Mga Batayan ng Pagpili ng mga Nominado
at Nagwagi sa Gawad PASADO
Binibigyan ng pagkilala ang mga samahan na nagbibigay ng malasakit sa mga materyal na kaugnay sa pamemelikula. Isang mahalagang gawain ito para sa pagtataguyod ng pamamahala at pagpapaunlad ng industriya ng pelikula sa bansa. Magiging mahalagang ambag ito hindi lamang sa mundo ng pelikula kundi maging sa akademya.
Ang PASADO Dambana ng kahusayan sa pagganap ay ibinibigay lamang sa artista o manggagawa ng pelikula na nabigyan ng limang ulit na pagkilala ng Gawad PASADO sa kanyang larang. Natatangi ang karangalang ito dahil itinatampok nito ang husay kanyang sining na nagbigay kamulatan sa mga ginampanang papel para sa mga manonood ng pelikulang Pilipino. Mayroon siyang mga pelikulang hindi lamang kinikilala sa bansa kundi maging sa ibayong-dagat. Siya rin ay iginagalang at kinikilala ng mga manunuri.
Pinahahalagahan ng PASADO ang kontribusyon ng isang tunay na alagad ng sining sa industriyang kanyang kinabibilangan at sa lipunang kanyang ginagalawan. Binibigyang pugay ng PASADO ang mga kontribusyon nito bilang inspirasyon ng kanyang mga kapwa artista at ng kahit sino mang taong nakakikilala sa kanya.
Bilang isang pampelikulang organisasyon na binubuo ng kaguruan, binibigyang-halaga ng PASADO ang mga pelikula at artistang mahusay na nagtatampok sa karanasan ng pagiging isang guro. Hindi lamang binigyang-diin ng karakter ni Teacher Emmy sa pelikulang Balota ang kritikal na papel na ginagampanan ng mga guro bilang electoral board kundi sinasalamin din niya ang peligro at sakripisyo na kanilang kinahaharap upang matiyak lamang ang isang malinis at mapayapang halalan. At sa gayon nagiging instrumento ang guro sa proseso ng matapat na pagpili ng mga pinuno na siyang inaasam ng bansa. Kaya naman para sa 27th Gawad PASADO, buong karangalang iginagawad ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO) ang Dangal ng PASADO sa Natatanging Pagganap kay Marian Rivera.
Kinikilala ng PASADO ang kanya/kanilang pagiging huwarang kabataan bilang alagad ng sining na nagpapahalaga ng kanyang trabaho at mga tagahanga kasabay ng kanilang kasikatan at ng napakaraming gawain sa masalimuot na mundo ng showbiz. Binibigyang halaga din ng PASADO ang kaniya/kanilang pagiging simbolo ng disiplina at determinasyon upang makamit ang kanilang mga mithiin sa buhay.
Binibigyang halaga ng PASADO ang responsibilidad ng bawat isa na makapaglingkod sa lipunan at sa bayan. Ito ay napakahalagang kontribusyon ng bawat isa sa atin ang mabuting hangarin na makapagsilbi sa ating kapwa. Simbolo siya/sila ng disiplina at pagpapahalaga sa pamumuno at adbokasiya na naging inspirasyon ng lahat dahil sa kaniya/kanilang hindi matatawarang gawaing panlipunan at serbisyong pampubliko batay sa kanilang katungkulan para sa kapakanan ng mga mamamayan. Makikitaan ang kanyang kahandaan sa paghawak ng katungkulan dahil sa kanyang matatag na prinsipyo at malasakit sa kapwa.
Binibigyang halaga ng PASADO ang mga natatanging kontribusyon ng isang guro, kritik, mananaliksik, at manunulat sa larangan ng edukasyon, arte, o kultura na naging magandang ehemplo at inspirasyon ng lahat ng mga kaguruan sa buong bansa. Isa siya sa mga tagapagtaguyod ng kulturang Pilipino at mayroong makatuturang ambag sa edukasyon.
