Spoken Word Poetry: Muling Pagsibol ng Kinagisnang Tula
Ligea S.Mabulay
Tambulig National High School
Dr. Julieta C. Cebrero
JH Cerilles State College
Mati, San Miguel, Zamboanga del Sur
Abstrak
Isang malalimang pagsusuri sa porma at istruktura ng tula kasama ang paraan ng pagtatanghal na sumibol sa kasalukuyang henerasyon. Pangunahing layunin ng pag-aaral ang alamin ang elemento na makikita sa spoken word poetry tulad ng tugma, tayutay, tono at imahen. Layunin din na alamin ang improvisation na ginamit sa pagtatanghal. Disenyong kuwalitatibo ang ginamit sa pangangalap ng datos at paraang palarawan naman sa pagbibigay interpretasyon ang ginamit sa pag-aaral na ito. Natuklasan sa pag-aaral na nagtataglay ng elementong tugma, tayutay tono at imahen ang spoken word poetry. Gumamit ng improvisation devices ang manananghal tulad ng pagpikit-pikit ng mata, pagbibigay ng emosyon, paglalapat ng musika, pag-uulit-ulit ng mga salita, husay sa pagtatanghal, pagdagdag at pagbabawas ng mga salita o pangungusap sa piyesa, upang mapaganda at mapaghusay ang pagtatangtal. Malaki ang ambag nito dahil binuhay muli ang interes ng mga Pilipinona sumulat ng tula. Hindi lamang nakapokus sa iisang paksa ang spoken word poetry kaya kinahihiligan ng kabataan sa bagong henerasyon na isulat at pakinggan kapag itatanghal.
Susing salita: Spoken Word Poetry, tugma, tayutay, tono, imahen, improvisation
Ang Kinabuhi Bilang Tulak
ng Paglikha ng Siday at
Pook-Lunan ng Damdaming-Bayan
ng mga San Juliananon
Ian Mark P. Nibalvos
Departamento ng Filipino
Kolehiyo ng Edukasyon
Unibersidad ng Santo Tomas
Abstrak
Bahagi ang panitikan ng pag-iral ng bayan o bungto at sinasalamin nito ang kinabuhi o buhay o pamumuhay ng mga taong nananahan dito, kaya mainam itong batayan sa pag-aakda ng kasaysayan. Ito ang pag-uukulan ng pansin sa papel na ito, ang mailarawan ang kinabuhi at kabuhayan ng mga San Juliananon bilang tulak ng paglikha ng mga siday na pagsasalukan naman ng mga kaisipang maitatala sa pagbubuo ng kasaysayan ng Bayan ng San Julian. Nakakawing ito sa pahayag ni Mojares (2003) na, “[a]ny literary text is a point or entry into a historical world.” Maiuugnay din ito sa sinabi ni Hau (2000) na ang panitikan (kasama na ang siday) ay nagsisilbing repositoryo hindi lamang ng mga karanasan kundi ito ay pook-lunan ng kaalaman Tuon sa papel na ito ang pagsasalarawan o pagsasakasaysayan sa bayan ng San Julian, Silangang Samar bilang paksa o espasyong kultural. Ipasusundayag ang mga likhang-siday ng mga paragsiday sa bayang ito partikular ang mga naisatipon ng lokal na pamahalaan sa kanilang “Intangible Heritage: San Julian, Eastern Samar Cultural Heritage Mapping” noong taong 2011. Nais masagot sa papel na ito ang tanong na, “ano ang batis ng kabuhayan sa bayan ng San Julian, Silangang Samar na nagtutulak o nagbibigay daan sa paglikha ng siday?” Upang masagot ito, nakabatay ang pagtalakay sa tatlong layunin: 1.) mailarawan ang kabuhayan ng mga San Juliananon batay sa lokasyon o heograpiya ng kanilang lugar, 2.) masuri kung paano inilalarawan ng mga siday ang kabuhayan ng mga San Juliananon, at 3.) mabigyan ng interpretasyon kung paano hinaharaya ng mga paragsiday ang bungto sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga impormasyon at damdaming inilalahad sa mga siday.
Mga Susing Salita: Araling Samar-Leyte, Kasaysayang Lokal, Panitikang Waray, Siday, Kaloobang-bayan
Ang Naglahong Tagasalin: Pagsusuri sa “Transparency Effect” sa The World of Married Couple - Isang Adaptation ng Seryeng Doctor Forster
Luciana Lopez-Urquiola, Ph.D.
