Taunang Misa ng Banal na Espiritu, Idinaos ng Letran Manila
AUGUST 12, 2024Stephen Ray Pastrana
Stephen Ray Pastrana
MANILA, Philippines — Sinalubong ng Colegio de San Juan de Letran - Manila ang pagbubukas ng taong panuruang 2024-2025 sa isang banal na misa sa Banal na Espiritu. Ito ay pinangunahan ni Rev. Fr. Raymund Fernando P. Jose, OP ngayong Lunes, Agosto 12, 2024 sa Student Center (SC) Auditorium.
Nagtipon-tipon ang mga kaparian, empleyado, guro, support staffs, at mga piling mag-aaral ng Kolehiyo. Kasama rin ang Letran Senior High School Student Council (LSHSSC) bilang kinatawan ng mga mag-aaral mula sa departamento ng Senior High School.
Sa homiliya ng banal misa, tinalakay ni Rev. Fr. Patrick Hiwatig, OP ang mga katangiang dapat taglayin ng isang Letransita lalo na sa pagkakaroon lagi ng gabay mula sa Panginoon.
“Sana maramdaman lagi ang Arriba Spirit nating mga Letranista. ‘Yun bang matalino—matalino sa pag iwas ng masama at matapang sa pagsulong sa nakabubuti para sa serbisyo sa Diyos, sa bayan, at sa kapwa,” saad ni Rev. Fr. Hiwatig.
Samantala, sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ni G. Charlie Bautista, tagapayo ng St. Vincent Liem de la Paz Youth Ministry na ang misa sa Banal na Espiritu ay mahalaga sa pagbubukas ng panuruang taon. Lalo na at ito ay tradisyon na sa mga katolikong paaralan.
“‘Pag sinabi kasi nating Holy Spirit, beginning, parang parallel siya sa opening ng school year…beginning ng school year,” ani Ginoong Bautista.
Idinaraos ang banal na misa ng Espiritu Santo taon-taon bilang takda ng opisyal na pagbubukas ng bagong panuruan sa Kolehiyo.