Isinulat ni Micha Gabriella V. Bantug, Baitang 9 | Patnugot: Ramus P. Musa, LPT.
Ika-17 ng Agosto, 2025
Noong ika-31 ng Hulyo, napili ang aktibong lider na si Jenna Domingo, mag-aaral sa ika-sampung baitang mula sa Escuela de Angela Marici, bilang isa sa mga Junior City Councilor sa bayan ng Baliuag. Ang eleksyon ay ginanap sa Baliwag Star Arena. Siya ay magiging bahagi sa pagpapanatili ng kabutihan at kaayusan ng lungsod.
Ang nasabing posisyon ay isang programa na ipinatupad ng lokal na pamahalaan upang mabigyang karapatan ang mga piling kabataan na maipamalas ang kanilang talento, galing, at husay na maaaring makatulong sa kanilang komunidad.
"Sa aking mga ginawa, mas natutuhan ko ang kahalagahan ng serbisyo sa publiko at pamamahala sa bayan. Sa pamamagitan ng pag dalo sa mga pagpupulong, natutuhan kong mas mahalin at tanggapin ang aking sarili. Marami rin akong naging bagong kaibigan. Isa sa mga pinakamahalagang aral na napulot ko ay suriin ang aking sarili, hindi lamang kung san ako magaling, kundi ano rin ang kahinaan ko na maaari kong bigyan ng pansin." Ani Jenna.
Ang mga Junior City Councilors ay pinangaralan ng kahalagahan ng pagbubuklod ng basura (pagkukumpuni, paghihiwalay base sa kategorya, pagsasaayos), upang mas mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa lungsod. Nag pulong rin sila patungkol sa mahalagang usapin ng mental health o kalusugan ng pag-iisip ng mga kabataan. Tinuruan ang mga mag-aaral kung paano nila haharapin ang mga pagsubok at problema na daraan sa kanilang mga buhay.
Sa ikatlong araw ay nag punta sila sa Lungsod ng Malolos upang makilala pa ang iba pang mga konsehal mula sa iba't-ibang lugar. Dito mas naunawaan ni Jenna Domingo ang karangalan at oportunidad na iginawad sa kanya ng bayan ng Baliuag.
Sa huli ay isinagawa nila ang araw ng pagkilala kung saan opisyal na prinoklama at pinarangalan ang mga napiling mag-aaral bilang myembro ng Baliuag City Junior Councilor.
Si Jenna Domingo ay tunay na inspirasyon sa ating paaralan. Subalit, higit pa sa inspirasyon para sa kanyang kapwa Edamians, siya ay ehemplo ng kahusayan at dignidad sa buong komunidad ng lungsod ng Baliuag. Nawa'y siya ay maging tulay para sa paghubog ng kompyansa at determinasyon ng lahat ng mag-aaral sa Escuela de Angela Marici.