Pinahahalagahan ng PASADO ang kahusayan sa pamamahayag ng mga piling brodkaster sa telebisyon o radyo. Sila ang mga kinikilala sa larangan ng serbisyo publiko at impluwensiyal sa mga usaping panlipunan. Mahalaga ang kanilang gampanin bilang tagapaghatid ng impormasyon at may patas na pagkilala at pagpapahalaga sa mga pagtatalaban ng mga isyu sa bansa at ibayong-dagat. Makikitaan siya ng malasakit sa mga kababayan at mayroong pagmamahal sa bansa. Binibigyang-tuon ng PASADO ang makatao at makabulohang pagpapalaganap ng kamalayang Pilipino sa larangan ng telebisyon at radyo. Isa ito sa mga mahalagang misyon ng PASADO bilang organisasyon ng mga guro.
Sinusubaybayan ang isang palabas sa telebisyon dahil sa rahuyo at husay ng isang aktres. Nararapat din na magtaglay ng kapangyarihan ang aktres upang makapagbahagi sa patuloy na pagganap sa mga episodyo. Binibigyang halaga ng PASADO ang mga personalidad na naging simbolo ng kagandahang asal at kagalingan sa pagganap sa pamamagitan ng karakter na kanilang ginagampanan. Isa ito sa pinakamahalagang aspekto ng pagtuturo kung saan ang mga kabataan ay natututo ng kagandahang asal at pagpapahalaga sa sariling larangan upang maging mabuting mamamayan ng ating bayan.
Isa sa pinakakilala at accessible na daluyan ng impormasyon ang telebisyon. Dito rin nakikilala ang mga aktor sa pinilakang tabing na nagiging modelo ng mga kabataang manonood. Nararapat na kakitaan ang aktor ng pagiging bihasa sa patuloy na pagganap sa mga episodyo. Binibigyang halaga ng PASADO ang mga personalidad na naging simbolo ng kagandahang asal at kagalingan sa pagganap sa pamamagitan ng karakter na kanilang ginagampanan. Isa ito sa pinakamahalagang aspekto ng pagtuturo kung saan ang mga kabataan ay natututo ng kagandahang asal at pagpapahalaga sa sariling larangan upang maging mabuting mamamayan ng ating bayan.
Ang PinakaPASADOng Batang Aktor/Aktres sa Telebisyon ay ipinagkakaloob sa batang aktor/aktres na nagtataglay ng kahusayan sa pagganap sa isang teleserye. Kinakailangan na mayroon siyang kakayahang mag-iwan ng marka at malaking epekto sa mga tagapanood sa kabila ng kanyang murang edad at maging ehemplo sa maraming tagapanood na kabataan sa telebisyon.
Dahil popular na libangan ang panonood ng mga programa sa telebisyon, ang mga teleserye ang isa sa mga sinusubaybayan at binibigyan ng priyoridad sa oras ng pagbo-broadcast. Ito ay kalimitang napapanood sa umaga, hapon, at gabi, at nakabubuo ito ng mga tagasubaybay sa buong maghapon. Maraming kabataan ang sumusubaybay rito, at naniniwala ang PASADO na ang teleserye ay isa sa mabisang lunsaran ng pagtuturo at pagpapahayag ng mga panlipunang pagpapahalaga (values). Mainam na magamit ang teleserye bilang materyal na panturo at sanggunian sa mga tema o paksa na nauukol sa kultura, wika, sining, politika, pananampalataya, at iba pang kaugnay na usapin sa lipunan.
Isang pelikula ang bibigyang-pugay ng PASADO bilang epektibong kagamitan sa pagtuturo dahil sa maingat at makatotohanang pagtatalakay nito ng mga isyung pangkasarian upang maipamulat sa mga kabataan ang iba’t ibang pananaw tungkol dito at nang mabigyan ng tamang pagkaintindi at pagrespeto. Makatarungan ang pananaw at pagkilala sa ano mang kasarian mula sa lipunan na inilahad sa kuwento patungo sa interpretasyon nito sa pelikula.
