This story was first published on the 23rd of December, 2020 as part of the Love Wins All one-shot anthology via Wattpad. Now, you can read this story for best experience, now improved and edited on the 30th of December, 2024. Thank you!
Ang mga pangalan, karakter at insidente sa kwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi ito naaayon sa tao, bagay, lugar o pangyayari. Alinmang pagkakahalintulad sa totoong buhay ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.
*****
TRINA
“Pwede ba tayong mag-usap?” patanong na banggit ng boyfriend kong si Elijah habang kami’y nakaupo sa may parke. Sa parehas na lugar kaming unang nagkakilala ng boyfriend ko mula first year college hanggang sa ngayo’y may trabaho na kami. Single ako noon habang siya’y kakahiwalay lang sa high school ex-girlfriend niya nang mangyari iyon.
Nagsimula kami sa pagkakaibigan, hanggang sa niligawan niya ako at nauwi ito sa pagiging magkasintahan noong 4th year college. Almost 5 years na kaming in a relationship kaya halos ibinigay ko sa kanya lahat ng pagmamahal ko para sa kanya. He’s my first boyfriend and I’m definitely sure that he’s my last, after all.
Nagkaroon naman kami ng mga pagtatalo minsan pero pagdaan ng ilang araw ay idinaan namin sa maayos na usapan. Si Eli’y nagtatrabaho sa isang BPO company habang ako naman ay isang empleyado ng isang sikat na fast food chain sa isang mall. Medyo maliit ang ikinikita naming sweldo pero nagagamit naman iyon and at the same time, napag-iipunan namin iyon para sa future naming dalawa.
Una kong tingin sa boyfriend ko’y suplado, pero maginoo naman. Habang siya naman ay hard to get—in short nagpapakipot ako sa kanya noong una. But after all these years, tinanggap namin ang imperfections ng bawat isa. Kapag may pimples ako, pakiramdam ko ay pumapangit na ako pero siya ang nagparamdam sa’kin na maganda ako sa paningin niya. Saka, close kami sa family niya at hanggang ngayon ay tanggap ako ng pamilya niya, lalo na siya sa’kin.
Ngayon, nasa parke na kaming dalawa. Malalim ang gabi kaya ngayon pa lang ay mag-uusap kami ngayon nang masinsinan.
“Anong pag-uusapan natin?” tanong ko pabalik habang ako’y nakatitig sa kayumanggi niyang mga mata. Naisip ko noon, tungkol ba kaya ito sa future naming dalawa?
Or is there something else?
Huminga siya nang malalim, “Mahal, sa limang taong pagsasama natin, alam naman natin na wala tayong ibang mamahalin bukod sa tayong dalawa lang diba?” banggit niya sa’kin na kaagad ko namang tinanguan. “Pero kasi…”
Mukhang kinakabahan siya sa sasabihin niya sa’kin. “...mukhang may problema tayo.”
Napatayo ako sa sinabi niya bago ako mautal sa’king sinabi, “Anong problema? ‘Yung mga bills natin sa apartment? ‘Di ba nagbayad ako noong isang araw? ‘Yung nasirang electric fan ni tita, ano?”
Para na akong natuliro at nalito noong sunod-sunod ang mga naging tanong ko laban sa kanya. Kinakabahan na rin ako sa kung ano ang sasabihin niya sa’kin. Pag sinabi niyang magbe-break kami, talagang hindi ako papayag.
Hindi ako makakapayag na mawala sa’kin ang pinakamamahal kong si Eli nang ganoon ganoon na lang.
“Hindi ang electric fan ni mama ang may problema… tayo,” malungkot niyang hayag. Anong meron at bakit kami nagkaproblema?
“Teka, ano? Naging maayos naman akong girlfriend sa’yo, a?” ani ko saka sumagot siya pabalik. Naisip ko, baka kaya naghanap siya ng iba kaya ganoon ang ibig sabihin niyan. Pero syempre, ayokong magkaroon ng iba ang boyfriend ko. Ayokong dumating sa punto na baka isang araw, ipagpalit na niya ako sa mas better sa kanya.
