pamamagitan ng Gender Empowerment Advocates o GEA, kaniyang pinamumunuang organisasyon. Patuloy ang kanilang adhikain na isulong ang sapat na edukasyon at bukas na usapan patungkol sa sex, inklusibidad, at kalusugang pangkaisipan sa lahat ng estudyante ng pamantasan. Layunin din ng GEA ang maghatid ng impormatibong pagsasanay sa kanila tungkol sa pag-iwas sa AIDS, patalasin ang kamalayan nila ukol sa gender stereotyping, at higit sa lahat, ang makagawa ng isang espasyong may kalayaan at pagtanggap sa bawat isa.
Sa gitna ng lahat ng kaniyang pagpupunyagi upang ipanalo ang kaniyang komunidad, ano naman ang tunay na kahulugan ng pagdiriwang ng Pride Month para sa kaniya? Sa kaniyang diwa, ito ay protesta at ito ay higit na politikal. Sa loob ng isang taon, iniaalay ang buwan ng Hunyo upang ipagpatuloy ang panawagan ng komunidad ng LGBTQIA+ hinggil sa pagpasa ng SOGIE Bill, pag-aklas laban sa diskriminasyon, at paglaban para sa karapatan.
“Hindi lang naman para sa LGBT ang buwang ito. Para ito sa lahat,” wika ni Robert. Kasa-kasama nila ang lahat ng kasarian sa protestang ito, isang magandang bagay na makapagbabago sa pananaw ng ilan.
Magdaan man ang mahabang panahon ng pakikipaglaban na ito, lalo lamang naipagtitibay ni Robert ang kahalagahan ng pagbabalik sa pinaka-ugat ng lahat, ang pagtanggap sa sarili. Ang lagi’t lagi niyang maipapayo sa kabataang dumaan din sa kaniyang landas ay walang mali sa kung anuman ang nararamdaman o kinikilalang SOGIE ng isang tao. Para sa kaniya, ang pagtuklas sa tunay na pagkakakilanlan ay mahalagang yakapin at angkinin, kaysa itago. Sapagkat katulad ng isang bulaklak, aniya, ay dito rin magmumula ang pag-usbong ng tunay na pagkatao at natatanging kagandahan na iyong maihahandog para sa mundo.