Ang pelikula ay sinasabing wika ng buhay. Ang bawat pelikula ay nagtataglay ng sariling wika ng sining kung saan binibigkas ang totoong pangyayari sa lipunan. Epektibo ang paggamit ng wika sa isang pelikula kung ganap na nailarawan ang namayaning damdamin at naipapakita ang totoong nararamdamam ng bawat tauhan. Tumutulong din ang pelikula sa pagpapakilala ng wika sa pamamagitan ng mga katangian nito batay sa panahon, pook, kasarian, at iba pa. Isang paraan ng paglilinang ng wika sa pelikula ay ang magamit ito nang mayroong sapat na pananaliksik ukol sa pinanggalingan at tunog nito. Nakatutulong din sa isang pelikula kung mayroon itong pagsasalin at kaakibat na subtitle para sa banyagang wika. Tinitingnan din ng PASADO ang paggamit sa pelikula ng awtentikong wika at mga wikain sa Pilipinas upang buhayin ang pagkakilanlan ng lahing Filipino.
Hindi lamang nagiging mabisa ang pelikula sa dami ng tagatangkilik nito bagkus sa tindi ng epekto nito sa mas nakararaming manonood. Ito ay kinikilala dahil sa husay ng pinagsama-samang sangkap gaya ng direksyon, pagganap, at mga teknikal nitong aspekto na angat sa iba pang mga pelikula sa taong ito. Ito ang mga pelikulang may malaking kaugnayan sa pagbibigay ng kamalayan, pagmumulat ng kaisipan, at pagpapataas ng edukasyon. Ito ay mga pelikulang umaayon sa pinakamabisang kagamitan sa pagtuturo at mga pelikulang umaayon sa misyon at bisyon ng PASADO.
Siya ang itinuturing na maestro na nagmamaniobra ng iskrip, mga teknikal na kahingian ng produksyon, at pangkahusayan ng mga gumaganap. Kailangan nyang may ganap na kontrol at pangangasiwa sa artista, malalim na interpretasyon sa istorya, at malawak ang kaalaman sa iba pang teknikal na aspekto ng pelikula. Mataas ang antas ng kanyang persepsyon at malikhain niyang naiugnay sa ibang larangan ang padron. Ganap na orihinal ang kanyang tinig, teknik, at bisyon sa pelikula, at malikhain at sistematiko ang direksyon ng kanyang pelikula.
Gaya ng mga katangian ng aktor sa pagganap, inaasahan na ang aktres ay isang puwersang magtutulak sa matagumpay na paglalahad ng kuwento. Malimit na siya ang nagiging pokus sa mga eksenang kritikal, makahulugan, at mahalaga. Pinagsasaluhan ng pangunahing aktres at aktor ang responsibilidad para sa sabay pagpapaunlad ng karakterisasyon, bagaman ang aktres ang nagsisilbing simbolo ng sidhi sa pagganap at inaasahang mayroong sapat na kahandaan para matagumpay na gampanan ang papel sa pelikula. Mataas ang antas ng PinakaPASADOng Aktres. Malawak ang kanyang papel sa buong pelikula. Malikhain ang kanyang pagganap at kailangan niyang may ganap na konsistensi sa eksena at karakter sa pamamagitan ng kanyang salita at kilos.
Ang PinakaPASADOng Aktor ay may tiyak na karakter, matindi ang iniwang bisa sa isip ng manonood, at may haplos sa damdamin ang mga salita at kilos. Ang isang mabisang sangkap ng pangunahing aktor ay ang pagtataglay ng sidhi at kahinaan. Siya ang umiibabaw na tauhan na nagsasalaysay ng kuwento at kasama sa mga pangunahin at kritikal na eksena. Mapapansin ang kanyang husay at teknik sa paghugot ng damdamin o sa tiyempo ng pagpapatawa. Orihinal ang kanyang pagbubuo ng karakter, mabisa ang kakaibang pagganap, at malikhain ang kanyang pagbibigay-buhay sa tauhan sa kabuuan ng pelikula.
