ANDAP NA SERBISYO
Ni: Alena
Inilimbag noong Enero 11, 2025
Nakakainis. Tunay na nakayayamot. Iyan lamang ang ilan sa tumpak na salita na maihahalintulad sa aandap-andap na kuryente rito sa lalawigan ng Palawan. Bunsod nito, ang National Electrification Administration (NEA) ay gumawa ng hakbang at ipinunto ang mga palyang paghawak ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) board of directors sa tatlong distrito.
Ayon kay Glaizy Javillonar, isang mamamayan ng bayan ng Roxas, aniya, “Mabuti na ‘yan na palitan sila dahil sa hindi magandang hatid nilang serbisyo. Panay patay-sindi pa ang kuryente, nakadadagdag sa matinding init ng panahon.” May punto ang kanyang saloobin sapagkat tunay na palaging palya ang hatid nito serbisyo sa buong lalawigan ng Palawan.
Dagdag pa rito ang naging tugon ng NEA sa pagkukulang ng dating board of directors ay nakikita ng ilan na hindi timbang.
Sa kabilang dako, iginiit naman ng PALECO ang madiskarteng papel nito upang masigurado ang sekuridad ng enerhiya at abot kayang serbisyo sa Palawan na mas binibigyang diin nito.
Gayunpaman, ipinaliwanag ng NEA ang dahilan ng pagpapaalis sa Board ay kailangan.
Ang nasabing hakbang ng NEA ay malinaw na nagpapakita ng pakay na palakasin at hindi pahinain ang electric cooperatives. Kaya’t ang nagawang aksyon nito ay isa lamang sa nararapat gawin sa hindi makatuwiran at andap na serbisyo.