Pamagat: "Sa Gitna ng Pagod at Pangarap,Ang Aking Kwento Bilang Isang Mag-aaral"
May mga araw na parang gusto ko nang sumuko. May mga gabing ang bigat-bigat ng katawan ko, punong-puno ng deadlines, lesson plans, reports, at readings. Habang ang iba ay mahimbing nang natutulog, ako’y gising pa rin nakikipaghabulan sa oras, pilit iniintindi ang mga konsepto, at sinusubukang maging matatag. Pero bakit ko nga ba pinipili pa ring magpatuloy?
Ako si Anjulina, isang third year BSEd English student. At sa likod ng bawat pagod, ay isang pangarap: ang maging isang guro. Hindi lang basta guro, kundi isang guro na magiging inspirasyon, tagapagturo, at tagapakinig ng mga batang nangangailangan ng gabay at pag-unawa. Ang landas na tinatahak ko ay hindi madali.
May mga panahong kinukuwestyon ko ang sarili ko kaya ko pa ba? Tama ba ang pinili kong kurso? Pero sa tuwing napapagod ako, bumabalik ako sa dahilan: gusto kong makatulong. Gusto kong makapagbago ng buhay ng iba sa pamamagitan ng edukasyon. Napagtanto ko na hindi hadlang ang hirap, kundi bahagi ito ng proseso. Sa bawat pagsubok na aking nalalampasan, mas lalo kong nakikita ang tibay ng loob na hindi ko akalaing taglay ko. Sa bawat markang mababa, natututo akong bumangon. Sa bawat feedback, natututo akong magpakumbaba at magpursige.
Ang pagiging estudyante ay hindi lang tungkol sa matataas na grado. Ito ay tungkol sa disiplina, sa pananalig sa sarili, at sa paniniwalang ang bawat hirap ay may katumbas na tagumpay. At sa mga kapwa ko estudyante na minsan ay napapagod na rin, gusto kong sabihin: hindi ka nag-iisa. Lahat tayo ay may kanya-kanyang laban. Pero kung matututo tayong magtiwala sa ating sarili at sa plano ng Diyos, makakarating din tayo sa ating mga pangarap. Hindi madaling maging estudyante. Pero masarap sa pakiramdam na, sa kabila ng lahat, patuloy tayong lumalaban. Patuloy tayong umaasa. At patuloy tayong nangangarap.
Dahil darating din ang araw na tayo naman ang tutulong sa iba na abutin ang kanilang mga pangarap.