Mas sexy. Mas maganda... and I don’t want this to happen.
Huminga siya nang malalim bago siya magsalita: nang buo, at nang buong tapang. “Pwede bang… ihinto na natin itong relasyon natin?”
Kasabay niyan ay ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mga mata, “Oo, mahal kita pero, gusto kong maitigil itong relasyon natin kasi… kasi I found someone else.”
Nagsimula nang tumubig ang mga luha ko na tila bang isang ulan ang sumalubong sa’kin mula sa alapaap. Bakit? May iba pa siyang rason kung bakit niya inamin sa’kin ang lahat?
Pinilit kong huwag umiyak habang kausap namin ang isa’t isa. “Bakit hindi mo sinabi sa’kin ang lahat ng iyon? Tsaka, bakit ka naghanap ng iba, ha? Bakit?”
“Kaya ko sinabi sa’yo ‘to dahil ayoko lang na masaktan ka,” paliwanag niya. Sa tono ng boses niya ay para na itong napipiyok at nagagaralgal noong narinig ko ang mga sinabi niya. “Kaso, mukhang hindi mo kakayanin na makita mo akong masaya sa iba.”
Hindi na ako nagsalita pa. Sa halip ay umiiyak na lang ako na parang wala nang bukas. Tumayo na ako mula sa tabi niya.
“Sinabi mo sa’kin noon na hindi mo ako ipagpapalit sa kahit na sinong babae sa mundo. Ako lang ang may karapatan upang ako’y iyong mahalin pero bakit ganito? Bakit?” umiiyak kong tanong habang isa-isa ko itong ibinabato ang mga ito sa kanya. Pinilit ko ang sarili ko na huwag sumigaw habang kami’y nasa labas pero… mukhang hindi ko na yata pinalagpas pa.
“Oo, girlfriend mo ako. Pero ni minsan, hindi mo nakita o pinaramdam sa’kin lahat. ‘Yung effort ko, yung pagmamahal na meron ako, ano?”
Hindi na siya sumagot pa. Sa halip ay kaagad siyang tumayo at umalis sa kinaroroonan ko na agad ko itong sinundan.
“Kinakausap kita! Ano? Hindi ka man lang magpapaliwanag?”
“Dahil may iba akong iniisip bukod sa’yo, ‘yun ‘yon!” he raised his voice.
Sa loob ng ilang taong pagsasama namin ay ngayon niya ako napagtaasan ng boses. Tuloy-tuloy ang pagbugso ng mga traydor kong luha habang sinasabi ko ang mga katagang, “Hula ko: ‘yung ex mo ano? ‘Yung ex mo na inabot ng senior high ang relationship niyo? Bakit, nagkabalikan na ba kayo?”
Sadly, he nodded.
“Nagkabalikan na kami, isang taon na. Isa pa, magkakakaroon na kami ngayon ng anak. Dalawang buwan na siyang buntis.”
Napailing ako sa kanya, subalit nang hindi na kinaya ang mga emosyon ko at halos naghahalo-halo na ang lahat ay agad ko siyang pinaghahampas sa dibdib.
“Anong sabi mo, ha? Bawiin mo ang mga sinabi mo, bawiin mo, bawiin mo!! Kaya ka nagkakaganyan noong isang taon dahil iba ang laman ng utak mo! Bakit hindi mo sinabi sa’kin, ha? Manloloko ka!”
Habang ginagawa ko ito ay nasasaktan na si Eli, dapat magbayad siya sa ginawa niya sa’kin.