Faculty of Arts and Letters/Research Center for Culture,
Arts and Humanities
University of Santo Tomas, Manila, Philippines
Abstrak
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong suriin kung ang tagasalin ba ay naglalaho kapag siya ay nakalikha ng mahusay na pagsasalin. Gamit ang teorya ni Venuti na “Translator’s Invisibility”, susuriin ang “adaptation” na ginawa para sa isang Korean telenovela upang maiugnay ang “transparency effect” na dulot ng mahusay na pagtatawid ng tagasalin kung saan ang halaw ay napagkakamalang orihinal na sulat ng may-akda. Bibigyang linaw ang konseptong ito sa pamamagitan ng paghihimay sa Korean telenovela na The World of Married Couple” na isang “adaptation” ng “Doctor Forster na isang orihinal na serye ng BBC Studios. Ang diskursong ito ay higit na mabibigyang linaw sa pamamagitan ng paglalapat sa nasabing adaptation ng dalawang metodo ng salin: foreignization at domestication.
Mga Susing Salita: translator’s invisibility, transparency effect, adaptation, foreignization, domestication
Honesto bilang Daluyan ng Kagandahang-asal:
Panunuri sa Isang Palabas Pantelebisyon
Cristina Dimaguila-Macascas, MATFIL
Malayan Colleges Laguna
College of Arts and Science
Cabuyao, Laguna
ABSTRAK
Sinipat sa pag-aaral na ito ang pagsusuri sa teleseryeng Honesto. Pangunahing layunin ng pag-aaral na masuri ang nilalaman ng Honesto bilang daluyan ng kagandahang-asal upang magamit itong materyal sa pagtuturo.
Gumamit ng palarawang kwalitatibong paraan sa pagsasagawa ng pag-aaral. Ito ay naging matagumpay sa pamamagitan ng pagsusuri sa bawat episode nito. Gamit ang limang pananaw sa media literacy ay hinimay-himay ang nilalaman nito. Ang limang pananaw ay ang mga sumusuod (1) ang lahat ng mensahe sa media ay binubuo, (2) ang lahat ng mensahe sa media ay binubuo gamit ang malikhaing wika na may sariling panuntunan, (3) ang magkakaibang tao ay nakatatanggap ng iisang mensahe sa media sa magkakaibang pananaw, (4) may nakatakdang pagpapahalaga at pananaw ang media, at (5) marami sa mensahe ng media ay isinaayos upang kumita at magkamit ng kapangyarihan. Ginamit din ang dulog humanistiko sa pagsusuri ng pelikula sa paghihimay ng nilalaman ng teleserye.
Sa pamamagitan ng ganitong pag-aaral, makapagmumungkahi ng mga materyal na maaaring gamitin sa pagtuturo lalo na at nililinang sa mga mag-aaral ang kasanayan sa panonood.
Mga susing salita: Honesto, pagsusuri, kagandahang-asal, palabas-pantelebisyon
Pelikulang Indipendiyente at Kolektibong Alaalang Arkaybal:
Ang AsiaVisions at ang Pagsibol ang Sineng Bayan noong Dekada '80
Rosemarie O. Roque
Instruktor II, DAC, CAS, Unibersidad ng Pilipinas-Manila
Estudyante, MA Araling Pilipino, DFPP, KAL, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman
ABSTRAK
Dahil gumagampan ng panlipunang kabuluhan ang arkibo bilang imbakan at balon ng kongkretong batayan ng kasaysayan ng bayan, mahalagang siyasatin ang arkibong awdyo-biswal ng AsiaVisions Media Foundation[1] bilang pangunahing politikal na kolektibong pampelikula ng dekada '80 na nagdokumento ng mga karanasan ng kilusan at pakikibakang masa ng nasabing panahon lalo na sa panahon bago at pagkatapos bumagsak ang diktadurang Marcos.
Bahagi man lamang, signipikante at susing salalayan ang koleksiyong awdyo-biswal ng AsiaVisions na nasa pangangalaga at receivership ng Ibon Foundation.
Signipikante ang koleksiyon dahil sa mga nagawang pelikula ng grupo sa loob ng dekada '80 tulad ng Arrogance of Power (1983, 38 minuto, orihinal na nasa 8mm); No Time for Crying (1986, 30 minuto, orihinal sa 16mm); Mendiola Massacre (1987, 20 minuto, orihinal sa U-matic; inedit 1997, 17 minuto); Behind the Walls of Prison (1987, 60 minuto, orihinal sa U-matic), at Lean (1988, 36 minuto, orihinal sa Video 8/V8 at inedit sa U-matic).
