Pag-amin Para Sa'yo, Sinta
by archivesniayeng
by archivesniayeng
Parang kailan lang, una na kitang natagpuan
Noong araw na ako'y wasak at walang masandalan
Dumating ka at kaagad mo akong sinalo
Oo, sinalo mo ako mula sa problemang dinaramdam ko
Naging maayos naman ang ating samahan
Lagi tayong nag-aasaran, nagtatawanan at nagkukulitan
Kahit abutin man tayo ng gabi
Nakakausap pa rin kita nang may ngiti sa labi
Subalit, dumating ako sa puntong
Ako sa'yo'y may lihim na pagkagusto
Ngunit hindi ko ito pinaramdam sa'yo
Dahil ayokong masira ang pagkakaibigang meron tayo
Sabihin mo man na hibang ako
Pero ito? Iba ang nararamdaman ko pagdating dito
Aaminin kong oo, hindi tayo magkakilala
Pero bakit biglang nagbago ang aking nadarama?
Ilang beses ko nang pinigilan ang sarili ko
Na mahulog ako nang tuluyan sa'yo
Ang kaso, huli na nang malaman ko
Na sa'yo talaga ang bagsak ko
Sinubukan kong umamin sa'yo
Ngunit inunahan ako ng kaba
Kaba na baka lumayo ka sa'kin,
Kaba na baka iwasan mo ako sa bandang huli
Ngunit, bago pa man matapos ang taon
Hayaan mong ako mismo ang magsasabi sa'yo
Ilalabas ko lahat ng nararamdaman ko
Kaya sana, pakinggan mo ang sasabihin ng puso ko
Matagal na ito, pero ngayon lang ako aamin sa'yo
Tanging mga ilang kaibigan ko ang sinabihan nito
Pero dahil huling taon na nating dalawa
Sige, sasabihin ko na. Gusto kita, matagal na.
Ako'y nahumaling na sa'yo pagdating sa ganoong bagay
Musika't tula, nood, kahit kailan ay lagi tayong magkapantay
Kapag nakikita kita, lagi akong sumasaya
At kapag wala ka, lagi kitang inaalala
Naging marupok ba ako?
Oo, marupok ako pagdating sa'yo
Iyo mong ipagpaumanhin kung ako'y nagkaganito
Hindi ko intensyon na mangyari ito
Ang pag-amin ko sa'yo'y kailanman
Ay wala akong ibang pinagsisishan
Ito'y isang ganap na hindi ko makakalimutan
At araw-araw ko itong paaalahanan kahit kailan
Pero dumating ako sa puntong
Sasabihin mong may ibang katuwang sa puso mo
Halos nag-iba ang mundo ko
Mula noong isinambit mo ang mga salitang iyon
Ang mga luha ko ay kusang pumatak
Na parang ang puso'y unti-unti nang nawawasak
Kasi sa dinarami-dami pang tao sa mundo,
Bakit ikaw? Bakit ikaw na kaibigan ko?
Hindi ko lubusang aakalain
Na ganito ang magiging asta ko
Kasi sa totoo lang, nararamdaman ko na ito
Kahit pa sa isa't isa'y malayo tayo
Gusto ko sana ang puso'y magawang pagpahingahin
Subalit ito'y madaling sabihin, mahirap gawin
Dahil ako? Nadaganan ako ng nakaraan
Nakaraang kahit kailan, ay hindi ko ito papakawalan
Ngunit, tama ka. Gagawin ko na talaga
Ang mga bagay na sa'ki'y ikasasaya.
Tama ka rin naman. Bata pa ko
Pero sa pagtanda ko, mapapagtanto ko ito
Humihingi ako ng paumanhin sa'yo,
Sa'yo dahil atensyon lang ang habol ko,
Sa'yo dahil nahibangan ako sa isang katulad mo
At sa'yo, dahil naging marupok ako pagdating dito
Ngayon pa lang ay gusto ko nang magpasalamat
Sa saya at aral na mamahalin ko hanggang sa paglaki
Kahit paulit-ulit man ang aking sasabihin
Alam kong wala na yata akong ibang pagsisisi
Ang tanging hiling ko lang
Ay sana nasa mabuti kang kalagayan
Lalo na sa mga taong
Walang sawang umiintindi at alagaan
O siya, isasara ko na ang huling pahina
Dahil sa kabanatang ito, pinapaubaya na kita
Hindi man maganda ang ating wakas
Alaala nati'y mananatiling may bakas
"Pakiramdam ko, para mo na akong nilayo
Dahil sa may nararamdaman ako sa'yo
Pero alam ko ang halaga ko
At alam ko rin na magiging matatag ako. Magiging matapang ako."