Kailangang malaki ang ugnayan niya sa bida at nakatutulong sa pagpapatingkad ng karakter ng mga tauhan sa pelikula. Malikhain ang kanyang pagganap at mataas ang antas ng kanyang karakter na mayroong silbi sa mga kaganapan at isa siyang pangangailangan sa tagpo. Siya rin ang gumaganap bilang motibasyon at kadalasang nagtataglay ng mga sikretong nagmamaniobra sa kuwento. Siya’y may ganap na konsistensi sa eksena at karakter sa pamamagitan ng kanyang salita at kilos.
Kailangan niyang lubos na nakatulong sa bida ng pelikula. Nagpapamalas siya ng mga katangiang bumubuo at nagpapalinaw sa karakterisasyon ng pangunahing tauhan. Siya’y may tiyak na karakter na umuunlad o tumatamlay batay sa mga kaganapang kinakaharap nilang dalawa ng bida sa pelikula. Siya’y ganap na orihinal at matindi ang iniwan niyang bisa sa isip ng manonood dahil nagmarka ang kanyang pagganap bilang katuwang na aktor. Dapat na mabisa at malikhain ang kanyang pagganap sa kabuuan ng pelikula upang lalong mabigyan ng kabuuan ang kuwento.
Ang PinakaPASADOng Batang Aktor/Aktres sa Pelikula ay ipinagkakaloob sa batang aktres o batang aktor na nagpamalas ng pinakamahusay na pagganap sa pelikula. Kinikilala ng parangal na ito ang kakayahan ng isang batang aktres o batang aktor na makapag-iwan ng marka sa mga tagapanood sa kabila ng kanilang murang edad. Epektibo niyang napanghawakan ang talaban ng kamusmusan at kamulatan ng kanyang karakter sa pelikula na higit na nakatulong sa pagpapatingkad ng istorya.
Kinakailangan sa isang pelikula ang epektibo, tama, at malikhaing representasyon ng lugar, panahon, pananamit, make-up, istilo ng buhok, props, at namumuong damdamin para magkaroon ng kaugnayan sa mga tauhan, istorya, at konsepto upang ganap na makamit ang mga tuntunin ng pelikula. Lahat ng biswal na materyal ay kinakailangang magkaroon ng pagkakaisa at pagiging angkop sa kahingian ng kuwento. Sa kategoryang ito, tinitingnan ng PASADO ang kahalagahan ng bawat detalyeng ipinakikita ng kamera.
Kinakailangang naglalahad ng bago at sariwang kuwento. Nararapat na kumpleto ang mga elemento ng kuwento. Maayos ang balangkas ng mga pangyayari. Karapat-dapat ang mga sub-plot, at nakatutulong ito sa pagpapayaman ng buong kuwento. Kawili-wili at kapani-paniwala ang banghay, upang mahikayat ang manonood sa katotohanang ibinabahagi nito. Ito ay payak o lubusang masalimuot at walang anomang kakulangan sa naratibo. Lumilitaw at nabibigyan ng diin ang paksa at mas nabubuo ang kwento o istorya. Higit sa lahat, epektibo itong kagamitan sa paglinang ng kaalaman ng mga manonood, partikular ng mga guro o payak na manonood.
Mahalagang sangkap ng pelikula ay ang paglilipat at pagsasalin mula sa teksto patungo sa pagsasadula nito. Nakatutulong ba ang detalyeng pagsasaayos ng banghay sa dramatisasyon at partikular na tagpo sa kabuuan ng pelikula? Makatotohanan ba ang pag-uusap at pagganap ng mga tauhan? May pagsasaayos ba at kaisahan ang yugto ng mga pangyayari? Dinadala ng pagsasadula ng pelikula ang mga manonood sa panibagong mundo bilang kabahagi nito. Ito ang mga pamantayan na tinitingnan ng PASADO para sa kategorya ng pinakaPASADOng Dulang Pampelikula.
