Ang pagbabaha sa Pilipinas ay isa sa mga mahahalagang isyung pangkapaligiran na kailangang solusyunan. Nakararanas nito ang Pilipinas bunsod ng malalakas na bagyo at ulan na pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) lalo’t higit pag panahon ng tag-ulan na nagsisimula kadalasan sa buwan ng Hunyo.
Ang Pilipinas, isang arkipelago at dahil sa heograpikal na lokasyon nito sa Timog Silangang Asya na napapaligiran ng iba't ibang malalawak na anyong tubig, ay isa sa mga bansang madalas na hinahagupit ng mga bagyo, pag-ulan, at binibiktima ng pagbaha. Tayo ay nasa Pacific Ring of Fire kung saan talamak ang mga likas na kalamidad.
Taon-taon, maraming mga lugar ang nakakaranas ng pinsala at kahirapan dulot ng pagbaha. Marami ang inililikas, nasasalanta ang mga kabuhayan at ang pinakamalungkot ay may mga namamatayan ng mahal sa buhay. Dagdag pa, ang mga pagbaha ay maaaring magresulta sa flash floods o lahar flows na maaaring makapinsala sa mga lugar na malayo sa sentro ng bagyo. Nasaksihan natin ang mga malalakas na bagyong nagdulot ng pagbaha: (1) Typhoon Ondoy (2009): Ang pagbaha ay nagresulta sa flash floods sa Marikina City at iba pang mga lugar sa Metro Manila, kung saan ang ilang mga bahagi ng kabisera ng Pilipinas ay nalubog sa hanggang sa 20 pies (6 metro) ng tubig; (2) Tropical Storm Washi o Sendong (2011): Ang may pinakamatinding pagbaha na nakita sa Mindanao na nagresulta sa flash floods. Ang pagbaha ay kumitil ng mahigit 1,000 buhay; (3) Super Typhoon Haiyan o Yolanda (2013): Ito ang pinakamalakas na bagyo kung saan ang hangin ay humahantong hanggang sa 235 mph (380 km / h); at (4) Typhoon Ondoy (2009): Ang pinakamalakas na bagyo sa Metro Manila sa loob ng maraming dekada. Ang pagbaha ay nagdulot ng mahigit 400 buhay at marami pang mga kabahayan at kalsada ang nasira.
Ang problema ng pagbaha ay lalong makaapekto sa bansa kung hindi maaaksyunan o mabibigyan ng agarang paunang lunas. Bilang solusyon sa pagbabaha, maipapayo ang mga sumusunod. Una, itigil ang mga gawaing nakapagdudulot ng baha gaya ng pagkalbo sa mga kagubatan o illegal logging at pagtambak ng mga basura sa tubig-dagat. Pangalawa, kinakailangan nating palakasin mismo ang ating kapaligiran. Magtanim ng maraming puno na siyang kayang sumipsip sa mga tubig-baha. Dapat palagian ang paglilinis ng mga ilog, dams, kanal at iba. Ikatlo, ‘di lamang mga imprastruktura ang kinakailangang matitibay kundi pati na ang mga bahay at mga bakuran. Kung gagawin natin ito, maiiwasan ang matitinding pinsala.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mamamayan, ng mga pinuno at ahensya de-gobyerno, malilimitahan natin ang matitinding epekto ng pagbaha sa Pilipinas. Kaya naman, hindi dapat kalimutan ang bahagi ng bawat isa sa atin upang labanan ang mga sakuna kahit ito man ay likas. Magbigay-ambag tayo ng ating talino, lakas at pagmamalasakit upang moslusyunan ang problema ng pagbabaha sa Pilipinas.
Sa panunulat ni Calla Thea D. Noche