Ang pilipinas ay kilala sa tropikal nitong klima. Dalawa lamang na panahon ang maari nating maransan sa klimang ito. Ito ay panahon ng tag-ulan at panahon ng tag-init. Ngunit may mga panahong maaaring bumaba o tumaas ang intensidad ng mga panahong ito na lubos na nakakaapekto sa ating bansa.
Tagtuyot dulot ng El Nino
Ang abnormal na panahon dahil sa pag-init ng Karagatang Pasipiko ay sanhi ng penomenang El Nino. Ito ay natural na nagaganap na mga pagbabago sa temperatura ng karagatan at atmospera, na may malaking implikasyon sa mga pattern ng panahon sa buong mundo. Ayon sa PAGASA, sa panahon ng El Nino, mas karaniwan ang pagbabago sa panahon, maagang pagtigil ng panahon ng tag-ulan, nababawasan ang pagtama ng mga bagyo, at pagbaba ng lebel ng dami ng pag-ulan. Bilang karagdagan, ang mga temperatura ay karaniwang mas mataas kaysa sa normal.
Sa normal na kondisyon ng panahon, ang tag-init ay umaabot lamang ng ilang linggo o buwan. Sa kabilang banda ang Penomang El Nino ay nagtatagal ng maraming buwan na nagdudulot ng mas malawak na pag-init ng karagatan na nagdudulot ng seryosong epekto sa ekonomiya at agrikultura sa ating bansa. Ang pinaka-kapansin-pansing epekto ng penomenang ito ay makikita sa karaniwang dami ng ulan kung saan bumaba sa pagtama ng El Nino. Ang mga karaniwang pagbabago sa pag-ulan na ito ay pinakanararansan sa pinakamatuyong anim na buwan ng taon, Disyembre hanggang Mayo. Sa panahon ng El Niño sa ating bansa, ang karaniwang buhos ng ulan ay bumababa ng 14 na porsyento sa Luzon, 21 porsiyento sa Visayas, at 35 porsiyento sa Mindanao.
Ano ang epekto nito?
Mula noong 1980 mayroong pitong malubhang kaganapan na dulot ng penomenang El Nino. Noong 1982–1983, ang mga tagtuyot na nauugnay sa El Niño ay nakaapekto sa 450,000 ektarya ng lupang sakahan sa Pilipinas. Ang pinakamatinding El Niño ay naganap noong 1997–1998, nang bumagsak ang ulan sa kalahati ng makasaysayang antas, na nagdulot ng tagtuyot sa dalawang-katlo ng bansa. Nagdulot ito ng mga sunog sa kagubatan na sumira sa halos 10,000 ektarya ng mga natural na kagubatan. Noong 2015–2016, ang tuyong kondisyon ng El Niño ay tumagal ng 18 buwan at naapektuhan ang halos isang-katlo ng bansa. Sa kabuuan, anim na lungsod, 16 probinsya, at 65 munisipalidad ang nagdeklara ng state of calamity. Pagsapit ng Mayo 2016, mahigit 400,000 magsasaka at 550,000 ektarya ang direktang naapektuhan ng tagtuyot na dulot ng El Niño. Sa pangkalahatan, ang pinakahuling kaganapan ng El Niño noong 2015–2016 ay nagdulot ng $327 milyon sa pagkalugi sa produksyon ng agrikultura.
Tunay na nakakabahala ang epekto nito sa atin lalo na sa mga hanap buhay ng tao sa ating bansa. Maaari ito makaapekto sa produksyon ng pananim dahil nakakagambala ito sa normal na pattern ng panahon. Higit na partikular, ang El Niño ay lumilikha ng mga kakulangan sa tubig. Ang kakulangan ng tubig ay nakakabawas sa mga lugar na maaaring pagtamnan, ito rin ay nakakaantala ng mga panahon ng pagtatanim, at sa pangkalahatan ay nagpapababa ng mga ani ng pananim. Bukod pa rito maaari ring maapektuhan ang mga palaisdaan kung saan posible itong magsanhi ng pagkapatay ng maraming isda dahil sa pagtindi ng init. Mayroong ding ilang mga panganib na nauugnay sa mainit na panahon, at ang hindi pagpansin sa mga ito ay maaaring humantong sa mga malubhang problema sa kalusugan. Dapat kang mag-ingat sa mga nakamamatay na sakit tulad ng heat stroke, dehydration at mga sakit sa balat tulad ng bungang araw.
Sa kasalukuyan ang ating bansa ay gumagawa ng aksyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga patakaran upang tumugon sa maaaring maging epekto ng El Nino sa ating bansa. Gayunpaman, hindi ito sapat upang mapunan ang mga pagkalugi dulot ng El Nino. Kaya nararapat lamang na mas pagigtingin pa ang mga polisiya at aksyon na maaaring gawin ng bansa upang mas mapaghandaan ang mga epektong ito. Mahalaga ito, dahil ito ay karaniwang nararanasan ng ating bansa, partikular na sa mga populasyon sa kanayunan, at ito ay lubhang nakakaapekto sa sektor ng agrikultura sa pambansang ekonomiya. Sa hinaharap, may mga pagtatayang iminumungkahi na maaaring maging mas malala ang mga susunod na epekto ng penomenang ito.
Sa panunulat ni Criszha Mae A. Rull