Bahagi man lamang at hindi ang kabuuan ng lahat ng kaganapan, ang pag-iral ng raw footages ng grupo ay makabuluhang bahagi ng kolektibong alaala ng mamamayang Pilipino partikular ang bahagi ng kilusan at pakikibakang masa sa panahon at pagkatapos ng diktadurang Marcos.
Dinokumento ng grupo ang ilang mga signipikanteng kaganapan sa nasabing dekada na nilaman ng mga nagawang pelikula/video nito. Higit sa lahat, masasabi ring ang mismong karanasang ng grupo ay matuturing at mismong bahagi na ng kasaysayan.
Gayumpaman, hamon ang patuloy na pangangalaga sa koleksiyon ng AsiaVisions; kagyat at pangmatagalang usapin itong dapat tugunan para maseguro ang pag-iral ng bahagi ng kasaysayan na naidokumento ng AsiaVisions.
[1] Itinatag ang grupo nina Lito Tiongson, Danny Consumido, at Joe Cuaresma noong huling bahagi ng 1982 . Ipinasok ito sa Securities and Exchange Commission noong 1985. Naging bahagi ng Board of Trustees ng grupo sina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Bienvenido Lumera, Pete Lacaba, Renato Constantino, Jr., bilang ilang halimbawa.
Ang Bisa ng Patalastas sa T.V. sa Pagkatuto sa Filipino
Auggene John D.A. De Vega
Tagapag-ugnay, Sangay ng Filipino
Elementary and High School Department
University of the East – Caloocan
Samson Road, Caloocan City
ABSTRAK
Nilalayong matuklasan sa pananaliksik ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral na hindi ginamitan at ginamitan ng mga patalastas sa TV bilang gamit sa pagtuturo sa Filipino at ang pagkakaiba sa antas ng pagkatuto nang gamit at hindi gamit ang patalastas sa TV sa Filipino.
Tagatugon sa pag-aaral na ito ang mga mag-aaral ng Pamantasan ng Silangan–Caloocan, mula sa apat na pangkat ng ikawalang taon upang subukin ang inilahad na haypotesis. Ang pamamaraang ginamit ay quasi-eksperimental (disenyong time series) at ang ginamit na istatistikal na pagtutuos sa mga detalye ay t-test.
Ang haypotesis na “walang makabuluhang pagkakaiba ang antas ng pagkatuto na gamit at hindi gamit ang mga patalastas sa TV sa pagtuturo ng asignaturang Filipino” ang pokus ng pananaliksik.
Pag-aanalisang istadistikal ang instrumento sa pangangalap ng mga datos upang mapatunayan na ang paggamit ng patalastas sa TV ay positibong nakaapekto sa mga puntos ng mga mag-aaral sa mga isinasagawang pagsusulit.
Natuklasan na ang antas ng pagkatuto nang hindi gumamit ng mga patalastas sa TV bilang gamit sa pagtuturo sa Filipino ay lubhang mababa samantalang mataas naman nang gumamit ng patalastas sa TV sa pagtuturo ngunit ayon sa standard deviation, hindi lubhang marami ang bilang ng mga mag-aaral na nakapasa at hindi nakapasa. May makabuluhang pagkakaiba sa antas ng pagkatuto gamit at hindi gamit ang patalastas sa TV sa Filipino. Sa mga kinalap na datos makikita na ang paggamit ng patalastas sa TV sa pagtuturo ay nakapagpapaunlad ng pagkatuto ng mga mag-aaral.
Komersyalisasyon ng Aklat Bilang Pelikula: Pagsipat sa Bersyong Pelikula ng "ABNKKBSNPLAko?!" Ni Bob Ong
Ma. Rita R. Aranda
Departamento ng Filipino
Pamantasang De La Salle-Maynila
ABSTRAK
Hindi na mabilang ang mga akdang panliteraturang naisapelikula, mayroong kuwento, dula, nobela at maging mga kuwento sa komiks. Sa ibang bansa hindi makakalimutan ang mga pelikulang “The Vinci Code” ,“ The Lord of The Ring”, “ Les Miserables,”, “Harry Potter” at sa Pilipinas naman ay laging maaalala ang “Dekada Sitenta” at “Bata, Bata, Paano ka Ginawa?”. Sa kasalukuyan, naging trending na ang pagsasapelikula ng mga akdang tulad ng “Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo” at ng “ABNKKBSNPLAko?!”. Ibinalita na rin ang pagsasapelikula ng isa pang akda ni Bob Ong na “Lumayo Ka Nga Sa Akin” na bestseller ngayon at ang akda sa Wattpad na “Have You Seen This Girl na mababasa sa “Diary ng Panget” na pinakamabili noong 2013.
