The Templar, dumalo sa taunang DSJC ng UPD
November 17, 2024Michael Rivera
Michael Rivera
Nakiisa ang pahayagang The Templar sa ginanap na 2024 Ditto Sarmiento Journalism Cup (DSJC) Writing Bootcamp na inilunsad ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman campus (UPD), sa pamamagitan ng online meeting nitong lunes, ika-4 ng Nobyembre.
Nagbigay lamang ng pagkakataon ang UPD na idaos ang DSJC sa pamamagitan ng online meeting platform na Zoom, matapos mapuno ang mga onsite slots nito.
Pinangunahan ng Punong Abala ng 2024 DSJC na si John Florentino Perez ang pambungad na talumpati na naglalayong hikayatin ang mga mamamahayag na pangkampus na gamitin ang kanilang boses nang malaya at may katarungan upang magpalaganap ng katotohanan.
“Pagyamanin ang kakayahan sa pagpapahayag at kumilos tayo para sa katotohanan at katarungan,” ani Perez sa kaniyang talumpati.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng tungkulin na sugpuin ang ‘fake news’ na nakakaapekto sa kabataan at lumalaganap sa mga social media.
Sinundan siya ng pinakaunang tagapagsalita na isang National Spokesperson ng College Editors Guild of the Philippines, na si Brell Lacerna, kung saan tinalakay niya ang papel ng kabataan sa eleksyon ng ating bansa at ang kahalagahan ng mamamahayag na pangkampus.
Samantala, nagbigay ng kaalaman at mga payo ang ikalawang tagapagsalita na isang Community Editor ng Explained Philippines (ExplainedPH), Alvin James Magno patungkol sa pagsulat ng mga nakakapukaw-atensyon na balita.
“News Writers must be aware and maalam sa mga societal and relevant issues at all times,” payo ni Magno sa mga kapwa-manunulat.
Ipinaliwanag naman ng ikatlong tagapagsalita na Multi-peat National School Press Conference Champion (NSPC) sa larangan ng pagsulat ng editoryal, Mark Lester Cruzet ang iba’t ibang uri ng editoryal at kung paano bumuo nito.
“Sa pagsulat ng isang Editoryal, lagi dapat maging armado ng armas(kaalaman), sapagkat ito ay ang paghihimay ng mga kaalaman sa mga napapanahong isyu na kailangan solusyunan,” saad ni Cruszet.
Nang matapos talakayin ang Editoryal, inihiwalay ang mga talakayan nina: Assistant Professor ng UP Diliman, Ronin Bautista ukol sa Photojournalism, Editorial Production Assistant ng Philippine Daily Inquirer, Ian Raphael Lopez ukol sa Publication Layout, at ng isang NSPC judge at Independent Cartoonist na kilala bilang “ISANG TASANG KAPE” ukol sa Editorial Cartooning upang mabigyan ng pagkakataon ang mga dumalo na pagyamanin ang kanilang kaalaman hinggil sa kani-kanilang mga kategorya.
Gayunpaman, muli silang nagsama-sama upang pakinggan ang ikaapat na tagapagsalita na isang Assistant Professor ng UP College of Mass Communication, Adelle Chua kung saan tinalakay niya ang kalayaan ng pagsulat ng lathalain.
"The range and freedom of feature are broad, and it is up to us journalists to make use of that freedom,” ayon kay Chua.
Tinapos ng Professorial Lecturer, UP College of Mass Communication, Tessa Jazmines ang DSJC 2024 sa pagtalakay ng importansya at kasaysayan ng pagsulat ng balitang pampalakasan.
“Sports is fun, unites, and helps form new friendships and relieve classroom stress,” saad ni Jazmines.
Inanunsyo na ipagpapatuloy ang paligsahang pangkampus ng DSJC 2024 sa katapusan ng Nobyembre o sa paparating na buwan ng Disyembre.