“Sinaktan mo ako, Eli! Tinraydor mo ako! Para mo na akong pinatayan ng boyfriend nang dahil sa’yo!” Halos pinagsakluban ako ng langit at lupa mula sa ginawa niya sa’kin at sa pagkakataon ito, para na rin akong gamit na pagkatapos gamitin, pagsasawaan na lang tsaka maghahanap nang iba.
“Oo, sabihin kong pinatay ko ang puso mo. Sa tingin mo ba magiging masaya ka dahil sa ginawa ko, ha?” banggit niya sa’kin in a darkest way. “Trina, kung sasabihin mo na ayusin ang relasyon natin, nagkakamali ka. Dahil ngayon pa lang, pinapalaya na kita.”
“Eli, huwag naman sanang ganito, ano?” pagmamakaawa ko sa kanya nang hawakan ko ang kanyang kaliwang kamay. “Paano naman akong nasa tabi mo?”
Minsan, napapatanong ako sa sarili ko. Anong intensyon niya sa’kin at bakit niya ako niloko nang ganoon? May mali ba ako sa ginawa ko? Pati yung mga pangako niya sa’kin noon noong kami pa, nasaan na? Napagod na ba siya sa mga binitawan niyang mga salita sa’kin?
“I’m sorry, Trina. Sorry kung tinago ko sa’yo ang lahat ng iyon. Pasensya ka na kung ngayon pa lang ay agad na kitang bibitawan. I’m sorry,” he said melancholically saka niya pinaandar ang kotse, sumakay at naglakbay pabalik sa malayo — mali.
Papunta sa buntis niyang girlfriend. Susundan ko sana siya kaya lang huli na.
Huli na ang lahat.
***
Pagdating ko sa kwarto ng aming bahay ay nagsimula akong umiyak ng tahimik. Nasa baba ang pamilya ko kaya ayoko pa silang makarinig ng ganoon. Sadyang ‘di ko lang talaga kaya.
Tumambad sakin ang mga litratong sa polaroid na naglalaman noong kami pa, kasabay ng pag-alala ng mga pangyayari at salitang sinambit niya sa’kin noon…
“Mahal, mukhang ang pangit ko na,” malungkot kong banggit nang humarap ako sa salamin. Samu’t saring mga taghiyawat ang tumutubo mula sa mala-porselana kong mukha. Lumapit siya sa’kin at kaagad niya akong niyakap nang patalikod.
“Mahal, huwag ka nang malungkot,” banggit ni Eli sa’kin. Inilagay niya ang ulo niya sa braso ko bago niya hinalikan ang sentido ko. “Maganda ka naman eh.”
“Seryoso ka ba riyan sa sinasabi mo?”
“Aba, oo naman!” masaya niyang banggit saka ko siya hinarap upang halikan ang kanyang mapula niyang labi. “I love you,” I said after we shared a quick kiss.
“I love you more.”
Sumunod naman ay ang pagsurprise ko sa kanya habang breaktime nila. Birthday niya noon at ang tanging pagkain na dala ko ay cake, mga plato tsaka lunch niya.
“Surprise! Happy birthday, Eli!” masaya kong bati paglabas niya ng office. Agad ko naman siyang niyakap nang mahigpit at tinugunan niya iyon pabalik.
“Thank you, Trina! Tsaka ano yung mga dala mo?” tanong niya sa’kin.
“Cake, plato, tsaka lunch mo. Huwag ka sanang maggutom at magpagod sa trabaho!” bilin ko sa kanya bago ko ihagod ang maunat niyang buhok na siyang ikinakislap ng kanyang puting ngipin.
Sa tuwing inaalala ko iyon ay mas lalo lang ako naluluha nang dahil sa kanya. Siya ang kaisa-isang lalaki na minahal ko at siya rin ang kaisa-isang lalaking nagparamdam sa’kin ng lahat ng iyon.
Tapos ganito ang magiging ending ng lahat ng ito?
Noong humiga na ako sa kama ay kaagad pa rin akong umiiyak hanggang sa tinulugan ko na lang ang bigat na nararamdaman ko. Alam kong hindi na bago para sa’kin ‘to pero para saan pa?