Ang mainit na pagtangkilik ng mambabasa sa kanilang mga paboritong akda ay nagpapatuloy hanggang sa sandaling ito ay isapelikula. Higit na kinapapanabikang makitang nagkakabuhay ang mga karakter sa akda sa pinilakang tabing gayon din ang mga pangyayaring tanging sa imahinasyon lamang nahuhulma . Ang kuwento sa loob ng akda ang dahilan kung bakit ninanais panoorin ang isang pelikula ngunit kung ang kuwento ay mababago dahil sa hinihingi ng komersyalisasyon siguradong ito ay lilihis sa orihinal kuwento.
Ang papel na ito ay tumalakay sa pelikulang “ABNKKBSNPLAko?!” hango sa komersyalisadong aklat ni Bob Ong na itinuturing na bestseller sa kasalukuyan. Binigyang pansin ang ilang mahahalagang pangyayaring hindi isinama sa pelikula na maaaring paghanguan ng ilang edukasyonal at sosyolohikal na isyung makatutulong sa pagpapaunlad ng kasalukuyang sistema ng edukasyon. Layunin nitong alamin ang epekto ng pagkakaltas ng ilang mahahalagang pangyayari sa orihinal na akda at paano ito nakakaapekto sa mga masugid na tagasubaybay nito.
Sa isinagawang panonood sa pelikula at pagbabasa ng akda, napatunayang may ilang mahahalagang pangyayari sa aklat ang hindi isinama sa pelikula at ito ay ang mga pangyayaring totoong naglalarawan ng tunay na kalagayan ng pampublikong paaralan at edukasyon sa Pilipinas tulad ng maruming paaralan, magulong klasrum, mga gurong nakatali pa rin sa tradisyunal na paraan ng pagtuturo at marami pang iba. Bagamat maganda ang layunin ng pelikulang ipakita ang mga karanasan ng isang estudyante, makikitang walang lalim ang paglalahad ng kuwento. Ito ay bunga na rin ng pagkakaltas ng mga pangyayaring magbibigay-lalim sana sa pelikula. Napatunayan sa interbyung ginawa sa ilang nakabasa at nakapanood ng pelikula na sila ay hindi gaanong natuwa sa panonood sapagkat para sa kanila ay may nabago at may nawala sa orihinal na kuwento.
Mga susing salita:
komersyalisasyon, pagsipat, pelikula, akda, edukasyonal
Jejemon: Silip sa Wika at Kultura ng Isang Filipino Slang
Moreal Nagarit Camba
College of Arts and Letters sa University of the Philippines – Diliman
ABSTRAK
Ang salitang jejemon ay naging bukambibig noong huling bahagi ng dekada 2000; sila, ayon na rin sa paglalarawan (ng iba, ng mga hindi jejemon) ay yaong may ‘kakaibang’ paraan ng pagsusulat: walang pakundangan sa paggamit ng malalaking titik, sumisingit ng mga simbolo sa mga teksto, wala rin silang habas sa pagpapaiksi o pagpapahaba ng mga salita sa pamamagitan ng pagdadagdag ng mga Z, H, S, W sa mga salita na sa karaniwang pagbaybay ay hindi na naman kailangan. Sa madaling salita, kilala ang mga jejemon sa hindi pagsunod sa alituntunin ng tamang pagbaybay at gramatika. Kung kaya naman, nagpakita ng pagkabalisa ang dating Kalihim ng Edukasyon na si Mona Valisno sa paglaganap ng jejemon sa mga estudyante.
Tatalakayin ng papel ang mga sumusunod na tanong: (1) Sino(-sino) ang gumagamit ng wikang jejemon? (2) Ano(-ano) ang dahilan kung bakit jejemon sila magsulat? (3) Nakababahala ba ang paglaganap ng jejemon sa wastong pagbaybay at gramatika ng mga mag-aaral? Bakit? (4) Mapipigilan ba ang paglaganap ng jejemon? Paano?
