Ang pagtatapos ng kolehiyo ay isang mahalagang yugto sa buhay ng isang kabataang Pilipino. Sa likod ng ngiti at tagumpay na hatid ng diploma ay ang mga hamong naghihintay sa tunay na mundo. Bagama’t simbolo ito ng tagumpay mula sa mahabang taon ng pagsisikap, hindi nito agad natitiyak ang tagumpay sa larangan ng trabaho. Maraming bagong nagsipagtapos ang nahaharap sa tanong: ‘Ano na ang susunod?’ ang kawalang katiyakan sa pagtugon ng kanilang mga kurso sa pangangailangan ng industriya ay nagdadala ng takot at pangamba.
Ang pagtatapos ay hindi lamang tungkol sa tagumpay ng nakaraang apat o higit pang taon sa kolehiyo. Ito rin ay tungkol sa bagong simula—ang pakikibaka sa isang kompetitibong job market. Maraming bagong nagsipagtapos ang nahihirapang makahanap ng trabaho na tugma sa kanilang pinag-aralan, na nagiging sanhi ng underemployment. Ang kanilang mga pangarap na magamit ang kanilang natutunan ay madalas na naisasantabi dahil sa kakulangan ng opurtunidad sa propesyon na kanilang pinili. Ito ay nagdudulot ng stress at kawalang pag-asa, ngunit kasabay nito ay ang patuloy nilang pagsisikap na maabot ang kanilang mga layunin.
Ang mga career fair ay nagsisilbing tulay para sa mga bagong nagsipagtapos upang maunawaan ang tunay na pangangailangan ng job market. Sa mga ganitong pagkakataon, natutuklasan nila ang mga opurtunidad at ang mga kinakailangang kwalipikasyon upang makuha ang kanilang ninanais na trabaho. Gayunpaman, hindi lahat ay nagtatapos sa tagumpay—ang mataas na kompetisyon at madalas na pagiging prayoridad ng mga may karanasan ay nagiging hadlang para sa mga baguhan sa industriya. Ang kawalan ng sapat na karanasan ay isang karaniwang hamon para sa mga kabataan, na nangangailangan ng higit pang suporta at gabay upang maging handa sa mundo ng trabaho.
Sa gitna ng mga hamon sa paghahanap ng trabaho, mahalaga ang mga networking event tulad ng masquerade ball na ito upang mabigyan ang mga kabataan ng pagkakataong makilala ang mga posibleng employer, mentor, at propesyonal sa industriya. Sa mga ganitong okasyon, natututo silang magpakilala ng kanilang sarili at ipakita ang kanilang kakayahan sa mga tao at kumpanyang maaaring makatulong sa kanilang pag-unlad. Bagama’t hindi laging tiyak ang resulta ng ganitong mga aktibidad, ito ay isang hakbang upang maipakita ang kanilang dedikasyon at pagsusumikap na makahanap ng mas magandang opurtunidad.
Ang mentorship at gabay mula sa mga bihasa sa industriya ay isa sa pinakamahalagang aspeto ng paglago ng isang bagong nagsipagtapos. Ang makapagtagpo ng mga propesyonal na handang magbahagi ng kanilang kaalaman ay nagbibigay inspirasyon at direksyon para sa mga kabataan. Sa mga pagkakataong tulad nito, natututo ang mga bagong nagsipagtapos tungkol sa mga praktikal na kasanayan at mga kinakailangan sa industriya na hindi laging naibibigay ng sistema ng edukasyon. Ang pakikipag-ugnayan sa mga lider sa industriya ay nagbibigay sa kanila ng pag-asa at pagkakataon upang mas maging handa sa harap ng mga hamon sa trabaho.
Alda, M., et al (N.D.) Employment in the Philippines Statistics & Facts. https://www.statista.com/topics/10073/employment-in the-philippines/#topicOverview
Amai, C. (N.D.) Mga Dahilan ng Suliraning Kawalan ng Trabaho.https://www.scribd.com/document/546332155/Mga-Dahilan-ng-suliraning-Kawalan-ng-Trabaho
Asian Development Bank (2018) Social Protection Brief: Reducing Youth Not in Employment, Education, or Training through Jobstart Philippines. https://www.adb.org/sites/default/files/publication/396081/adb-brrief-084-Youth-not-employment.pdf
Chanco, B. (2023) Job-skills mismatch. https://www.philstar.com/business/2023/06/23/2275818/job-skills-mismatch
Philippine Statistics Authority (2023) Labor force survey annual report. https://psa.gov.ph/statistics/labor-force-survey
Relativo, T. (2023) Gov’t workers iginiit regularisasyon ng kontraktwal sa pamahalaan. https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2023/03/24/2254137/govt-workers-iginiit-regularisasyon-ng-700000-kontraktwal-sa-pamahalaan
One-third of organizations in the Philippines reported lower salary budget for 2024 cycle. (2024, September 9). WTW. https://www.wtwco.com/en-ph/news/2024/09/one-third-of-organizations-in-the-philippines-reported-lower-salary-budget-for-2024-cycle