Kinabukasan, nakabangon ako. Nasa loob ko pa rin ang bigat na nararamdaman ko. Paglabas ko ng bahay ay pinipilit ko ang sarili ko na maging okay subalit noong kaharap ko ang mga magulang at ang isa kong ate ay mukhang hindi naging madali para sa’kin. Nasa sala kaming apat ngayon at mukhang may kailangan kaming pag-usapan.
“Anak, kagabi ka nang matamlay. Bakit ka nagkakaganyan?” tanong ng papa ko.
“Wala po, Pa. Okay lang po ako.”
Sinabayan ko iyon ng mapait na ngiti sa’king mga labi, na kahit mabigat sa pakiramdam ay pinipilit kong maging okay. Pinipilit ko pa rin ang tono ng boses ko kaso nasasablay ako.
“Mukhang hindi ka okay,” dagdag ng ate kong si Monique. “Napansin ko kagabi na umiiyak ka sa kwarto mo. Nag-away ba kayo ni Eli?”
Huminga ako nang malalim bago ako umamin sa kanila. Wala naman akong maitatago sa kanila, diba?
“Opo, nag-away kami. At hindi lang iyon. Naghiwalay po kaming dalawa.”
Saka na naman nagpakita ang mga traydor kong luha na ang aga-aga ay bakit bigla pa itong sumusulpot. Kinuwento ko sa kanila ang tungkol sa nangyari hanggang sa nagulat sila nang nalamang mahal pa ni Eli ang ex niya.
“Naku po, Trina,” ani ng mama ko bago na niya ako yakapin. Sumunod si papa at ang panghuli si Ate Monique, at nang matapos ay humingi ako ng pasensya sa buong pamilya ko.
“Wala ka dapat ihingi ng sorry,” banggit pa ni Mama. “Dapat siya mismo ang mag-sorry sa ginawa niya sa’yo. Isipin mo. Niloko ka ng lalaking iyon nang dahil sa mahal pa rin niya ang dati niya? Aba, hindi mangyayari iyon para sa’kin. Pero huwag kang mag-alala. Ang dapat mo na lang gawin ay mag-move on. Mahirap, oo. Pero kailangan mong gawin.”
“Tama ang Mama mo. Hindi madali para sa’tin na kalimutan ang isang taong minahal ka ng totoo,” pagsingit ni papa. “Hindi madali ang proseso nito. Pero kapag dumating ito sa punto na tinanggap mo sa sarili mo na, ‘Hindi talaga kami magkakabalikan pa,’ mare-realize mo na lang na dapat, maging masaya na siya para sa iba. At isa pa, dapat magiging masaya ka na para sa iba.”
“Kasi ‘di ba sinabi mo na napapagod na siya sa’yo?” pagsisingit rin ni Ate Monique. “Ibig sabihin gusto na niyang lumaya sa’yo. Ayaw mo naman ng ganoon diba? Dapat ikaw rin. Palayain mo na rin siya; at patawarin mo na rin ang sarili mo as well. Isa pa, ngayon pa lang ay tatapatin na kita. Hindi siya ang karapat-dapat para sa’yo. May iba pang mga lalaki ang tatanggap sa kung anuman ang meron ka. Pero bago iyan, unahin mo muna ang sarili mo. Napagod ka na kakabuhat sa relasyon niyo, hindi ba? Subukan mong magpahinga. Okay?”
Sa sinasabi nila ay para na akong natauhan at napagtanto pagkatapos ng nangyari. Maybe Elijah’s not the right one for me. May iba pang plano ang Diyos para magkaroon ako ng bagong taong magmamahal para sa’kin. Tsaka, balang araw, darating ang pagkakataong may isang lalaki ang handang magmahal sa’kin ng totoo.
Hindi man ngayon, pero sa darating na panahon.
— END —