Ang Aliw ni/kay Brillante: Isang Pagsusuri sa Aliw ng Kaniyang mga Pelikula
Christopher Bryan A. Concha
Departamento ng Filipino
De La Salle University-Manila
christopher_concha@dlsu.edu.ph
ABSTRAK
Nais ng pag-aaral na ito na magkaroon ng ibang perspektiba ukol sa Aliw bilang karanasan sa panonood ng pelikula. Kung ang layon ng pelikula ay makapagbigay-aliw at pansamantalang makatakas sa realidad ng buhay katulad ng naunang nabanggit, sa paanong paraan ito naisasakatuparan kung pag-uusapan ang mga likha ni Brillante Mendoza na tumatalakay sa mga sensitibo at mabibigat na tema tulad ng kahirapan? Anong uri ng Aliw ang nalilikha ng mga ganitong klaseng pelikula? Isinakatuparan ang pag-aaral sa pamamagitan ng pakikipanayam sa filmmaker at sa isinagawang tatlong Focus Group Discussion (FGD) sa mga nakapanood ng kaniyang pelikula. Naging sentro ng panayam at diskusyon ang pagpapalutang sa Aliw na naranasan at/o naramdaman ng mga tagapanood mula sa mga pelikula ni Mendoza. Ginamit bilang batayan ng pagtukoy sa mga nangingibabaw na uri ng Aliw ang mga sanaysay mula sa teksto ni Soledad Reyes na Aliw: Essays on Popular Culture. Lumabas sa pag-aaral na bagaman hindi layunin ni Mendoza na maghatid ng Aliw, lumutang pa rin ang iba’t ibang uri ng pagdanas ng Aliw sa mga nakapanood ng kaniyang mga pelikula: (1) Ang Aliw sa Panatisismo; (2) Ang Aliw ng Bagong Panlasa; (3) Ang Aliw sa Paglalako ng Kahirapan; (4) Ang Aliw sa Pagnanasa; at (5) Ang Aliw Bilang Dibersyon Mula sa Realidad. Napatunayan ng papel na hindi lamang nakakahon sa positibong emosyon ang pagdanas ng Aliw. Ang panonood ng Sineng Brillante na bagaman balot ng mga sensitibo at mabibigat na tema, sa isang banda at/o rason ay nakalilikha pa rin ng Aliw sa mga tagapanood.
Mga Susing Salita: Aliw, Brillante Mendoza, Panunuring Pampelikula, Soledad Reyes, Pelikulang Pilipin
Likhang-Saling Modyul para sa Disiplinang Calculus sa Ika-12 Baitang
Randolf Catungal
Lagro High School
ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay may pamagat na “Likhang-Saling Modyul para sa Disiplinang Calculus sa Ika-12 Baitang” ay tumatalakay sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng binuong modyul bilang bagong kagamitang pampagtuturo. Layuning ng pag-aaral na ito na gamitin ang mga aralin sa Ikaapat na Markahan, gabay sa kurikulum at makabagong teknolohiya upang makabuo ng materyal na maaaring gamitin sa antas senior high school at kolehiyo.
Nagsimula ang pag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng limampung aytem na pagsusulit tungkol sa Calculus pagkatapos ng Ikatlong Markahan. Ang tatlong kompetensiya na may nakuhang pinakamababang mean ay ang mga sumusunod: integrasyon sa pamamagitan ng substitution, integrasyon sa pamamagitan ng mga bahagi, at area sa ilalim ng curve. Ang pagpapabalido, pagsusuri at pagbibigay ng kumento at suhestiyon ng 4 ekspert sa mga materyal na gagamitin tulad ng checklist, likhang-saling modyul sa Calculus, at ang pauna, at panapos na pagsusulit ang nagsilbing malinaw na daan upang maisakatuparan ang binuong modyul.
Matapos maisaayos ang nasuri ng mga ekspert ay susundan ito ng pangangalap ng mga datos mula sa field. Gumamit ng purposive sampling ang pag-aaral sapagkat ang Calculus ay isa sa mga asignatura ng mga mag-aaral ng Ika- 11 at ika-12 baitang ng pampublikong mataas na paaralan ng Lagro Taong 2018-2019. 2 Master Teacher (1 sa Matematika at 1 sa Filipino), at 2 Head Teacher (1 sa Matematika at 1 sa Filipino) ang mga nagsilbing tagapagtasa ng binuong modyul.