Dapat mayroong tamang basehan kung bakit at paano pinagalaw ang kamera. Mabisa ang kulay sa pagpapadama ng panahong peryodiko o panahong nakabatay sa klima, na nagbibigay ng linaw sa tagpuan. Nakabubuo rin sa sinematograpiya ng mas malalim na kahulugan sa pamamagitan ng tunggulian ng liwanag at dilim. Isang marka ng pagiging matalino sa paggamit ng biswal na elemento ay ang pagdiin sa anggulo at galaw ng kamera. Kailangang nabuo nito ang larawan, tagpo, at ang namayaning damdamin. Kailangan ding nabuo nito ang tunay na kapaligirang atmospera. Sa kategoryang ito, tinitingnan ng PASADO kung paano maiintindihan ng mga manonood ang wikang sinasabi ng kamera.
Ang PinakaPASADOng Editing ay nangangahulugang may natural na pagsasalaysay ng kuwento at makinis na daloy ng mga pangyayari sa pelikula. Ito ay nakatutulong upang matuklasan at ganap na maunawaan ng mga manonood ang paksa, banghay, at iba pang sangkap nito. Sinisikap sa husay sa pag-e-edit na magkaroon ng malinaw na ugnayan at pagkakasunod-sunod ng bawat pangyayari.
Ang musika ay epektibo kung naipaliwanag nito at nabigyang kahulugan o katuturan ang katangian ng pelikula. Mas magiging epektibo ang musika sa pelikula kung nagtataglay ito ng mga sumusunod: katangi-tanging melodiya, nakaeengganyong ritmo, at madamdaming dinamiko. Isinasaalang-alang ang husay at orihinalidad sa komposisyon. Nakatutulong din ang musika upang pataasin, magdagdag, at patingkarin ang paksang nilalaman sa pelikula.
Akma sa bawat eksena at malaki ang naitutulong ng mga gawa at likhang tunog sa kabuuan o pangkalahatan ng pelikula. Ang tunog ay nagbibigay ng isang uring pagpdaloy o pagdudugtong ng mga himaymay, hilatsa o bahagi ng pelikula. Dito rin mararanasan ang kapangyarihan ng katahimikan at pagpasok ng mga pili at angkop na tunog na makapagpapayaman ng kahulugan ng eksena. Maaaring ang tunog ay maging susi sa pagpapadanas ng tagpuan at pagpapadama ng damdamin. Tinitingnan ng PASADO ang kahalagahan ng tamang paglalapat ng tunog upang mas maiintindihan ng mga manonood ang malikhaing wika ng pelikula.
Sa tuwina ay may mga umuusbong na talento at talinong inilaan para sa pagkatha at paglikha ng pelikula. Sila ang mga manlilikha ng mga bagong obra na mayroong lakas ng loob at sariwang ideya para isakatupran ang pinapangarap at ang pakikibahagi sa industriya ng pamemelikula sa Pilipinas. Ang kanilang ambag na talino at obra ay isang repleksyon ng kanilang kahusayan at ang pagiging bahagi ng bagong henerasyon ng mga manunulat at direktor sa pinilakang tabing. Nararapat na kilalanin ang mga bagong manlilikha ng pelikula upang lalong maging masigasig ang hinaharap ng sining at industriya ng pelikula sa bansa.
Ito ay ang tanda ng pagiging sensitibo ng manlilikha sa mga kaganapan, usaping panlipunan , at mga kawili-wiling paksang kultural na nararapat na maitampok bilang dokumentaryo. Ang mga dokumentaryong ito ay imbakan at salukan ng kaalaman, sa gayong ito ay isang pagmumuhon ng mga opinyon at koleksyon ng perspektibo ng mga natatanging awtoridad sa mga larang na may kahalagahan para sa lipunan at bayan. Ito ay mayroong layong makapagturo, makapagpamulat, at magpalawak ng pag-unawa ukol mga mahahalagang usapin sa loob at labas ng bansa.
Balik sa Tahanan ng PASADO