Sa bawat ngiti, may nakakubling masakit na nakaraang nais nang malimutan. Pinili na maging mapag-isa sa mundo na puno ng siraan at iwanan. Ibang-iba ang saya sa t'wing nag-iisa dahil mararamdaman mo ang kapayapaan na dulot nito sa isip at puso mo. Masayang maging mag-isa dahil maiiwasan ang mga taong sa una ay kaibigan ka ngunit sa dulo ay sasaksakin ka patalikod. Mahirap magtiwala muli, kaya masaya ang maging mag-isa.
Nais manatiling mapag-isa ngunit tila nagbago yata ang ihip ng hangin. Ang iyong pagdating ay nagmistulang biyaya mula sa Kanya. Hindi inaasahang pagkakaibigan ang nabuo sa pagitan nating dalawa. Simula nang ikaw ay nakasama, hindi na ako kumportableng mag-isa. Ang iyong presensya ang nagbigay ng panibagong pag-asa sa sarili upang maniwala at magtiwalang muli.
Hindi na kailangan sabihin na mahalaga tayo sa isa't isa dahil ito ay damang-dama na sa t'wing tayo ay nagkakasama. Magkasundo sa lahat ng bagay at tila kabisado na ang takbo ng utak ng isa't isa na para bang mayroong telepatiya. Sa tuwing nag-uusap tayong dalawa ang oras ay mabilis na lumilipas at hindi natin ito namamalayan. Kaya hiling sana ay huwag nang lumisan pa sa aking tabi at sabay nating tuparin ang mga pangarap nang magkasama. Ngayon, hindi na ako nag-iisa, dahil nariyan ka na.
Ang bawat isa ay may kaniya-kaniyang bagay na nais maalala sa taong malapit sa kanilang puso. Ito ang mga bagay na sa tuwing makikita mo, may isang taong nakatatak sa iyong isipan. Ang isang bagay na nakapagdudulot sayo ng galak mula sa iyong pagbabalik-tanaw sa nakaukit na mga alaala sa isipan, Kung ako ang iyong tatanungin, gugustuhin kong maalala nila hanggang sa dulo ang ngiti sa aking mukha. Ang isang ngiting hindi pinilit at mababasa sa kumikinang na mata ang labis na saya.
Makikita ang isang ngiti sa tatlong K: Kagalakan, Kalungkutan, at Kalakasan. Sa tuwing tayo ay masaya at nagagalak, ang ating pagngiti ay nagkukusa na lang bigla. Hindi nakakangawit kahit buong magdamag nang nakangiti at ito ang klase ng ngiti na mahirap pigilan. Ikalawa, kahit nakakaramdam tayo ng kalungkutan tayo ay napapangiti pa rin ngunit ito ay isang ngiting mababakas ang kalungkutan. Ito naman ang klase ng ngiti na masakit sa panga at sa puso, sapagkat nakakangawit ang pilit na ngiti at mabigat sa pakiramdam ang pagngiti. Tatlo at ang panghuli, masisilayan mo ang isang ngiti sa kalakasan ng isang tao sapagkat sa kabila ng lahat ng kanilang problema ay nagagawa pa rin nilang magbahagi ng isang ngiti para sa iba. Ito yung klase ng ngiti na talagang namang nakakahanga at nakapagbibigay ng inspirasyon na magpatuloy at lumaban sa hamon ng buhay. Masasabi kong ang ngiti na dulot ng kagalakan ang pinakapaborito ko, sapagkat hindi na ito kailangang piliting iguhit sa aking mukha.
Madalas marinig sa kaibigan ang mga katagang nagsasabing parang isa ng sakit ang ngiti sa aking mukha sapagkat ito ay nakakahawa. Ngunit kung iisiping mabuti ang mga ngiting ito ay nagsisilbi ring lunas na pumapawi sa mga lungkot at kirot na ipinipinta ng ating mukha. Ang ngiting napakatamis na abot hanggang mata ay sapat na upang magliwanag ang madilim na silid na kanilang pinasukan. Ang ngiti na tila may mahikang dala sapagkat napapaganda nito ang araw nila. Ang ngiti na nakakapaghatid ng ligaya at panibagong pag-asa para sa iba. Ang ngiti na hindi mawawala habang gumagawa ng panibagong mga alaala. Panghuli, ang ngiti na hinding hindi mawawala sa isang Yuka dahil nandito ako bilang iyong ligaya.