Ginamitan ng weighted mean upang matukoy ang antas ng pagtatasa ng mga pangkat ng mga respondente. Ginamitan ng Paired T – test nang makita kung may pagkakaiba ba sa pagtatasang ginawa ng mga master teacher at head teacher. Ang resulta ay walang pagkakaiba sa kanilang ginawang pagtatasa. Nangangahulugang maganda ang tinutumbok ng modyul at nakapokus sa suliraning pampagkatuto ng mga mag-aaral.
Ipinagamit naman ang natasang modyul sa Calculus sa 120 STEM na mag-aaral ng Ika-11 baitang na binubuo ng 6 na pangkat at 120 STEM na mag-aaral ng Ika-12 Baitang na binubuo ng 5 pangkat. Sa nasabing taon rin nagpang-abot ang 2 baitang sa pagkakaroon ng Basic Calculus sa kanilang kurikulum. Gumamit din ng stratified random sampling kung saan 20 mag-aaral ang maaari lamang kunin sa bawat pangkat ng mga mag-aaral sa ika-11 baitang kung kaya ganoon rin ang mga nasa ika-12 baitang. Bibigyan naman ng panimulang pagsusulit ang mga STEM na mag-aaral ng parehong baitang. Matapos makuha ang resulta ng panimulang pagsusulit ay ipagagamit ng guro ang natasang Likhang-saling modyul na tumatakbo sa apat na araw sa apat na oras, sa loob ng limang araw na pasok sa paaralan. Pagkatapos gamitin at maituro ang modyul ay bibigyan naman ng panapos na pagsusulit ang mga mag-aaral. Mula sa resulta, titignan ng mananaliksik kung may pagbabago sa antas ng kanilang pagkatuto. Sinundan ito ng paglalapat ng estadistikong tritment sa mga nakalap na datos.
Ang pinakamahirap na aralin sa Calculus ay ang integral sa pammagitan ng sabstitusyon, integral sa pamamagitan ng bahagi, at area sa ilalim ng curve na nagging batayan sa paggawa mg Modyul sa Calculus para sa ika-12 baitang. Ang modyul ay binuo gamit sa mga kasagutan ng mga field experts kung sila ay sang-ayon sa saling Filipino, kastila, o ingles. Angkop na angkop ang naging pagtatasa ng mga field expert sa ginawang modyul ng mananaliksik na may kabuuang 3.58 na weighted mean. Sa pagsusuri naman ng kakayahan ay may kabuuang mean na 4.39 na nagsasabing kayang-kaya ng modyul na tulungang matuto ang mga mag-aaral gayundin ang mga guro. Katanggap-tanggap naman ang pagtanggap ng mga field expert sa modyul na may kabuuang mean na 3.42. Mas may pamantayang pagganap ng mabuti ang pangkat-experimental dahil nakakuha nito ng mas maliit na standard deviation kumpara sa pangkat-control. Ito ay sa kadahilanang mas nabigyan ng linaw ang mga terminolohiyang nasa Ingles na binigyang paliwanag ng kanilang guro gamit aang wikang Filipino. May bahagyang pagkakaiba ang dalawang pangkat pagdating sa panimula at panapos na pagsusulit. Inirerekomenda ng mananaliksik na magsagawa ng ganitong pag-aaral sa ibang disiplina. Kumunsulta sa ibang ahensya o institusyong nangangalaga at nagpapaunlad ng wikang Filipino gaya ng Komisyon ng Wikang Filipino, Surian ng Wikang Filipino, at iba pang ahensya na magtatakda ng nararapat na pagsasalin ng mga imumungkahing salita. Bumuo ng isang leksikon patungkol sa disiplinang Calculus at magsagawa ng pag-aaral nito kung ito ba ay magiging epektibo sa mga mag-aaral sa lebel distrito hanggang nasyunal.
Mungkahing Pamantayan sa Pagpili ng Transpormatibong Teksto Tungo sa Pagpapaunlad ng Kamalayang Global
Denis Carias Suansing
Master ng Artes sa Filipino
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
ABSTRAK
Ang edukasyon ay paraan sa pagpapaunlad. Bilang paraan, ito ay sistematikong binubuo ng mga disiplina, kasanayan, halagahin, pagtataya, at pamantayan na pinagsama-sama na angkla sa pilosopiya, misyon, bisyon, at tunguhin ng paaralan na matatagpuan sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Tinalunton ng papel pananaliksik na ito ang espasyo ng kurikulum na siyang nagsisilbing gabay ng bawat paaralan at sinusundang direksyon sa pagpapaunlad ng kakayahang intelektuwal, panlipunan, at moral ng mga mag-aaral bilang pagtugon sa panlipunang pangangailangan (lokal) at pandaigdigang kompetensiya (global).
Ito ang nagsilbing sipat sa lalim at lawak ng transpormasyunal na kaugnayan ng guro sa kaniyang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtitiyak sa kakanyahan na magpasimula ng makabuluhang pagbabago sa buhay bilang instrumentong danas sa pagbasa at pagkamit ng tunguhin ng edukasyon sa kabuuang halaga nito sa lipunan. Higit na nakita ang tungkulin ng asignaturang Filipino sipat partikular sa transpormatibong pagbasa at pagsusuri ng babasahing teksto sa pagtataguyod ng isang nasyong glokal na may makabayang kaalaman at damdamin.
Isinaalang-alang ng pananaliksik ang disenyo, implementasyon, at ebalwasyon ng mga babasahing teksto sa simulaing pamamaraan na siyang mahalagang instrumento sa pagkakaroon ng kamalayang glokal na tumutugon sa kasalukuyang disenyo ng pagtuturo’t pagkatuto.
Nabigyang tugon ang pangunahing mithiin ng kwalitatibong-saliksik na makita ang kalakasan at kasalukuyang pangangailangan na nagdulot ng kontribusyon sa pagpapaunlad ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbuo ng payak na mungkahing pamantayan sa pagpili ng babasahing teksto bilang tugon sa malinaw na depinisyon ng kalidad at produktibidad ng edukasyon na maaaring maging batayan ng guro sa pagpili ng tekstong ituturo.
Mga Susing Salita: babasahing teksto, global, kurikulum, lipunan, lokal, tranpormatibong, pagkatuto at pagtuturo
Initial Steps in the Development and Validation of an Instrument to Measure Film Literacy
Enrico “Omael Khalil Sharif” B. Garcia, PhD
College of Graduate Studies and Teacher Education Research
Philippine Normal University
Rene R. Belecina, PhD
College of Graduate Studies and Teacher Education Research
Philippine Normal University
ABSTRACT
In an attempt to measure film literacy among collegiate Social Science students, an instrument was developed based on the indicators of film literacy: apperception, appreciation, and aptitude levels. This was later content, and face validated by a noted film scholar and curriculum expert. To establish the reliability coefficient and divergent validation, the Likert scale was administered among college students specializing in the Social Sciences. The study recommends further use and validation of instrument, follow up observations, and interviews to counter check the students’ response. The construction of another instrument to measure film literacy in the natural sciences and the humanities could be an off shoot of this study.
COVID-ictionary: Mga nagharing leksikon sa panahon ng COVID-19
Christian George Francisco, PhD
Pamantasang De La Salle-Dasmarinas
ABSTRAK
Sinlakas ng impak ng COVID-19 ang impluwensiya ng wikang ginagamit sa pagpapapabatid ng mga impormasyong kinakailangang malaman ng mga mamamayan ng isang bansa. Sa ngayon, itinuturing nang global na krisis ang idinulot ng naturang virus - isang pandemik ayon sa mga eksperto ng virology. Ang COVID-19 ay isang uri ng pneumonia na nagmula sa Wuhan sa Tsina noong Disyembre, 2019. Ayon sa WHO (World Health Organzation), ang naturang virus ay itinuturing na ngayong pandaigdigang usaping pangkalusugan at kanila itong idineklara bilang pandemya noong ika-11 ng Marso, 2020. Kaugnay sa usapin ng pananaliksik sa wika, itinuturing ang wika bilang pangunahing instrumento ng lipunan tungo sa mobilisasyon ng mga impormasyon. Bilang instrumento, maaaring matamo sa pamamagitan nito ang mga instrumental at sentimental na pangangailangan ng tao. Ang wika ay behikulo para makisangkot at makibahagi ang tao sa mga gawaing panlipunan upang matamo ang mga pangangailangang ito. Tinutunton ng kasalukuyang pag-aaral ang rehistro ng wika sa panahon ng COVID-19. Sa madaling sabi, maraming salita ang umusbong at aktibong nagagamit ng mga tao sa panahon ng naturang pandemia – mga nagharing leksikon. Panlahat na layunin ng pag-aaral na ito ay ang makabuo ng diksyonaryong may operasyonal na depinisyon ukol sa rehistro ng wika sa panahon ng COVID-19.
Kwalitatibo ang metodong ginamit sa pananaliksik na ito, partikular ang dulog deskriptibo. Binigyang-paliwanag ito nina Fraenkel and Wallen (2004) bilang isang uri ng pananaliksik na ang tuon ay mailarawan ang nananaig na penomenon. Ang pag-aaral ay naganap sa panahon ng quarantine na nagsimula noong Marso, 2020. Nagsagawa ng obserbasyon sa pamamagitan ng panonood ng mga balita at pagbabasa ng ulat sa social media ang mananaliksik. Ang mga impormasyon at mga salita ay hinango mula sa TV Patrol, ABS-CBN news online, Youtube, CNN Philippines, Rappler, Inquirer, Manila Bulletin at iba pang batis ng impormasyon sa online. Masinsin na tinipon ng mananaliksik ang mga salita na may kaugnayan sa usapin ng COVID-19. Sa kabuuan, umabot sa isandaan at dalawampu’t isa (121) ang kabuuang bilang ng mga entri na naging bahagi ng COVID-ictionary na ito.
Kabilyan:
Estado ng Wikang Kapampangan sa Senior High School ng Mabalacat, Pampanga Batayan para sa Pagsulat ng Polisiyang Pangwika
David, Rodel J.
Senior High School within Sapang Biabas Ressetlement Elementary School
DepEd Mabalacat City, Pampanga
Mag-aaral ng Ph.D.-Fil
Philippine Normal University
ABSTRAK
Ang KABILYAN ay salitang Kapampangan na nangangahulugang katayuan o estado. Layunin ng pag-aaral na ito na ito na suriin ang Estado ng Kapampangan sa mga piling Senior High School ng Mabalacat na bahagi ng lipunang kinabibilangan ng etnolingwistiko na magiging batayan sa pagpaplanong pangwika na isang erya ng Sosyolingguwistika, na itinuturing naman na isang erya ng Applied Linguistic. Ginamit ang pamamaraang Deskriptib sa pag-aaral na ito. Sa pamamagitan ng random sampling teknik ipinamahagi ng mananaliksik sa 188 na kalahok buhat sa Senior High School within Sapang Biabas Resettlement Elementary School ang mga tseklist na pangunahing instrumento ng pangangalap ng datos ng pananaliksik. Batay sa pag-aaral na isinagawa ng mananaliksik, napagtanto niya ang sumusunod na konklusyon: Marami sa mga respondente ang gumagamit ng wikang Kapampangan sa loob ng kani-kanilang tahanan; Pangkaraniwan lamang ang katatasan ng mga Senior High School ng Mabalacat sa larangan ng paggamit ng wikang Kapampangan sa limang makrong kasanayan; Mas marami sa mga respondente ang gumagamit ng Filipino o Tagalog kaysa sa Kapampangan kapag may kausap na ibang tao; Unti-unti ng naglalaho ang pagpapahalaga ng mga Senior High School sa Amanung Sisuan (Kapampangan); Papakaunti na rin ang mga magulang na nagsasalita ng Amanung Sisuan; Madalas gamitin ng mga respondente ang Filipino o Tagalog sa paaralan at sa pagsasagawa ng anumang transaksyon sa lipunan kanilang ginagalawan. Batay sa nabuong konklusyong ng mananaliksik malugod na minumungkahi ang sumusunod: Kailangang magkaroon ng polisiya na wikang kapampangan lamang ang gagamitin sa loob ng tanggapan ng mga lokal na pamahalaan, at kung sakaling mayroong taong hindi nakakaunawa nito, iyon lamang ang pagkakataon na gagamitin ang wikang Filipino o Tagalog; Isama sa kurikulum ng mga kolehiyo ang pag-aaral ng wika at panitikang Kapampangan; Palawakin pa ang mga programa sa radyo at telebisyon na ginagamitan ng Kapampangan; Kailangang maging malinaw sa mga guro na maaaring gamitin ang wikang Kapampangan bilang wikang pantulong sa pagtuturo; Gumawa ng mga programang makahihikayat sa mga magulang, mag-aaral at iba pang miyembro ng lipunan na magsalita at gamitin ang Amanung Sisuan; Mamuhunan sa pag-iimprinta ng mga aklat na naglalaman ng Literaturang Kapampangan.